Death Eighty-Two

2303 Words
"Anong gagawin mo sa birthday mo, Ezrel?" Nakakunot ang noo na tanong ni Pio habang nagmemeryenda kami sa may harap ng tindahan ni Aling Tes. "Hindi ko pa alam, e." Wika ko kahit na alam kong paghahandaan ako ni mama. Hindi ko muna gustong ipagsabi 'yon sa kahit kanino. Baka kasi dumating 'yong oras na kailanganin namin sa ibang bagay 'yong perang inipon ni mama, iniisip ko lang 'yong mga bagay na pwedeng mangyari sa hinaharap. "Ngek, 'di ka paghahanda ni Tita Ria? Yaman-yaman niyo kaya!" Sumimangot ako at umiling. "Hindi naman kami mayaman." Naiinis ako kapag may nagsasabing mayaman kami dahil may kalakihan at kagandahan ang bahay ni mama. Para kasing binabaliwala nila 'yong hirap ni mama... para sa'kin masipag si mama at matiyaga. "Pero binibilhan ka ng mga gusto mo ni tita, 'di ba?" Wika ni Cris sa gilid habang nakakrus ang braso. "Uh, oo..." "Pero sabi ni tita, hindi ka naman daw masyadong humihingi sa kanya." "Wala naman kasi akong hihingin," kibit-balikat na aniko. "Maiba ang usapan..." Ani Pio habang nakatitig sa isang batang babae hindi kalayuan dito sa'min. "Nakikita niyo ba 'yon? Si Deena?" "'Yan 'yong bagong lipat d'yan sa may kanto, 'di ba?" Tiningnan ko rin 'yong batang babae. Bumibili ito ng ice cream doon sa lalaking dumadaan. May kasama siyang isang babae na parang yaya niya dahil sa unipormeng suot nito. "Ang ganda niya, 'no? Hehe..." Ngumiti nang malaki si Pio, parang namumula pa ang dalawang pisngi. "Crush mo?" Kunot-noong tanong ko. "H-Huh?!" Mabilis siyang umiwas ng tingin at tinakpan ang mukha niya. "Paano mo nalaman?" Mahina niyang tanong habang nakasilip ang mata sa nakaharang na kamay. "Halata kaya," sabay naming sagot ni Cris at ngumiwi. "W-Weh?" "Oo nga," Ito ang unang pagkakataon na magkwento si Pio tungkol sa crush niya. Si Cris kasi, madalas siyang may crush. Patay na patay siya roon sa isa niyang kaklase, Krea raw ang pangalan. Lagi nga nila akong tinutukso na magkwento tungkol sa gusto ko pero wala naman akong gano'n. Kung may gusto man ako... si mama lang 'yon. Hindi ako interesado sa ibang babae, pero pwede ko naman silang maging kaibigan. "Bakit mo naging crush 'yon, Pio? Mukha kayang sakitin," tila nanlalait na ani Cris. "Hoy! Ang sama ng bunganga mo, ah!" May pagkagalit na wika ni Pio. Tinaas ni Cris ang dalawang kamay niya. "Sorry na nga, e." Tama naman si Cris. Mukhang sakitin 'yong babae. Bigla kong naalala sa kanya si Ben. Hindi lang sila parehong mukhang sakitin... pareho din silang mayroong kakaibang nilalang sa ibabaw ng ulo. Sa pagkakaalam ko, scythe ang tawag sa dala nilang mahabang patalim na nakatutok sa noo. "Uy, Ezrel, natahimik ka d'yan? Kanina ka pa nakatingin kay Deena, ah. Crush mo rin ba 'yan, ha?" Nakasimangot na sabi ni Pio. Umiling ako at binalik ang tingin sa kanila. "Hindi. Parang natakam lang ako sa ice cream." "Ako nga rin, e." Ani Cris habang hawak ang tiyan. "Tara, bili tayo. Libre ko," Gusto kong malapitan 'yong batang babae at makita ng harapan ang nilalang na nasa kanya. "Teka..." Hinawakan ni Pio ang tig-isang braso namin no'ng tumayo kami. "L-Lalapit tayo roon?" Halata ang kilig sa mukha niya, ni hindi niya magawang matago ang malaking ngiti niya. "Oo, ayaw mo ba?" Aniko. "Hindi, ah! Tara na!" Siya pa ang nanghila sa'min papunta roon sa nagbebenta ng ice cream. Agad na napatingin sa amin 'yong batang babae pati na ang yaya niya. Si Pio naman, hindi mapalagay sa kinatatayuan niya. Si Cris naman, chill lang na himihikab. Ako lang talaga ang nakakakita sa nilalang na 'to. Inangat ko ang tingin dito. Nakatitig din siya sa'kin. Sinabayan ko ang tingin niya. Nagtataka ba siya na hindi ako natatakot sa kanya? Kung normal akong bata, tiyak na tumakbo na ako palayo. Para kasi siyang halimaw sa itsura niya. "Uy, Ezrel. Ayos ka lang ba?" Nabalik ako sa wisyo ko nang batukan ako ni Cris. "Uh, oo..." Napahawak ako sa ulo ko at sinimangutan siya. "Bakit mo naman ako binatukan?" "E, ikaw kasi. Kanina ka pa nakatingin d'yan sa itaas. Ang weird mo kaya. May nakikita ka bang 'di namin nakikita, ha?" Umiling ako at tipid na ngumiti. "Wala naman." Pinutol ko ang tingin ko sa kakaibang nilalang at tumingin sa may mga ice cream. "Pili na kayo d'yan. Ako ang bahala magbayad." "May pera ka talaga d'yan, ah? Baka mamaya, takbuhan mo kami bigla." Ani Cris habang tumitingin-tingin din. "Oo, babayaran ko." Kaming dalawa lang ni Cris ang namili. Si Pio kasi, nakikipag-usap doon kay Deena. Ayaw naman naming sirain 'yong moment niya na 'yon kaya kami na lang ang pumili para sa kanya. "Watermelon? Ayoko nito, e!" Reklamo niya nang makabalik kami sa harap ng tindahan ni Aling Tes. Kakaalis lang no'ng nagtitinda ng ice cream. Umalis na rin sina Deena. "Aba, 'di na namin kasalanan 'yan, 'no." Wika ni Cris habang nag-uunat ng braso. "Oo nga. Malay ba naming hindi mo pala gusto ng watermelon na flavor. At least, nakausap mo si Deena, 'di ba?" Pangbobola ko. Kinikilig itong tumawa. Nakalimutan na agad na pinili naming flavor ng ice cream para sa kanya. Binigay niya sa'min 'yon habang tumatango-tango siya. "Oo nga, e. Ang bait niya pala..." Parang nagde-daydream pa siya sa ekspresyon sa mukha niya. Palihim kaming nag-apir ni Cris at pinaghatian ang ice cream. Alam naming hindi gusto ni Pio ng watermelon na flavor pero ito 'yong pinipili namin para sa'min mapunta. Nakakatuwa lang na gumana 'yong plano namin ni Cris. "Baka 'di ako makalaro bukas kasi aalis kami, e." Ani Cris habang kumakamot sa ulo. "Ako rin. Dadalhin daw kasi ako ni mama sa dentista. Ipapabunot 'yong ngipin ko rito," tinuro ni Pio ang loob ng bunganga niya. Tinakot naman namin siya ni Cris na nakakatakot ang dentista. Pero ang loko, tuwang-tuwa pa. Wala raw siyang pakialam basta nakausap niya si Deena ngayon. Crush na crush talaga. Noong pauwi kami sa bahay, huminto ako sa paglalakad nang maramdaman na naman ang nakamasid na 'yon. "Una na kayo, may nakalimutan akong bilhin, e." Wika ko sa kanila at ngumiti. Sumang-ayon naman ang mga ito at nauna na sa'kin. Nanatili akong nakatayo sa pwesto ko. Ilang pang sandali ay bigla akong nakaramdam ng isang presensya sa likod ko. Hinarap ko iyon. "Hindi mo pa rin sinusunod ang sinabi ko sa'yo?" Napangiwi ako nang makita na naman ang weirdong lalaki na mukhang babae. Ilang beses na siyang nagpapakita sa'kin. Ano bang balak niya? Wala ba siyang ginagawa sa buhay? "Hindi ko nga lalayuan si mama." Bumuntong-hininga ako. "Ano po bang hindi mo maintindihan doon?" Sadya kong diniinan ang salitang po para ma-realize niyang hindi siya kagalang-galang. Ang kulit din ng isang 'to, e. "Gusto mo ba talagang mawala ang mama mo?" "Hindi mawawala si mama. Hindi niya ako iiwan," matigas na wika ko. "Anong gagawin mo kung sakaling mawala talaga ang mama mo? Magsisisi ka dahil hindi mo ako sinunod?" Nanliit ang mata ko. Ano bang gustong mangyari ng lalaking 'to? Baka naman may gusto 'to kay mama at nagseselos siya sa'kin? Weirdo masyado. Kung siya lang din ang magiging papa ko, mas ayos nang hindi ko maramdaman ang pagmamahal ng isang tatay. "Siraulo, ang pangit mo." Mahinang wika ko sa kanya at saka mabilis na tumakbo palayo. Naririnig ko pa ang pagtawag niya sa'kin ngunit hindi ko na ito pinansin. Siguro, mula ngayon, babaliwalain ko na lang siya lagi. Magkukunwari na lang akong walang nakikita at naririnig sa tuwing lalapit siya sa'kin. Pero ano nga kaya ang ibig niyang sabihin doon? Malabong gusto niya si mama. May posibilidad pero kaunti lang. Kasi kung gusto man niya, dapat ay magpalakas siya sa'kin para ilakad ko siya. Pero kabaligtaran ang ginagawa niya. 'Yong mismong sinasabi niya ba ang gusto niyang iparating sa'kin? Na mawawala si mama kapag hindi ako lumayo sa kanya? "Ezrel, ayos ka lang ba?" "Uh, opo..." "Kanina ka pa d'yan nakatulala. May problema ba?" Tumingin ako sa pagkain at umiling. "Wala po." Napag-alala ko na naman si mama. "Kinakausap ka pa rin ba no'ng lalaking kinukwento mo no'ng nakaraan?" Umiling ulit ako. "Hindi po." "Mabuti naman. Sabihin mo lang kapag kunukulit ka, ire-report natin sa barangay." "Sige po, ma." Habang pwede, ayokong bigyan ng alalahanin si mama. Wala namang ginagawang masama 'yong lalaki kaya tingin ko, hindi dapat siyang i-report. Kaya ko namang baliwalain 'yong mga sasabihin niya sa'kin. "Malapit na ang birthday mo. Invite mo 'yong mga kaibigan mo, ah." Ngumiti ako at tumango. "Opo." Sa mga sumunod na araw, kumalat sa lugar namin ang balitang namatay na ang anak ng isang mayamang taga-rito. Napag-alaman si Deena pala 'yon. Hindi na ako masyadong nagulat dahil inaasahan ko na rin. Pero ang pagkamatay na iyon ni Deena ang nagpatunay na mamamatay ang mga mayroong kakaibang nilalang sa ulo nila. Ilang araw ring hindi naglaro si Pio dahil sa sobrang lungkot nito. Kinuwentuhan na lang namin siya ni Cris at dinalhan ng pagkain sa bahay nila. Nitong mga lumipas din na linggo, nakakapagtaka na hindi na ulit nagpakita 'yong weirdong lalaki. Dati kasi, araw-araw ay bigla-bigla siyang sumusulpot sa likod, sa tabi, o sa harap ko... pero ngayon, ni anino niya ay hindi ko maramdaman. Nagsawa na ba siya sa kakasabi sa'kin ng paulit-ulit na bagay? Baka nga pinagti-trip-an lang ako ng isang 'yon. Mabuti naman at nawalan na siya ng interes sa pangti-trip. "Okay ka na ba, Pio?" Nag-aalalang tanong namin nang lumabas na ulit siya ng bahay nila. Nakangiti na ulit 'to tulad ng dati. Alam ko na malungkot siya pero hindi ko maintindihan kung bakit. Masakit ba talaga kapag namatayan ka ng crush? Sabagay, hindi ko pa naman nasusubukan 'yon. Si mama lang kasi ang mahal ko sa buhay. "Ayos na ayos na ako. 'Wag kayong mag-alala sa'kin." Nakahinga kami nang maluwag. "Buti naman." "Sabi ni mama sa'kin, kailangan na raw kasing magpahinga ni Deena kaya kinuha na siya ni Lord. Ayokong mapagod siya kaya para sa'kin, ayos na 'yon," Tipid akong napangiti at tumango na lang. Saglit kong inangat ang tingin ko sa langit at pinakawalan ang isang paghinga. Kamusta na kaya si Ben sa langit? "Maiba tayo. Birthday mo na sa isang araw, Ezrel, 'di ba?" Tumango ako. "Oo." "Anong balak ni tita? Imbitado ba kami? Hehe." Natawa ako ng bahagya. "Oo naman. Sabi ni mama, invite ko raw kayo." "Wow! Sabi na nga