Maaga pa lang ay gumising na si Belle para ipagluto ng almusal ang asawa niyang papasok sa opisina. Pagtingin niya sa orasan, alas-singko pa lamang ng umaga.
Dumiretso siya sa kuwarto ng anak nilang si Liran na apat na taong gulang pa lamang. Maingat niya itong hinalikan sa pisngi bago bumalik ng tingin sa asawa. Si Randy ay mahimbing pang natutulog sa kama.
Dahil maliit lang ang kanilang higaan, si Belle ay natutulog sa baba gamit ang foam. Ayaw ni Randy na siya ang matulog sa sahig dahil hindi raw siya komportable, lalo’t siya ang nagtratrabaho, samantalang si Belle ay nasa bahay lamang.
Tumungo na si Belle sa kusina para magluto ng almusal at baon ng asawa. Pagkatapos ay naghanda na rin siya ng isusuot ni Randy at nagpainit ng tubig para sa paliligo nito. Nang matapos na ang lahat, saka lamang niya inayos ang sarili, nagsipilyo, nagsuklay, at tinitigan sandali ang sarili sa salamin.
Bente-kuwatro anyos pa lang siya, pero mukha na siyang mas matanda. Samantalang si Randy ay lalo pang gumagwapo, laging maayos ang itsura at maalaga sa sarili. Siya naman ay unti-unting nagmukhang losyang dahil sa pag-aalaga sa anak, kay Randy, at sa bahay. Minsan pa’y nagtitinda siya ng ulam na dinadala sa mga opisina malapit sa kanila para makatulong kahit kaunti.
Lumapit siya sa kama at mahinahong ginising ang asawa.
“Randy, gising na, baka malate ka pa,” malambing niyang sabi.
“Okay. After five minutes, gisingin mo ulit ako,” inis na tugon nito.
“Pero… anong oras na,” marahang pangungulit ni Belle.
Biglang napabangon si Randy, halatang iritado.
“Bwisit na buhay na ‘to. Nakaayos na ba ang mga gamit ko at pagkain? Bilisan mo na, malalate na ako!” nakasimangot nitong sabi.
Tumango si Belle.
“Oo, lahat handa na.”
Ngunit habang pinagmamasdan niya ang asawa, may kung anong kirot ang dumaan sa dibdib niya. Parang may kulang. Parang siya mismo, matagal nang nawala sa sarili niyang buhay.
At sa loob-loob niya, hindi niya alam kung hanggang kailan siya makakapagpanggap na sapat na ang ganitong klaseng pagmamahal.
Nang makaalis na si Randy, agad namang hinarap ni Belle ang kanyang anak.
“Anak, gising na,” bulong niya kay Lira habang hinahalikan ito sa pisngi.
Napamulagat ang bata, pero agad ding ngumiti. Naglaro muna silang mag-ina para tuluyang magising si Lira, saka sila sabay na kumain. Pagkatapos ay pinaliguan niya ito at pinagbihis ng uniporme para sa daycare.
Alas-nuebe kasi ang pasok ni Lira sa kanilang barangay daycare, kaya’t sinigurado ni Belle na maaga silang nakarating. Isinakay niya sa maliit na bag ang baon ng anak bago ito iniwan sa paaralan.
Pag-uwi niya, hindi na siya nag-aksaya ng oras. Dumiretso agad siya sa kusina para magluto ng ulam na paninda. Mga simpleng pagkain lang, ginisang gulay, adobo, at pritong manok, pero sapat na para dayuhin ng ilang empleyado sa opisina malapit sa kanila.
Bawat hakbang niya pauwi galing sa daycare, hanggang sa bitbitin niya ang mga lutong ulam patungong opisina, ramdam ni Belle ang bigat at pagod. Pero higit doon, ramdam din niya ang tahimik na pangarap na matagal na niyang tinatago.
Habang pinagmamasdan ang nilutong pagkain, naisip niya:
“Hanggang dito na lang ba ako? O baka naman… may puwang pa para sa mas malaking mundo?”
Bitbit ni Belle ang mga plastik ng ulam, pawis man at pagod, pero buo ang ngiti. Sanay na siya sa pagbebenta sa mga empleyado sa opisina malapit sa barangay nila.
“Belle! Akin ulit yung adobo ah, baka maubusan na naman ako,” biro ng isang sekretarya.
“May naka-reserve na para sayo, ate,” masiglang sagot ni Belle habang inaabot ang pagkain.
Masigla ang paligid nang biglang tumahimik ang ilang empleyado. May itim na sasakyang dumating, makintab at mamahalin. Bumukas ang pinto at lumabas ang isang lalaking matangkad, naka-itim na suit, at matalim ang titig. Para bang bawat yapak niya ay may bigat na nagpapakaba sa lahat.
“Si Sir Calix…” bulong ng isang staff. “Ang supladong CEO.”
Nakatungo si Belle, ayaw makasabit. Pero nang dumiretso si Calex sa pantry, bigla itong napahinto. Napalingon siya, tila may naaamoy na kakaiba.
“Who’s cooking?” malamig pero malalim ang boses nito.
Napatigil si Belle, hawak ang kawali ng adobo. “A-ah… ako po, sir. Nagbebenta lang po ng ulam dito.”
Lumapit si Calex, nakakunot ang noo, hawak ang panyo na parang ayaw malapitan ang amoy. Ngunit nang silipin niya ang adobo, bahagyang nag-iba ang ekspresyon nito.
“Adobo?” malamig pa rin ang tono. “Do you even know how to cook this properly?”
Kinakabahang ngumiti si Belle. “Subukan n’yo po, sir.”
Saglit siyang tinitigan ni Calix, tila sinusukat mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay kinuha ang styro at tinikman. Tahimik. Walang reaksyon.
Lahat ng empleyado ay nakamasid, halos hindi humihinga.
Pagkatapos ng ilang segundo, tumingin si Calix kay Belle. Ang malamig niyang titig ay nagbago, ngayon ay parang may bahagyang pagkabighani.
“Not bad,” aniya, sabay abot ng bayad. “Pero hindi sapat ang ‘not bad’ sa akin.”
Naglakad na siya palayo, ngunit bago tuluyang makalabas ng pantry, nagsalita ulit si Calix nang hindi lumilingon:
“Magdala ka ulit bukas. I want to see if this is just luck… o talento talaga.”
Masaya si Belle habang naglalakad papunta sa daycare upang sunduin si Liran. Kahit pagod sa maghapong pagbebenta, hindi mabura ang ngiti sa kanyang labi.
“Nanay!” masayang sigaw ng bata nang makita siya.
Yumuko si Belle at niyakap ng mahigpit ang anak. “Anak, ang sipag mo ha. Kumain ka na ba?”
Tumango si Liran, ngumiting walang bahid ng problema. At sa ngiting iyon, parang nabura ang lahat ng pagod ni Belle.
Habang naglalakad pauwi, iniisip niya ang mga nangyari ngayong araw. Naubos na naman ang kanyang paninda. Bukod doon, may dagdag pa siyang kita dahil binigyan siya ng mga empleyado ng tip. Pero ang pinakanakapagpasaya sa kanya, ang suplado at kilalang si Calix mismo ay nagustuhan ang luto niya.
Napahinto siya sandali at napatingala sa langit.
“Salamat, Panginoon…” mahina niyang bulong.
Higpit-higpit niyang hawak ang kamay ng anak habang naglalakad pauwi. Sa puso niya, may bagong pag-asa na sumibol.
Pagdating ng gabi, bumukas ang pinto at dumating na si Randy. Tulad ng nakasanayan, agad nitong ibinagsak ang bag sa sofa at napabuntong-hininga.
“Grabe na naman ang traffic. Nakakainis! Araw-araw na lang ganito,” inis na sabi nito habang naupo. “At yung boss ko, hindi marunong makaintindi. Ang tanda na, pero parang walang alam.”
Tahimik na nilapitan siya ni Belle dala ang baso ng malamig na tubig. “Tiis lang, Randy. Ganyan talaga, baka may magandang kapalit balang araw. Ang mahalaga, may trabaho ka at nakakaraos tayo.”
Napangisi si Randy, pero hindi iyon ngiti ng pasasalamat. “Madali lang kasi sabihin sayo ‘yan. Ikaw kasi nasa bahay lang. Hindi mo alam kung gaano kahirap makisama sa opisina, kung paano araw-araw makipagbuno sa tao.”
Napatigil si Belle. Naramdaman niya ang kirot sa mga salitang iyon, pero pinili niyang manahimik. Ang totoo, alam niyang hindi lang basta “nasa bahay” ang ginagawa niya. Araw-araw siyang nagbubuhos ng pagod para alagaan ang anak, ang bahay, at kahit pa paano, kumayod sa maliit na negosyo.
Pero bago pa siya makasagot, tumayo na si Randy at dumiretso sa kuwarto. “Kakain na lang ako, saka matutulog. Pagod na ako.”
Iniwan siyang nakatayo sa kusina, hawak ang pinggan ng ulam na buong araw niyang inihanda. Tahimik na napaupo si Belle, habang nakatanaw sa mesa.
“Wala ba talagang halaga lahat ng ginagawa ko?” tanong niya sa sarili.
Napabuntong-hininga si Belle habang pinagmamasdan si Randy na kumakain. Para itong hari kung umasta, nakaupo lang at naghihintay na pagsilbihan, samantalang siya’y buong araw ding nagbanat ng buto sa bahay at sa pagtitinda.
Napailing na lamang siya. Siguro pagod lang si Randy, bulong niya sa sarili. Mabait naman siya kapag wala siyang sumpong.
Pero sa kaibuturan ng puso ni Belle, unti-unti nang sumisiksik ang tanong: Hanggang kailan ako magtitiis ng ganito?