Jassie POV
Pa-out na ako sa café nang bigla kong makita si Keano, kasama si Ashley at may kasunod pang mga bodyguard. Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Agad akong nagtago sa likod ng divider malapit sa storage. Buti na lang at tapos na ang shift ko.
“Anong problema?” nagtatakang tanong ni Sharon nang mapansin ang pagmamadali ko.
Pasimple kong itinuro si Keano sa may entrance.
Napatakip siya ng bibig. “Hindi ba siya yung ultimate crush mo?”
Kilala niya si Keano dahil vocal naman ako noon, kahit kanino, na crush na crush ko siya.Ang hindi lang alam ng lahat… asawa ko na siya. Pero kasal na walang pagmamahal. Kasal na pirma lang ang basehan.
“Oo… siya nga,” mahina kong sagot. “Wag kang maingay. Ikaw na muna sa kaha.”
“Bakit?” kunot-noong tanong niya. “Selos ka, no?”
“Hindi ah!” mabilis kong tanggi. “Kailangan hindi niya ako makita.”
“Bakit naman?”
“Mamaya ko na ipapaliwanag. Sige na,” pamimilit ko, halos itulak ko na siya pabalik sa counter.
“Okay…” nagkibit-balikat siya at umalis.
Doon lang ako nakahinga nang maluwag.
Sumilip ako nang bahagya. Nandoon si Keano, seryoso ang mukha habang kausap si Ashley. Mukha silang bagay. Pareho silang elegante. Pareho silang galing sa mundong hindi ko kabisado.
Napahawak ako sa singsing sa daliri ko.
Sa papel, asawa niya ako. Pero sa totoong buhay? Para lang akong anino. Isang pangalan sa kontrata. Isang responsibilidad na kailangan niyang tuparin.
At kung makikita niya ako rito, nagtatrabaho bilang simpleng café staff, baka lalo lang tumibay ang pader sa pagitan namin.Hindi pa ako handang harapin siya.
Hindi talaga puwede malaman ni Keano na nagtatrabaho ako dito kundi lagot na naman ako dun. Sa botique nga ni Ate Helena pinahinto niya ako. Napaka demanding, akala mo naman totoong asawa kami. Napaismid ako. Binalik ko ang tingin sa dalawa.
Habang pinagmamasdan ko sila, may kung anong kirot sa dibdib ko.
Pero hindi selos.
Hindi ako nagseselos.
Dahil alam ko naman mula sa simula pa lang, hindi ako ang magugustuhan ni Keano. Hindi ako yung tipo niya. Hindi ako yung babaeng ipinapakilala niya sa mundo niya.
Si Ashley ang girlfriend niya. Siya ang totoo.
Ako? Bigla na lang ipinakasal sa kanya dahil sa isang desisyong hindi ko man lang napaghandaan.
Bagay na bagay talaga sila, nangingiti kong sabi sa sarili ko.
Sobrang ganda ni Ashley. Elegante. Classy. Lalong lumalakas ang dating niya sa tabi ni Keano. At si Keano… sobrang guwapo, seryoso, at natural ang tindig. Para silang couple sa magazine cover.
Perfect sila with each other.
Napahawak ako sa singsing ko.
Kailangan talaga maghiwalay na kami ni Keano.
Sa papel lang naman kami mag-asawa. Wala kaming pakialamanan. Wala kaming lambingan. Wala kaming “tayo.” Isang kasunduan lang ang lahat.
Pero paano kung ayaw naman ni Keano makipag-coordinate?
Ilang beses ko na sinubukan buksan ang usapan tungkol sa annulment o kahit legal separation man lang. Pero laging iniiwasan niya. Laging “mamaya na,” “hindi pa ngayon,” o kaya’y tuluyang binabago ang topic. Ang worse pa, ayaw daw niya.
Napabuntong-hininga ako.
Napaka-selfish niya talaga.
Ayaw niya akong pakawalan.
Hindi naman niya ako gusto. Hindi naman niya ako tinatrato bilang asawa. Pero ayaw din niyang tapusin ang kasal namin.
Sabagay… wala naman kaming pakialamanan.
Pero bakit parang ako lang ang nakakaramdam ng bigat?
Jassie POV
Pauwi na ako sa mansyon. Grabe, sobrang pagod ko. Parang gusto ko na lang humiga at hindi na gumalaw.
Pero kaya ko ‘to. Malapit na ang suweldo.
Napapangiti pa akong nag-isip habang papasok sa loob.
Tutuloy na sana ako sa kuwarto ko kasama sina Rita at Solenn nang biglang may humarang sa harap ko.
Si Keano.
Muntik pa akong mapasigaw sa gulat.
“Porke hindi ka sinisita, hahayaan mo na ang gusto mo?” malamig pero seryosong sabi niya. “Tandaan mo, mag-asawa tayo. Hindi ko binigay ang pangalan ko sa’yo para magmukha akong lalaking walang asawa.”
“Ha?” nalito ako.
“Dalawang linggo ka nang hindi natutulog sa kuwarto. At bakit gabi ka na umuuwi?” galit na dagdag niya.
