Compiled Stories

681 Words
Aswang Ito ay kwento ng aking Mama tungkol sa isang kabarangay daw nila noon sa probinsya na nakakapagbagong anyo mula tao pa-baboy ramo. Minsan daw sa isang byahe ay tumigil daw ang kanilang jeep pansamantala sa tabi ng ilog. 'Yong kabarangay daw nilang pinaghihinalaang aswang ay dumadaing na nagugutom na raw siya. Paalis na sana ang jeep ngunit wala pa 'yong kabarangay nilang "aswang". Hinanap daw nila ito at sa 'di kalayuan ay may nakitang isang itim na baboy na kumakain ng d**o. Pinaigting nito ang kanilang paniniwala na aswang nga ang kabarangay nilang iyon. Sa iba pang kwento, ang nasabing "aswang" ay pinaghihinalaang kinain daw ang kanyang pamilya sa sobrang gutom nito. Mahirap paniwalaan ang kwentong ito ngunit noon pa ma'y sumasagi na sa isip ko, "Paano kung ang mga aswang ay isa sa mga species ng mga tao? Hindi ba't hayop din naman tayo? At ang mga hayop ay may iba't-ibang species?" Isang tanong na mahirap hanapan ng sagot. Reyna ng mga Ahas Bata pa lang ako'y nakwento na sa akin ni Mama ito. Mangha-mangha ako nang ikwento niyang minsan daw na nasa tabing-ilog siya'y may lumapit sa kanyang ahas na may tatlong tila holen sa ulo nito. Sa sobrang takot niya'y binugaw niya raw palayo ang ahas. Pagkauwi raw niya'y kinwento niya raw sa isa niyang lola ang naganap. Nabigla raw ang kanyang lola't sinabing binibigyan daw siya ng kapangyarihan ng nasabing ahas. Kung kinuha raw ni Mama ang tatlong holen sa ulo ng ahas, siya raw ay ituturing ng lahat ng ahas na Reyna nila. Sa isang hudyat lang daw ni Mama'y maaari siyang tumawag ng ahas at utusan ito ng kahit ano. Nanghinayang daw si Mama matapos niyang malaman ang kwento sa likod ng ahas na may tatlong holen sa ulo. Maging ako'y nanghinayang din kung totoo nga ito. Tiktik Talamak na ang mga kwento tungkol sa mga malignong umaatake sa gabi upang kainin ang mga sanggol na nasa sinapupunan ng mga buntis. Kahit saang lugar sa Pilipinas, may sariling bersyon ng ganitong kwento. At maging sa Kamaynilaan ay hindi ito mawawala. Nakatira kami noon sa Sampaloc, Manila. Double-deck ang kamang hinihigaan ko't nakapwesto ako sa taas. Ang gilid ng mismong hinihigaan ko ay bintana na tanaw ang mababang bubong ng aming kapitbahay. Ang nasabing bubong ay maaaring tapakan ng tao dahil may sampayan dito. Mayroon kaming dalawang kapitbahay na buntis noon. Kinaumagahan paggising ko'y tinanong ako ni Mama kung may naramdaman daw ba akong dumaan sa bubong no'ng gabi. Ang sabi ko'y hindi ko alam. Saka kinwento sa akin ni Mama na 'yong isa naming kapitbahay ay kinatok daw ng isang tila lalaking sobrang itim at pula ang mata. Nang makita raw ng "tiktik" na nagising 'yong kapitbahay namin, dali-dali raw itong tumakbo at dumaan sa bubong sa tabi ng bintana namin. Sa totoo lang ay kinabahan ako no'n at 'di ako natulog sa kama ko kinagabihan. Higanteng Pusa Ito ay isang pangyayari na ‘di ko maipaliwanag kung nangyari ba dahil bata kami o dahil tinatakot lang kami ng matatanda. Isang gabi sa Sampaloc, Manila, matapos naming maglaro’y nagdesisyon kaming magkakaibigang umuwi na. Hindi agad kami nakauwi dahil sa takot—may nakita raw na malaking pusa ang isa naming kalaro! Agad kaming bumalik sa compound na aming pinaglalaruan at kinwento ito sa mag-asawa’t kay Ryan na kapitbahay namin. Ayon sa mag-asawa’y nakita rin daw nila itong tumatakbo sa mga bubong. Nakita rin daw ito ni Ryan at sabi niya’y dapat naming habulin ito. Ayon kay Ryan, nakita niya raw itong may kagat-kagat na tsinelas. Nag-ala-pulis kaming mga magkakalaro no’n at inimbestigahan ang mga naganap. Napagdesisyunan naming bumalik sa lugar malapit sa puno ng mangga kung saan diumano’y nakita ang pusa. Laking gulat namin nang makakita kami sa baba ng puno ng isang pirasong tsinelas—ang diumano’y tangay ng pusa. Nagsitakbuhan na kaming lahat pauwi dahil sa takot. Sa tingin ko’y tinakot lang kami ng mga matatanda para kami’y umuwi na dahil gabi na. May mga paliwanag sa mga tila ‘di kapani-paniwalang pangyayari. Kailangan lang daigin ang takot para mangingibabaw ang katotohanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD