Sabay kaming natumba ni Ate Winnie nang hawiin kami ni Tito Brenan at tulungan ang kanyang asawa para tumayo.
“Palayasin mo ‘yang mga salot na ‘yan, Brenan! Palayasin mo!” Pagwawala ni Tita Leona habang duro duro kaming dalawa ni ate.
“Leona! Brenan, ano bang nangyayari dito?” natatarantang ani Lola Melba at agad kaming nilapitan. “Winnie? Farrah?” Baling pa niya sa amin.
“Ang mga walang hiya mong apo! Tingnan mo ang ginawa sa ‘kin!” si tita.
“Ikaw ang nauna, ipinagtanggol lang naman namin ang mga sarili namin, ah!” sagot ko.
“Farrah! Kailan ka pa naging bastos!” saway ni lola sa akin.
“Totoo naman, ‘la, ah! Si Tita Leona po ang naunang manakit! Nagtitiis kami kahit ginagawa na nila kaming alila dito. Kung tutuusin hindi po namin trabaho ang ipaglaba sila, ah!”
“Tonta ka!” Sumugod si Tita Leona at pinagsasampal ako. “Iyan na lang nga ang isusukli ninyo sa pagpapalamon ni mama sa inyo hindi n’yo pa magawa!”
“Si lola! Si lola ang nagpapakain sa amin galing na sa bibig mo! S’ya ang nagpapakain sa amin at hindi kayo! Nagbibigay rin ng pera si mama para sa pangangailangan namin kaya hindi n’yo dapat kami sumbatan ng ganito na akala n’yo kayo ang bumubuhay sa amin!” Pangangatwiran ko pa.
“Farrah, tama na!” Nanginginig na awat ni ate sa akin. “Tigilan mo na ang kakasagot mo! Baka mapahamak tayo lalo!”
“Hindi, ate! Sumusobra na kasi, eh!” sagot ko.
“Lumayas ka!”
Natigilan ako sa sinabing iyon ni Tito Brenan.
“Tito.” Umiiyak na umiling si Ate Winnie.
“Sinabing lumayas ka! Alis! Layas!” Hinigit ni tito ang aking braso at kinaladkad ako palabas ng gate. “Ang kapal ng mukha mo! D’yan ka sa labas at ‘wag na ‘wag kang makapasok pasok dito sa pamamahay namin, ha! Walang utang na loob! Tingnan natin kung saan ka pulutin!”
“Tito, ‘wag po! Maawa po kayo kay Farrah!” Pagmamakaawa ni ate na halos manik luhod na sa paanan ni Tito Brenan.
“Manahimik ka kung ayaw mong pati ikaw sumunod sa kapatid mo!” saway niya kay Ate Winnie.
“Here’s your kadiring things girl!” Ibinato sa akin ni Brianna ang mga damit ko.
Tumingin ako kay Lola Melba ngunit nag iwas lang siya ng tingin sa akin. Alam ko naman na noon pa lang ay mas pinapaboran na niya si Tito Brenan kaysa kay mama. Kahit sa mga apo niya. Mas asikasong asikaso niya ang mga anak ni Tito Brenan kaysa sa amin.
Lalo na ngayong magkakasama kami sa iisang bubong. Nakikita ko kung paano niya tratuhin ang mga anak ni tito kaysa sa amin. Kaya alam ko na hindi niya kami kayang ipagtanggol kay Tito Brenan.
“Farrah!” umiiyak na tawag ni ate nang isarado ni tito ang gate.
Wala akong nagawa kaya isa isa kong dinampot ang aking mga damit at inilagay sa plastic bag na nakita ko sa gilid ng basurahan.
Bago umalis ay tumingala ako sa bintana ng aming kwarto. Nakita ko ang mga kapatid ko at nagsisipag iyakan. Umalis rin ako ng isarado ni Tita Leona ang bintana doon.
Naisip kong puntahan si papa sa kabilang baranggay. Doon na lang muna ako sa kanya titira. Nandoon rin naman sina lola at lolo kaya siguradong hindi ako mahihindian ni papa.
Nakailang katok na ako pero wala pa ring nagbubukas ng pintuan. Pagod na ako at nagugutom na rin. Masakit na rin ang mga binti ko dahil nilakad ko lang ang papunta dito sa kanila.
Kakatok na sana ulit ako ng sa wakas ay bumukas na ang pintuan. Isang buntis na babae ang bumungad sa akin. Tiningnan pa ako nito mula ulo hanggang paa.
“Nand’yan po ba si papa?” alanganin ang ngiting tanong ko.
Hindi agad siya sumagot at nakatitig lang sa akin. May narinig akong mga yabag papunta dito sa kinaroroonan namin at bumungad si papa. Nagulat pa siya ng makita ako.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong agad niya.
Binuksan ng malaki ng babae ang pintuan hudyat na maaari na akong pumasok. Nakita ko ang dalawang batang nanunuod ng tv sa salas kasing edad iyon nina Bruce at Lester at batang nakaduyan na hindi nalalayo ang edad kay Annie. Tapos napatingin ako sa malaking tiyan ng babae.
“Si Tita Cathy mo nga pala, asawa ko. Iyon naman ang mga kapatid mo.” Turo pa niya sa mga batang nasa sofa at nasa duyan.
Kanina pa ako kumakatok sa labas pero wala man lang nagbukas sa akin. Nanunuod lang rin naman pala ng tv ang mga ‘to. Gusto kong umirap ngunit pinigilan ko na lang ang aking sarili.
“Bakit nga pala nandito ka, anak?”
Doon lang ulit ako napatingin kay papa. Ibang iba ang aura niya ngayon. Ang aliwalas ng mukha hindi kagaya noong kami ang kasama niya.
“Pinalayas po ako ni Tito Brenan sa bahay,” sagot ko.
“Ano kasi, eh-“
“Hindi ka p’wede dito!”
“Cathy!” saway ni papa sa bago niyang asawa.
“Bakit pabubulaklakin mo pa ang pagsasabi kung maaari mo namang sabihin agad. Kakarampot lang ang kinikita mo sa pamamasada ng tricycle, Ronnie.”
Gusto kong maiyak. Ngunit hindi ko gagawin iyon na kaharap sila. Huminga ako ng malalim at bahagyang ngumiti.
“H-hindi naman po ako titira dito sa inyo,” sagot ko na ikinalingon nilang dalawa. “Magpapalipas lang po sana ako ngayong gabi. Baka po lumamig na rin ang ulo ni tito bukas,” wika ko pa.
“Aries, Kaye, pumasok na sa kwarto at matulog na!” Utos ni Tita Cathy sa dalawang anak matapos patayin ang tv.
Binuhat na rin nito ang batang nasa duyan at pumasok na rin sa loob ng kwarto na hindi man lang kami nilingon ni papa.
“Pasensya ka na, anak, ha.”
“Kaya ba kayo laging nag aaway ni mama dati dahil may iba kang pamilya?” tanong ko. Tumingin pa ako sa pintuang pinasukan ng bago niyang pamilya.
“Hindi mo pa maiintindihan sa ngayon-“
“Twelve years old na po ako at kaya ko ng makaintindi, pa,” tuwirang sagot ko.
“Ronnie, ano ba?! Matulog na tayo!” sigaw ni Tita Cathy sa kanya.
“Kumain ka na ba?” tanong niya sa akin na hindi pinansin ang pagtawag sa kanya ng kanyang bagong asawa. “Pasensya ka na dito, anak. ‘Yan lang ang meron kami, eh.”
Inilapag ni papa ang isang lata ng sardinas sa ibabaw ng lamesa. Kumuha siya ng kanin at inilapag iyon sa harapan ko.
“Ikukuha kita ng kumot at unan saglit. Sa sofa ka na muna matulog. Masikip kasi sa kwarto, eh.”
Tumango lang ako at nagsimula na ring kumain. Pinahid ko ang mga luhang isa isang pumatak sa aking mga mata ng mawala si papa.
Ngayon ko mas nami-miss si mama. Ilang linggo na ring hindi namin siya nakakausap. Mabilis kong tinapos ang pagkain ko ng lumabas si papa ng kwarto.
Init at lamok ang kasama ko ng gabing iyon. Hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog. Nagising na lang ako sa ingay ng bunganga ni Tita Cathy at iyakan ng mga bata.
“Si papa po?” tanong ko kay Tita Cathy na nagtitimpla ng gatas.
“H’wag mong hanapin ang papa mo dahil maaga pa lang umaalis na ‘yon para mamasada. Kung almusal ang hihingin mo sa kanya kaya mo s’ya hinahanap, ako na ang nagsasabi sa ‘yo wala kang mahihingi kahit piso dahil sakto lang ‘yon para sa mga anak ko.” Inirapan niya ako at iniwang nakatanga. “Makakaalis ka na rin dahil wala kaming ipapakain sa ‘yo dito. ‘Yong sardinas na kinain mo kagabi ulam pa dapat namin ‘yon sa mga susunod na araw, eh! Wala kang lugar dito sa bahay namin lalong lalo na sa buhay namin kaya kung ako sa ‘yo bumalik ka na sa inyo,” wika pa niya.
Hindi ko na nakuha pang magsalita dahil sa haba ng kanyang mga sinabi. Matapos kong iligpit ang aking hinigaan ay umalis na rin ako at nagtungo naman sa bahay ng mga magulang ni papa.
“Tinawagan mo na ba ang mama mo? Kasi kung titira ka dito sa amin wala kaming ipang susuporta sa ‘yo, apo,” pahayag ni Lola Ineng.
“Ineng, hayaan mong dumito na si Farrah dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kanya at kung saan pa magpalaboy ‘yan,” wika naman ni Lolo Tonyo.
Tiningnan siya ni Lola Ineng, tingin na hindi ko mawarian dahil para bang may ibig itong sabihin. Nang makita ni lola na nakatingin ako sa kanila ay tumikhim ito at sumulyap muli kay lolo.
“S-sige,” tugon ni lola.
“Salamat po! Pangako po hindi po ako magiging pabigat sa inyo. Marunong naman po ako ng gawaing bahay, eh!” masiglang saad ko.
“Naku! Iyan ang gusto ko! Iyong masipag!” wika ni Lolo Tonyo at hinagod ang balikat ko.
“K-kumain ka muna, apo!” Bigla akong hinila ni lola patungo sa kusina.
Pinukol ni Lolo Tonyo ng masamang tingin si lola ng pasimple akong lumingon sa kanya.