“And why are you here?”
Hinarang agad ako ni Brianna sa gate pa lang ng bahay ni Lola Melba. Hindi ako sumagot at nagtuloy lang sa pagpasok sa loob ng bahay. Agad kong tinungo ang kwarto namin para kunin ang mga kapatid ko.
“You are banned here!” sigaw pa ni Brianna na sumunod pala sa akin dito sa itaas. “Lumayas ka dito bago pa kita ipadampot sa baranggay!”
“Wala akong panahon sa ‘yo!” Pagbagsak kong isinara ang pintuan ng aming kwarto.
“Farrah! Farrah! Isusumbong kita kay mommy at daddy!” sigaw pa ni Brianna sa labas.
“Ate Farrah!” Sinalubong ako ng yakap ni Lester.
Nagising na rin sina Bruce at Annie dahil sa ingay ni Brianna sa labas.
“Mag ayos na kayo ng mga gamit n’yo kasi d’on muna tayo kina papa habang nakaburol si Ate Winnie,” wika ko habang inaayos rin ang ibang gamit nila.
Pero ang totoo hindi ko na sila ibabalik pa dito kahit mailibing na si Ate Winnie. At kung saan kami tutuloy? Iyon na lang ang pag iisipan ko sa mga susunod na araw. Basta ayaw ko silang maiwan dito dahil alam ko na aalilain lang din sila ng pamilyang ito kagaya ng ginawa nila kay ate.
At mas lalong hindi rin maaari kina Lola Ineng dahil mas delikado doon. Tama na ang isang beses na paglapastangan sa akin. Hindi na ako papayag na gawin ulit iyon ni Lolo Tonyo sa akin. At ayaw kong gamitin pa ni Lolo Tonyo ang mga kapatid ko para lang magawa ang gusto niya kagaya ng kung paano niya pagbantaan ang buhay ni Lola Ineng para takutin ako at makuha ang kanyang gusto.
Habang busy sina Bruce at Lester sa pagliligpit ng kanilang mga gamit ay naging abala naman ako sa pag aayos ng mga gamit ni Ate Winnie. Wala akong iiwang kahit ano sa bahay na ito.
Isang papel ang nahulog mula sa notebook ni ate, hindi ko agad iyon pinansin dahil buong akala ko ay scratch paper lang. Lulukutin ko na na sana iyon ng mabasa ko ang unang linya na nakasulat doon.
‘Hindi ko na kaya!!!’
Biglang tinambol ng malakas ang puso ko. Agad kong binuklat ang papel na iyon. Ganoon na lang ang palahaw ko ng mabasa ng buo ang nakasulat sa papel.
‘Kanino ako magsusumbong? May maniniwala kaya sa akin? Bakit sa akin pa nangyari ito? Bakit ako pa ang kailangang makaranas ng ganitong klase ng kababuyan? At sa sarili ko pang kadugo. Farrah, sana nandito ka… alam kong ikaw lang ang maniniwala sa akin. Ikaw lang ang makakaintindi sa akin. Farrah, ginahasa nila ako, paulit ulit! Ginahasa ako ni Tito Brenan at ni Leo. Ginahasa nila ako, Farrah. Nagsumbong ako kay Lola Melba pero wala s’yang ginawa dahil natatakot rin daw siya. Farrah, tulungan mo ‘ko. Hirap na hirap na ako, Farrah. Bumalik ka na, please…’
“Bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Sana natulungan pa kita! Sana buhay ka pa ngayon!” mahinang sabi ko habang yakap yakap ang kanyang sulat.
Kaya pala ang tahimik niya noong mga nakaraang araw. Laging tulala at malalim ang iniisip. Iyon pala ay may nagyayari na!
“Ate…”
Mahigpit kong niyakap si Annie nang haplusin niya ang aking buhok.
“Bakit, ate?” tanong naman ni Bruce.
“Wala!” tugon ko at agad pinunasan ang aking pisnging hilam sa luha. “Okay na ba ang mga gamit n’yo?”
Tumango ang mga kapatid ko. Isinukbit ko ang bag ni Ate Winnie at bitbit ang malaking bag na naglalaman ng mga damit ni ate at ni Annie ay hinila ko na ang aming bunso palabas ng kwartong iyon.
Sinulyapan ko ang kwarto namin sa huling pagkakataon. Marami kaming alaala ni Ate Winnie sa kwartong ito. At ngayon ay hanggang alaala na lang iyon.
“Farrah, saan mo dadalhin ang mga kapatid mo?” tanong ni Lola Melba ng makababa kami.
“Doon po muna kami kay papa habang nakaburol si Ate Winnie,” wika ko.
Tiningnan kong mabuti si Lola Melba sinalubong ko ang kanyang mga mata ngunit sa huli ay siya ang unang nag iwas ng tingin.
“Bakit, ‘la?” tanong ko dahil parang wala siyang balak magsalita.
Muling tumingin si lola sa akin. Nakita ko ang kalituhan sa kanyang mga mata. At nababanaag ko ang pagsisisi. Pagsisising huli na! Dahil wala na si ate.
“Bakit hinayaan mong mangyari kay ate ‘yon?!” Nanggigigil na tanong ko sa kanya.
“Ano bang sinasabi mo?” nagmamaang maangan niyang tanong sa akin.
“Alam ko na!” Sabay pakita ng papel na iniwan ni Ate Winnie. “Bakit hindi mo s’ya tinulungan?! Bakit wala kang ginawa?!”
“Wala akong alam sa mga sinasabi mo, Farrah!” Galit na pagtanggi ni lola. “Hindi naman habang buhay ang burol ng ate mo pero bakit dala mo na lahat ng gamit nila?”
“H’wag n’yo pong ibahin ang usapan. Nakasulat dito na nagsumbong s’ya sa ‘yo! Pero wala kang ginawa! Wala kang ginawa, ‘la!” Nangingilid ang mga luha ko sa galit.
“Farrah-“
“Dahil ano? Dahil natatakot ka?! Hindi ka natatakot, ‘la! Dahil ang totoo ayaw mong mapahamak ang paborito mong anak at apo!”
“Hindi totoo ‘yan, Farrah, ha!” saway niya sa akin.
“Totoo ‘yon! Simula ng magkaisip ako namulat ako sa ibang pagtrato mo sa amin. Kay mama! Pero babae ka rin! Bakit hinayaan mong mangyari kay ate ‘yon? Habang buhay ka sanang usigin ng konsensya mo!”
“Anong drama ‘to?! Farrah, saan mo dadalhin ang mga kapatid mo?” tanong ni Tita Leona nang maabutan kami dito sa sala.
“Tara na, Bruce, Lester,” wika ko at hinila na palabas si Annie.
“Aba’t bastos ka, ah! Kinakausap pa kita-“
“H’wag na ‘wag mo akong hahawakan!”
Natigil sa ere ang kamay ni Tita Leona. Pinantayan ko ng galit ang galit niyang mga mata.
“Bastos kang talaga, eh ‘no!” Humalukipkip pa ito. “Wala kang utang na loob!”
Hilaw akong napangisi. “Utang na loob ba kamu?! Bayad na bayad na kami sa utang na loob dahil sa ginawa n’yong pag alila sa Ate Winnie ko! Hindi pa nga nakontento ang asawa’t-“
“Farrah!” saway ni Lola Melba sa akin.
“Bakit, ‘la? Hindi ba n’ya alam?” Nakangising saad ko habang hilam sa luha.
“Ma?” kunut noong baling ni Tita Leona kay lola. “Ano bang pinagsasabi nito?”
“Rapist ang asawa’t anak mo! Ginahasa nila ng paulit ulit ang ate ko at alam ni lola ‘yon! Pero wala s’yang ginawa!” umiiyak na sigaw ko.
Nanlalaki ang mga matang nilingon ni Tita Leona si Lola Melba. Yumuko lang si lola at marahang naupo sa sofa.
“Sinungaling ka!” mahinang sambit ni tita.
“Bakit hindi mo tanungin si lola? Pagbabayaran n’yo ang ginawa n’yo sa ate ko! Tandaan n’yo ‘yan!”
“Hindi magagawa ng asawa ko ‘yon! Lalong lalo na ng anak ko!”
“Nagawa na nila, tita!” ganting sigaw ko. “Patay na ang ate ko! Kasalanan n’yo kung bakit namatay ate ko!”
Wala akong narinig ni isang salita mula kay papa ng dumating kami sa bahay nila. Niyakap lang nito ang tatlo kong kapatid at nagpatuloy sa pag asikaso sa mga taong dumarating.
Tahimik lang rin si Tita Cathy ngunit makikita sa mukha nitong ayaw nito sa mga nangyayari. Ayaw rin nitong palapitin ang mga anak sa mga kapatid ko kahit na nga gusto ng mga itong makipaglaro kina Lester.
Hinayaan ko iyon bilang respeto kay papa at sa burol na rin ni Ate Winnie. Ayaw kong gumawa ng eksena dahil nakikituloy lang nga naman kami sa bahay nila.
“Magpahinga ka muna, apo.”
Nanindig ang mga balahibo ko ng marinig ang boses ni Lolo Tonyo. Tumabi siya sa inuupuan ko kaya agad akong tumayo.
“Bakit-“
“Lumayo ka sa akin!” nagngangalit ang mga ngiping pagtataboy ko sa kanya palayo.
“Bakit naman-“
“Lumayo ka sa ‘kin dahil nakakadiri ka! Kung ayaw mong mapahiya sa mga taong nandito layuan mo ‘ko!”
“Aba’t matapang ka, ha! Gusto mo yata talagang sumunod ang Lola Ineng mo sa Ate Winnie mo ‘no?” Pananakot pa niya sa akin.
“Eh ‘di gawin mo!”
Nakita ko ang galit sa mga mata ni lolo. Pero hindi na ako padadaig sa kanya.
“Akala mo ba natatakot ako sa ‘yo! Demonyo ka! Hindi mo na nirespeto ang burol ng ate ko!”
Pagkasabi ko noon ay iniwan ko siya at nagtungo ako sa kusina para uminom ng tubig dahil nanginginig ang katawan ko sa galit.
Siguro kung hindi lang nanaig ang takot ko ng mga sandaling iyon nakalaban pa sana ako. Hindi sana nangyari sa akin iyon.
Isa isang tumulo ang aking mga luha ng sumagi ang imahe ni ate sa isipan ko. Pareho kami ng dinanas ni Ate Winnie. Pero maaga s’yang sumuko. Kung hindi s’ya sumuko agad sana sabay kaming lalaban ngayon.
“Paano na ‘ko, ate? Ikaw lang rin ang makakapitan ko, eh! Tapos iniwan mo pa ‘ko. Ang daya daya mo. Napaka daya mo…”