ba, e!" Ngumiwi ako. "Ano?" "May pakain si tita!" Natatawang ani Pio. "Mukhang mabubusog na naman ako sa isang araw, ah?" Aniya na tila ini-imagine na ang mga makakain sa birthday ko. "Susunduin ko na lang kayo sa bahay niyo, ah." "Sige, hintayin ka namin." "Bale, 'di ako makakalaro bukas kasi sasamahan ko si mama na mamili, e." Kada hapon kasi, lagi kaming naglalaro dito sa may bakanteng lote. Mayroon na kasi kaming mga gadgets. Si Pio, mayroong tablet. Si Cris naman, cellphone. Habang ako, binilhan ni mama ng iPad no'ng nakaraan. Tuwing hapon, pumupunta kami rito sa bakanteng lote at naglalaro ng Minecraft. Abot kasi 'yong Wi-Fi namin dito. Pero kapag umuulan, sa loob lang kami ng bahay naglalaro. Kinabukasan, sinamahan ko si mama sa may bayan na mamili ng mga kailangan para bukas sa birthday ko. Para ngang mas excited pa si mama kaysa sa'kin. Hindi ko rin minsan maintindihan kung bakit ganito umakto ang mga matatanda. "Mama, ang dami naman n'yan." Mahinang wika ko nang ang dami-dami na naming bitbit pero papasok pa ulit siya sa isang tindahan. "Nako, kulang pa 'to. Sumunod ka lang sa'kin, ah. Baka mamaya, pagtingin ko sa likod ko, wala ka na." "Opo, narito lang po ako." Pagod na pagod kami nang makarating sa bahay. Madilim na dahil gabi na rin pero nakakain na naman kami sa labas kanina kaya hindi na gutom. Hapon na kasi no'ng nakaalis kami dahil galing pa si mama sa trabaho. Dapat nga ay hindi na siya papasok ngayon pero kailangan para makuha 'yong sweldo. 'Tsaka bukas kasi, hindi rin siyang papasok. Sayang kung dalawang araw 'yong absent niya sa work niya. Kahit na bata pa lang ako, halos alam ko na kung paano umikot ang buhay ng mga matatanda. Pero may mga bagay pa rin akong hindi maintindihan... siguro, kailangan talaga ng experience sa mga 'yon. "Matulog na tayo, Ezrel. Pahinga na muna para bukas. Bukas na rin natin ayusin 'yang mga pinamili," "Okay po, ma." Sumunod ako sa kanya sa kwarto at tumabi sa pagtulog. Nauna akong antukin at makatulog. Siguro, dahil sa pagod. Kinabukasan, maganda ang pakiramdam ko nang magising. Birthday ko na. Gusto ko na agad na tawagin sina Pio at Cris. Sana ay mabilis lang maluto 'yong mga gagawin ni mama. Pero 'yong iba naman ay o-order-in niya lang daw. Bumangon ako pero hindi rin natuloy nang mapansin na nasa tabi ko pa si mama. Tulog pa rin ito. Nakakapagtaka, alas otso na pero hindi pa rin ito nagigising. Palagi kasing maaga gumising si mama, e. Pero sabagay, nakakapagod nga 'yong kahapon. Galing na siya sa work tapos namili pa. Hinayaan ko na lang muna itong matulog. Hindi na ako tumayo at nanatili lang sa tabi niya. Kinuha ko na lang ang iPad ko at naglaro doon. Ilang oras na ang nakalipas, alas dose na, pero hindi pa rin gising si mama. Sikat na sikat na ang araw. Sinubukan ko itong alugin. "Mama?" Pero wala itong reaksyon na kahit ano. Hanggang sa nagpanik na ako. "Mama? Mama? Mama, gising na po!" Niyugyog ko na siya't lahat ngunit wala pa rin. Nakapikit pa rin ang mata nito. Lumapit ako sa dibdib niya at pinakinggan ang pagtibok ng puso niya. Natulala na lang ako nang wala ng marinig at maramdaman na kahit anong pagtibok. "Mama..." Nanlalamig at nanginginig ang mga kamay ko lalo na nang unti-unti lumitaw sa ibabaw ni mama 'yong lalaking palaging nangungulit sa'kin. Hawak niya ang mahabang patalim at nakabaon iyon sa noo ni mama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD