(Sorry Mama kung laman ka ng kwento ko ngayon. Pero at least totoong nangyari ito. Gusto ko lang ishare sa mga mahilig magbasa diyan. :) Kung san ka man ngaun alam ko masaya ka na..)
Unang gabi ng lamay ng mama ko November 16, 2010 ang lahat ay abalang abala sa harap ng bahay kung san naroon ang burol. Kwento ng lola ko habang ang lahat ay nasa harap ng bahay at ako'y natutulog dahil hindi mapigilan ang antok at pagod sa pagaasikaso ng death certificate ni mama sa san fernando at dahil din sa isang linggong pagbabantay kay mama sa ospital na halos hindi matulog. Bandang 10 ng gabi habang ako'y nahihimbing, meron tumatawag kay lola, hinanap nya ang boses na yon ngunit bigo siyang makita. Ang tanging kanyang narinig ay ang hagulgol na tila galing sa pamilyar na hikbi. Ang hikbi ni mama. Ang sabi ni lola sa kanya, "May, anong nangyari sa iyo? wag ka nang umiyak kung nasan ka man ngayon tanggapin mo ng maluwag sa dibdib mo. Hindi ko naman pababayaan ang mga anak mo. Sinabi ni lola kay mama habang nangingilid ang mga luha. Hindi pa rin tumigil sa hikbi si mama na tila hindi matanggap ang nangyari sa kanya.
Hindi pa handa si mama iwan kami. Lalo na't bata pa ang bunso kong kapatid at spoiled kay mama. Kaya alam kong hindi nya matanggap ang nangyari. Kinabukasan kinwento ni lola sakin ang nangyari at pagkatapos napaisip ako at biglang may namuong luha sa gilid ng mata ko dahil nung gabing un napanaginipan ko si mama magkausap kami at ang sabi nya nakaligtas sya sa sakit na cancer. Ng araw na iyon birthday ni mama nagluto sila ng konti para sa kanya, ang paborito nyang pancit. Siyempre ako busy pa rin ang lola kaya nasa san fernando na naman kami ni papa para sa bill naman. Pag uwi namin ni papa ng 7pm hindi na ako nakakain nagpahinga ako saglit at hindi namalayang nakatulog na. Nagising na lang ako ng 4am. Bumangon ako dahil may inaasahan akong bisita, ang mga katrabaho ko. Hindi naman nagtagal dumating din sila, isa sa mga katrabaho ko ang hindi ko alam ay may 3rd eye pala. Kwento nya sakin may babaeng nakatayo sa likod ko. Hindi si mama ang babaeng iyon pero nakangiti daw ito sa kanila.
Syempre kahit hindi ako naniniwala sa mga multo, kahit papano nakaramdam parin ako ng kilabot. Akala ko yon na ang pinakanakakakilabot na mararamdamam ko ng sandaling yon. Biglang nawalan ng power supply, hindi ko alam kung nagkataon lang ulit yon. Takot na takot akong lumapit kay mama. Malikot ang aking isip kaya kung ano ano ang naiimagine ko. At napagdesisyunan kong lumapit para sindihan ng kandila si mama. Samantala nagising naman ang kapatid kong natutulog sa kwarto ko dahil sa takot. Sigaw siya ng sigaw habang tinatawag ako.
Araw ng libing ni mama tila nakikidalamhati din ang buong kalangitan sa pagkawala nya. Madilim ang kalangitan may kasamang mahihinang patak ng ulan. May pamahiin din sila na dapat merong maiwan para maglinis ng bahay at dapat ay hindi kamag-anak. Nirespeto ko ang pamahiin na iyon. Habang naglilinis si ate inday (hindi tunay na pangalan) meron siyang narinig na paswit at maya maya'y may kumalabit sa kanya. Lumingon sya sa kanyang likuran ngunit wala ni isang tao sa kanyang likod. Tinanong niya ang kasama nya kung yon ang kumalabit ngunit hindi daw ito. Nung ikwento sakin iyon ni ate inday natawa ako at medyo naluha. Naisip kong marahil yun ang way ni mama para magpasalamat.
Ilang gabi rin simula ng hinatid si mama sa kanyang huling hantungan, nagpaparamdam siya hanggang sumapit ang ika-40 days niya. Madalas nagpaparamdam si mama hindi lamang kay lolo at lola kundi pati sakin at lalo na kay papa. Tuwing napapaginipan ko si mama ay eksaktong damit na nung araw na pumanaw sya ang suot nya. Bakas sa mukha nito ang lungkot sa maagang pagpanaw.
40th day ni mama, pagod ang lahat sa paghanda ng makakain at sa pagasikaso ng mga bisitang dumalo sa misa. Pagkatapos ng konting salo salo nagpahinga na ang lahat. Habang nagpapahinga si papa sa kanyang silid, may tila amoy sampagita ang dumaan sa gilid ng hinihigaan nya saglit lang iyon at hindi nagtagal. Naluha siya dahil alam niyang si mama yon at nagpa-paalam na. Nung gabi ding iyon napaniginipan ko naman si mama na nakangiti na sakin at maaliwalas na ang kanyang mukha, nakasuot ng puting damit at mahaba. At alam kong masaya na siya hanggang ngayon.