“Dinner’s ready. Let’s go eat,” biglang singit ni Ruthie. Sumilip ito mula sa komedor at niyakag na silang pumasok ng dining room. Sa komedor ay nauna nang naupo sa kabisera ng mesa si Luther. Nakasimangot pa rin ito sa kanya. Marahang tinapik ni Ruthie ang kamay ng asawa. “Luther, nasa harap tayo ng pagkain, huwag kang umismid diyan,” mahina nitong saway sa esposo. Nakinig naman ito kay Ruthie. Hindi na ito sumimangot, pero mariin pa ring nakatikom ang mga labi nito. Nagsimula na silang kumain. Pagkatapos nilang maghapunan ay nagpakuha ng mainit na tsokolateng inumin si Ruthie para sa lahat. Gawa iyon sa tablea. “So, Apollo, napag-usapan na ba ninyo ni Elara kung kailan itutuloy ang naudlot ninyong kasal?” tanong ni Ruthie sa kanya. Nasuspende ang ginawang pagsimsim ni Apollo sa inum

