~Third Person~
Kilala si Lucinda Felicidad sa kanilang eskwelahan dahil sa taglay nitong kagandahan. Lahat ng katangian ng isang magandang babae ay nasa kanya na. Habulin din siya ng mga lalaki at nagdadagsaan ang hindi mabilang na manliligaw niya. Kahit ang mga nasa lower year level pa lamang ay naglalakas-loob din na ligawan siya. Nasa huling taon na ng kolehiyo si Lucinda at nursing ang kinuha nito. Sa huling taon ng pag-aaral niya ay sa wakas matutupad na rin ang pangarap niya para sa ina at nag-iisang kapatid na si Lucy. Mahirap lamang sila kaya todo pagsisikap sa pag-aaral si Lucinda para mabigyan ng magandang buhay ang dalawang taong mahalaga sa kanya. Pero ang lahat ng pangarap na iyon ay tila mawawala.
“Lucy!” sigaw ni Lucinda mula sa salas, bitbit ang bag at libro niya.
Nakasuot na siya ng kanyang uniporme at handa ng pumasok sa eskwelahan. Hinihintay na lamang niya ang kapatid na ngayon ay nasa k’warto pa rin. Nasa huling taon na rin ng high school si Lucy at ang balak niyang kuning kurso sa kolehiyo ay pagdodoctor. Ganoon din sana ang kukunin ni Lucinda kaso wala pang sapat na pantustos ang ina nila kaya tutulungan niya ang kapatid na maabot ang pangarap nito.
“Anak, kamusta ang ginagawa mo kagabi? Natapos mo ba ang mga assignments mo?” tanong nang kanyang ina na nagwawalis nang sahig.
“Natapos ko naman, Ma. Puyat nga lang.” Nakangiti nitong sagot.
“Hayaan mo at wala ka rin namang pasok bukas. Bumawi ka na lang ng tulog mamayang gabi.”
“Ganoon na nga ang gagawin ko, Ma. Hehehe.”
“Teka, nasaan na ba ang kapatid mo? Hindi pa ba nakakapag-ayos?” tanong nang kanyang ina na tumigil sa pagwawalis.
“Tapos na kaya ako mag-ayos!” Kumaripas nang takbo palabas ng kwarto si Lucy, suot ang pink na bag sa likuran niya.
“Kahit kailan talaga ay napakabagal mo,” sambit ni Lucinda at iniabot ang perang pamasahe ng kapatid niya mamayang uwian.
“Sadyang napakaaga mo lang talaga, Ate! Tingnan mo nga kung anong oras pa lang.” Itinuro ni Lucy ang luma nilang orasan.
“It’s better we are early than late, Lucy.”
“Hay naku! Whatever, Ate.”
“Umalis na kayong dalawa at baka mahirapan pa kayong makasakay. Hindi lang kayo ang estudyanteng papasok,” singit nang kanilang ina sa bangayan ng magkapatid.
“Okay, Ma. Aalis na kami. Bye!” Humalik si Lucinda sa pisnge ng ina.
“Bye, Ma!” Ganoon din ang ginawa ni Lucy.
“Mag-iingat kayong magkapatid at umuwi rin kaagad, huh?”
“Opo, Ma,” sagot nang dalawa at naglakad na palabas sa maliit nilang bahay.
Kailangan muna nilang maglakad nang labing-limang minuto bago sila makalabas ng barangay nila. Hindi na sila sasakay pa ng tricycle dahil kukulangin ang pera nilang pamasahe mamayang uwian. Nagbabaon lamang sila ng kanin at ulan na siyang hinahanda nang kanilang ina para bawas gastos. Kailangan nilang magtipid lalo’t maliit lamang ang kinikita ng ina nila sa iba't-ibang raket nito.
Habang tahimik na naglalakad ang dalawa ay bigla na lang napatigil ang mga ito ng biglang may sasakyan ang bumusina sa kanilang likuran. Nilingon nila ito at isang itim na Ferrari ang nakabuntot sa kanila.
“Siraulo ito, ah?” sambit ni Lucy na hindi nagustuhan ang ginawa ng driver ng sasakyan.
“Hayaan muna ‘yan, Lucy. Tara na.”
Muli silang nagpatuloy sa paglalakad at ng makalabas na sila sa kanilang barangay ay pumunta sa harap nila ang pula na Ferrari. Ibinaba nang driver ang bintana para kausapin ang dalawa.
“Lucinda, good morning,” bati nang matipunong lalaki mula sa loob ng sasakyan.
“Kilala ka niya, Ate?” takang tanong ni Lucy habang nangungunot ang noo sa lalaking kaharap.
“Hello little Lucinda,” bati nang lalaki kay Lucy dahil hindi nalalayo ang itsura ng magkapatid.
“Anong kailangan mo, Mason?” tanong ni Lucinda na masama ang tingin sa lalaki.
“Gusto ko lang sana kayong dalawa na ihatid. Para naman hindi na kayo gumastos pa,” pag-iinsist ni Mason.
“Salamat na lang. Magtataxi lang kaming magkapatid,” pagtanggi ni Lucinda sa kanya.
“Okay. Kitakits na lang mamaya.” Hindi na nangulit pa si Mason at mabilis na pinaharurot ang sasakyan papuntang University na pagmamay-ari ng kaibigan niya.
“Ano mo si Mason, Ate?” puno ng kuryosidad na tanong ni Lucy.
Napangiwi naman si Lucinda. “Nanliligaw sa akin.”
“Hindi ko siya gusto. Iba ang kutob ko sa lalaking iyon. Lumayo-layo ka sa kanya, Ate, huh?”
Ngumiti naman si Lucinda sa kanya. “Opo, Mama.”
“Good. Alam mo naman mga lalaki ngayon, eh. Concern lang ako sa ate kong maganda.” Paglalambing nito at niyakap ang kapatid ng mahigpit.