Kabanata Apat

1523 Words
MATAPOS ang review ni Peter sa Mathematics ay lumabas na siya ng silid ng 3rd year, section 2. Doon ginaganap ang review nilang panlaban ng school sa Matematika sapagkat doon ang room ni Sir Diogo. 4th year highschool na siya at section 1. Mula pa noon ay maaral na siya. Panlaban siya sa Matematika ng school. Top 1 siya sa batch nila at kailanman ay hindi bumaba. Gayunpaman ay hindi naman puro aral lang ang pinagkakaabalhan niya, magaling din siya sa sports at manlalaro siya ng football team sa school nila. Ang status relationship naman niya ay kasalukuyang maayos. Napangiti siya nang maalala ang mukha ng classmate niyang si Loren. Napakaganda ng dalaga at cheerleader pa ito, kaya naman ginaganahan talaga siyang maglaro. Nasa getting-to-know-each-other stage pa lamang sila at umaasa siyang sana ay sagutin na rin siya nito bago pa man matunugan ng kontrabida--oo, may kontrabida lagi sa lovelife niya at walang iba kundi ang numero unong reyna ng kaguluhan--si Kali Ponce ng section 2. Lahat ng linigawan niya ay pinupuntirya nito at wala itong ibang ginawa sa lahat ng pagkikita nila kundi ang sirain ang araw niya. Napakabuwisit nito at lahat ng hindi pangkaraniwang gawain ng isang babae ay ginagawa nito. Isa itong peste sa buhay niya at gusto niya itong durugin. Hindi niya alam kung bakit gustung-gusto nitong sirain ang araw niya at kung bakit sa lahat ng pagtitripan ay napasama pa siya. Lingid sa kaalaman niyang troublemaker talaga ito kasama pa ang dalawang apprentice na hari din ng gulo. Sa pagkakatanda niya ay hindi naman talaga sila magkakilala noon. At unang beses niya itong makita sa soccer field noong may training sila. At kung paano nangyari iyon ay mahabang istorya. Dumiretso siya sa room at kinuha na ang bag. Wala nang ibang tao sa room maliban sa kaniya. 5:00 p.m. na nang hapon at nag-uwian na ang ilang estudyante, konti na lang sigurado ang nasa labas. Pagkakuha sa bag ay lumabas na ng room at doon nakita niya ang papalapit na si Teenan, ang kaibigan ni Loren, tumatakbo ito. "Peter! Peter!" "Oh, Teenan. Bakit?" "Si Loren!" "Anong nangyari kay Loren!?" Hindi makapagsalita si Teenan sa taranta. "Teenan! Anong nangyari kay Loren?" "B-basta! Halika na!" anito at tumakbo nang muli. Sinundan niya ito at mabilis silang nakarating sa gym. Nanlaki ang mata niya nang makita si Loren na puro pasa ang mukha at punit-punit ang blusang suot. Kakaunti lang ang mga taong nakapaligid kaya kita niya kaagad ang anyo nito. Ang mas ikinagulat niya nang makita rin si Kali na may hiwa sa kabilang pisngi at nagdudugo iyon. Bukod doon ay wala na itong pasa at wala ring punit sa blusa nito. Kaagad siyang pumagitna sa dalawang nagrarambulan. "Tama na!" sigaw niya at hinila si Loren. Kaagad naman itong yumakap sa kaniya. "Peter..." maiyak-iyak na sambit nito. Nagtagis ang bagang niya. "At kayo!? Wala man lang gustong umawat sa inyo!? Ha!?" "Chill, Vicente," Napalingon siya sa nagsalita, si Yunik, kasama nito si Kudo sa kabilang gilid at prenteng mga nakaupo sa bleachers. "Paanong may aawat diyan, eh, naglabas ng patalim 'yang si Lulu. Malamang matatakot ang mga manonood kung aawat pa, tama?" Lihim siyang nagulat. Liningon niya si Loren at hindi ito makatingin nang maayos sa kaniya. "Totoo ba 'yon?" tanong niya. Hindi ito umimik. Lalong nadagdagan ang inis na nararamdaman niya. Si Loren? Maglalabas ng patalim? Si Loren na mabait, mahinhin at desenteng tao? Muli siyang lumingon kila Yunik. "Kung gano'n bakit hindi kayo ang umawat? Lalaki kayo, 'di ba? Kaya n'yo naman siguro 'yon," "Yes. Pero can't you see? Away ng mga babae 'yan at hindi namin puwedeng pakialaman. Kahit nga ayaw naming masugatan 'yang si Ponce wala kaming magawa, eh," kalmadong wika ni Kudo at tumayo na. Lumakad ito palapit kay Kali at hinawakan ang braso nito. Doon niya napansin na tahimik lang si Kali nang mga oras na iyon habang nakatingin sa kaniya. He could see her eyes watering pero agad ding nawala. O baka naman namalikta lang siya. Tinulungan nina Yunik itong ayusin ang sarili at pansamantalang tinuyo ang dugo sa pisngi nito. Natitiyak niyang medyo malalim ang sugat niyon. Sa kabilang banda ay may nakapa siyang awa para rito. Pero hindi dapat siya maawa, sa lahat ng atrasong nagawa nito sa kaniya ay kulang pa iyon. "Bukas, aayusin natin ang gulong ito at nasisiguro naming hindi ka makakaligtas, Lulu," seryosong sambit ni Kudo. Pagkatapos niyon ay umalis ang mga ito. "Peter, p-pero h-hindi ko naman sinasadya--" "Mag-ayos ka na ng sarili mo at pagabi na," aniya at hinila na ito sa comfort room ng babae. Anuman ang dahilan ng pag-aaway ng dalawa ay nasisiguro niyang dahil lamang sa dalawang rason iyon, ang una ay malamang nalaman na ni Kali na si Loren ang bago niyang pinopormahan, at ang ikalawa ay dahil sa pagsusumbong ni Loren kina Kali na nahuling lumabas ng gate at nagtungo sa bukid para magtanim ng kung ano. Sinabi sa kaniya kaagad ni Loren ang tungkol sa bagay na iyon, ngunit hindi naman nila alam na bomba pala ang itinanim ng dalawa. Napapailing siya sa kalokohang nasa isip ng mga ito. Sobra pa sa sobra. Parang wala na talagang kinatatakutan at lahat ng puwedeng gustuhing gawin ay gagawin nang walang pag-aalinlangan. "ANO na naman ba ang ginawa mong bata ka!? Jusko naman, Kali! Anak naman palagi na lang ako pinapatawag ng mga teacher mo sa school!" "Aray ko, 'Ma, dahan-dahan," angal niya nang madiinan ni Mama Esterlita ang sugat niya. Nagpapahid ito ng betadine nang mga oras na iyon. "Talagang masasaktan ka!" Napalabi na lang siya at ikinuyakoy ang mga paang nababalutan pa ng puting medyas. "Kakausapin ka mamaya ng papa mo, hindi na tama 'yang ginagawa mo--" "Mama, sinabi mo na kaagad kay Papa?" maagap na tanong niya. Hindi maaari. "Hindi pa pero mamay--" "'Ma, 'wag mo sabihin kay Papa, please?" Yumakap siya sa beywang ng ina. "Hindi, Kaykay! Malalaman ito ng Papa mo. At suguradong tatawagan ito ng adviser mo tungkol sa bomba na 'yan! Lintik kasi! Saan n'yo ba nakuha 'yon, ha!?" "Sorry na..." "Gusto mo bang sa kulungan ka humantong? Bakit ba hindi ka magtino, anak? Dalaga ka na! Ano na lang sasabihin ng iba? Na ang ganda-ganda ng bata na 'yan pero walanghiya? Gano'n ba?" Humagalpak siya ng tawa kaya nakatikim siya ng kotong sa ina. Pinigilan niya ang tawa at pinag-igi ang pagyakap kay Mama Esterlita. Malambing siya rito at ganoon din sa papa at kuya niya kahit bihira nang umuwi ang mga ito at sila na lang ng ina ang nasa bahay. "Makinig ka sa akin, Kaykay... hindi pupuwedeng ganiyan ka na lang palagi... hindi tama 'yang ginagawa mo... ganiyan ka ba namin pinalaki? Sagutin mo ako," nagbaba na ito ng boses. "Hindi po..." "Ganiyang pag-uugali at gawain ba ang itinuro namin sa iyo?" "Hindi rin po..." "Eh, bakit ganiyan ka?" "Eh, 'Ma! Deserve naman nila 'yon!" kumalas siya sa pagkakayakap at tiningala ito. "Mama, ituloy mo na paggagamot sa pisngi ko. Nagkagalos pa nga ako, oh, kasi inaway ako ng Loren na 'yan hindi naman maganda palibhasa inggit at mukha siyang kalawang!" "Anak naman paanong deserve nila 'yon? At ano'ng nangyari at nahiwa ka?" "Ganito kasi 'yon, 'Ma, inabangan namin siya--" "Kali Santiago Ponce! Ikaw na naman may kasalanan!?" Napatakip siya ng tainga sa sigaw ng ina. "Mama, let me complete my sentence first," "Talagang hahayaan ka naming makompleto kapag nasintensyahan ka sa kulungan!" "Mama, maingat naman ako. Talagang sumabit lang ngayon at may mga tao talagang hindi makuntento sa nakita at kailangan pang magsumbong," halos pabulong na niyang sambit. "Sumasakit ang ulo ko sa 'yo. Iligpit mo na ang mga ito at magbihis ka na. Parating na ang kuya at papa mo. 'Wag na 'wag kang tatakas!" pinanlakihan pa siya ng mata ng ina bago ito lumakad paalis. Isinandal niya ang katawan sa malambot na sofa at kinapa ang sugat. Lintik ka, Loren! Sisiguraduhin niyang mapapaalis ito ng school. Hindi pa tapos ang gulo at hindi niya hahayaang maging masaya na lamang ito sa piling ni Peter. Bigla ay naalala niya ang papa at kuya niya. Patay na talaga siya! Sundalo ang papa niya at ganoon din ang kuya niya. Graduate ang kuya niya ng Political Science ngunit hindi na nito ipinagpatuloy sa pag-aabugasya at nag-apply na lang sa military. Madali lamang itong nakapasok dahil bukod sa matalino ay naroon din sa loob ng kampo ang papa niya. Istrikto ang kuya niya pero maalaga sa kaniya. Lahat ng hilingin niya ay ibinibigay nito pero hindi nito pinalalagpas ang mga gulong ginagawa niya. Sampung taon ang agwat nito sa kaniya at kasalukuyang 27 years old habang siya ay 17 years old pa lamang. Ang papa naman niya ay mabait at hanggang ngayon ay malambing pa rin sa kaniya. Bini-baby pa rin siya nito pero gaya ng kuya niya ay nagiging istrikto ito kapag ang topic ay ang kaguluhang linilikha niya. Madalas siyang ma-grounded kapag nakakarating dito ang mga kalokohang produkto ng utak niya. Bahala na mamaya. Lilipas din 'yan. Bomba lang 'yan. Sumasabog, lumilipas. Mas ikinaiinis pa nga niya ang hiwa sa pisngi dahil magpepeklat iyon. Padaskol siyang nagtungo sa silid para magbihis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD