"BAKIT ninyo ginawa 'yon?" pagalit na tanong ni Ma'am Desigorado.
Nakaupo sila ngayon nina Yunik at Kudo sa Principal's Office kasama ang principal na si Ma'am Sumalangit at si Sir Diogo na Math Teacher na nuknukan ng plastik at sipsip sa principal. Nakapatong ang isang paa ni Yunik sa kaharap na bangkito habang si Kudo ay naka-diwatro. Siya naman ay naka-crossed legs lang at mataray ang mukha na nakaharap sa tatlong guro.
Akala ba nila matatakot siya? Nae-excite pa nga siya dahil sa kinasangkutan nila. At ang Sir Diogo na ito akala mo naman makapangyarihan kung makaasta, mukha namang illegal drug p****r lang. At ang kapal din ng mukha ng Ma'am Desigorado na 'to, hindi naman maganda nagpapaka-istrikto pa, as if matatakot siya, eh sa nanay at tatay at kuya niya lang naman siya takot.
No one can threaten Kali Ponce.
"Tinatanong ko kayo!?"
Naputol ang pag-iisip niya nang sumigaw na si Ma'am Desigorado.
"Ma'am Desigorado, lower your voice... kaya siguro hindi nagtitino ang mga estudyante nating ito dahil masiyado natin silang nasisigawan kaya lalong lumalala," mahinanong sambit ni Ma'am Sumalangit.
"Tama po kayo diyan, Ma'am! May tama po kayo! Sumalangit po nawa kayo," nakangiting sambit ni Yunik.
Napalunok ang principal at hindi makahanap ng isasagot. May tama ba kasing sagot para roon? "O...oo, s-salamat! Pero sana sagutin n'yo ang mga itatanong ni Ma'am Desigorado nang maayos, okay?"
Nawala ang ngiti sa labi nila. Hindi sila sumagot. Neknek nila.
"Tinatanong kayo!" sabad ni Sir Diogo.
"Whatever," aniya. Habang tango naman ang naging sagot ni Kudo. At ang hindi nila inaasahan ay ang pambabardagul ni Yunik.
"Eh, bakit kasi gano'n 'yong tanong? Kami agad? Kami agad 'yong pagbibintangan? Nasaan 'yong pruweba n'yo? Eh, lintik pala! Uchininayo yamete!"
"Aba't!? Bastos ka talagang bata ka!?" bulyaw ni Sir Diogo.
"No, Sir! Ang bastos nakahubad!"
"Boom!!!" sabay na sambit niya at ni Kudo.
"Walangya talaga kayong mga bata kayo!?" si Ma'am Desigorado, "Ma'am Sumalangit, kita n'yo ang asal ng mga 'yan? Mga demonyo talaga sila, Ma'am! Sa ilang taon nila rito ay puro gulo ang ginawa at sa record ng mga basagulero ay silang tatlo lang din ang nakapuno ng napakalaking log book ng school! Kaya sigurado," huminto ito at dinuro silang tatlo, "sila lang din ang nagpasabog ng bomba sa bukid!"
Napahawak siya sa dibdib niya. "We? Alam mo, Ma'am, puwede kitang pakasuhan sa Papa ko. Oo! Nagbibintang ka nang walang matibay na proof! Teka, meron nga ba kayong proof or witness? Hmm?"
Umismid ito at natawa. "Kung meron nga kaming witness, puwede rin pala kaming magsampa ng kaso sa inyo, Ms. Ponce?" anang ginang.
"Ma'am Sumalangit, puwede ba nating ilabas 'yong witness nang matigil na 'tong mga sakit sa ulong batang mga 'to?" tanong ni Sir Diogo at bumalik sa pagkakaupo habang kinakalma ang sarili.
"Pero nangako tayo sa bata na hindi siya madadamay, hayaan na lang natin silang umamin,"
"Pero hindi nga sila, Ma'am, aamin hangga't hindi sila nahuhuli. Iyon lang ang tanging paraan para tablan ng hiya ang makakapal na mukhang mga batang ito. Palibhasa'y hindi nila alam ang kahaharapin nating mga guro nang dahil sa bombang 'yan!" gigil na saad ni Ma'am Desigorado. "At ang mga estudyante ko, kung sakaling may namatay sa kanila, ano na lang ang sasabihin ng mga magulang ng mga 'yon? Ngayon nga lang na may mga sugat lang, grabe na ang natatanggap ko. Isa pa, Ma'am, hindi po ako ang nag-utos na palabasin sila nang mga oras na 'yon para mamulot ng kalat!"
"Tinanong na rin namin ang broadcaster ng school kung may inaanunsyo bang gano'n kanina pero ang sabi ay wala naman daw. Sa katunayan ay nasa meeting ang mga journalist kaninang 9AM," dagdag din ni Sir Diogo.
Napahawak sa mukha ang principal pagkatapos ay sumusukong tumingin sa kanilang tatlo. Malamang ay sobrang sakit na ng ulo nito.
"Yunik, Kudo, at Kali," sambit ng Principal. "Bakit n'yo ginawa 'yon?"
"Dahil gusto ng mga 'yan na gumanti sa mga estudyange ko, Ma'am. Ang mga estudyante ko kasi ang nakahuli sa mga 'yan na binabandalismo nila 'yong bagong pinturang pader sa harap ng school. Noong nakaraan lang po 'yon, tapos nasuspende sila ng isang linggo tapos heto na naman, tsk!" singit ni Ma'am Desigorado.
"Ano ba ang gusto n'yong mangyari? Makulong kayo? Grabe na 'yong ginawa n'yo ngayon. Bomba 'yon, eh! Bomba! Paano na lang din pala kung kayo rin mismo ang nasabugan ng bombang 'yon? Sige nga," huminto si Ma'am Sumalangit, "Sir Diogo, paabot naman ng tubig ko diyan sa estante, salamat," utos nito na kaagad ding sinunod ni Sir Diogo.
"Hindi po mangyayari 'yon, I'm too knowledgeable enough para malaman kung paano magkabit ng bomba," sambit ni Kudo kasabay ng pagbuga ng tubig sa bibig ni Ma'am Sumalangit.
"Diyos ko! Kayo nga!"
So here it goes. Hindi na sila nagulat ni Yunik sa pag-amin ni Kudo. Gaya ng dati ay aaminin nila, dahil kulang ang senaryo kapag walang bardagulan.
"See? Sabi sa inyo, Ma'am, eh!" ani Sir Diogo.
"Anong gagawin natin, Ma'am?" tanong ni Ma'am Desigorado.
"Ipatawag ang magulang ng mga batang 'yan!"
"Ano!?" sabay-sabay na sambit nilang tatlo. Hindi puwede. Lagot na naman sila. Malamang ay baka bigtiin na sila ng mga magulang nila. Wala man silang kinatatakutan sa school pero sa bahay, nandoon!
Malaki naman ang naging ngiti ng dalawang sipsip na guro. Masarap talagang isabit itong si Sir Diogo at Ma'am Desigorado, eh!
"Sa ngayon makakaalis na kayong tatlo," anang principal, "pero pumirma kayo rito. At, Sir Diogo, bigyan mo ng parusa itong tatlo, maliwanag?"
Narinig niya ang pagtawa ni Ma'am Desigorado. Nagpantig ang tainga niya. "Tumigil ka nga sa katatawa mo diyan, mukha ka namang ugat!" singhal niya. Sina Kudo naman ang natawa.
"Maganda ka?" nagtitimping sambit nito.
"Oo! Palibhasa, mukha kayong tokwa ng anak mo! Mga inggitera!" pahabol niya nang itinataboy na sila ni Sir Diogo palabas ng office dahil susugurin na siya ni Ma'am Desigorado. Wish lang nito na matakot siya, sanay siya sa gulo at sigurado namang hindi hahayaan nina Yunik na masaktan siya.
Nakangiti siyang nakalabas. Ang saya! The satisfaction she wanted! Para siyang linilipad sa alapaap. Oo, daig pa niya naka-high sa pakiramdam niya.
"Talagang nakangiti ka pa talaga, Kali?" tanong ni Sir Diogo.
"Yes, Sir. And you'll never understand me. You don't know the feeling of being satisfied because of what just happened," aniya.
Napailing ito. "Kayong mga bata kayo, kapag hindi pa kayo nagtino, baka sa rehas na kayo pulutin,"
"At 'yan naman ang bagay na hindi hahayaan ng mga magulang namin," sagot ni Kudo.
"Pero ng batas? Hindi." Umayos ito ng tayo. "Dumiretso kayo sa oval. 2:45 p.m. pa lang, eksaktong alas-tres kayo parurusahan,"
Ikinawit niya ang magkabilang braso sa braso nina Yunik at Kudo. "Alright. Who cares?" taas-kilay niyang tugon.
"Ang totoo niyan excited pa nga kami. Kita tayo do'n, Sir Diogs!" sambit ni Kudo at hinila na sila palayo.
"Uchininayo yamete, Diogy!" sigaw pa ni Yunik na sinundan nila ng malakas na tawanan. Narinig pa nila ang pagmumura ng guro.
Nang pumatak ang alas-tres ng hapon ay nagsimula na nga ang parusa nila. Nakaluhod sa asin sina Kudo at Yunik habang siya ay nakaluhod din ngunit hindi sa asin, kundi sa may bermuda, ngunit may libro sa magkabilang kamay at sa ulo niya na kapag nahulog ay madadagdagan ng dalawang minuto ang itatagal niya. Nasa gitna sila ng oval at bilad na bilad sa araw.
Lintik lang talaga at malapit na siya mangitim. Sa harapan nila ay naroon si Sir Diogo na nakaupo sa kahoy na silya at nakapayong. Inuorasan sila nito at binabantayan. Hindi naman na siya naninibago dahil madalas naman talaga sila maparusahan. Pero hindi niya pa naranasan na paluhurin sa asin dahil hindi niya talaga gagawin iyon, mainam nang ibilad siya sa araw dahil batang bukid naman sila noon nina Kudo.
Bata pa lamang sila ay magkakalaro na sila. Magkasama sila sa lahat ng kalokohan, okasyon, tawanan at dramahan na bibihira mangyari pero alam mong totoo. Para na silang tunay na magkakapatid at sa katunayan ay mas napagsasabihan pa nila ang mga isa't isa ng malalalim na hugot sa buhay nila kaysa sa mga kapatid o magulang nila. They're really true to each other, bagay na ipinagpapasalamat niya nang lubos.
Hirap siyang makipagkaibigan sa iba dahil pakiramdam niya ay sapat na ang dalawa ngunit totoo naman. Dati-rati kasi ay nilalapitan lang siya ng mga kalaro kapag may kailangan sa kaniya and she hated herself for being stupid in the past.
"Ay, sila ba?" tanong ng isang dalagita.
"Oo, girl. Sila na naman ang may gawa ng bomba kanina!"
"Grabe sila! Ano na kayang utak meron sila? I mean, paano nila nagagawa 'yon? Shocks! Alam mo 'yon? Parang hindi na normal 'yong pag-iisip nila. Hindi ba sila natatakot?"
"Kulang sa pansin kasi,"
Napalingon siya sa nagbubulungan na dalawang babaeng schoolmate nila na nakatingin 'di kalayuan sa puwesto nila. Ngunit paglingon niya ay siya ring paglaglag ng tatlong libro sa ulo niya. Lintik! Napamura siya sa isip.
"Additional two minutes, Ponce," anang sambit ni Sir Diogo.
Sa halip na pansinin ay tiningnan niya nang masama ang dalawang babae. Nanlaki ang mata ng mga ito.
"Gusto n'yo ng giyera!? Ha!?" sigaw niya at tuluyan nang nahulog ang mga libro mula sa kamay niya. "Buwisit kasi! Mga bullshit kayo! Mga hampas-lupa!"
Pinagbabato niya ang mga ito ng mga libro. Natamaan ang dalawa at nagtatakbo na. Nataranta naman si Sir Diogo at pilit siyang pinigilan.
"Napakabayolente mo talagang bata ka!" anang guro. "Tama na! Ponce! Isa!"
"Mga mukha kayong kohol! Ang papangit n'yo!"
"Dalawa!"
"Humanda kayo sa akin pagkatapos ko rito!" walang tigil niyang sigaw habang naririnig ang tawanan nina Kudo at Yunik.
"Tatlo!"
"Kuwento mo kay Basyang, Sir!" singhal niya at nagtatalak muli.
Humanda talaga ang dalawang ito. Isasabay niya ang mga hampas-lupang mga iyon sa gulong gagawin niya kay Loren! Nanginginig na tunay ang mga buto niya! At hindi natutuwa ang mga puno sa sitwasyon niya! Ramdam niya iyon!