Twenty-four hours earlier...
Sa pagkatagal-tagal ng panahon ay ngayon lang ulit kami nakalabas ng boyfriend kong si Dexter. Lagi kasing busy ang mga schedule namin pareho—sa work at sa family—kaya walang time para mag-date. Pero this time ay inimbitahan niya akong mag-out of town. May research kasi siya na ginagawa para sa isa niyang project kaya kami pumunta rito sa Palawan.
"Baby, halika rito. Mag-selfie tayo," excited kong sabi habang hawak ko ang selfie stick at humahanap nang magandang anggulo. Gusto ko kasing ma-capture ang waterfalls na nasa likuran ko.
"Turn your camera more to the left side. The success rate of the image is higher than the ones that were taken from the right or center. 92% of the sample showed an overall posing bias with 41% favoring their left cheek, 31.5% preferring their right cheek, and 19.5% repeatedly posting midline selfies," tugon niya sa akin.
Bahagyang tumulo ang dugo sa ilong ko habang pinakikinggan ko iyon.
"Ah, baby. Ganito ba? Gusto ko kasing makuhanan din 'yong waterfalls sa likuran natin." pilit kong sinunod ang turo niya. Sa totoo lang, ang naintindihan ko lang sa lahat ng sinabi niya ay 'yong mga salitang left side.
"As per my calculation, there are about 2000 gallons of water falling from the waterfalls every 60 seconds and it produces 50 small waves every 30 seconds. So if you want to take the perfect selfie, better do it before the waves reach to—"
Tinakpan ko ang kanyang bibig bago pa niya natapos magsalita.
"Enough, Dexter! Gusto ko lang naman ng isang simpleng selfie. Bakit kailangan nating gawing komplikado ang lahat?"
Bigla siyang natigilan at tumingin na lamang sa aking mga mata. Medyo nasilaw ako nang bahagya nang tumapat ang sinag ng araw sa kaniyang malapad na noo. Gustuhin ko mang mag-seryoso ngunit nakakailang talaga ang kanyang malagong kilay na magkadikit sa isa’t isa. Ako ang naiinitan sa suot niyang long sleeves na bakas na bakas ang pagkabaskil, short for basang kili-kili, na nagmamantsa na sa damit niya. Turn off! Hindi ko tuloy napigilan ang sarili ko na sabihin sa kaniya ang nasa loob-loob ko.
"I don't think this is going to work." nangingilid ang aking mga luha nang sinabi ko sa kanya.
"I will make it work. Let's use tripod instead," sabay tugon niya sa akin.
"I'm not talking about the selfie. This is about you and me. Our relationship. I don't think it's going to work," sabay sabi ko sa kanya habang tuluyan nang pumatak ang aking mga luha.
"Is it because I'm too smart for your puny little mind?"
Wow! Nang-insulto pa ang gago!
"It's not you, Dexter. The problem is me," nagtitimpi kong sabi habang mariing nakasara ang mga kamao ko sa gigil.
"Of course, the problem is you! If you're worried because I'm too smart for you, then I will adjust myself to the level of your intelligence."
Deym! Gano'n ba talaga ako katanga sa paningin niya?
"It's not that! I'm not that stupid you know!" sabay hirit ko sa kanya. Nag-English na rin ako para maka-level kami kahit papaano.
"I highly doubt that!" pailing-iling pa siya nang sinabi niya 'yon.
Nampowtah! Gusto 'ata masaktan ng isang 'to!
"I can't be with you anymore." ubusan ng English ‘to, ma-low blood man ako dahil sa nosebleed bahala na.
"There is 10% chance of a stupid and smart couple ending up together. It's like one out of ten if you based it on statistics. We can be that one."
Bahagyang nahilo ako sa explanation niya pero sige pa rin siya.
"There are 106,647,487 people in the Philippines and out of the—"
Pinigilan ko na siyang magsalita at feeling ko ay magko-collapse na ako sa dami ng numbers na naririnig ko.
"I can't be with you dahil ayaw ko pang mamatay!" mariin kong sambit sa kanya.
"Tell me. What is the real reason why you want to break up with me?" seryosong tanong niya.
"Allergic ako sa Math!"
Pagkatapos kong sabihin iyon ay tinutok ko ang camera sa mukha ko at solo akong nag-selfie. Sayang naman ang view kung hindi ako makapagpa-picture. Nag-post ako sa social media na may caption na #waterfallsinpalawan #brokenheartedgirl.
After ko mag-selfie ay nagwalk out ako. He was calling my name but I never looked back. The last thing I said to him was...
"It's over!"
Present time.
Sariwa pa sa aking alaala ang lahat nang nangyari.
“Bakit ba kasi ang bilis kong sumuko? Tinadtad lang ako ng Math at English ay umayaw na ako agad.” pigil ang luha ko habang nakatayo sa labas ng mall sa Cubao at namimigay ng flyers.
“Beshie, bakit kasi pinatulan mo si Dexter? Marami namang iba d’yan,” tanong ng best friend ko na si Paloma.
College pa lang kami ay magkaibigan na kami ni Paloma. Siya rin ang tumulong sa akin para makapasok sa pinagtatrabahuhan ko ngayong agency as promo girl simula nang mahinto ako sa pag-aaral. Nawalan kasi ng trabaho si Tatay kaya napilitan akong mag-stop sa college at nag-decide na magtrabaho na lang muna para mapag-aral ko ang kapatid ko na si Elly at para may pambayad na rin sa mga gastusin sa bahay.
Si Paloma ay maganda at kutis labanos. Palibhasa ay may lahing Kastila kaya mestiza. Kung anong laki ng boobs niya ay siyang liit naman ng utak niya. Sayang ang ganda niya. Kinulang lang sa talino. Pero kahit na ganoon ay super bait niya sa akin. Samantalang ako… hindi naman ako pangit. Sakto lang. Maganda naman ako. Depende nga lang sa anggulo. Hindi rin ako maputi.
Pero ang maipagmamalaki ko ay pantay naman ang kulay ng singit, tuhod, siko, batok, at kuyukot ko. Hindi ako matangkad pero hindi rin pandak. Hindi payat or mataba. Well-proportioned din ang pangangatawan. Isa lang din siguro ang pinagkaiba ko sa ibang mga babae. Malakas ang aking kompiyansa sa sarili. Kung sa mayaman, ang tawag nila ay confidence. Sa aming mga dukha, ang tawag dito ay kapal ng mukha.
Sadya lang sigurong malakas ang dating ko lalo na sa mga weirdong lalaki na parang may kung anong magnet na mabilis silang ma-attract sa akin. Kaya siguro lahat ng relasyon ko ay hindi tumatagal lalo na ‘pag lumabas na ang tunay nilang sapak. May kanya-kanyang saltik sa ulo ang mga lalaking nagdaan sa aking buhay.
“Hindi ko alam, Beshie, kung bakit sinagot ko si Dexter. Matalino kasi siya noong una kaming nagkakilala kaya masyado akong na-impress sa kanya.”
“Beshie naman. Buti sana kung guwapo, eh. Muntik ko nang mapagkamalang airport ang noo no’n sa lapad,” nangingiting sambit ni Paloma. Halatang pinagagaan niya ang loob ko.
“Matalino kasi siya kaya malapad noo niya. Ano ka ba? Isa pa, naisip ko kasi na if ever magkatuluyan kami ay gusto ko sanang magmana ang magiging anak namin sa katalinuhan niya. Para ‘di sila matulad sa akin na ganito, undergrad kasi walang pang tuition at hindi rin makakuha ng scholarship kasi hindi masyadong matalino.”
“Ay, basta, Beshie. Sa susunod na mag-boyfriend ka ay do’n na sa pogi para naman manghinayang ka makipag-break kahit may sapak pa sa utak.”
In fairness, may point ang Beshie ko.
“Basta, ako kay Dynamite lang ang puso ko,” kinikilig na sabi ni Paloma.
Si Dynamite, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang tunay niyang name. Palibhasa’y iyon ang tawag ng lahat ng mga babae sa kanya. Siya ang nagpasok kay Paloma sa agency noong college pa kami. Dito rin kasi siya nagtatrabaho as promo boy, simula nang umalis siya sa Casino as bar tender.
Mabait si Dynamite, guwapo at matipuno ang pangangatawan. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit Dynamite ang nickname niya. May kinakalaman ba ito sa kanyang ano? Kuwan ‘yong ano? Kung ano man iyon ay si Paloma na ang bahalang tumuklas at hindi kami talo.
“Beshie, need ko ng pera para makaipon ng pambayad kay Don Paks. Ang laki kasi ng utang ko sa kanya. Baka kung ano’ng gawin sa akin no’n ‘pag hindi ako makabayad. Wala ka na bang alam na puwede pagkakitaan aside dito? Liit kasi ng kita sa pag-promo girl, eh.”
Sa totoo lang, hindi ako sure if si Don Paks nga ang responsible sa nangyari sa akin sa hotel. Kaya hindi ko puwedeng talikuran ang pagkakautang ko sa kanya.
About sa singsing, balak ko sana isangla iyon pero sa sobrang trapik that time ay hindi na ako umabot sa sanglaan. Isa pa, nagdadalawang-isip din akong isangla iyon. Ang singsing lang ang clue ko para malaman ang nangyari sa akin ng gabing iyon at para matuklasan kung sino ang totoong nagmamay-ari noon.
“Beshie, sorry. Pero sa ngayon, wala pa akong alam na ibang puwede pasukan. Tatanungin ko si Dynamite ‘pag nagkita kami. Malamang busy na naman iyon sa mga chicks niya,” may halong pagseselos na sinabi ni Paloma.
Hapon na at paubos na ang flyers na pinamimigay namin sa mga nagdadaan na tao sa Cubao nang may lumapit sa amin na isang babaeng naka-corporate attire. Sa tingin ko ay halos kasing-edad ko lang siya, maamo at wala kahit isang pores ang makikita sa kaniyang mukha. Sa kanyang tayo at kilos, halatang sosyal at may pinag-aralan. Umaalingasaw rin siya sa bango.
