Chapter One

2294 Words
Chapter One     Alcohol   A G A P E   "UH, AYOS lang ba kung gagamit ako ng katol?" Nakangiti kong tanong 'kila Tiffany at Victoria.   Napatigil si Tiffany sa paga-ahit ng kanyang kilay saka ako tinapunan ng gulat na tingin. Si Victoria naman ay nabitawan ang hawak niyang liptint.   "What the hell?" Hindi makapaniwalang bulalas ni Tiffany na parang aatakihin na anumang oras.   "K-katol? Are you out of your mind?" Bulyaw sa akin ni Victoria bago iritadong ibinato sa kama ang kanyang presspowder.   "B-bakit? H-hindi ba kayo sanay sa amoy ng katol?" Nahihiya kong tanong. Napahawak ako sa batok ko. Paano ba iyan? Bilin pa man din ni Nanay na huwag na huwag kong hahayaan ang sarili na ma-expose sa lamok dito sa syudad. "K-kung gano'n, m-magkukulambo nalang ak—"   Natigil ako sa pagkuha ng kulambo sa aking maleta nang hablutin ni Victoria ang braso ko.   Pinukulan niya ako ng nanlilisik na tingin. "Hey you..." tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa bago tinuloy ang sasabihin. "...you piece of cheap probinsyana girl, can you stop saying stupid things!" Singhal niya sa mukha ko. Halos idikit niya na ang mukha niya sa akin. Nakakain ko na nga yata ang bagong rebond niyang buhok.   "P-pero hindi naman nonsense ang s-sinabi ko. Nagtatanong lang naman ako nang gano'n k-kasi ayaw kong m-malamukan—"   "Gaga!" Putol naman ni Tiffany sa sinasabi ko saka lumapit sa amin ni Victoria na kasalukuyan pa ring nakahawak sa braso ko. "Tingin mo ba may lamok na makakapasok dito? Are you dumb?"   H-ha? Bakit? Wala bang mga lamok sa syudad? Sosyal naman. Kaya pala mataas ang cost of living dito.   Natutop ko nalang ang labi ko at hindi na nakapagsalita pa nang pagsabihan ulit ako ni Victoria.   "You know what? You have been talking for the past hours and I am already sick of your voice so will you just shut up? I don't wanna hear your worthless blabbering again. Besides, you are just one lucky beggar who happened to enter this school. So don't think that we'll spend our time listening to your cra—"   Napahinto si Victoria sa pagbulyaw sa akin nang biglang may lumipad na baraha sa gitna naming dalawa. Sobrang bilis at pakiramdam ko ay malakas ang pressure nito na aakalain mong blade iyon sa talas. Nang mapatingin ako sa direksyon kung saan ito dumiretso ay napanganga ako dahil sa pagkamangha. Nakabaon ang baraha sa bulletin board ng kwarto. Saktong-sakto pa sa bagong lagay na litrato ni Tiffany at Victoria na magkasama.   "What the F!" Gulat na sigaw ni Tiffany saka hinawi ang buhok at marahas na nilingon ang taong may gawa sa paglipad ng baraha.   Galing iyon sa isa pa naming roommate na sa pagkakaalala ko ay Denisa ang pangalan. Mukhang kalalabas lang niya ng banyo dahil may tuwalya pa siya sa ulo. Nagtaka tuloy ako kung saan niya galing ang barahang binato niya.   "Ang ingay niyo. Gabi na, pagbubunganga niyo pa rin ang naririnig sa buong dormitory. " iritadong komento niya sa amin. Lalo tuloy sumingkit ang chinita niyang mga mata sa paraan ng pagtitig niya.   Pero... hindi naman ako ang maingay. Sila Victoria at Tiffany kaya ang sigaw nang sigaw!   "What the fudge? You are really insane!" Bwiset na bwiset na sigaw ni Victoria bago niya marahas na binitawan ang braso ko kaya naman na-out of balance ako at nadapa sa naka-tiles na sahig at tumama ang tuhod ko sa frame ng kama bago ako tuluyang bumagsak sa sahig.   Lumikha ng malakas na kalabog ang pagkakabagsak ko dahil nauna yatang tumama ang tuhod ko at mukhang masakit iyon...   "Serves you right!" Inis na sigaw sa akin ni Victoria bago padabog na lumabas ng kuwarto na agaran namang sinundan ni Tiffany pero nakatanggap muna ako ng masamang tingin sa kanya bago siya tuluyang umalis.   Napabuntong-hininga nalang ako bago tumayo at binalik ang atensiyon sa bulletin board at sa mismong litrato kung saan nakatarak ang barahang ibinato ni Denisa kanina. Mangha ko iyong pinagmasdan.   "Ang cool mo naman! Paano mo nagawa iyon?" Hinarap ko si Denisa na kinunutan lang ako ng noo.   Lumapad ang ngiti ko dahil lalo siyang nagmukhang astig sa paningin ko. "Para kang secret agent! Kahit ako nagulat sa ginawa mo!" Puri ko sa kanya.   Pero natahimik ako nang hindi siya kumibo at nanatiling nakakunot ang noo niya habang mariing nakatitig sa akin.   "B-bakit?" Nagtatakang tanong ko. Hala bakit ang tahimik niya? May mali nanaman ba akong nasabi?   "Hindi mo nararamdaman?" Tanong niya sa akin na ikinataka ko.   Ako naman ang napakunot ang noo. "Ang alin?"   Kumibot ang labi niya at kumorte na parang nakasimangot bago itinuro ang tuhod ko kaya napatingin ako roon.   "Hala!" Nanlaki ang mga mata ko at nataranta nang makitang dumudugo na pala ang tuhod ko! May kaunting parte ng balat ang nakaangat. Nang tumayo ako ay napansin kong nagsimula na ring tumulo ang dugo mula rito.   Mukhang medyo malalim ang sugat na natamo ko.   Ganoon ba kalakas ang pagkaka-balibag kanina sa akin ni Victoria? Tiningan ko ang parte kung saan ako natumba kanina at halos makitilan ako ng hininga nang makitang may bakas iyon ng kaunting dugo!   "Naku naman! Bakit may dugo rito?" Mangiyak-ngiyak ako at hindi malaman kung anong uunahing alalahanin—ang sugat ko ba o ang dumi sa sahig? Baka kapag bumalik sila Victoria at Tiffany tapos makita nila ito ay magalit nanaman sila. Naku naman!   "Ako nang bahala rito." Itinuro ni Denisa ang dugo sa sahig. "Linisin mo na ang sugat mo," utos niya sa akin na agad ko namang pinaburan.   Pumunta ako sa isang doubledeck. Sa ilalim ang higaan ko. Samantala, kay Denisa naman ang sa itaas. Kinuha ko ang medical kit sa lumang maleta na dala ko, hiningi pa ito ni tatay sa kapit-bahay namin sa probinsya. Hindi pa tuluyang naaayos sa closet ang mga laman nito kaya kinailangan ko iyong halungkatin para mahanap ang first aid kit na iniimpake ni nanay para sa akin.   Napangiti ako nang makita ko iyon. Agad kong hinanap ang bulak at alcohol. Tinanggal ko ang seal ng alcohol bago agarang binuhasan ang bulak. Sumabaw ito sa dami ng nabuhos. Hindi bale, mas epektibo yata kapag ganito.   Hindi ko pa nailalapat ang bulak sa nabalatan kong tuhod ay biglang may tumapik sa kamay ko na siyang naging dahilan ng pagkakahulog ng bulak na hawak ko.   "Baliw ka ba?" Bulyaw sa akin ni Denisa. Napatingala ako at na-realize na siya ang humampas ng kamay ko.   "H-ha? B-bakit?" Ano nanaman kaya ang nagawa kong mali?   "Lalagyan mo 'yang dinuguan mong tuhod ng bulak na sumasabaw sa alcohol?" Pinagtaasan niya ako ng boses habang kunot-noo akong tinititigan.   "P-pero 'di ba panglinis naman talaga ng sugat ang alcohol?" Kinuha ko alcohol at binasa ang label. "Ayan oh, kills 99% of germs."   Napapikit si Denisa sa sagot ko. Napakurap-kurap lang ako at inisip kung ano nanaman ang nagawa kong kamalian.   Pagmulat ni Denisa ay mukhang mas kalmado na siya. Mas lumapit siya sa akin at hinablot ang first aid kit ko.   "Maglalagay ka lang ng ganoon karaming alcohol sa open wound kung sawa ka na sa buhay mo." Seryosong paliwanag niya sa akin habang nililinis niya ang mga dugong kumalat sa tuhod ko. Tapos ay kumuha siya ng panibagong bulak at nilagyan ng betadine saka marahang hinaplos sa sugat ko.   