Gilalas si Ahtisa. Kulang ang sabihing tila may tumakbong kilabot sa linya ng likod niya. Namimilog ang mga matang napatingin siya sa mukha ni Apollo. Seryoso ang mukha nito, at wala siyang mabasa sa mga mata nitong sobrang tiim kung makatitig sa kanya ngayon, maliban sa parang kalmadong tubig sa isang malalim na lawa ang mga iyon, animo gusto siyang hilahin at higupin. Umigtad siya at marahas na tinabig ang kamay ni Apollo na nakahaplos sa pisngi niya. “Huwag mo akong hawakan!” sikmat niya rito, at dali-daling pumihit paharap sa pinto, hinawakan ang handle no’n, pero hindi niya mahatak pabukas. Nakasarado. “Palabasin mo ako!” Naiintimida siya kay Apollo. Pinupuno ng malakas na presensiya nito ang kabuuang loob ng sedan. “Sir?” Sumulyap sa rearview mirror ang driver. “Ititigil ko na po