“Miss, matagal na ba kayong nagpo-promo girl?” tanong niya sa amin ni Paloma.
“Ay, opo. Mag-iisang taon na rin po,” magalang kong tugon.
“May bagong product kasi kaming ilo-launch at need namin ng mga modelo. Interesado ba kayo mag-apply?” nakangiting sabi ng babae.
“Ay, opo naman. Kahit ano pa ‘yang produkto n’yo ay interesado po kami!” masayang tugon ko, ‘pag nga naman sinusuwerte ka.
Inabot niya sa amin ang business card at sinabi na may screening at interview kami bukas ng umaga. Hindi naman ako nag-alinlangan pa at kinuha ko agad ang business card.
Madrigal Group of Companies” ang nakalagay sa business card.
Nagpaalam na ako kay Paloma na uuwi nang maaga para paghandaan ang interview ko kinabukasan.
Kinabukasan...
Early birds eat early breakfast. Maaga pa lang 'andoon na ako sa location kung saan ang interview. Kasama ko sana si Paloma na mag-apply kaya lang bigla siyang nag-back out. Ayaw niyang mahiwalay sa crush niyang si Dynamite.
"Paksyet! Napaaga ‘ata ako nang sobra. Bakit wala kahit isang aplikante ang nandito?" Nilibot ko ang buong floor ng building, pero wala masyadong tao except 'yong mga empleyado na postura kung manamit.
Sinuri ko nang mabuti ang address sa business card at tama naman ito kaya dumiretso na ako sa reception para sa interview ko.
"Good morning! How can I help you?" tanong ng receptionist. In fairness, maganda siya at may pagkasosyal.
"Good morning! I'm looking for Mr. Corpse!" malugod kong tugon sa kanya.
Kumunot ang noo ng babae sabay sabi." Mr. Corpus, you mean?"
Nanlaki ang mga mata ko at binasa ulit ang nakalagay sa business card. Ay, oo nga. Mali ang basa ko.
"Y-yes. Mr. Corpus." deym wrong move ako. Baka ma-bad shot agad ako nito hindi pa man nagsisimula ang interview.
"Right this way, Miss...?" sabay tingin niya sa akin.
"Perpetua Balentina Cagatin po! PB na lang po for short," nakangiti kong tugon.
Napangiwi naman siya.
Tinungo na namin ang mahabang hallway papunta sa opisina ni Mr. Corpus. Nang matunton namin iyon ay pinapasok na ako ng receptionist sa loob. Nandoon naghihintay ang taong mag-iinterview sa 'kin, nakaupo sa swivel chair na nakatalikod sa akin. Mistulang pinanonood niya ang magandang tanawin mula sa malaking glass window at nang humarap siya sa akin ay...
Paksyet! Bangkay nga! Matanda na at payat si Mr. Corpus. Parang naagnas na rin ang balat niya. Siguro ay dahil sa sobrang dry ng skin niya at mukhang ang isang paa nito ay nasa hukay na.
"G-good morning, Sir!" bati ko sa kanya.
"Ms. Cagatin, do you have your resume with you?" wala siyang sinayang na sandali. Mukhang nagmamadali siya na matapos ang interview. Hindi kaya dahil papanaw na siya? Huwag naman sana.
"Ito po, Sir." agad kong iniabot sa kanya ang resume ko.
"Gaano ka na katagal na promo girl?" tanong niya sa akin.
"Mag-iisang taon na po, Sir." mabilis kong sagot.
"Ano naman ang mga nai-promo mo na?" tanong niya ulit sa ‘kin sabay ubo nang malakas.
Sa gulat ko ay bigla akong napasagot.
"Kabaong po! Kung gusto niyo ay ako na rin ang magmi-makeup sa inyo."
Yay! Bakit ko ba nasabi iyon?
Napakunot-noo ang matanda.
"May promo po kasi kami dati na kabaong. Buy one take one. May libreng makeup na rin po noong time na 'yon. Kung bibili ka ng para sa 'yo, may libreng isa. Puwede ka pa magsama ng ka-berks mo." pilit akong ngumiti sa kanya at napangiwi naman siya.
"Ano pa ang mga nai-promo mo?" seryoso niya ulit na tanong.
"Arinola po!" mabilis kong sagot.
"Ano pa?" mabilis niyang tanong.
"Kaserola po!"
"Ano pa?"
"Thumb tax po!"
"Ano pa?"
"Bakya po!"
"Ano pa?"
"Hanger po!"
"Ano pa?"
"Uling po!"
Tumagal ang Q & A namin nang fifteen minutes hanggang sa napagod na rin 'ata siyang magtanong at medyo hinihingal pa niyang sinabi na...
"Okay, you're hired!" ang sabi ni Mr. Corpus pagkatapos nang mahabang interview.
"Talaga po? Maraming salamat po!" excited kong sagot.
"Ano nga po pala ang product na imo-model ko?" curious kong tanong.
"Condom."