Jassie POV
“Keano… tigilan na natin ’to,” mahina pero pilit kong pinatatag ang boses ko. “Puwede mo namang sabihin ang totoo sa parents mo, ’di ba? May sarili kang buhay. Gusto mo ba talaga na ako ang mapangasawa mo? Ako ang makasama mo habang-buhay?”
Napahinga ako nang malalim.
“Mataas ka, Keano. Payag ka lang bumaba dahil sa gusto ng parents mo. May girlfriend ka naman, hindi ba? At saka… may sarili rin akong buhay.”
Pinipilit ko siyang kumbinsihin. Hindi lang para sa kanya, kundi para sa aming dalawa.
Natigilan siya. Nakita ko ang pagtiim ng panga niya. Halos gumalaw ang litid sa gilid ng mukha niya.
“Hindi mo ako naiintindihan, Jassie,” mariin niyang sabi.
“Keano, please—”
“Stop.” Malamig at matigas ang boses niya. “Kunin mo na ang mga gamit mo. Dito ka matulog.”
“Pero—”
“As I said, stop.” Ngayon ay galit na talaga ang tono niya. “Simula ngayon, magturingan na tayo na mag-asawa.”
“Ha? Ayoko!” agad kong tutol.
Isang hakbang lang ang pagitan namin ngayon. “Anong sabi mo?” mababa ngunit nagbabadyang tanong niya.
Nakagat ko ang labi ko. Hindi ko na inulit.
Sa halip, mabilis akong umiwas ng tingin at lumabas ng kuwarto niya. Hindi ako umimik. Hindi ko alam kung galit ba ako, takot, o nasasaktan lang.
Habang naglalakad palayo, pakiramdam ko hinahabol pa rin ako ng mga salita niya.
Simula ngayon, magturingan na tayo na mag-asawa.
Pero paano?
Paano kung hindi naman puso ang nagbuklod sa amin, kundi obligasyon lang?
Nasa maids room ako para kunin ang mga gamit ko. Umiiyak ako habang nagliligpit ng gamit ko. Halos hindi ko makita ang mga damit sa loob ng maleta dahil sa luha ko.
Ayoko na kasama si Keano sa kuwarto.
Ayoko na sa sitwasyon namin.
Kung dati, gustong-gusto ko siyang makita, ultimate crush ko pa nga, ngayon ayoko na kahit anino niya. Naiinis ako. Nasasaktan. At mas lalo akong nagagalit dahil pakiramdam ko wala naman akong magawa.
“Jas, okay ka lang?” nag-aalalang tanong ni Ate Mila habang lumalapit sa akin. “Nag-away ba kayo ni Keano?”
Umiling lang ako habang pinapahid ang luha ko. “Ayoko na sa sitwasyon namin…”
“Hija,” mahinahong sabi ni Ate Lilia, ang labandera sa mansyon, “hindi naman puwedeng aayaw ka na lang bigla. Mag-asawa na kayo.”
“Hindi ba gusto mo si Keano?” sabat ni Solenn. “Bakit ka aayaw kung siya naman ay okay lang sa sitwasyon niyo?”
“Hindi siya okay!” umiiyak kong sagot. “Ayoko na sa kanya! Salbahe siya!”
Natigilan kaming tatlo nang biglang tumunog ang intercom.
Malamig at pamilyar ang boses.
“Paakyatin niyo na si Ma’am Jassie niyo.”
Parang sinadya niyang idiin ang Ma’am.
Lalo akong naiyak sa inis.
“Ayoko umakyat,” bulong ko, pero alam kong hindi gano’n kadali. Sa mansyong ito, kapag si Keano ang nagsalita, sinusunod.
Pinahid ko ang luha ko, pilit inayos ang sarili. Ayokong makita niyang umiiyak ako. Ayokong isipin niyang kaya niya akong kontrolin.
Pero kahit anong tapang ang ipakita ko…
Sa loob-loob ko, takot pa rin ako sa kung anong balak niyang gawin ngayong “magtuturingan na raw kami na mag-asawa.”
“Dito ka na matutulog. Tabi na tayo,” utos ni Keano na parang wala lang.
Tinaasan ko siya ng kilay. “Okay ka lang? Ayoko nga!”
Diretso akong naglakad papunta sa walk-in closet niya, balak ko doon na lang maglatag ng banig o kung ano man.
Pero bigla niya akong hinila.
“Keano—!”
Nawalan ako ng balanse at sabay kaming bumagsak sa kama. Nadaganan ko siya.
“Ay!” Aalis sana ako agad pero hinigpitan niya ang hawak sa bewang ko.
“Ano ba!” inis kong sabi.
Sa sobrang irita ko, inuntog ko ang noo ko sa noo niya.
“Aray!” Napabitaw siya. “Bakit mo ginawa ’yon?” galit niyang tanong habang hinihimas ang ulo niya.
“Eh ayaw mo akong pakawalan!” galit ko ring sagot sabay tayo.
Sandali kaming nagtitigan. Parehong may inis, parehong may pride.
“Ang tapang mo,” sabi niya, pero may kakaibang ngiti sa gilid ng labi niya. “Huy, dito ka matulog ha? Magkatabi na tayo simula ngayon.”
“Paano kung ayaw ko, ha?” hamon ko sa kanya kahit kinakabahan ako sa lapit namin.
Lumapit siya. Isang hakbang. Dalawa.
“Hahalikan kita…” mahina pero seryoso niyang sabi.
Tinitigan ko siya. Sinusukat ko kung nagbibiro ba siya o hindi.
Mas lumapit pa siya.
“Ayaw mo talagang sumunod, ha?”
Napaatras ako ng kaunti. “Sige…” mabilis kong sabi bago pa siya tuluyang makalapit. “Pero may unan sa pagitan natin, ha?”
Sandaling katahimikan.
Tapos ngumisi siya.
“Fine,” sagot niya. “Pero huwag kang tatawid sa linya mo.”
“Ako pa?” sagot ko agad.
Humiga kami sa kama—magkatabi, pero may malaking unan sa gitna. Parang may invisible wall na naghihiwalay sa amin.
Tahimik ang kwarto. Rinig ko ang paghinga niya.
Hindi ko alam kung alin ang mas nakakainis, ang pagiging dominante niya…
O ang katotohanang kahit galit ako, ramdam ko pa rin ang bilis ng t***k ng puso ko tuwing lumalapit siya.
Hindi ako makatulog.
Hindi ako at ease na may katabing lalaki… tapos si Keano pa.
Although sobrang laki ng kama niya, seryoso, parang kasya ang apat na tao, hindi nga kami nagdidikit. May unan pa sa gitna. Pero iba pa rin ang pakiramdam.
Nagulat ako nang bigla siyang humarap sa direksyon ko. Akala ko gising na siya, pero mahimbing pa rin ang tulog niya.
Kahit dim light lang ang ilaw, kitang-kita ko pa rin ang guwapo niyang mukha. Ang kapal ng pilikmata niya. Ang maayos na ilong. Ang bahagyang paggalaw ng dibdib niya habang humihinga.
Napatitig ako.
“Keano…” mahina kong bulong, siguradong hindi niya maririnig. “Halos abot-kamay na kita. Sino ba’ng mag-aakala?”
Dati, hanggang tanaw lang ako mula sa malayo. Sa school events. Sa hallway. Sa court. Siya yung tipo ng lalaking hindi mo maaabot—pero ngayon, katabi ko lang.
Pero bakit ang lakas mo mang-asar?
Simula nang mag-asawa tayo, wala ka nang ginawa kundi inisin ako.
Sabagay… dati pa naman.
Naalala ko noong high school, lagi niya akong binabato ng jacket niya kapag galing siya sa practice. Kunwari hindi niya ako napapansin, pero tatama talaga sa ulo ko.
O kaya naman, kapag may hawak akong bananaque o fishball, bigla na lang niyang aagawin at uubusin. Tapos tatawa lang siya habang naiiyak ako sa inis.
Bwisit talaga siya.
Pero bakit gano’n?
Sa dami ng babae sa paligid niya, bakit ako pa ang pinakasalan niya? Kahit pa sabihin nating dahil sa parents niya… may choice pa rin siya, ’di ba?
Unti-unti akong napangiti habang nakatitig sa kanya.
“Salbahe ka talaga…” bulong ko.
Hindi ko namalayan, sa kakatitig ko sa kanya, sa kakatakbo ng alaala sa isip ko,
Nakatulog din ako.
Katabi ang lalaking dati kong tinatanaw lang sa malayo…
At ngayon, hindi ko alam kung kalaban ko ba siya,
O baka, unti-unti ko nang naiintindihan.