XANTHE
Tumahimik na si Trisha at hindi na nagsalita ulit dahil masama na ang tingin ni Grasya sa aming dalawa. Mukhang nakakahalata na siya na nag-uusap kami kaya para hindi na magkagulo at matakot si Trisha ay hindi na lang ako nag-usisa pa. Ang mahalaga ay may idea na ako sa mga posibleng ipagawa sa amin mamaya.
“Ikaw na ang maunang maligo, Trisha. Kahit ako na ang mahuli.”
Tapos nang maligo halos lahat ng kasama namin kaya papaunahin ko na sana si Trisha pero agad na kinontra ako ni Grasya kaya kunot ang noo na napatingin kami sa kanya.
“Paunahin mo nang maligo ‘yang bagong salta dito, Trisha. May pag-uusapan pa tayo,” sambit ni Grasya at saka tumingin sa akin.
“Ikaw! Maligo ka na! Bilisan mong kumilos!” utos niya sa akin kaya napatingin ako sa gawi ni Trisha.
Halatang-halata na naman sa mga mata niya ang takot at nerbyos kaya bumuntong hininga ako at saka walang nagawang sumunod na lang sa gusto ni Grasya. Kung ako lang ay hindi ako papayag na basta na lang niyang utusan dito. Kaya lang ay sobrang naaawa ako kay Trisha. Mukhang hindi talaga siya sanay sa ganitong environment at kagaya ko ay mukhang gustong gusto na rin niyang kumawala dito kaya lang ay wala siyang magawa kaya paniguradong araw-araw ay nabubuhay siya sa takot.
Habang nasa banyo ako ay pilit na binabalikan ko sa isip ang itsura ng buong lugar na ito. Siguradong hindi dito ang magaganap na “show” dahil bukod sa maganda, maluwang at mukhang mamahalin ang kwarto kung saan ginawa ang napanood namin ng lalaking kasama ko kagabi ay sigurado akong sa isang maayos na lugar ginaganap iyon dahil hindi naman pupunta sa ganitong lugar ang mga mayayaman.
Gabing-gabi na nang umuwi kami kaya hindi gano’n kalinaw ang memorya ko sa mga lugar na nadaanan namin. Huminga ako ng malalim at ipinagpatuloy ang paliligo. Hindi ko naman pwedeng kausapin nang kausapin si Trisha at usisain nang usisain lalo na at palaging nakabantay ang mga kasama namin.
Binilisan ko ang paliligo para magkaroon pa ng mas maraming oras si Trisha pero nang lumabas ako sa banyo ay nagulat ako sa eksenang nadatnan ko.
Nasa likuran ni Trisha si Grasya at halos nakasakal ang isang braso nito kay Trisha. Hindi ako halos nakagalaw nang makita ang dulo ng tinidor na nakatutok sa leeg ni Trisha.
“Anong ginagawa mo?! Bitawan mo siya!” Malakas na sigaw ko nang nakabawi sa pagkagulat sa mga pangyayari. Hindi ko akalain na naligo lang ako pagkatapos ay halos magpatayan na sila dito!
“X-Xanthe! ‘W-wag mo na akong subukang iligtas! I-iligtas mo na lang ang sarili mo–”
“Tumahimik ka kung ayaw mong ibaon ko itong tinidor sa lalamunan mo!” iritadong pigil ni Grasya sa kung anong sinasabi ni Trisha. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa kanila at kung bakit sila humantong sa ganito.
“Ano bang nangyayari dito? Ano bang kailangan mo kay Trisha? Bitawan mo siya!” Muli akong sumubok na sawayin si Grasya kahit na kabado na rin ako sa pwede niyang gawin kay Trisha.
“Balita ko ay may red card ka daw?” Nakataas ang kilay na sambit ni Grasya. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko agad naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
“Anong red card ang sinasabi mo dyan?” tanong ko. Nanlisik agad ang mga mata niya sa akin at saka gumalaw para mas idikit pa ang dulo ng tinidor sa leeg ni Trisha. Nahigit ko ang hininga nang makitang halos nakatusok na ang dulo ng tinidor sa balat ni Trisha!
“Putang ina!” mariing mura ni Grasya at mas humigpit ang pag sakal kay Trisha hanggang sa nagkanda ubo na ito!
“So, nagsisinungaling ka pala, Trisha?! Tinanong kita kung totoong may red card ang babaeng ‘yan at sinabi mong meron. Bakit itinatanggi niya ngayon? O baka naman gusto niya pang makitang mamatay ka sa harapan niya bago siya umamin?!” gigil na bulalas ni Grasya kaya hindi na ako nagdalawang isip na lumapit at sumingit sa usapan nila.
“Ako ang harapin mo dahil mukhang sa akin ka naman may kailangan!” mariing bulyaw ko sa kanya pero mas lalo lang siyang nanggagalaiti sa galit dahil sa ginawa kong pagsigaw sa kanya.
“Tang ina mo! ‘Wag na ‘wag mo akong sisigawan kung ayaw mong makitang sumabit ang tinidor na ‘to sa leeg ni Trisha!” gigil na banta niya sa akin kaya agad na nagpigil ako ng emosyon kahit na gustong gusto ko na siyang itulak at labanan. Nag-aalala ako na baka totohanin niya ang sinabi niyang sasaktan si Trisha kya dapat ay umiwas ako na galitin pa siya lalo.
“Ano ba talagang kailangan mo ha?” mariin pero mahinahon na tanong ko.
“Yung red card! Nasaan?! Ibigay mo sa akin! Ngayon din!” gigil pa rin na utos niya kaya muling kumunot ang noo ko dahil sa kalituhan.
“Ano ngang red card ang sinasabi mo–”
“Putang ina! Nagmamaang maangan ka pa ha?!” Muling mura niya at mas lalo pang sinakal si Trisha. Napasinghap ako nang makitang namumula na ang leeg ni Trisha kung saan nakadikit ang dulo ng tinidor.
May lumapit sa akin na isa sa mga kasama namin kaya napabaling ako sa kanya. Hinagis niya sa akin ang jacket na suot ko kagabi kaya kunot ang noong yumuko ako para tingnan ang jacket ko. Nakabukas ang lahat ng bulsa at halatang pinakialaman.
“Yan lang ang gamit na dala niya, Grasya. Wala namang kahit na ano sa bulsa ng jacket niya kaya siguradong tinago niya sa kung saan yung red card,” paliwanag ng babaeng naghagis ng jacket ko. Muling kumunot ang noo ko.
“Sampung milyon ang katumbas ng isang red card,” pagpapatuloy nito. “Kapag nakapagbigay ka ng kahit isang red card kay Matilda ay siguradong kasama ka nilang matutulog sa hotel at hindi dito sa masikip at malamig na lugar na ‘to.”
“Sabihin mo na kung saan mo tinago ang red card mo bago pa mamatay itong si Trisha sa harapan mo!” muling bulalas ni Grasya sa akin. Napatingin ako sa kanya at saka ko lang napagtanto kung ano ang tinutukoy niya.
“Iyon bang red card na may nakalagay na PASS?” tanong ko. Kung iyon nga ang red card na tinutukoy nila ay siguradong iyon ang card na binigay sa akin kagabi ng lalaking kasama kong nanood. Hindi kp akalain na ganun pala kahalaga ang card na ‘yon para sa mga kasama ko dito.
Sampung milyon ang halaga ng red card na ‘yon? At basta na lang binigay sa akin ng lalaking kasama ko? Ibig sabihin ay sobrang yaman niya para magtapon lang ng ganun kalaking pera!
Kitang-kita ko ang panlalaki ng mga mata ni Grasya nang marinig ang sinabi ko. “Totoo ngang binigyan ka?! Nasaan?! Ibigay mo sa akin!” Agad na utos niya. Tumango ako at saka yumuko para i-check ang bulsa ng jacket ko kahit na alam kong natingnan na nila ito.
“Totoong binigyan nga ako ng red card ng lalaking kasama ko kagabi,” sambit ko. Halos lahat sila ay napasinghap nang marinig ang sinabi ko. “Pero wala na dito sa bulsa ng jacket ko. Hindi ko alam kung saan napunta o kung sino ang kumuha,” paliwanag ko at nag-angat ang tingin kay Grasya. Kitang-kita ko na naman ang gigil sa mukha niya. Dumaing si Trisha kaya napatingin ako sa kanya. Umawang ang bibig ko nang makitang may dugo na sa leeg niya! Agad akong nag panic. Halos lahat ng kasama namin ay nakatingin lang sa dalawa na para bang isang normal lang na pangyayari ang nagaganap ngayon dito!
“Anong ginagawa mo sa kanya?! Baka mapatay mo siya!” Halos sumigaw na ako dahil sa gigil dahil nakikita kong halos nanginginig na ang katawan ni Trisha dahil sa ginagawa ni Grasya sa kanya.
“Papatayin ko talaga ‘to kung hindi mo ibibigay sa akin ang red card!” Mas malakas at mukhang desperado na talaga siya na makuha sa akin ang red card pero anong gagawin ko kung hindi ko nga alam kung saan napunta ang card na ‘yon?
“Wala na sa akin ang card! Nakikita mo naman ‘di ba? May kumuha sa bulsa ng jacket ko!”
Nakakapagod magpaliwanag lalo na at mukhang wala naman siyang balak na maniwala sa akin. Nang muling gumalaw si Grasya ay mas dumami ang dugo sa leeg ni Trisha kaya hinarap ko na ang iba pang kasama namin.
“Ano pang hinihintay n’yo?! Tawagin n’yo si Dyosa o kaya ay si Matilda!” mariing utos ko sa kanila. Kung ako ang aalis at tatawag sa dalawang bakla ay baka kung ano pa ang gawin ni Grasya kay Trisha kaya ayaw ko siyang iwanan dito.
Hindi kumilos ang mga kasama namin. Sa halip ay parang wala silang narinig at nagsimula pang mag ayos ng sarili! Tumawa ng nakakaloko si Grasya kaya muling napaharap ako sa kanya.
“Mahal nila ang buhay nila kesa sa buhay mo o ng batang ‘to,” sambit niya at saka nakakalokong ngumisi sa akin bago mas itinusok pa ang tinidor sa leeg ni Trisha.
“Tang ina!” Mariing mura ko nang sumuka na ng dugo si Trisha. Pulang-pula na ang buong mukha niya at mukhang napuruhan na talaga sa ginawang pagtusok ni Grasya sa leeg niya.
Hindi na ako nag isip at sumugod sa kanya. Tinapakan ko ng mariin ang isang paa ni Grasya kaya napasigaw siya sa sakit at agad na nabitawan si Trisha.
“Putang ina mong babae ka! Ikaw ang susunod kong papatayin!” sigaw niya sa akin pero wala na akong pakialam sa kung ano man ang plano niyang gawin sa akin. Ang mahalaga sa akin ngayon ay mailigtas pa si Trisha.
“Trisha, gising! ‘Wag kang matutulog! Hihingi ako ng tulong!” bulalas ko at saka hinawakan ang leeg niya para pigilan ang tuloy-tuloy na pag agos ng dugo mula doon.
Umubo siya at muling sumuka na naman ng dugo kaya kumabog ng malakas ang dibdib ko habang nakikita siya na hirap na hirap na. Sinubukan kong itayo siya pero pinigilan niya ang braso ko.
“I-ilapit m-mo a-ang… t-tenga m-mo…” mahinang mahina at utal-utal na sambit niya na agad ko namang sinunod. Yumuko ako at saka pinakinggan ang sasabihin niya.
“N-nasa… t-toilet t-tank…” mahinang mahina na bulong niya na hindi ko alam kung ano ang tinutukoy. Magtatanong pa sana ako pero mukhang hindi na niya masundan pa ang sasabihin niya dahil nahihirapan na siyang huminga.
“Trisha–”
“Tumabi ka d’yan, pakialamera!”
Napamura ako nang matumba sa sahig dahil sa lakas ng ginawang pagtulak sa akin ni Grasya. Nang tingnan ko siya ay tuluyang nanlaki ang mga mata ko nang itaas niya ang hawak na tinidor at muling sinaksak pa ng ilang beses ang leeg ni Trisha hanggang sa tuluyan itong maputulan ng hininga sa mismong harapan ko!