Nakagat ko ang kuko ko sa kahihiyan.   "Hala, nakakahiya naman... k-kaya ko naman gawin 'ya—"   "Baka kapag ikaw ang maglinis ng sugat mo, wala ka nang tuhod bukas." Putol niya sa sinasabi ko. Seyoso pa rin ang tono niya kaya hindi ko alam kung nagbibiro ba siya.   Pero pinili ko nalang na manahimik at panoorin siya sa ginagawa niya.   Bigla kong naalala si nanay, siya rin ang laging naglilinis ng sugat ko dahil palagi akong nadadapa o na-aksidente.   Saglit siyang may kinuha sa kanyang cabinet, napansin kong isa iyong puting panyo. Bumalik siya sa harap ko saka itinupi ang panyo at itinapal sa sugat ko.   "Wala kang gasa kaya 'yan nalang muna." Aniya bago tumayo at tinapon ang mga pinaggamitang bulak sa trashcan.   "S-salamat."   Hindi na siya umimik at bumalik ulit ng banyo para siguro maghugas ng kamay.   -   NAGING tahimik lang ulit ang buong kwarto pagkatapos ng nangyari at hindi pa bumabalik sila Victoria at Tiffany hanggang sa tumunog iyong tinatawag nila na Golden Bell ng isang beses. Nagtaka pa ako noong una kung ano ang ibig sabihin ng tunog pero matipid na pinaliwanag ni Denisa na hapunan daw ang ibig sabihin noon.   May schedule pala talaga sa school na ito at napakahigpit nila pagdating sa mga batas. Paglabas namin ng dorm ni Denisa ay marami na ring ibang mga estudyante ang nakalabas. Ang ilan sa kanila ay mag-isa at mukhang naninibago rin katulad ko pero karamihan ay may kanya-kanyang grupo at mukhang sanay na sanay na sa mga kaganapan sa paaralan na ito. Marami pa talaga akong dapat matutunan. Simula na ng formal classes bukas at kailangang galingan ko. Tama, umaasa sila nanay at tatay at ang dalawa ko pang kapatid sa pag-aaral ko rito sa Libertio Academia.   Habang naglalakad kami papunta sa may cafeteria ay biglang nawala sa paningin ko si Denisa. Nagulat pa ako at nagpalinga-linga sa paligid dahil bigla-bigla nalang siyang nawawala. Halos wala nang estudyante rito sa kinatatayuan ko dahil pawang nauna na ang mga ito sa cafeteria.   Habang lumilinga-linga ako sa paligid ay aksidente nahagip ng pandinig ko ang usapan ng dalawang lalaki sa gilid ng plant box malapit sa hallway na kinatatayuan ko.   Noong una ay hindi ko makita nang maayos ang mga mukha nila dahil madilim sa kinatatayuan nila pero mukhang natataranta ang isang lalaki kaya naging malikot ang paa niya. Umaabante at umaatras siya hanggang sa tumama ang kaunting liwanag sa mukha niya at bahagya kong nakita ang mukha niya. Lumapit din sa kanya ang kausap niyang lalaki, medyo mas naging malapit ang kinatatayuan nila sa akin kaya mas luminaw sila sa pandinig at paningin ko pero mukhang hindi naman nila napapansin iyon dahil seryoso sila sa kung ano mang pinag-uusapan. At hindi ko rin maitindihan kung bakit pati ako ay nakikinig kahit hindi naman dapat.   "Maghahanda ako--judgement"   Iyon lang mga katagang nakayang hagipin ng mga tenga ka mula sa distansiya nila.   Kumunot ang noo ko sa bulungan nilang iyon. Lalapit pa sana ako para mas lalo kong marinig ang pinag-uusapan nila nang biglang may humawak sa balikat ko.   "Ay, butiki!" Gulat kong sigaw sa biglang tumapik sa akin.   Napahawak ako sa dibdib ko nang mapagtanto na si Denisa lang pala ito.   "Anong ginagawa mo r'yan?" Taka niyang tanong sa akin.   Samantalang ako naman ay kinakalma pa rin ang pagkagulat ko. "Grabe! Ginulat mo naman ako." Huminga ako nang malalim.   Humalukipkip naman siya sa harap ko at nagtaas ng kilay. "Bakit ka naman kasi naka-tambay dito?"   "Eh, bigla-bigla ka kasi nawawala. K-kaya hinanap kita kanina." Paliwanag ko sa kanya.   Napailing siya sa sinabi ko at napakamot sa kanyang sentido. "Psh. Tara na nga. Ando'n 'yong cafeteria. Kung sa'n-sa'n ka pumupunta, eh. " aniya saka ako kinaladkad sa braso papunta sa direksyon ng cafeteria.   "T-teka!" Pigil ko pero kinaladkad niya pa rin ako.   Napanguso ako sa ginagawa niya. Bago niya pa ako tuluyang makaladkad ay nilingon ko ulit iyong dalawang lalaki nag-uusap pero wala na sila sa kinatatayuan nila kanina.   -   HINDI PA naman gaanong karami ang tao sa loob ng cafeteria pagkapasok namin kaya agad din kaming nakahanap ng pwesto ni Denisa. Ang sabi niya sa akin ay punuan daw ang café kapag nagsimula na ang klase. Pagod lang daw ang ilang mga estudyante ngayon sa pag-aayos ng gamit kaya hindi sila kumain ng hapunan kaya wala ang iba.   "Bilisan mo ngang kumain. Aabutan tayo ng bell, hindi ka pa tapos." Pa-bulyaw na sabi sa akin ni Denisa.   Agad kong nilunok ang creamy chicken pasta na kinakain ko at nanlaki ang mga mata ko. "Pati ba ang pagkain dito may oras din?"   Nilipag niya ang ang chopsticks niya sa bento niyang wala ng laman bago siya nagpunas ng labi at sinagot ang tanong ko. "Lahat ng gawain dito may oras. Kung hindi mo kayang i-manage ang oras mo, ikaw din ang kawawa."   Grabe, hindi ako makapaniwala! Sobrang istrikto pala talaga nila rito. Kahit na hindi ako sanay sa mabilisang pagkain ay binilisan ko pa rin ang pagkain para matapos ako kaaagad. Saktong pagsubo ko ng huling kutsara ng pasta ay tumunog ulit ng isang beses ang bell.   "Time's up," anunsiyo ni Denisa bago siya tumayo at akmang babalik ng dorm.   "W-wait! T-teka naman!" Mangiyak-ngiyak akong tumayo at hinabol siya sa paglakakad. Katatapos ko lang kumain, ano ba iyan!   Hinabol ko si Denisa na mukhang wala namang paki. Nagulat ako dahil parang robot ang ibang mga estudyante dahil nagsitayuan din kaagad ang mga ito na para bang eto ang normal nilang ginagawa araw-araw. Grabe, sa bahay namin kahit gaano ako katagal kumain ay inaantay pa rin ako nila tatay at nanay matapos bago nila iligpit ang mga pinagkainan namin.   Habang naglalakad kami paalis ng cafeteria ay napansin kong may iilan ding mga estudyanteng medyo naguguluhan pa rin sa mga nangyayari. Siguro mga bago lang din sila kagaya ko.   -   NAGING MABILIS ang takbo ng araw na ito dahil gumabi na. Naghikab ako habang inaayos ang higa ko sa kama. Sa itaas ng doubledeck na hinihigaan ko ay nakapwesto na rin si Denisa at marahil ay tulog na rin.   Sa kabilang doubledeck naman ay tahimik na ring nakahiga sila Victoria at Tiffanny, bumalik din sila sa kwarto matapos ng dinner.   Humikab ako at pinilit na makatulog. Hanggang sa hindi ko namalayan na unti-unti na akong nilamon ng antok.   Pero hindi ko inaasahan na magigising ako bigla nang madaling araw.   Para akong naalipungatan sa isang kaluskos. Tinanggal ko ang nakatabong kumot sa mukha ko at sinipat ang buong kwarto kung ano ba iyong maingay na iyon.   Nanlaki ang mga mata ko nang mapansing wala na sila Tiffanny at Victoria sa mga kama nila.   Napabangon ako nang wala sa oras para silipin ang taas ng doubledeck na hinihigaan ko para tingnan si Denisa pero...   ...nawala ang antok ko nang mapagtantong maging si Denisa ay wala rin sa higaan niya.   Sinilip ko ang banyo pero wala rin sila. Natulala ako saglit nang maunawaan ang nangyayari.   Ako nalang mag-isa sa loob ng kwarto ng dorm.   -C. N. Haven-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD