Chapter Twenty Three
Annie
KARAMIHAN, kung hindi lahat, ng mga estudyante ay naglalakad papunta sa building na iyon.
Mukha siyang gusali na may tatlong palapag, hindi naman sobrang kalakihan kung titingnan dito sa labas pero sapat para mapanganga ako.
Totoo ba talaga abg signage na nakalagay sa taas ng building?
Mini Mall? May mall sa loob ng eskwelahang ito?
Grabe, ganito ba talaga eskwelahan ng mga mayayaman?
"Tara na," ani ni Denisa saka dire-diretsong naglakad palapit sa gusali.
Nagmadali naman akong humabol sa kanya. Marami kaming nakakasabay na estudyante, ang ilan ay mga mukha ring gulat at naninibago gaya ko at ang ilan nama'y parang sanay na sanay na sa pasikot-sikot ng eskwelahan gaya ni Denisa.
May dalawang security guards pa na nakabantay sa glass doors ng mini mall. Matikas lang silang nakatayo roon habang suot ang itim nilang shades. Hindi sila gumagalaw sa pwesto nila pero sapat na ang aura upang maramdaman ang awtoridad na nanggagaling mula sa kanila.
Nakayuko ako nang papasok ng ng gusali.
Para talagang kagaya ng mall na napuntahan namin nila tatay at nanay noong kaarawan ko.
Pagkapasok ay bumungad kaagad sa akin ang isang escalator hindi kalayuan mula sa kinatatayuan ko. Kaliwa't kanan din ang mga stores ng mga damit at iba pang gamit. Grabe, hindi ako makapaniwalang para talaga siyang isang mall!
Medyo mas maliit nga lang ang lugar na ito kumpara sa naaalala kong lawak ng mall na napuntahan namin noon. Pero sapat pa rin ang espasyo ng gusaling ito para makapag-libang ang mga estudyante sa mga bilihin.
Nagulat ako nang bigla akong hinatak ni Denisa papunta sa isang banda.
"D-Denisa!" Medyo nagulat pa ako pero naitikom ko rin ang bibig ko nang huminto kami sa harap ng isang mukhang touch screen na monitor. Nagf-flash dito ang isang digital na mapa ng buong mini mall.
Namangha ako habang pinagmamasdan ito.
"Ayan, nandito tayo ngayon sa first floor..."paliwanag ni Denisa habang itinuturo ang digital na mapa. "...dito matatagpuan ang mga mangilan-ngilan na boutiques at department store ng school. Sa second floor naman matatagpuan ang tinatawag na food haven, maraming food stalls na pwede mong pagpilian na kainan. Sa third floor naman, ito ang entertainment area ng mga estudyante, maraming mga arcade games at ibang in door sports na pwede mong gawin para maglibang,"
Mas lalo akong namangha sa mga sinabi ni Denisa. "K-Kung ganoon, lahat ba ng ito ay l-libre?" Halos kuminang ang mga mata ko habang tinatanong iyon.
Nilingon naman ako ni Denisa at pinagtaasan ng kilay. "Oo," simple niyang sagot.
Halos mapatalon naman ako sa tuwa.
"T-TALAGA?"
Isang ngisi ang gumihit sa labi niya. "Oo libre ang lahat ng ito... sa ngayon." Sagot niya na nagpawala sa malapad kong ngiti. "Kagaya ito ng mga natatanggap natin na provisional balance nitong nakaraang linggo. Pero simula lunes, hindi na ito magiging libre. Kailangan na nating pagsikapan na makakuha ng sapat na points mula sa academic performance o sa mga baduy na tasks na pinapagawa nila sa atin. Dahil kung hindi, wala tayong ipanggagastos sa mga sarili natin. Ang points na madadagdag sa atin sa lune naka-base sa performance natin nitong unang linggo," paliwanag ni Denisa.
Napanganga ako sa sinabi niya. "I-Ibig sabihin, kung babagsak ako s-sa mga quizes at k-kung hindi ko magagawa ang mga tasks, hindi ako makakakuha ng points?"
"Oo," tipid namang sagot ni Denisa.
Medyo nakakatakot pala ang C-system, napaisip tuloy ako kung naging matataas ba ang marka ko sa recitation at quizes nitong unang linggo.
"Ito ang paraan nila para ma-disiplina ang mga estudyante sa paarang 'to, ganito nila napapasunod ang lahat," dagdag ni Denisa sa mas seryosong boses.
Pinagmasdan ko siya habang nakamasid ang singkit niyang mga mata sa digital na mapa. Matapos nang ilang saglit ay binawi niya na ang tingin niya saka naglakad palayo.
"'Gutom na 'ko, tara na..." Ani niya bago naglakad ulit nang mabilis. Wala akong nagawa kundi habulin nanaman siya.
Naglakad kami papunta ng escalator para makapunta ng second floor. Pagtungtong namin doon ay namangha na nanaman ako sa samu't saring stalls ng kainan. Agad na naglaway ang bibig ko at kumalam ang sikmura ko. Lalo na't tanghaling tapat na pero wala pa ring laman ang tiyan ko!
Naglakad-lakad kami ni Denisa para tumingin-tingin kung ano bang masarap na kainin. lagpas sampung stalls ang matatagpuan sa palapag na ito; mga nakakatakam na putaheng pinoy, may ilan din na mga pagkain na parang hawig sa mga kilalang fast food restaurant, at meron ding masasarap na panghimagas gaya ng ice cream at cakes. Parang langit ng pagkain ang lugar na ito.
Kuminang naman ang mata ko sa isang stall na merong inihaw na manok kaya iyon agad ang una kong kinuha. Kumuha rin ako ng isang slice ng chocolate cake dahil mukhang masarap iyon. Samantala, si Denisa naman ay um-order ng mukhang shrimp tempura at pritong pusit. Pansin ko na parang mahilig sa seafood si Denisa, hindi ko siya nakitang kumuha ng kahit anong panghimagas.
Matapos um-order ay naglakad-lakad ulit kami para makahanap ng uupuan at mabuti nalang dahil may nakita kaagad kaming bakanteng pwesto.
Maligaya ako habang kinakain ang inihaw na manok at kanin. Napaka malasa nito at medyo malaki kaya tiyak na mabubusog ako.
Paminsan-minsan ay napapalingon ako kay Denisa pero mukhang wala naman siyang pakialam dahil tahimik lang siyang kumakain. Mukha talaga siyang masungit kung titingnan lang siya nang ganito pero sa loob ng isang linggo na nakasama ko siya, masasabi ko na meron talaga siyang mabuting puso.
Sa kalagitnaan ng pagnguya ko sa inihaw na manok ay halos mabilaukan ako nang makita ang isang pamilyar na lalaki na naglalakad malapit sa amin. Tamad na lumilinga unfocused niyang paningin sa paligid habang may hawak na tray ng pagkain. Mukhang naghahanap din siya ng mauupuan pero sa mga oras na ito ay mas lalong dumami ang bilang ng mga estudyanteng kumakain kaya parang wala na atang bakanteng lamesa.
Mukhang hindi ito napapansin ni Denisa dahil kaharap ko siyang kumakain kaya nasa bandang likod niya si braindead.
Bumagal ang pagnguya ko sa manok at halos hindi na nalasahan nang mabuti nang mapansin na parang napunta ata rito ang direksyon ng paningin ni braindead. Doon ko napagtanto na pang apatan ang pwestong ito na inuupuan namin ni Denisa pero dadalawa lang kaming nakaupo.
Kaya naman hindi na nakakagulat nang makita kong papalapit na si braindead sa aming lamesa.
Lalong bumagal ang pagnguya ko at hindi na lubos malaman kung nalunok ko na ba ang manok o mau nginunguya pa talaga ako.
Marahan ang paglalakad niya palapit sa aming pwesto at ni hindi man lang ako tinitigan.
Seryoso lang na kumakain si Denisa nang biglang bahagyang kumalabog ang lamesa dahil sa biglaang paglapag ng tray ni braindead. Tapos ay kaswal niyang hinila ang upuan at tahimik na umupo roon bago nagsimulang kumain sa gitna namin ni Denisa na para bang hindi niya ramdam ang presensya namin dito.
Nang sa wakas ay napansin na ni Denisa ang biglang pag-upo ng lalaki ay hindi inaasahang nanlaki ang singkit niyang mga mata at nabilaukan sa hipon na kinakain.
"Ayos ka lang ba?" Kinabahan ako at agad na inabot sa kanya ang baso ng tubig sa kanyang tabi. Agad niya iyong kinuha at ininuman.
