CHAPTER 8

1591 Words
Akala ko magiging madali ang lahat sa pagkamit ng hustisya. Akala ko kapag may sapat ka ng ebidensya ay uusad agad ang lahat. Na makukulong agad ang mga may sala dahil nga malaki ang laban mo. Pero nagkamali ako. Akala ko kapag nagsumbong ako ay may hustisya na. Akala ko kapag nagsumbong ako ay tapos na. Lahat ng iyon ay mga maling akala ko lang pala. “Hindi ba sinabi ko naman sa ‘yo na kapag wala ako sa bahay ay ‘wag na ‘wag kang mananatili doon!” wika ni lola. “Lalabas naman po sana ako. Hindi ko lang po talaga natanggihan si lolo ng magpatimpla siya ng kape,” giit ko. Narito kami ngayon sa prisinto dahil sinamahan ako ni papa na magsampa ng reklamo laban kay lolo at kay Tito Brenan at sa pinsan kong si Leo. Kasalukuyang kinukuhanan ng pahayag si Lolo Tonyo sa loob. Samantalang sina Tito Brenan naman ay hindi sumipot dahil kasalukuyang nasa Maynila pa. “Hindi mo matanggihan dahil baka ginusto mo rin!” sabi ng isang babaeng pulis na nag interview sa akin. “Hindi po totoo ‘yan!” sigaw ko dahil sa biglaang pag ahon ng galit. “Ikaw ang nagprisintang ipagtimpla ng kape ang lolo mo ayon sa kanyang salaysay. Matagal ka na raw nagpapakita ng motibo sa kanya at natukso lamang siya,” anito pa sa akin. “Hindi po totoo ‘yan! Sinungaling s’ya!” umiiyak na sabi ko ngunit parang hindi naniniwala ang babaeng pulis sa akin. “Ginahasa n’ya ako ‘yon ang totoo! Pibagbantaan n’ya ako na kapag nagsumbong ako ay papatayin n’ya si lola at ako ang ididiib niyang may kagagawan!” Kalaunan ay wala ring nangyari sa isinampang kaso laban kina Tito Brenan at Leo dahil iniurong ni papa ang demanda. Binayaran rin kami ni Tito Brenan ng malaking halaga para sa aming pananahimik. “Patay na si Winnie kaya walang masama sa pagtanggap mo ng pera, Ronnie. Makakatulong pa sa atin ‘yan dahil sa hirap ng buhay ngayon.” Iyon ang naabutan kong usapan nina Tita Cathy at papa ng dumating ako galing ng eskwela. “Hindi mo man lang ba naisip na hustisya ang kailangan ni ate, tita?!” sagot ko bigla sa usapan. “Parang sinabi n’yo na rin na hindi totoo ang ginawa sa kanya ng mag amang ‘yon!” “Kagaya ng sinabi ko patay na ang ate mo. Bakit, may pera ka bang ipantutustos sa abogado kapag inilaban n’yo ang kaso?” galit na tanong ni Tita Cathy sa akin. Natigilan ako. Nilingon ko si papa, parang nababasa ko sa kanyang mga mata na tama si tita sa sinabi nito. “Namamasada lang ang papa mo, Farrah! Malapit na rin akong manganak. At nadagdag pa kayo sa bibig na pakainin ng papa mo dito sa bahay. Maganda na ang buhay ng mga kapatid mo sa poder ni Aling Melba kinuha kuha mo pa na akala mo ikaw ang bubuhay sa kanila!” “Hindi maganda ang buhay nila d’on dahil ginagawa silang alila. At ngayong patay na si Ate Winnie malamang sila na ang aako sa responsibilidad na ‘yon!” “Natural lang naman na suklian nila ng kasipagan ang pagpapakain at pagkupkop sa kanila! Wala ng libre ngayon, Farrah, para lang sa kaalaman mo! Kung dito kayo titira kikilos rin kayo at hindi kayo magbubuhay prinsesa at prinsipe tandaan mo! Bata ka pa kaya hindi mo naiintindihan ang buhay. Hindi pag aalila ang tawag d’on, Farrah, sukli n’yo ‘yon at obligasyon n’yo ‘yon!” pahayag pa ni Tita Cathy. “Tama na ang bangayan n’yo p’wede ba!” saway ni papa. “Buo na ang desisyon ko, Cathy, ipapagawa ko ang bodega para gawing bahay ng mga bata,” wika pa nito. “At talagang ipipisan mo sila sa atin?” umaalmang ani Tita Cathy. “May pera naman na pampagawa ng kwarto nila, ah!” “Para ‘yon sa panganganak ko, Ronnie!” galit na sansala pa ni tita. “Para sa mga bata ang perang nalikom sa abuloy, Cathy. At ang perang galing kay Brenan para rin sa kanila ‘yon,” pinal na sagot ni papa. “At pa’no tayo? Ako na manganganak? Ang mga anak mo?” “Mamamasada ako-“ “Letse ka! Bahala ka sa buhay mo! Simula ng pumasok ang mga batang ‘yan sa buhay natin puro sila na lang! Sila na lang lagi!” “Mga anak ko rin sila, Cathy. Obligasyon ko rin sila!” “Hanapin mo kasi ang magaling nilang ina! Hindi ‘yong puro ikaw!” Maya maya pa ay padabog na umalis si Tita Cathy at pabagsak na isinarado ang pintuan ng kanilang kwarto. “Farrah, inurong ko ang kaso para may pangsimula kayo ng mga kapatid mo.” Baling ni papa sa akin. “Inurong ko na rin ang kaso laban kay tatay dahil sa pakiusap ni nanay-“ “Papa naman! Pati iyon ginawa mo?! Wala na ngang hustisya para kay Ate Winnie pati ba ako tinanggalan mo na rin ng karapatang magkaroon ng hustisya!” umiiyak na sabi ko. “Tama naman ang Tita Cathy mo, anak. Wala tayong pambayad sa abogado at isa pa matanda na rin ang Lolo Tonyo mo. Sana naman maintindihan mo,” pakiusap niya sa akin. Hindi na ako nagsalita pa at pumasok na lang sa kwarto. Huminto ako sa pag iyak ng makita kong tulog si Annie. Marahan akong naupo sa tabi niya at marahang hinaplos ang kanyang buhok. Sana naging si Annie na lang rin ako. Para hindi ko iniinda ang hirap sa ganitong edad ko. Ayaw kong dumating ang araw na mahirapan din si Annie kagaya namin. Kung ang pag urong sa kaso ang tanging paraan para maging maayos ang buhay naming magkakapatid kahit masakit tatanggapin ko na lang. Sa mata ng tao makakaligtas sila, pero sa mata ng Diyos ay hindi. Naniniwala rin ako sa karma kaya hihintayin ko ang araw na singilin rin sila sa ginawa nila sa aming magkapatid. Nagpatuloy ang buhay namin kahit mahirap. Simula ng pumutok ang balita tungkol sa nangyari sa amin ni Ate Winnie ay doon na nag umpisa ang kalbaryo namin. Walang araw na hindi napapaaway sa school si Lester. Minsan ay ganoon rin ang nangyayari kay Bruce. May pagkakataon pa nga na ayaw ng pumasok ni Bruce dahil nabu-bully s’ya sa eskwela. At ako… hindi lang pambu-bully ang nararamasan ko. Nababastos rin ako at sinasabihan ng kung ano ano na akala mo ay kilalang kilala nila ang buong pagkatao ko kung husgahan nila ako. “Sabi ko na nga ba’t nandito ka lang, eh!” Naupo si Rave sa tabi ko. “Paano ka papasa n’yan kung nagka-cut ka ng class? Sa tingin mo ba matutuwa si Winnie n’yan?” Sa pagbanggit niya ng pangalan ni Ate Winnie ay hindi ko naiwasang umiyak. Pero dahil ayaw kong nakikita ng ibang umiiyak ako ay agad ko ring pinahid ang mga luha sa mga mata ko. “Ayos lang umiyak,” wika nitong malayo ang tingin. “Madalas ko ring sabihin ‘yan kay Winnie. Kung nagsabi lang s’ya agad, sana natulungan ko s’ya. ‘Di sana buhay pa s’ya ngayon,” malungkot pang sabi nito. Isa si Rave sa mga naging kaibigan ng ate ko. Mabait si Rave sa lahat at gwapo kaya naman binansagang crush ng campus. Crush rin s’ya ni Ate Winnie at hanggang doon lang dahil promise namin sa isa’t isa na walang magbo-boyfriend hangga’t hindi kami nakakapagtapos ng pag aaral. Dahil ayaw naming matulad kay mama. At ngayon, ako na lang ang tutupad sa pangakong iyon dahil wala na si ate. “Balang araw mabibigyan ko rin ng hustisya ang nangyari sa amin. Magbabayad rin sila,” wika ko. “Kaya dapat ‘wag kang susuko, Farrah. ‘Wag mong biguin ang ate mo.” Pagpapalakas pa ni Rave sa loob ko. “Farrah, tawag ka ni Sir Flores. Pumunta ka daw sa faculty,” tawag isa kong kaklase sa akin. “Puntahan mo na,” ani Rave. Tinanguan ko lang siya at umalis na. Uwian na ng mga estudyante at iilan ilan na lang rin ang mga teachers na nakikita ko ng pumunta ako sa faculty. “Tawag n’yo raw po ako, sir?” wika ko ng makalapit sa table ni Sir Flores. “Maupo ka muna, iha,” anito sabay lahad ng upuan sa kanyang harapan. “Aware ka ba sa grades mo?” tanong niya sa akin. “Bakit po?” kunut noong tanong ko. “Kahit anong hila ko kasi sa grades mo, wala na akong mahila hila.” Sabay pakita niya ng kanyang records. Nanlumo ako dahil seventy four ang grade na nakalagay doon. Aminado naman kasi ako na napabayaan ko ang pag aaral ko. “May p’wede po ba akong gawin?” “Meron naman.” Pinasadahan niya ang buong katawan ko. “Tataas ang grades mo at makaka graduate ka pa,” nakangising wika nito at hinimas ang aking braso. Dahil sa ginawa niya ay napatayo akong bigla. Pakiramdam ko ay si Lolo Tonyo ang humimas ng aking braso. “Oh! Hindi ka na bago dito. Nakatikim ka na hindi ba?” “Eh, bastos ho pala kayo, eh! Rape victim ho ako, sir! At kung katawan ko ang kapalit ng mataas na grade na sinasabi mo, eh, solohin mo ‘yang grade mo! Hindi na baleng hindi ako maka graduate ‘wag lang akong abusuhin ng manyakis na katulad mo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD