Nagsalubong ang mga kilay ni Ahtisa kahit nasa pasilyo palang siya sa labas ng classroom nila. Dahil kahit mula roon ay kitang-kita na niya sa bintana ang mga kaklaseng nagkukumpulan sa upuan niya. Ang lakas ng ugong ng bulung-bulungan ng mga ito. Ang babaeng alipores ni Andresito na may crush sa class president ay tila kinabitan ng timba ang magkabilang sulok ng mga labi sa sobrang lalim ng pagkakasimangot nito. Ilang beses din nitong itinirik pataas ang mga mata. Pumasok na siya sa loob ng silid. Awtomatikong dumako sa kanya ang tingin ng lahat. Naudlot tuloy ang paghakbang ng mga paa niya. Grabe namang makatitig ang mga kaklase niya—nanunuot, tumatagos, ang iba ay parang may kasama pang aspile ang tinging isinisibat sa dako niya. Hindi niya alam kung naiinggit o ano, pero ang sama ng t

