NAPANSIN ni Liam na nakatingin si Earl sa gitarang naka-display sa isang store sa mall. Gaya ng nakasanayan, nasa mall sila dahil Linggo. Iyon ang rest day nila at araw na hindi sila nag-o-online sa boyslive.com. Isa iyon sa kagandahan sa trabaho nila. Nasa kanila kung gusto nilang mag-show o hindi. Hawak nila ang kanilang oras kumbaga.
Iniwan niya saglit si Earl upang bumili ng maiinom at pagbalik niya ay nakita niya itong ganoon. Sa pagkakatingin pa lang nito sa gitara ay alam niyang gusto nito iyon.
Bahagya pa itong nagulat nang akbayan niya ito at iabot ang inumin. “O, alam ko nauuhaw ka na kanina pa. Nakakapagod din maglakad-lakad dito, 'no?” Masayang sabi niya.
“Oo nga. Salamat. Tara na,” yaya nito sa kanya.
“Gusto mo iyong gitara, 'no? Marunong ka bang gumamit no’n?” tanong ni Liam habang naglalakad na sila palabas. Pauwi na sila dahil malapit na ring magsara ang mall.
“Oo naman. Paggigitara ang libangan ko kapag ako ay nabuburyong sa amin. Pero saka ko na bibilhin iyon kapag ako ay may sobrang pera na. Uunahin ko munang matapos iyong bahay namin.”
“Bait naman talaga!” Tinapik-tapik niya sa balikat si Earl.
Paglabas nila ng mall ay huminto muna sila sa paglalakad. Parang ayaw pa niyang umuwi. Parang may gusto pa siyang punatahan tutal ay maaga pa naman. Kaya naman inaya niya si Earl na pumunta sa isang resto-bar na malapit lamang. Pumayag naman ito at nagpunta na silang dalawa doon. Isang bucket ng beer at pulutan na lumpiang shanghai at fries ang in-order nila. Pampaantok lang bago sila umuwi ng apartment.
“Liam, hindi mo ba naisip na umalis sa boyslive?” Napahinto siya sa pag-inom ng beer sa tanong na iyon ni Earl.
Seryoso ang mukha nito na parang bang matagal na nito iyong gustong itanong sa kanya. Tila ngayon lang ito nagkaroon ng lakas ng loob. Napaisip tuloy siya nang wala sa oras dahil doon. Oo nga, 'no… Parang minsan ay hindi niya naisip na umalis sa ganoong klase ng trabaho. Ang nasa isip niya kasi, maganda naman nag kita sa paghuhubad at pagsho-show online. Nabubuhay niya ang kanyang sarili dahil doon kaya bakit siya aalis.
Ibinaba niya sa lamesa ang bote ng beer. “Bakit mo naman naitanong iyan? Gusto mo na bang mag-quit?” tanong naman niya dito.
Malalim na huminga si Earl sabay sandal sa upuan. “Ewan. Parang… oo. Kasi hindi siya normal na trabaho. Isa pa, lumiliit kasi tingin ko sa sarili ko kapag ganoong may nanonood sa akin na maghubad tapos binabayaran pa ako. Ah, ewan!” Umiling ito sabay tungga sa beer.
“Alam mo, isipin mo na lang pamilya mo.”
“Gusto ko kasing magbagong-buhay na kapag nakaipon na ako ng malaki. Iyon bang mag-negosyo na lang ako sa probinsiya namin…” Lumungkot ang mukha niya sa sinabi nito. Sa sinasabi kasi nito parang iiwanan na siya nito kapag nakaipon na ito. Tila napansin naman ni Earl ang lungkot sa kanya. Ngumiti ito. “Siyempre, isasama kita sa pagbabagong-buhay. Ayoko rin naman na habangbuhay kang nasa ganiyang trabaho.”
“Talaga? Isasama mo ako sa inyo tapos doon na tayo titira? Anong sasabihin mo sa nanay at tatay mo?”
“Siyempre, dahan-dahanin ko muna pagpapakilala. Una friends tapos close friends… tapos…” Ibinitin nito saglit ang sasabihin. “Asawa.”
Hindi napigilan ni Liam ang mapahagikhik sa kilig sa sinabi ni Earl. Para siyang teenagaer na babae na nililigawan ng crush nito sa kanyang ngiti. “Alam mo, ikaw… lasing ka na agad. Hindi mo pa nga ubos 'yang beer mo!”
“Hoy, hindi ako lasing. Malakas yata ako sa alak dahil laki ako sa Batangas!”
“Ang yabang naman! Pero, kinilig ako sa sinabi mo. Sana totoo.”
“Totoo iyon. Ngayon ko lang kasi naramdaman ang ganito. Iyon bang magmahal ka ng ibang tao bukod sa pamilya mo. Ang sarap pala sa pakiramdam lalo na’t ikaw ang una kong nakikita sa paggising ko sa umaga at huli naman bago ako matulog. Iba talaga!”
“Kahit naman ako. Sa lahat ng naging partner ko, sa iyo lang ako nakaramdam ng ganitong feeling. Sobrang saya ko na akin ka na ngayon…”
Nginitian lang siya ni Earl. “Basta, ganito. Mag-ipon tayo ng pera tapos uuwi tayo sa amin. Doon tayo titira at magsasama habangbuhay. Okay ba sa iyo?”
“Sige. Okay na okay 'yan!” Kinuha niya ang bote ng beer at nakipag-toast siya kay Earl.
Masayang-masaya si Liam pati na ang puso niya. Napaka-swerte niya dahil nakilala niya si Earl at mukhang ito na ang magiging dahilan niya para tigilan na niya ang paghuhubad online.
-----***-----
KINABUKASAN ay nag-open sina Earl at Liam ng joint account sa banko. Doon nila ihuhulog ang ipon nilang pera. Nakatanggap din sila ng bonus kay Big Boss dahil mas dumami daw ang watchers ng boyslive.com simula nang maging mag-partner sila. Binili rin ni Liam ang gustong gitara ni Earl bilang regalo dito nang mag-celebrate sila ng first monthsary nila. Pakiramdam ni Liam ay perpekto na ang buhay na meron siya at nangyari ang lahat ng iyon simula nang dumating si Earl sa buhay niya…
Paminsan-minsan ay nagsho-show din sila ng solo sa boyslive.com. Ginagamit nila iyong solo performer account nila kapag ang isa sa kanila ay tinatamad na mag-show. Makalipas lamang ang dalawa pang buwan ay malaki na ang naipon nilang dalawa ngunit hindi pa rin iyon sapat. Ilang buwan pa siguro ang kailanganin nilang palipasin bago nila makamit ni Earl ang halaga ng perang target nila para sa kanilang pagbabagong buhay…
-----***-----
NAPAHINTO sa pag-inom ng kape si Liam ng umagang iyon nang makita niyang bihis na bihis si Earl. Obvious na may pupuntahan ito. Nitong mga nakaraang linggo ay may napansin siya dito. Madalas itong umaalis ng apartment nang biglaan. Tapos palaging bihis at mabango. Ayaw niyang magduda dahil hindi ganoon ang tingin niya kay Earl pero may kutob siyang nararamdaman. Parang may mali…
“O, aalis ka na naman? Saan punta mo?” Pasimpleng tanong niya dito habang nagsusuklay ito ng buhok sa harap ng salamin.
“May bibilhin lang ako sa mall. Ano bang gusto mong pasalubong?” Humarap ito sa kanya nang mabilis sabay suklay ulit ng buhok.
“Mall? Sarado pa ang mall ng ganitong oras.”
“E, sakto iyan sa biyahe.”
“Gusto mo samahan kita?”
“'Wag na. Kaya ko naman. Para matuto rin naman ako magbiyahe dito nang mag-isa.” Natapos na ito sa pagsusuklay. Lumapit ito sa kanya at hinalikan siya sa labi nang mabilis. “Alis na ako, ha. I love you!” anito at dire-diretso na itong naglakad papunta sa pintuan. Nagmamadali na para bang may hinahabol.
“Mag-iingat ka. Teka, dito ka ba kakain?” Hindi na nabigyan ni Earl ng sagot ang tanong niya dahil nakalabas na ito ng apartment nila. Naiwanan siyang nag-iisip at nag-iisa.
-----***-----
GABI na nang makauwi si Earl. Hindi na niya ito tinanong kung saan ito galing at kung bakit ito ginabi dahil napansin niya na balisa ito at mukhang pagod na pagod. Humiga nga agad ito sa kama at ipinikit ang mga mata. May awang tinignan niya ito.
Umupo siya sa gilid ng kama sa tabi nito. Hahaplusin niya sana ang mukha nito nang may nakita siya sa leeg nito na kulay pulang marka. Dalawa. Hindi siya ipinanganak kahapon kaya alam niya ang mga markang iyon. Kiss mark!
Nanlamig si Liam. Parang sasabog ang dibdib niya. Kinalma niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim. Kinuha niya ang cellphone ni Earl na nasa tabi nito. Sa sobrang himbing ng tulog nito ay hindi nito namalayan na nasa kamay na niya ang cellphone nito.
May password ngunit nahulaan niya agad. Earliam ang password nito.
Isang unregistered number ang nakita niya na nasa messages nito. Nanginginig ang kamay na binuksan niya ang palitang ng mensahe ng dalawa.
Ang sarap mo talaga, Earl! Bukas ulit!
Sa huling text message na iyon ay alam na niya ang ibig sabihin niyon. May iba si Earl. Niloloko siya nito.
Nagulat siya nang biglang magising si Earl at kunin nito ang cellphone sa kanya. “Ano ba?! Bakit mo ito pinapakialaman? Akala ko ba walang pakialamanan tayo?” singhal nito sa kanya. Bumangon ito sabay baba ng kama.
Naluluha na siya pero pinipigilan lang niya. Inuunahan siya ng galit dahil sa natuklasan niya. “Noon iyon. Noong hindi pa tayo! At ano iyang nabasa ko sa cellphone mo, ha?! Kailan mo pa ako niloloko?! 'Tang ina ka!” Sa galit niya ay namura niya ito.
Kailan man ay hindi niya inisip na magagawa ito sa kanya ni Earl. Mabait na tao kasi ang pagkakakilala niya dito. Kaya nga nahulog agad ang loob niya dito dahil sa magaganda nitong katangian.
Umiwas ito nang tingin sa kanya. “Hindi kita niloloko,” labas sa ilong na sagot nito.
“Hindi?! E, ano iyang nabasa ko sa cellphone mo?! Joke?!”
“Hindi mo ako naiintindihan, Liam!”
“Ano ba ang dapat kong intindihin, ha?! Na malandi ka pala?! Na mali ako ng pagkakakilala sa iyo?!” Tumayo na si Liam. “Sumagot ka!” Itinulak niya si Earl.
Napaatras ito habang nakayuko. Hindi ito sumagot.
“May nangyayari ba sa inyo?” Masakit man ay tinanong pa rin niya.
Pag-angat ng mukha ni Earl ay tigam na ito sa luha. Marahan itong tumango sabay hingi ng sorry. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Gusto niyang suntukin at bugbugin si Earl sa labis na galit niya pero paano niya iyon magagawa? Hindi niya kayang saktan ang taong mahal niya. E, si Earl? Mahal kaya siya nito? Kasi sinasaktan na siya nito ngayon. Hindi man pisikal ngunit emosyonal naman. At mas masakit iyon para sa kanya.
Itinuro niya ang pintuan. “Umalis ka na. Alam ko, kaya mo nang wala ako kaya umalis ka na.”
“Liam, sorry…” ungot ni Earl habang umiiyak.
“Gusto mo bang ipag-empake pa kita, ha?!”
Bagsak ang balikat na umalis si Earl sa harapan niya at nag-umpisang mag-empake. Habang siya ay unti-unting nadudurog ang puso habang pinapanood ang isa-isang pagsisilid ng mga gamit nito sa bag. Gusto niya itong pigilan pero alam niyang hindi dapat. Ayaw na rin niyang alamin ang dahilan nito kung bakit siya nito niloko at kung sino ang bago nito. Sapat na sa kanya na nalaman niya na mali pala siya ng pagkakakilala niya dito.
Matapos mag-empake ay binitbit na nito ang bag. Huminto pa ito sa harapan niya ngunit hindi niya ito tinignan. Isang halik ang iginawad nito sa tuktok ng kanyang ulo. Naramdaman pa niya ang mga patak ng luha nito.
“Paalan, Liam…” Iyon lang at naglakad na ito palabas ng kanilang apartment.
Nang wala na si Earl ay doon lang bumuhos ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan, doon lang kumawala ang hagulhol niya. Ang bilis… Napakabilis ng mga pangyayari. At hindi niya inaasahan na ganito sila kabilis matatapos.