Keano POV
Isang linggo akong hindi umuwi sa mansyon. Sinadya ko talaga. Kailangan kong takasan ang sarili ko, ang nararamdaman ko para sa asawa kong si Jassie.
Hindi ito pag-ibig. Hindi puwedeng pag-ibig. Lust lang ‘to. Dahil halos araw-araw ko siyang nakikita, nakakasama, lalo na ng makita ko ang manipis niyang suot, nakikita ang hubog ng katawan niya, at parang wala lang sa kanya. At lalo akong nababaliw sa paraan ng pag-ignore niya sa akin.
Isang linggo akong wala.
Ni isang tawag.
Ni isang text.
Wala.
Sa papel lang naman kami kasal. Alam ko ‘yon. Kaya siguro ganoon siya umasta. Walang pakialam kung umuwi man ako o hindi.
Pagdating ko sa mansyon, dumiretso agad ako sa kuwarto. Ayoko siyang makasabay sa hapag-kainan. Ayokong makita ang mukha niyang parang walang emosyon.
Nag-shower ako agad. Hinayaan kong tumulo ang malamig na tubig sa katawan ko, umaasang mababawasan ang init na kumukulo sa dibdib ko. Pero mas lalo lang akong nainis.
Mag-aalas diyes na, wala pa rin si Jassie sa kuwarto namin.
Humiga ako pero hindi ako makatulog.
Nasaan na kaya siya?
Buwisit na babaeng ‘yon.
Sa inis, pinindot ko ang intercom.
“Ate Mila?” malamig kong tawag kahit dis-oras na ng gabi.
“Opo, Sir Keano?”
“Nasaan si Jassie?”
Saglit siyang natahimik bago sumagot.
“Sir… tulog na po si Jassie.”
Napakunot ang noo ko. “Tulog? Nasaan?”
“Kasama po namin sa maids’ room.”
Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa ulo ko.
“Bakit doon siya natutulog?” madiin kong tanong.
“Kanina pa po siya nandoon, Sir. Sabi niya po… doon na lang muna siya.”
Pinatay ko ang intercom nang hindi na naghihintay ng dagdag na paliwanag.
Sa maids’ room?
Asawa ko siya. Kahit sa papel lang.
At mas pinili niyang matulog kasama ng mga katulong kaysa dito sa kuwarto namin.
Hindi ko alam kung alin ang mas masakit,
ang katotohanang iniiwasan ko siya…
o ang katotohanang mukhang siya ang unang umiwas sa akin.
Keano POV
Pagmulat ko ng mga mata ko kinaumagahan, si Jassie pa rin ang una kong naisip.
Ang eksena kagabi, ang katotohanang mas pinili niyang matulog sa maids’ room kaysa sa kuwarto ko paulit-ulit na naglalaro sa utak ko.
’Yan pala ang gusto mo, ha?
Sige. Diyan ka matulog. Wala tayong pakialamanan.
Humiga pa ako sandali, pilit pinapaniwala ang sarili ko na wala lang ‘yon. Mas maganda nga siguro ito. Mas malaya ako. Makakagalaw ako nang gusto ko. Walang asawa na kailangan kong isipin. Walang malamig na presensyang nagpaparamdam na hindi niya ako kailangan.
Ngunit natigilan din ako.
Well… sabagay, nagagawa ko naman talaga ang gusto ko kahit noon pa.
Lumabas ako, gumimik, hindi umuwi ng isang linggo—wala namang pumigil sa akin.
Sa totoo lang…
Si Jassie pa nga ang hindi nakakagalaw nang malaya.
Dahil ako ang kumokontrol.
Ako ang nagtatakda kung saan siya dapat pumunta.
Kung sino ang puwede niyang kausapin.
Kung anong oras siya dapat umuwi.
At ngayon, siya ang kusang lumayo.
Hindi ko alam kung bakit biglang may kirot sa dibdib ko sa realisasyong iyon.
Kung wala pala akong pakialam…
Bakit parang ako ang nawawalan?
Jassie POV
Nalaman ko na nariyan na pala ang mokong.
Sana huwag na lang siyang umuwi.
Natigilan ako sa sarili kong iniisip. Dati, pangarap ko si Keano. Gustong-gusto kong makita ang guwapo niyang mukha. Kahit simpleng sulyap lang, sapat na para sumaya ako.
Pero ngayon?
Nakaismid na lang ako kapag naiisip ko ang ugali niya. Sala sa init, sala sa lamig. Isang araw parang wala akong halaga, kinabukasan parang pag-aari niya ako. At ang lakas lagi mang asar.
Wala kaming imikan habang kumakain kasama ang mga magulang niya. Tahimik ang hapag, pero ramdam ang tensyon.
“Keano, huwag mo munang buntisin si Jassie. Nag-aaral pa siya.”
Muntik na akong mabulunan sa sinabi ni Mrs. Ishikawa.
“Okay, Mom. Baka after na lang niyang makagraduate… o kaya pagkatapos naming magpakasal sa simbahan, bibigyan namin kayo ng apo." seryoso niyang sagot.
Mas lalo akong nabulunan.
Ano ba itong mag-ina na ‘to? Parang ako ang wala sa usapan. Nawalan tuloy ako ng ganang kumain.
Pero maya-maya, bigla ring nagliwanag ang mukha ko.
Malapit na akong grumaduate.
At malapit na ring mag-isang taon ang kasal namin—ibig sabihin, mas madali na akong makakaalis. Malapit na kaming ma-annul ni Keano.
Iyon naman ang in-offer ko sa kanya noon.
Ayaw lang niyang pumayag.
Siguro kapag wala na siyang topak… saka ko na lang ulit babanggitin.
Sa pagkakataong iyon, ako na ang pipili ng sarili ko.
Sasabihin ko sana ang balak ko,na malapit na kaming mag-isang taon. Isang taon na kasal. Isang taon na pagpapanggap.
Pero pagkatapos ng breakfast, hindi man lang niya ako pinansin. Ni hindi niya ako tinapunan ng tingin. Parang hangin lang ako sa harap niya.
Mas malamig pa sa yelo ang pakikitungo niya sa akin.
Napatawa na lang ako nang pilit.
Fine. Ganoon pala?
Sabagay… mas okay na rin siguro iyon.
Habang nagko-commute ako papunta sa school, nakatanaw ako sa bintana ng jeep. Dumadaan ang mga gusali, ang mga tao, ang ingay ng siyudad—at sa gitna ng lahat, pakiramdam ko unti-unti akong humihinga nang mas maluwag.
Isang taon na lang.
Isang taon na lang at makakapagtapos na ako.
Isang taon na lang at puwede ko nang buuin ang buhay ko nang hindi nakatali sa isang lalaking hindi alam kung ano ba talaga ang gusto sa akin.
Tahimik akong napangiti.
Sa unang pagkakataon, nakahinga bako ng maluwag.
Habang nasa canteen ako, tahimik na kumakain ng baon kong lunch, pilit kong iniiwasan ang isip ko kay Keano.
“Uy, may bagong hiring ah.”
Napatingin ako kay Sharon na may ngiti sa labi.
“Ha? Saan?” bigla akong naging interesado.
Kailangan ko ng pera.
Hindi ko tinatanggap ang allowance na galing kay Keano. Baka isang araw isumbat pa niya sa akin. Kaya nga ibinalik ko ang ATM na binigay niya. Ayokong may utang na loob sa kanya, lalo na kung ipapamukha lang din niya.
“Sa may café. Isang sakay lang. Malapit doon sa magandang condominium,” sabi ni Sharon.
Parang may maliit na ilaw na umilaw sa utak ko.
“Sige, sama ako sa’yo mag-apply,” masaya kong sagot.
“Talaga? May interview mamaya.”
Napangiti ako nang totoo.
“Game.”
Habang ngumunguya ako, ramdam ko ang kakaibang excitement. Hindi dahil sa café.
Kundi dahil sa pakiramdam na may sideline na ako at magkakaroon na ule ako ng pera. Hindi ko na ule kailangan manghingi kay Mama.
Jassie POV
Masaya ako.
Natanggap ako sa café.
Hindi ko mapigilang mapangiti habang pauwi ako. Ang bait ng owner, talagang tinutulungan nila ang mga working student na gaya ko. Naiintindihan nila ang schedule, ang pagod, ang pangangailangan.
Ang pasok ko: 2:00 PM hanggang 8:00 PM.
Perfect pagkatapos ng klase.
Pakiramdam ko, unti-unti ko nang nabubuo ang maliit kong mundo, isang mundong hindi umiikot kay Keano.
Pero bigla akong natigilan.
Si Keano.
Baka hindi siya pumayag.
Baka sabihin na hindi ko kailangan magtrabaho. Baka pagalitan pa ako. Baka kontrolin na naman niya ang desisyon ko.
Tahimik akong napabuntong-hininga.
Hindi ko na lang ipaaalam.
Hindi ko naman kinukuha ang pera niya. Hindi ko ginagamit ang apelyido niya para dito. Sarili kong pagod, sarili kong oras.
Kung kaya niyang gumawa ng mga desisyon nang hindi ako kinokonsulta,
Kaya ko rin.