CHAPTER 10

1738 Words
MABILIS na lumipas ang mga araw at hindi namalayan ni Earl na isang buwan na siyang performer sa boyslive.com. Gamay na niya ang pagla-live show kasama si Liam. Natutunan na niya ang kalakaran sa trabaho nila. At naging maganda rin lalo ang samahan nilang dalawa. Tuluyan nang nawala ang ilang sa pagitan nila at sa loob ng isang buwan ay naging close na agad sila. Wala nang hiya-hiya. Parang ang tagal na nga nilang magkakilala, e. Sabado nang araw na iyon. Lumabas silang dalawa ni Liam para tignan kung na-i-deposit na sa account nila ang kani-kanilang sahod. Isang buwan na kasi, payout na nilang dalawa. Sa mall nila napagdesisyonan na i-check ang kani-kanilang account. Si Liam ang naunang gumamit ng ATM at nakangiti ito pagkatapos. Twenty thousand ang na-withdraw nito. Nang siya naman ang magwi-withdraw ay tinuruan muna siya nito at ganoon na lang ang saya niya nang malaman niyang meron din siyang twenty thousand sa kanyang account. “Sabi ko sa iyo, e. Doble ang kita kapag couple performer. Noong mag-isa lang ako, malaki na ang fifteen thousand. So, naka-forty thousand pala tayo this month kaya tig-twenty tayo. Not bad. Galingan pa natin sa susunod, ha!” sabi nito habang naglalakad na sila palayo sa ATM. “Hindi pa rin talaga ako makapaniwala, Liam, na may ganito ako kalaking halaga ng pera na hawak. Magshe-share na ako ng upa sa apartment tapos iyong matitira ay ipapadala ko sa amin. Siguradong matutuwa nito sina nanay at tatay. Magaling na naman ang tatay kaya lahat ng perang ito ay mapupunta sa kanila. Salamat talaga sa iyo, Liam!” Masaya niyang sabi. Para siyang nananaginip lamang. Ngayong kumikita na siya ng malaki, pwede na niyang ipagawa ang bahay nila. Tapos magtatayo siya ng negosyo sa probinsiya nila para hindi na nagsasaka at nangingisda ang kanyang tatay. Biglang humarang si Liam sa daraanan niya at pinatigil siya sa paglalakad. “Sandali. Sigurado ka bang ipapadala mo ang lahat ng matitira kapag nag-share ka na sa upa?” Kunot ang noo nitong tanong. “Oo.” Alanganin siyang tumango. “Bakit?” “Hindi naman sa nangingialam ako pero mangingialam na ako. Two thousand lang naman ang share mo sa apartment. Bakit hindi ka magtira para sa sarili mo? Tandaan mo, kailangan mong kumain at bumili ng mga personal na kailangan mo. Ano kaya kung… iyong sampung libo lang muna ang ipadala mo sa family mo. Iyong eight thousand ay para sa iyo.” “Pero…” “Alam mo, kailangan mong i-enjoy ang una mong sahod!” Bigla siyang inakbayan ni Liam at hinila na siya nito habang naglalakad. “Ililibre kita ng lunch ngayon. Tapos, mag-shopping ka ng mga damit mo para hindi ka nanghihiram sa akin!” Napatingin tuloy siya sa suot niyang damit. Hiniram niya kasi iyon kay Liam. Nang paalis na kasi sila kanina para mag-mall ay pinagpalit siya nito. Kupas na daw kasi ang suot niyang damit. Mabuti na lamang at may mga damit itong luma pero maganda pa na kasya sa kanya. “Bakit? Ayaw mo na ba akong pahiramin?” “Hindi naman sa ganoon. Para may sarili ka ring gamit. Saka, magpagupit ka nga! Dapat mas magpagwapo ka na dahil iyan ang puhunan natin. Gusto mo ba na katulad nitong buhok ko?” “Ano bang tawag sa gupit mo?” “Under cut. Ano? Gusto mo ba ng