Bigla akong nakaramdam ng takot. Hindi ko sanay na ganito siya ka-direkta. Ka-possessive.
“Kasi… akala ko okay lang sa’yo,” mahina kong sagot. “Hindi naman talaga tayo mag-asawa… sa papel lang.”
Nanlaki ang mga mata niya.
“Ganun?” malamig niyang ulit. “Okay. Gagawin natin ang tunay na mag-asawa.”
Bago pa ako makareact, hinawakan niya ang braso ko at kinaladkad papunta sa kuwarto niya.
“Aray ko, Keano! Nasasaktan ako, ha!” galit kong sabi habang pilit kumakawala.
Pagpasok namin, binalibag niya ako sa sofa.
Napahawak ako sa braso ko habang nakatingala sa kanya. Nakapamulsa siya, matalim ang tingin, halatang pinipigilan ang galit.
“Explain,” mariin niyang sabi. “Hanggang may pasensya pa ako sa’yo.”
Ano ba talaga problema ng lalaking ito? Baliw ba siya?
“Anong ie-explain ko?” nanginginig pero pinilit kong maging matatag ang boses ko. “Wala naman tayong usapan na kailangan kong magpaalam sa’yo sa bawat galaw ko. Hindi ba’t malinaw simula pa lang? Walang pakialamanan.”
Bigla siyang natawa—isang tuyong tawa na mas nakakatakot pa kaysa sigaw.
“Walang pakialamanan?” ulit niya. “So ganun tingin mo sa kasal natin?”
“Totoo naman!” sagot ko. “Hindi mo naman ako mahal. May girlfriend ka. Ako ang napilitang pakasalan. Anong klaseng asawa ang gusto mo?”
Tahimik siya saglit. Pero mas lalo lang tumalim ang ekspresyon niya.
Lumapit siya nang dahan-dahan. Napaatras ako hanggang dumikit ang likod ko sa sandalan ng sofa.
“Hindi kita mahal,” malamig niyang sabi. “Pero hindi ibig sabihin no’n puwede mong bastusin ang pangalan ko.”
Mas lalo akong nalito.
Hindi niya ako mahal… pero galit siya dahil hindi ako natutulog sa kuwarto niya? Dahil gabi akong umuuwi?
“Keano… ano ba talaga ang gusto mo?” halos pabulong kong tanong.
Saglit siyang natahimik.
At doon ko nakita—hindi lang galit ang nasa mga mata niya.
May kung anong hindi ko mabasa.
At mas nakakatakot ‘yon.
Jassie POV
“Hindi naman kita binabastos…” nanginginig kong sabi. “Kaya lang naman hindi ako natulog doon kasi akala ko okay lang sa’yo.”
“At bakit gabi ka na lagi umuuwi?” sita niya agad. “May boyfriend ka na ba?”
Mas tumalim ang tingin niya. “’Wag mo akong ginagago, Jassie. Hindi mo ako kilala.”
“Hindi ako gano’n!” sagot ko kahit nanginginig. “Ikaw nga eh, may girlfriend. Okay lang naman sa akin. Kasi hindi naman tayo mag-asawa.”
Nasabi ko ‘yon kahit takot ako sa magiging reaksyon niya.
Matagal niya akong tinitigan. Parang may hinahanap sa mukha ko.
“Bakit lagi mong sinasabi na hindi tayo mag-asawa?” malamig niyang tanong. “Eh kinasal nga tayo. Ano ba gusto mong gawin ko para masabi mong mag-asawa talaga tayo? Angkinin kita?”
Bigla siyang lumapit.
“Gusto mo ba? Ha?”
Nanlamig ako. Parang biglang nawalan ng hangin ang paligid.
“Hindi sa gano’n…” mabilis kong sagot. “Nagta-trabaho ako sa gabi… sa café. Kaya gabi na ako nakakauwi. Sorry, Keano. Hindi ko nasabi sa’yo.”
Natigilan siya.
“Bakit?” takang tanong niya.
Napayuko ako. “Kasi ayokong isipin mo na umaasa ako sa’yo. Ayokong maging pabigat. Simula nang ikasal tayo… pakiramdam ko utang na loob ko pa lahat ng meron ako rito.”
Tahimik siya.
“Gusto ko lang may sarili akong pera. May sarili akong mundo. Hindi para lokohin ka…"
Unti-unti siyang tumuwid ng tayo.
“At kaya hindi ka natutulog sa kuwarto?” tanong niya, mas mababa na ang boses.
“Oo. Akala ko mas malinaw kung may distansya. Hindi mo naman ako mahal"
Saglit siyang napapikit. Parang may pinipigilang emosyon.
“Hindi mo kailangan magtrabaho,” sabi niya sa wakas.
“Kailangan ko,” mahina pero buo kong sagot. “Para sa sarili ko.”
Tahimik ang kwarto. Mabigat ang hangin.
Hindi ko alam kung alin ang mas nakakatakot, ang galit niya kanina…
O ang katahimikan niya ngayon.