Nang mawala na ang nakabarang hipon sa lalamunan niya ay marahas siyang napalingon sa lalaking bigla-bigla nalang lumilitaw at nakiupo nang wala man lang sinasabi.
"A-Anong ginagawa mo rito?" Singhal ni Denisa kay braindead.
Napakurap ako dahil sa hindi inaashaang pagkautal ni Denisa sa pagsasalita.
Samantala, ni hindi man lang sumagot ng kahit ano ang lalaki. Parang wala lang siyang naririnig.
Pansin ko na dumiin ang pagkakahawak ni Denisa sa kanyabg kunyertos nang mapansing ni hindi man lang siya pinapansin.
Huminga nang malalim si Denisa at mukhang sisinghalan ulit ang lalaki nang biglang maagawa ang atenson namin sa isang malakas na kalabog.
Napalingon ako sa pinanggalingan ng tunog at napag-alaman ko kung saan nanggaling iyon.
Hindi kalayuan sa amin ay isang babaeng estudyante na kasalukuyang nakasalampak sa sahig habang ang isang tray ng pagkain ay nagkalat sa sahig--mukhang sa kanya anh tray na iyon dahil nanginginig ang mga kamay niya habang sinusubukang iligpit ang mga bubuog mulo sa nabasag na plato.
Napaawang ang labi ko sa nakita. Parang kumirot ang dibdib ko sa kalagayan niya. Kaya naman parang awtomatikong napatayo ang katawan mo para sana tulungan siya.
"Hoy, saan ka pupunta?" Dinig ko pang pahabol na sigaw ni Denisa pero nagtuloy-tuloy lang ako sa pagtayo kaya lang ay napatigil ako nang mapansin na biglang pinalibutan ang babae ng apat na estudyante, tatlong lalaki at isang babae na may matingkad na pulang lipstick sa abi.
Naka-krus ang braso ng babaeng may pulang lipstick habang patuyang pinagmamasdan sa sahig ang babaeng nakatapon ng tray.
"Wow, Annie. I thought may hangganan ang katangahan pero look at you! You seemed to have an unlimited supply pala," ani pa nito bago nagpakawala ng isang matinis na tawa na sinabayan naman ng tatlong lalaking kasama niya. Ang isa sa mga lalaki ay may itim na buhok at dalawang piercing sa tenga habang ang isa nama'y may blonde na buhok na may kung anong disenyon sa anit.
Sa paraan ng pagtawa nilang apat ay sapat na par maramdaman ang matinding insulto na mukhang sadya nilang gustong maiparating sa babeng nakasalampak sa sahig na tinawag na--Annie.
"Ano? Pulutin mo iyan, buti pa ang mga nagkalat na bubog napupulot at naililigpit, how 'bout you? Kelan kaya maililigpit ang isang kalat na katulad mo?" Dagdag pa ulit ng babaeng may pulang lipstick. Sini-segundahan lagi iyon ng tawa ng dalawang lalaking kasama niya.
Lalong sumikip ang dibdib ko sa nakikita. Lalo na't halos hindi mapulat ng babaeng nagngangalang Annie ang mga bubog mula sa nabasag niyang plato dahil sa matinding panginginig ng kanyang kamay.
Tumutulo rin ang pawis mula sa kanyang noo kahit na malamig naman dito, dumidikit na tuloy sa balat niya ang maikli at maitim niyang buhok.
Hindi ko talaga napigilan ang sarili na maglakad papalapit sa kanila. Lalo na't wala atang gustong tumulong sa kanya, tahimik lang ang karamihan sa mga estudyanteng naririto at ang iba nama'y may sariling mundo na para bang sanay na sila sa ganitong klaseng sitwasyon.
Kaya naman tuloy-tuloy na akong naglakad papunta sa kanya para tulungan siyang pulutin ang mga nabasag na bubog.
Mas nabalot ng nakakabinging katahimikan ang buong paligid nang yumuko ako at marahang dumampot ng nga bubog para mailigpit iyon.
"Tulungan na kita," sabi ko sa kanya.
Nilingon naman niya ako gamit ang gulat niyang mga mata. May bahid ng luha ang bilugan niyang mga mata na para bang hindi niya inaasahan abg nangyari.
Ngumiti ako sa kanya at bahagyang tumango.
"Now, now, now... Wala pa nga ang lunes pero may nagpapabibo na rito?"
-C. N.Haven-