ganito?” “Oo. Mukhang bagay sa akin iyan…” “Tama ka. Pero mas bagay ako sa iyo…” Medyo mahina ang pagkakasabi niyon ni Liam kaya parang dumaan lang sa tenga niya ang sinabi nito. “Ha? Anong sabi mo?” “Wala! Ang sabi ko, maghanap na tayo ng makakainan at nagugutom na ako!” -----***----- SA isang baby back ribs restaurant na nasa mall dinala ni Liam si Earl. Baka kasi hindi pa ito nakakakain sa ganoong kainan kaya doon niya ito dinala. Matapos niyang umorder ng pork baby back ribs, beef steak, tuna belly at kanin ay kinausap muna niya ito tungkol sa pangingialam niya kanina kung paano nito gagastusin ang pera nito. “Hindi naman ba masama ang loob mo dahil nakialam ako sa kung paano mo gagastusin 'yong pera mo?” seryosong tanong niya. Baka kasi napilitan lang ito na sumang-ayon sa kanya kaya mas mabuti kung kakausapin niya ito tungkol doon. Mariing umiling si Earl. “Uy, hindi naman. May point ka rin naman, e. Dapat mag-ayos na ako ng sarili ko lalo na’t ito ang puhunan ko sa trabaho natin. Aba’y gusto ko rin naman maging kasing-gwapo mo.” “Binola mo pa ako! Gwapo ka na naman, e. Kailangan lang i-enhance.” “Totoo ba 'yang sinabi mo?” Nag-pogi pose pa ito sabay tawa. “Sa susunod na buwan na lang ako babawi kina nanay ng pagpapadala. Gusto ko kasi, e, mapagawa iyong bahay namin doon sa Batangas. Para hindi na sila lumilikas sa kung saan kapag bumabagyo at bumabaha.” “Maganda iyan.” Naputol ang pag-uusap nila nang dumating na ang mga inorder nila. “Kain na tayo! Gutom na talaga ako. After nito, mamimili na tayo ng damit mo tapos magpapagupit ka na.” “Sige.” Dahil sa gutom na talaga si Liam ay napunta na sa pagkain ang kanyang atensiyon. Sarap na sarap talaga siya sa pagkain sa restaurant na ito. Hindi ganoon kamahal tapos quality pa ang mga pagkain. Naghihiwa na siya ng beef steak nang matigilan siya. Paano ay nakita niya si Earl na nakatingin lang sa pagkain nito. “Hoy… Bakit? 'Di mo ba gusto?” tanong niya sabay nguso sa pagkain. “Ah, e… Hindi…” “E, bakit hindi mo ginagalaw?” Napansin niya ang paglunok ni Earl. Bahagya itong dumukwang sa kanya at bumulong. “Hindi kasi ako marunong gumamit no’ng mga kubyertos. Natatakot akong hiwain iyong karne at baka tumalsik. Nakakahiya kapag nangyari iyon.” Hindi tuloy malaman ni Liam kung matatawa o maaawa siya kay Earl. Nginitian na lang niya ito at kinuha ang plato. Siya na ang naghiwa ng karne nito sa maliliit na piraso. Matapos iyon ay ibinalik na niya ang pagkain nito dito. “'Ayan, hindi mo na kailangang hiwain iyan. Bite size na iyan.” Nagpasalamat sa kanya si Earl at kumain na rin ito. Habang kumakain silang dalawa ay hindi niya maiwasan ang hindi ito sulyapan. Hindi lang pala ito inosente, ignorante rin ito. Mukhang marami pa siyang dapat ituro dito. Pagkatapos nilang kumain ay nagkwentuhan muna sila habang nagpapababa ng kinain. Maya maya ay nagpunta na sila sa department store upang mamili ng damit ni Earl. Walang pagsidlan ang tuwa nito habang namimili ng damit at pantalon. Dalawang damit, dalawang pantalon at dalawang shorts ang nabili nito. Binilhan niya rin ito ng isang sneakers para may maganda itong sapatos. Noong una ay tinanggihan nito ang sapatos ngunit naging mapilit siya. “Sa salon naman tayo. Alam ko meron dito sa third floor, e,” aniya. “Salon? Hindi sa barber shop? Pambabae lang iyon, 'di ba?” “Ano ka ba? Hindi… Pwede rin sa salon ang mga lalaking katulad natin. Mas okay ang gupit doon saka ililibre kita ng hair color.” “Naku, 'wag na, Liam. Ako ay nahihiya na sa iyo. Nilibre mo na nga ako ng sapatos tapos ngayon naman ay pagpapakulay sa buhok. 'Wag na--” “Earl, hayaan mo na ako. Natutuwa lang ako na nakilala kita.” “Bakit naman?” Sumakay na sila ng escalator paakyat ng third floor. Kasi muli mong pinatibok ang puso ko… Mga salitang hindi niya isinatinig at sa isip lang niya sinabi. “Kasi nagkaroon agad ako ng partner sa boyslive.com. Hindi na ako nahirapan sa paghahanap.” Bagkus ay sabi niya. Naglakad-lakad na sila sa third floor hanggang sa makakita sila ng isang salon. Pagpasok nila doon ay napansin niya agad na iba ang tingin sa kanila ng apat na baklang hairdresser na naroon. Lalo na kay Earl na hindi man lang nakakahalata sa malalagkit na tingin dito ng mga bakla. “Hello po, sir! Welcome to Your Hair Salon!” salubong sa kanila ng isang bakla. “Haircut, please. Dito sa kasama ko. Katulad nitong sa akin. Tapos hair color na rin. Tanungin niyo na lang siya kung anong kulay gusto niya.” Mabilis na sabi niya. Imbyerna agad siya sa bakla dahil pasulyap-sulyap ito kay Earl. Halatang gusto nito ang kasama niya. “Okay po… Kami pong bahala sa kanya!” anito sabay harap kay Earl. Kulang na lang ay bumuga siya ng apoy sa inis nang hawakan ng bakla sa braso si Earl at nagpa-cute pa talaga. “Sir, shampoo po muna tayo, ha?” Tumingin sa kanya si Earl na para bang nagpapatulong ito. Tinanguhan lang niya ito na parang sinasabi niya na okay lang. Sumama naman ito sa bakla upang i-shampoo na ang buhok nito. Siya naman ay naupo muna sa waiting area at kumuha ng magazine at nagbasa-basa. Nang magsawa sa pagbabasa ay nag-f*******: muna siya sa kanyang cellphone. Hindi na lang niya tinitignan si Earl dahil baka hindi na siya makapagpigil at may magawa pa siyang hindi maganda sa mga baklang nagpapakita ng interes dito. Alam naman niya sa sarili na naiinis siya, nagseselos siya. Siya lang ang pwedeng humawak kay Earl! Argh! Tumigil ka nga, Liam. Hindi mo pag-aari si Earl at hindi naman kayo kaya 'wag kang umakto na parang kayo! Saway niya sa kanyang sarili. Tutok na tutok siya sa kanyang cellphone nang bigla niyang marinig ang boses ni Earl na tinawag ang kanyang pangalan. Nasa harapan na pala ito at tapos na itong gupitan at kulayan ng buhok. Napanganga siya nang makita niya ang hitsura nito. Muntik na niyang mabitawan ang hawak na cellphone dahil tila nawala siya sa kanyang sarili. Napaka gwapo nito! Mas lalo itong gumwapo sa bago nitong look! Bihisan lang ito nang maayos ay marami na itong papataubing mga artistang lalaki. Shit! Ang gwapo mo, Earl! Sigaw niya sa kanyang utak. “Pasensiya ka na. Nakipag-picture pa kasi sa akin iyong mga gumupit sa akin kaya natagalan…” Kakamot-kamot sa ulo na sabi nito. “Bagay ba sa akin, Liam? Hindi ba pangit?” tanong pa nito. Napatayo siya sa kanyang pagkakaupo. Hindi maalis-alis ang mata niya kay Earl. “A-ang gwapo mo!” Hindi napigilang bulalas niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD