Kinabukasan ay parang sinisilihan ang puwet ko. Pabalik-balik ako nang lakad at hindi mapakali habang nasa harap ako ng hotel. Bakit ba kasi dito pa gaganapin ang launching ng product namin? Puwede namang sa ibang hotel. Marami namang hotel sa Pilipinas pero bakit dito? Kung saan naganap ang bagay na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maalala? Siguro nga ay kapalaran ko talaga na bumalik dito para once and for all ay matuklasan ko na kung ano talaga ang nangyari sa gabing iyon.
Papasok na sana ako ng Hotel Le Madrigal nang bigla kong nakita si Mr. Bernard na lumabas sa kanyang Bently GT. Biglang kumabog ang aking dibdib nang makita ko siya kaya naman nagmadali akong pumasok sa hotel para hindi niya ako mapansin. Pero huli na ang lahat dahil bigla niya akong tinawag.
"Miss Cagatin!" lumingon ako sa kanya at ngumiti nang bahagya.
"Good morning, Sir!" tumungo ako, pagbati ko.
"Where is your luggage?" sabay tingin niya sa akin.
"Luggage?" pagtataka kong tanong.
"Did I not tell you that we will be staying here for three days?" nanlaki ang mga mata ko. Wala akong ma-recall na may nabanggit siya na tatlong araw kaming mag-stay sa hotel.
"Sir, wala po. Kung gusto mo ay uuwi ako para mag-impake?" paalis na sana ako nang bigla niya hinawakan ang braso ko.
"No need." kinuha niya ang kanyang cellphone at itinapat sa akin para kuhanan ako ng larawan. Nag-dial siya ng number at may kinausap sa kabilang linya.
"I need you to bring clothes for her. I will send you her picture." ibinaba niya ang kanyang telepono at ibinalik sa bulsa ng kanyang pantalon.
"Let’s get inside, shall we?"
"Y-yes, Sir!" bigla akong na-impress sa kanya. Ganoon lang niya kabilis sulusyonan ang problema. Iba talaga ‘pag mapera. Patawag-tawag na lang.
Pumasok na kami sa loob ng hotel. Naka-reserved pala ang buong floor para sa event. Sobrang dami ng guests na nanggaling pa sa iba't ibang parte ng mundo. May iba't ibang lahi na nandoon na patunay lang na maraming manyak talaga sa mundo. Akalain mo na ganoon kabigat ang event para lang sa launching ng condom?
"Miss Cagatin, here is the keycard to your room. Get yourself ready for the event and I will meet you at the hall later this afternoon." pagkaabot niya sa akin ng card ay umalis na siya patungo sa sarili niyang kuwarto.
Ako naman ay pumunta na sa aking hotel room. Pagpasok ko ay bumungad sa akin ang napakalaki at napakagandang kuwarto. Halatang sosyalin ang laki ng kama. Mayroon pang malaking balcony na may napakagandang view. Matatanaw ang isang malawak na hardin mula sa bintana na punong-puno ng iba’t ibang klase ng bulaklak. Masakit lang sa mata ang mga magkasintahan na naghaharutan at naglalampungan sa mga benches sa gitna ng hardin. Ang sarap pagtitiradurin.
Bitter ba? Hindi naman, slight lang.
Balik tayo sa kuwarto ko. May sarili rin itong entertainment area na may malaking flat screen TV at sound system. Mayroon ding living room at mini bar. Higit sa lahat, ang banyo ay may Jacuzzi at steam sa loob ng shower. Oh ‘di ba bongga? Doble ang laki nito sa buong bahay namin.
Mayamaya pa ay may biglang nag-doorbell. Pagbukas ko ay may isang babaeng nagpasok ng iba't ibang damit. May sapatos, bag at accessories din na ka-partner ang bawat dress.
Ganito pala ang feeling ng mayayaman. Sa buong buhay ko ay ngayon ko lang na-experience ang marangyang buhay. Excited kong isinukat ang bawat damit, sapatos at accessories. Sakto sa 'kin ang lahat ng damit. Ang ganda ring tingnan sa akin. Hindi ko tuloy alam kung ano ang isusuot ko sa event.
Pero ang napili ko sa lahat ng damit ay iyong color white, sheer dress. Feeling dyosa lang at medyo pa-innocent look. Like a virgin pero sexy pa rin ang dating kasi mababakas ang hubog ng katawan sa bagsak nang lapat ng damit. See-through ito kaya kita pati kaluluwa ko sa damit na ito. Buti na lang at maganda ang underwear na gamit ko. Bagong bili ko talaga para lang sa event na ito.
As usual, 'andoon ang make-up artist at hair stylist ko para ayusan ako. Nang matapos na ay bumaba na ako sa hall kung saan 'andoon lahat ng panauhin ng event. Nakakapagtaka. Bakit kaya wala roon si Mr. Bernard?
Bumulong sa akin ang event organizer at sinabi na hindi pa rin dumarating ang CEO.
"Alam mo ba kung nasaan ang CEO? Kasi kanina pa namin siya hinahanap. Hindi rin siya sumasagot sa tawag," pag-aalalang sabi ng event organizer. Basang-basa siya ng pawis. Halatang kanina pa siya nag-iikot sa buong hall para asikasuhin ang mga panauhin. Halos matunaw na lahat ng taba niya sa katawan sa sobrang pagmamantika. Palibhasa’y may katabaan ang kanyang pangangatawan. Sigurado ako na bago matapos ang event ay seksi na siya.
"Huh? Hindi, eh. Kararating ko lang. Usapan namin magkikita na lang dito sa hall. Baka nasa room pa siya nag-aayos," mahinahon kong tugon.
"Miss Cagatin, puwede mo bang alamin kung ‘andoon pa siya sa kuwarto niya?"
"Teka... Ako? Bakit ako?"
"Medyo mainitin kasi ang ulo niya. Baka biglang magalit?"
"Eh, paano kung sa akin naman magalit?"
"Sa tingin ko ay mas okay kung ikaw," at saka sinabi kung nasaan ang CEO. Nasa penthouse pala siya.
Wala na akong nagawa kung hindi ay sundin siya.
Habang papalapit ako sa kuwarto sa loob ng bonggang penthouse ng CEO ay mas lalo akong kinakabahan. Grabe, parang art gallery ang mga dingding sa hallway na may mga nakasabit na paintings na ang gaganda at for sure ay mamahalin. Napakaaliwalas at napakalinis. Mabango pa ito na parang may hint ng jasmine. Buhay mayayaman nga naman.
Huminga muna ako nang malalim bago nag-doorbell pero walang sumagot. Paalis na sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto niya. Bahagya akong sumilip sa pinto at bigla kong narinig ang boses niya.
"Miss Cagatin, you may enter."
Nagulat ako pero agad pa rin akong sumunod at mabilis na pumasok sa kuwarto.
"Sir, kanina pa kayo hinahanap ng event organizer. Magsisimula na raw ang event," kinakabahan kong sabi.
"Do you know how to put this on?" nakatingin siya sa ‘kin sabay turo sa kurbata.
Lumapit ako sa kanya at kinuha ang kurbata habang siya naman ay nagsasara ng butones ng kanyang long sleeves.
"Sir, sana sinabi niyo kanina pa na hindi kayo marunong magkabit ng necktie, eh 'di sana kanina pa tayo nakababa sa event."
"My assistant usually do this for me, but I asked her to do something else for me," paliwanag niya.
Kumunot ang noo niya. Nagtaka ako kung bakit gano'n siya kung makatingin.
Sheeeeet! Sa halip na ayusin ko ang kurbata, eh, isa-isa ko na palang natanggal ang butones ng long sleeves niya.
Bigla niyang iniwas ang damit niya sa akin at isa-isa ulit na ibinalik ang pagkakabutones.
Paksyet! Malapit na sana sa abs. Hindi pa umabot. Sayang naman.
Ano ba naman ito? Bakit ba hindi ko mapigilan sarili ko? Ano bang mayro’n ang lalaking ito at nawawalan ako ng kontrol tuwing kaharap siya?
"Miss Cagatin, kung gusto mong makita ang katawan ko ay sabihin mo lang. Hindi ko naman ipagkakait ito." nakangisi siyang lumakad papalapit sa akin at ako naman ay naglalakad paatras at papalayo sa kanya hanggang sa mapasandal ako sa pader.
Itinukod niya ang kanyang naglalakihang kamay sa pader para makulong ako sa loob ng kanyang maskuladong bisig. Ang fresh ng amoy niya. Halatang mamahaling pabango ang gamit niya. Hindi tulad ng mga naging ex ko na gabi na ay amoy araw pa. Pero si Sir, amoy baby, makalaglag-panty. Buti na lang at bagong bili ang So-en na panty ko. Marupok man ang puso ko ay matibay naman at makapit ang garter ng panty ko!
"Huwag kang feelingero, Sir. Hindi ka kasing-guwapo tulad nang inaakala mo!" sa galit ko, eh napisil ko ang masel ng braso niya. Ang tigas! Shet! Itinulak ko ang kanyang dibdib. Ang tigas din pala. Dobol shet!
Tumawa lang siya sa akin.
"Let’s go! We're done here. They are waiting for us."
Pagbaba namin sa hall ay nakatingin sa amin ang lahat ng tao. Feeling ko tuloy ay para kaming celebrity na kumakaway sa mga fans. Feel na feel ko talaga. Ang haba ng hair ko. Hanggang sa bigla akong huminto at napatitig sa isang poster. Ang laki ng poster at ako ang modelo na naka-display sa buong hotel.
Mangiyak-ngiyak ako habang pinagmamasdan ko ang aking larawan sa lahat ng sulok ng event hall. Sa isang iglap ay bigla akong naging modelo mula sa pagiging hamak na promo girl.
Inilabas ko ang aking cellphone sabay nag-selfie sa harap ng poster ko at nag-post sa social media na may caption na #guesswhosintheposter #feelingblessed #gandangdiinaakala #imsohappy.
Ang ganda na sana ng moment nang biglang may umakbay sa aking balikat at laking gulat ko nang makita ko kung sino iyon.
"Don Paks?" nanlaki ang aking mga mata nang makita ko siyang muli. Nanlilisik ang kaniyang mga mata na nakatingin sa akin. Kanina ko pa nararamdaman ang presensiya niya nang bigla akong makaamoy ng insenso. Gaya ng dati ay suot pa rin niya ang barong na parang pang-burol.
"PB, ibang klase ka rin. Pagkatapos mo akong hindi siputin ay ang lakas ng loob mong magpakita pa rito!" nanlilisik ang kanyang mga matang nakatingin sa akin. Bakas na bakas ang galit sa kanyang mukha.
"Kung hindi kay Don Paks 'yong kuwarto na tinulugan ko, eh kanino pala iyon?" bigla kong nasabi sa aking sarili.
"PB, halika na at kailangan mo nang pagbayaran ang utang mo sa akin. Akala mo yata nakakalimutan ko na ang lahat!" sabay hila niya sa aking braso.
"Don Paks, may pambayad na ako sa iyo kung gusto mo, kahit lagyan mo pa ng interest. Huwag lang iyong gusto mong mangyari. Hindi ko kaya ang ipapagawa mo sa akin!" pilit akong kumawala sa kanyang pagkakahawak pero sadyang napakalakas niya.
"Kung gusto mo, bukod sa pera ay sa iyo na rin itong singsing." nagmamadali kong inilabas ang singsing mula sa aking bulsa.
"Wedding ring? Aanhin ko ‘yan? Huwag mong sabihin na ikinasal ka na?"
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. Wedding ring pala ang singsing na hawak ko? Kahit ako ay hindi ko alam kung ikinasal nga ako. Paano nangyari 'yon?
"Nauubos na pasensya ko sa iyo, PB! Halika na at huwag kang mag-alala dahil sisiguraduhin ko na magugustuhan mo ang gagawin natin. Susulitin ko ang ibabayad mo sa akin." nagpupumilit siya na halikan ako at sa takot ko ay napapikit ako ng mariin.
Hindi ko namalayan na biglang nawala si Don Paks sa harap ko at pagmulat ng aking mga mata ay isang malaking kamay ang nakaharang sa mukha ni Don Paks. Si Sir Bernard!
"Get your filthy face and hands off my wife!"