CHAPTER 2

1571 Words
Napakahirap para sa aming magkakapatid ang mag-adjust ngayong nasa malayo si mama. Mabait naman sa amin si Lola Melba at hindi kami pinababayaan. Istrikto ito kung minsan lalo na sa amin ni Ate Winnie dahil nagdadalaga na raw kaming dalawa. Ayaw lang daw niyang matulad rin kami kay mama kaya madalas niya kaming paghigpitan. Wala namang problema iyon dahil taong bahay lang ang ate ko. Hindi rin kami mabarkada dahil kaming lima lang ay masaya ng magkakasama. Dumating ang bakasyon na pinakaaayawan naming magkakapatid. Tuwing bakasyon kasi ay umuuwi ang pamilya ni Tito Brenan dito para magbakasyon. Ang pamilyang sobrang sama ng mga ugali. Maaga pa lang ay naglinis na kami ng buong bahay. Bawat sulok ay sinisigurado pa ni lola na nalinis ng mabuti. Tumulong rin kami sa pagluluto at pag aayos ng lamesa. Kami nila mama ang gumagawa dati nito tuwing bakasyon. Pagkatapos naming manilbihan ay uuwi kami sa hapon dala ang pabaong pagkain ni Lola Melba na itinatago pa niya sa mag asawa dahil nagagalit ang mga ito kapag binibigyan ni lola ng kung ano si mama. Ilang saglit pa ay may bumusina na sa labas. Iniwanan ni Ate Winnie ang kanyang ginagawa para buksan ang gate. "Brenan, anak!" Sinalubong ni Aling Melba ng mahigpit na yakap ang kanyang panganay. "Leona, kumusta? Naku! Ang lalaki na ng mga apo ko!" wika pa ni lola at niyakap rin ang tatlo. "Halina sa loob para makakain!" Anyaya pa ni Lola Melba sa kanila. "Ma, nandito pa rin 'yang mga 'yan?" Tukoy ni Tito Brenan sa amin. “Akala ko ba nagta-trabaho na si Korina? Bakit hindi n'ya bilhan ng bahay 'yang mga inakay n'ya?" "Anak, tatlong buwan pa lang naman ang kapatid mo sa Saudi. Saka maliit lang din ang kita n'ya-" "Oh! Eh, bakit nag-abroad pa?" Singit ni naman ni Tita Leona. "Baka naman pati ang perang ibinibigay ni Brenan sa inyo ay kahati pa sila?" "Naku! Hindi naman," tanggi ni lola. "Nagpapadala naman ng pera si Korina. Sadyang wala pa talaga siyang budget para sa bahay na tutuluyan ng mga bata," pahayag pa nito. "Hay naku! Nag aanak anak ng marami pagkatapos ipapaako sa iba ang responsibilidad sa pag aalaga at pagbabantay sa mga anak!" wika ni Tito Brenan na kagaya ni Tita Leona ay masama rin ang tingin sa amin. Habang kami naman ay tahimik lang na nakikinig. At sa totoo lang ay abot abot na ang inis at galit ko para sa kanila. Kung tutuusin nga ay hindi na namin pinakikilos si Lola Melba dito sa loob ng bahay at kami na ang umaako sa lahat ng mga gawain. Pagdating naman sa pag aalaga at pagbabantay kina Lester, Bruce at Annie ay hindi namin iyon inaasa iyon kay lola. Nababantayan man nito si Annie ay oras lang din ang binibilang dahil kalahating araw lang ang pasok namin sa eskwela. "Hmm! Tama na nga ang iyan. Kumain na muna kayo," wika ni lola. Nag umpisa na rin ito sa paglalatag ng mga pinggan sa lamesa. "Hey! What are you doing?" Sita ni Tita Leona kina Bruce at Lester. Nahinto ako sa paglalagay ng tubig at juice sa mga baso ng marinig ko si Tita Leona. Nahinto rin sa tangkang pag upo sina Lester at Bruce. "Ano? Bakit nakatanga kayo d'yan?" ani Tita Leona na pinanlakihan pa ng mga mata ang mga kapatid ko. "Mom, they don't know what you're talking about!" tumatawang sabi ni Brianna. "Can you speak in tagalog either." Naiinis na bumuntong hininga si Tita Leona at masamang tingin ang ipinukol kina Lester at Bruce. "Sino ang nagsabi sa inyo na maupo kayo d'yan at sumabay sa amin?.” "Gutom na po kami-" "I don't care!" Napapikit sa gulat at takot sina Bruce at Lester sa sigaw na iyon ni tita. Tatawa tawa naman ang dalawa nitong anak. "Get out of my sight! Now!" "Bruce, Lester, sa likod na kayo kumain." Hinila ko sila paalis ng dining area at dinala sa dirty kitchen. "Sinabi ko naman sa inyo na dito kayo dumiretso 'di ba?" naiinis na sabi ko habang pinaghahain sila. "Sorry, ate," maluha luhang sabi ni Lester. “Akala kasi namin p’wede tayo d’on, eh.” “Kahit kailan hindi tayo p’wede doon dahil hindi natin sila kapantay,” saad ko. Hindi pa man ako tapos maghain para sa mga kapatid ko ng biglang sumulpot si Tita Leona. Sumandal ito sa hamba ng pintuan at nakahalukipkip na pinasadahan kami ng tingin. “Oh! Ano 'to?!" Nilapitan nito ang plato ng adobong manok na kagaya ng ulam sa loob ng bahay na nakahain para sa kanila. “Para po sa mga kapatid ko 'yan. Nagpaalam na naman po ako kay lola," sagot ko sa kanya. “Bakit? Kay Mama Melba ba galing ang pinambibili nito?" Pinamaywangan pa niya ako. "Kami ang nagbibigay ng pera at sa amin galing ang pinambili nito! Ito!" Sabay kuha ng toyo at mantika at inilapag sa lamesa. "Ito dapat ang ulam n'yo dahil alam ko na kapag nandito ang nanay n'yo, eh, 'yan lang din ang kaya n'yang ipaulam sa inyo!" "Nagta-trabaho na po ang mama namin. Nagbibigay rin po s'ya kay lola!" pangangatwiran ko pa. "Pakialam ko! Akin na 'to!” Kinuha niya ang ulam na nakahain sa lamesa. Tahimik namang umiyak sina Bruce at Lester dahil mga gutom na. Tinungo niya ang basurahan at nakangising itinapon doon ang adobo. "Hindi kasi kami kumakain ng marumi!" Ibinagsak niya sa lababo ang pinggan at umalis na. Naikuyom ko nang mahigpit ang aking mga kamao dahil sa nararamdaman kong galit. Pinigilan kong tumulo ang aking mga luhang namumuo na sa bawat sulok ng aking mga mata dahil ayaw kong mas umiyak pa lalo ang mga kapatid ko. Unang araw pa lang ito. Marami pang araw ang dadaan na makakasama namin ang pamilyang iyon. At hindi ko alam kung kakayanin pa ba namin iyon. Tinungo ko ang basurahan at handa ng pulutin ang tinapong manok nang pigilan ako ni Ate Winnie. Malungkot itong ngumiti at ipinakita ang ulam na nasa isang supot. "Hayaan mo na 'yan," ani ate pa. “Saan mo kinuha 'yan?" tanong ko. “Tinabi ko talaga 'to kanina. Dahil alam ko na pagdadamutan na naman tayo ng mga 'yon!" sagot ni ate. "Bruce, Lester, bilisan n'yong kumain baka makita nila tayo at maitapon na naman 'tong ulam natin. Pagkatapos n'yong kumain maligo na kayo agad at magkulong sa kwarto laruin n'yo si Annie habang naglilinis kami ng Ate Farrah n’yo dito sa ibaba." Ginulo ni Ate Winnie ang buhok ng dalawa at sinabayan na rin namin silang kumain. Hindi ko halos malunok ang pagkain sa aking binig dahil naaawa ako sa mga kapatid ko. Tumutulo ang kanilang mga luha habang sumusubo ng pagkain. Kahit si ate ay ramdam kong malungkot kahit hindi niya sabihin. Ngayong wala si mama ay kailangang maging matatag kami. At hindi ako papayag na basta na lang kami api-apihin. Hindi ako katulad ni Ate Winnie na sasagot man ay hindi naman malakas ang loob na lumaban. Ipagtatanggol ko ang mga kapatid ko. "Winnie! Winnie!" Itinigil ko ang paghuhugas ng mga pinggan ng marinig ang pagsigaw ni Tita Leona sa likod bahay. Naroon ito sa labahan na iniwan saglit ni ate para magbanyo. “Tawag ka ng bruha!" pairap na sabi ko ng lumabas ng banyo si ate. “May makarinig sa ‘yo!” Pinandilatan pa niya ako. Saka siya nagmadaling lumabas. Agad naman akong sumunod para tingnan kung ano na naman ang ipinuputak nito. "Bakit po-" Nahinto sa pagsasalita si Ate Winnie at naisalag na lang ang kanyang mga braso nang ihampas ni Tita Leona sa kanya ang basang basang damit na kinuha nito mula sa batya. “Tonta ka! Tingnan mo nga 'tong ginawa mo sa mga damit namin!" Mangiyak ngiyak na nilingon ni Ate Winnie ang mga damit sa batya. "Hindi naman po ganyan 'yan kanina no'ng iwanan ko!" Naging kulay pula nga ang tubig dahil sa kulay pulang damit na nakahalo sa mga puting nasa batya. “At sumasagot ka pang tonta ka! Sayang lang ang pagpapaaral sa 'yo kung bobo ka!" "Grabe naman kayo, tita!" Singit ko. “Sobra na po kayo sa pananalita n'yo sa amin, ah! Hindi n'yo naman kami katulong para ganyanin n'yo kami!" "Farrah!" Humihikbing hinila ako ni ate sa braso. "H'wag ka ng sumagot!" “Hindi, ate, eh! Sobra na! Kung alipustahin mo kami parang wala kaming ambag sa bahay na 'to! Kung tutuusin si Lola Melba lang naman ang responsibilidad naming pagsilbihan dito, eh!" "So, ano? Lumalaban ka na?! Lumalaban ka na?!" Pinaghahampas ako ni Tita Leona ng mga basang damit. "Oo!" sigaw ko. Hinigit ko ang damit na pinanghahampas niya sa akin sanhi para madulas siya sa basang semento. "Walang hiya ka!" Hinila niya ako at inginudngod sa batya. "Walang hiya kang bata ka, ha! 'Yan ang bagay sa 'yo! 'Yan!" sigaw ni Tita Leona habang inilulublob ang mukha ko sa batya na puno ng sabon at labahing damit. "Tama na po, tita! Maawa po kayo kay Farrah! Tama na!" Ngunit imbes na makinig kay Ate Winnie ay hinila rin niya ito at pilit inlulublob sa batya. Nang mapunta ang atensyon ni Tita Leona kay ate ay naging pagkakataon ko naman iyon para makawala. Hinila ko ang buhok niya kaya napahiga ito sa semento. "Farrah! Farrah! Tama na!" Pilit kinukuha ni Ate Winnie ang mga basang damit na pinagbabato ko sa babae. "Tama na, Farrah!" "Anong ginagawa n'yo sa asawa ko, ha?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD