CHAPTER 14

1764 Words
ISANG araw pa lang ang lumilipas simula nang umalis si Earl sa apartment ay parang isang taon na kay Liam. Madalas siyang tulala at nakahiga lang sa kama. Hindi na rin siya nakapag-live show kagabi dahil wala talaga siyang ganang gumawa ng kahit na anong bagay. Kahit ang pagkain ay hindi na niya nagawa. Wala pa rin siyang kain hanggang ngayon at hindi siya nakakaramdam ng gutom. Umiinom naman siya ngunit hindi tubig kundi alak. Isusuka lang niya ulit iyon tapos iinom na namin. Namumungay ang mga mata niya sa kalasingan habang nakaupo sa gilid ng kama. Nakayukyok ang ulo habang hawak ang bote ng alak na nakapatong sa sahig. Wala nang luhang lumalabas sa kanyang mata dahil naubos na yata kagabi pa. “Earl…” sambit niya. Napasinghot siya sabay bitaw sa bote. Paghiga niya sa kama ay natabig ng paa niya ang bote at natapon ang laman niyon sa sahig. Tulala na naman si Liam habang nakatingin sa kisame. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na magagawa siyang lokohin ni Earl. Hindi ganoon ang pagkakakilala niya dito. Mabait ito at ramdam niya na mahal talaga siya nito. Ang daming bakit na tumatakbo sa utak niya ngayon at kahit isa sa mga bakit na iyon ay hindi niya mabigyan ng kasagutan. Nasa ganoon siyang posisyon nang isang tawag ang kanyang natanggap. Nagmamadali na dinampot niya ang cellphone na nasa side table at sinagot agad nang hindi tinitignan kung sino ang tumatawag. “Earl!” sabi niya pagkasagot sa tawag. “Earl?” boses ni Big Boss. “B-big Boss… Kayo po pala iyan. Magandang hapon po.” May pagkadismaya sa boses niya. Ang buong akala niya kasi ay si Earl na ang tumawag sa kanya. “Magandang hapon din, Liam. Tumawag ako upang kumustahin kayo ni Earl.” “W-wala na po si Earl. Hindi na po kami magpe-perform nang magkasama.” “Ano? Bakit?” “M-may hindi lang po kami nagkasunduan, e. Hahanap na lang po siguro ako ng bagong partner o magso-solo muna ulit ako.” “Sayang naman. Nangunguna pa naman kayo sa may pinaka malaking kita. Pero, sige… Iyon lang. Bye.” Dial tone na ang sumunod na narinig ni Liam. Inilapag niya ulit ang cellphone sa side table. Parang gusto niya ulit uminom. Pagbaba niya ng kama ay natapakan niya ang alak na natapon sa sahig kaya siya biglang nadulas. Hindi siya nakapagbalanse kaya naman tuluyan siyang natumba at malakas na humampas ang likod ng ulo niya sa side table. Bumagsak siya sa sahig ng patihaya. Unti-unti ay nanlabo ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang mapapikit at mawalan ng ulirat. -----***----- NAHIHILO ngunit nakangiti si Liam nang magkaroon ulit siya ng malay. Paano ba naman ay ang mukha agad ni Earl ang nakita niya. Alam niya na isa lang itong pag-iilusyon dahil imposibleng si Earl talaga iyon dahil nga sa lumayas na ito. Pero kahit sa ilusyon man lang ay makita niya ulit ito. Masaya na siya doon. Marahang umangat ang mukha niya para haplusin ang pisngi nito. “Wow naman… Parang totoo ka. Nahahawakan kita…” Isang malamyang ngiti ang sumilay sa kanyang labi. “Ang baho ng bibig mo! Amoy alak!” Sumimangot ito. Kumunot ang noo niya at sinampal-sampal ang pisngi ni Earl. Kinurot niya ang sariling pisngi at kinurap-kurap ang mga mata pero hindi nawala si Earl. Nandoon pa rin ito at nakatunghay sa kanya habang nakahiga siya. So, hindi siya nag-iilusyon? Totoong Earl ang katabi niya? “Anong ginagawa mo dito?” tanong niya nang makumbinse niya ang sarili na totoo nga ito. Tatayo sana siya pero sumakit ang likod ng ulo niya. Kinapa niya iyon at doon niya nalaman na may benda pala siya sa ulo. Tama. Naaalala niya na nadulas nga pala siya sa alak tapos tumama ang ulo niya sa side table. “O, 'wag ka nang kumilos muna,” sabi ni Earl. “May gusto ka ba? Pagkain? Tubig?” Ikaw! Ikaw ang gusto ko! Sigaw ng utak niya. “Ang gusto ko umalis ka!” bagkus ay pagtataboy niya sabay irap. “Hindi ako aalis. Tignan mo nangyari sa’yo!” “Kaya ko sarili ko. Ano ba?” “Kaya? E, nadulas ka nga. Tignan mo hitsura mo habang wala kang malay…” Kinuha ni Earl ang cellphone nito. Ipinakita nito ang picture niya na nakahiga sa sahig at tirik ang mata. Nakalawit ang dila niya at may dugo sa likod ng ulo. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkapahiya. Mukha kasi siyang katawa-tawa sa picture na iyon. Aagawin niya sana dito ang cellphone ngunit mabilis nitong inilayo iyon sa kanya. “Oops! Hindi ko ito ide-delete! Kapag pinaalis mo ako dito, iu-upload ko ito sa f*******:. Ano, ha?!” “Pwede ba, Earl?! Hindi ako nakikipaglaro sa iyo!” “Hindi rin ako nakikipaglaro sa iyo. Hindi ako aalis. Naibalik ko na gamit ko. Pa’no kung madulas ka na naman. Mabuti na lang at nasa kabilang unit lang ako. Narinig ko ang kalabog mo dito. Ang lakas kaya, e. Para gang bukong nahulog sa semento! Takbo agad ako dito tapos nakita kita. Ako rin nagbenda sa sugat mo sa ulo. Baka kung wala ako sa kabila baka naubusan ka na ng dugo. E, hindi ko talaga mapapatawad sarili ko kapag namatay ka.” “Anong nasa kabila ka lang?” “Hindi naman ako lumayo. Nakiusap lang ako kina ate sa kabila na doon muna ako kasi nga magkaaway tayo. Ayon, pumayag naman sila ng asawa niya.” Magsasalita pa sana si Liam ngunit dumagan sa kanya si Earl at niyakap siya. Alalay naman ang pagkakadagan nito kaya hindi niya ramdam ang bigat. Tinititigan siya nito diretso sa mata ngunit umiiwas naman siya. Hindi niya ito kayang tignan dahil kapag ginagawa niya iyon ay naaalala niya ang panloloko nito sa kanya. “Alam ko galit ka sa akin. At sorry… Sana bigyan mo pa ako ng chance, Liam. Hindi ko na uulitin. Pangako!” “Bahala ka sa buhay mo. Chance mo mukha mo!” Itinagilid niya ang ulo sabay simangot. “Ay… Nagpapabebe pa ang baby ko, e.” Sinundot siya nito sa tagiliran. Napaigtad siya dahil malakas ang kiliti niya doon. “Ano ba?!” Malakas niyang itinulak si Earl at napaupo ito sa kama. Mabilis naman siyang bumaba ng kama kahit medyo masakit pa rin ang kanyang ulo. “Pwede ba?! Umalis ka na! Wala na akong tiwala sa iyo! Hindi mo na maibabalik ang dati nang ganito lang kadali!” bulyaw ni Liam kay Earl. “Hindi ko naman sinasabing madali pero kahit gaano kahirap, maibalik ko lang ang dating tayo, gagawin ko…” Binagbag ang damdamin niya sa sinabi ni Earl. Parang bibigay na siya kaya tumalikod na lang siya. “U-umalis ka na.” pinal na sabi niya. “Hindi mo na ba talaga ako kayang bigyan ng isa pang chance?” “Hindi na,” aniya sabay pikit. Pagkasabi niya niyon ay narinig niya ang pagtunog ng kama. Sunod ay ang yabag ng paa ni Earl. “Hindi ako aalis. Dito lang ako sa ayaw at sa gusto mo! Gagawin ko ang lahat para mapatawad mo ako. Lahat!” Nagulat siya nang nasa harapan na pala niya ito at nakatayo. Magsasalita pa sana siya pero tumakbo ito papasok ng banyo na parang bata. Napamaang na lang siya at hindi malaman ang gagawin. Pero deep inside ay may saya siyang nararamdaman dahil kasama na naman niya ulit si Earl. -----***----- MULING bumalik sa kaayusan ang apartment nila ni Earl simula nang bumalik ito. Isang araw lang itong nawala pero parang binagyo na iyon dahil sa napabayaan niya. Itinapon nito lahat ng bote ng alak. May laman o wala. Nagwalis at naglampaso. Hinugasan lahat ng nasa lababo at inayos ang mga gamit nila. Nilabhan din nito ang bedsheet, punda at kumot. Tapos pinalitan ng bago. Habang ginagawang lahat iyon ni Earl ay prente lang siyang nasa harap ng TV at nanood. Kumakain ng butong pakwan at lahat ng balat ay itinatapon niya sa sahig na pinupulot naman agad ni Earl. “Pwede bang ipunin mo na lang sa platito 'yang balat ng kinakain mo? Kakawalis ko lang nagkakalat ka na naman,” sita sa kanya ni Earl pero nandoon pa rin ang lambing sa boses. Umirap siya dito. Ang totoo kasi ay sinasadya niya na magkalat para pahirapan ito. “E, 'di ba, ang sabi mo gagawin mo ang lahat mapatawad lang kita? Lahat! At ang sabi mo pa, kahit gaano kahirap ay gagawin mo maibalik mo lang ang dating tayo? Ginusto mong mag-stay dito, pwes, magdusa ka!” Kumain ulit siya ng butong pakwan at itinapon sa sahig ang balat niyon. Napaawa naman siya kay Earl nang hindi na lang ito nagsalita at pinulot na lang ang kalat niya. Naku, masyado naman yata akong bitchesa… Nakakakonsensiya na tuloy… bulong niya sa sarili. Ah, hindi! Dapat lang iyan sa kanya dahil niloko niya ako! Pagmamatigas niya ulit. Hindi dapat siya naaawa kay Earl dahil mas masakit ang ginawa nito sa kanya. Kulang pa nga ito. Ano kaya kung mas pahirapan pa niya ito? Titignan lang naman niya kung totoo ang sinasabi nito na gagawin nito lahat. Isang pilyong ngiti ang ang sumilay sa labi ni Liam. “Haay!!! Nauuhaw ako!” Pagpaparinig niya. “Teka, ikukuha kita ng tubig.” Tatakbo na sana si Earl papunta sa water dispenser nang pigilan niya ito. “Hindi! Ayoko ng tubig diyan. Umay na ako diyan.” “E, anong gusto mo? Softdrink? Bili kita sa labas.” “Ayoko din no’n. Magkaka-UTI ako sa softdrinks.” “Anong gusto mo?” Kunwari ay nag-iisip siya pero kanina pa naman meron sa utak niya. “Parang ano… gusto ko ng buko juice. Iyong fresh. Galing mismo sa puno. Pero 'wag na pala. For sure naman hindi mo kaya iyong fresh from the tree. 'Wag na…” itinuon niya ang mata sa panonood pero sa gilid niyon ay tinitignan niya ang gagawin ni Earl. “Kaya ko iyon!” biglang sabi nito. “Ha? Anong sabi mo?” “Dito ka lang. Ikukuha kita ng buko na fresh from the tree!” anito at nagmamadali itong nagpalit ng t-shirt. “Bilisan mo at baka patay na ako sa uhaw pagdating mo!” sigaw niya habang papalabas na ito ng pinto. “Oo!” sigaw din nito sa kanya habang papalayo. Goodluck na lang sa iyo, Earl! Natatawang sabi ni Liam sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD