Parang Libangan Lang

2262 Words
XANTHE Hindi ko pa nagagawang umiyak man lang dahil sa nangyari kay Trisha ay dumating na si Dyosa. Katulad sa mga kasama namin dito ay parang isang normal na pangyayari lang para sa kanya ang makakita ng duguan at patay na katawan ng isang tao. “Patay na?” Narinig ko pang usisa ni Dyosa sa halip na usisain kung ano ang nangyari kay Trisha. “Oo,” kaswal na sagot ni Grasya. “Nakuha mo?” tanong pa niya kay Grasya. Umiling si Grasya pero umismid lang si Dyosa bago nag-utos na ligpitin ang katawan ni Trisha. Aalis na sana siya pero agad akong nagsalita. “Sandali lang!” pigil ko sa kanya. Tumigil naman siya sa paglalakad palabas at saka nilingon ako. “Ano?” Nakataas ang kilay na tanong niya sa akin. “Pinatay ni Grasya si Trisha! Wala ba kayong gagawin man lang?!” Hindi na nakapagpigil na bulalas ko. Ramdam na ramdam ko ang malakas na kabog ng dibdib ko dahil sa galit na nararamdaman. Tumawa si Dyosa ng nakakaloko at saka nakahalukipkip na naglakad palapit sa akin. Hindi ako nagtangkang umatras kahit na kitang-kita ko sa mga mata niya na hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. “Dahil sayo kaya siya namatay,” kaswal at parang sanay na sanay na siya na basta na lang mambintang sa kasalanan na hindi ko naman ginawa! “Anong sinasabi mo dyan–” Hindi ko na nagawang tapusin ang pagsasalita ko nang mabilis na hinawakan niya ang leeg ko. Parang wala man lang siyang pakialam kung masakal niya ako at mahirapan na huminga! “Kung hindi mo hinayaan na mawala ang red card na binigay sayo ay hindi sana namatay si Trisha!” bulalas niya at mas humigpit ang kapit sa leeg ko. Halos maubo na ako dahil sa ginagawa niyang pananakal kaya humigpit din ang kapit ko sa palapulsuhan niya. Pero masyado siyang malakas. Kahit naman bakla siya ay lalaki pa rin siya at mahina pa rin ako kumpara sa kanya pagdating sa ganito. “B-bitawan… m-mo ‘k-ko…” Hirap na hirap ako sa pagsasalita dahil sa higpit ng pagkakasakal niya sa leeg ko. “Sampung milyon ang nawala sa amin dahil sa katangahan mo! Naiintindihan mo ba kung magkano ang sampung milyon ha?!” mariing bulalas niya pa at mas hinihigpitan pa ang kapit sa leeg ko. “H-hindi a-ako m-makahinga!” bulalas ko at saka inabot at tinulak ang mukha niya. Kaagad siyang nagmura at saka pinagsasampal ako sa pisngi dahil sa gigil. “Putang ina! Ang aga aga ay pinepeste mo ang araw ko!” gigil na bulalas niya at saka iritadong pinagtatadyakan ang ilang monoblock chair na malapit sa kanya. “Gawin n’yo ang lahat para mahanap ang red card ng babaeng ‘yan! Kapag nalaman ni Matilda na nawala ang red card ay siguradong may isa pang susunod na mamamatay kay Trisha!” gigil na gigil na bilin niya pa bago tuluyang lumabas dito sa kwarto. Napahawak ako sa pisngi ko na sinampal ni Dyosa. Hindi ko na kailangan na tingnan sa salamin ang mukha ko para lang masiguro na namumula ang mga pisngi ko. Ramdam na ramdam ko ang pamamanhid. Pati ang leeg ko ay siguradong mapulang mapula dahil sa ginawa niyang pananakal sa akin. Ng dahil sa pera ay mananakit at papatay na sila ng tao? Anong klaseng mga tao ba itong pinadalhan sa akin ni Tita Sonia? May mga konsensya pa ba sila? Sana ay pinatay niya na lang ako o kaya naman ay hinayaan akong mahirapan sa poder ni Tita Elvie. Muling napatingin ako sa mga kasama ko na inaayos ang bangkay ni Trisha. May kung anong sumasakit sa dibdib ko pero agad na nag-iwas ako ng tingin. Inayos ko ang sarili at saka tumayo. Wala na akong magagawa para kay Trisha. Ang tanging dapat ko na lang na isipin sa ngayon ay walang iba kung hindi ang sarili ko. Hindi ako dapat na panghinaan ng loob kung ayaw kong matulad kay Trisha na hindi nabigyan ng hustisya ang pagkamatay. Kailangan ko nang makatakas at makaalis dito. Sa lalong madaling panahon. Hindi pa man ako nakakatayo ng maayos ay agad na sinugod na ako ni Grasya. Nang makita kong may hawak-hawak siyang tinidor ay hindi na ako nagdalawang isip na tadyakan ang tiyan niya bago pa lang siya tuluyang makalapit sa akin. “Putang ina!” malakas na mura niya habang nakahawak sa tiyan. Lumapit ako sa isang nakatumbang monoblock chair at saka hindi na nagdalawang isip na ihagis iyon sa kanya. Natamaan siya sa ulo kaya mas lalo akong pinagmumura. “Kung mamamatay man tayong lahat dito, sisiguraduhin kong mauuna ka sa akin!” Inis na bulalas ko at saka tumakbo papasok sa CR. Ni-locked ko ang pinto at siniguradong hindi mabubuksan ng kahit na sino. “Tama ‘yan, Xanthe. Lumayo ka na lang sa kanila kesa mamatay ka o kaya naman ay ikaw ang makapatay!” mariin na bilin ko sa sarili. Pakiramdam ko ngayon ay nasa isang survival show ako na kailangan na walang kahit na sino ang pwedeng pagkatiwalaan. Huminga ako ng malalim. Dapat talaga ay tuluyan ko nang ilagay sa isip ko na nag-iisa na ako. Na walang ibang pwedeng tumulong o kaya ay mag-alala sa akin kung hindi ang sarili ko lang. “Buksan mo ‘to! Hoy! Lumabas ka dyan!” Sunod-sunod na katok ang narinig ko mula sa pinto pero wala akong balak na pagbuksan ang mga kasama ko. “Anong ginagawa mo dyan sa loob ha? Dyan mo siguro tinago yung red card!” Kumunot ang noo ko nang marinig ang sinabi ni Grasya. Bigla kong naalala ang sinabi ni Trisha bago siya mamatay. “Toilet tank?” bulong ko habang inaalala ang sinabi niya sa akin. Kanina ay hindi ko maisip kung para saan ang sinabi ni Trisha. Pero dahil sa paulit-ulit na pagbanggit nila sa red card na ‘yon ay naisip ko na baka iyon nga ang tinutukoy ni Trisha. Umayos ako ng tayo at saka agad na naglakad palapit sa toilet. Mabilis akong kumilos para tanggalin ang takip ng toilet tunk. Medyo nahirapan pa ako sa pagtanggal kaya iniisip ko na baka mali ang akala ko. Pero nang tuluyang mabuksan ko ‘yon ay nahigit ko ang hininga nang makita ang pulang card na binigay sa akin ng lalaking kasama ko kagabi. Ilang sandali pa akong napatitig sa red card bago ko nagawang kunin. Saglit na natulala ako doon habang iniisip kung bakit nagawang kunin ni Trisha sa akin ang card. Unti-unting humigpit ang kapit ko sa card nang maisip ang posibleng dahilan kung bakit niya ‘yon nagawa. Gusto na niyang makaalis sa lugar na ito. Gustong-gusto na niyang makatakas sa impyernong lugar na ito at iniisip niyang ito lang ang tanging paraan para mangyari ‘yon pero kabaligtaran ang nangyari. Dahil sa card na ito ay namatay siya. Naninikip ang dibdib ko habang hawak-hawak ang red card habang malinaw pa rin na nasa isip ang ginawa sa kanya ni Grasya. Humigpit ang hawak ko sa red card at gigil na kinuyom ang palad. “Hinding-hindi mapupunta sa inyo ang card na ‘to kahit na magkamatayan pa tayo dito!” mariing bulong ko at saka nag-isip kung saan ko pwedeng itago ang card. Dahil kailangan kong lumabas mamaya ay hindi ko pwedeng basta dalhin ang card sa paglabas ko dito sa CR kaya ibinalik ko ang red card sa toilet tank. Kapag lumabas kaming lahat mamaya ay saka ko na lang babalikan para kasama ko pa rin ang card kahit na ano pa man ang mangyari sa akin. Nagawang magpalusot ni Dyosa kay Matilda at sinabi na hindi totoong binigyan ako ng red card ng lalaking kasama ko kagabi. Hindi ko na nasundan ang ilan pang pinag-usapan nila dahil abala na ako sa pag-iisip kung paano kong magagamit ang red card na ‘yon. Hindi ko na halos namalayan ang oras. Kapag nandito kasi kami sa loob ng hideout ay wala kaming access sa orasan dahil bawal ang kahit na anong gadget dito. Kahit anong alahas namin ay pinahubad na sa amin at kinuha ni Dyosa. Nang magsabi si Dyosa na maghanda na kami dahil lalabas na kami sa hideout ay hindi na ako nagdalawang isip na pasimpleng pumunta sa CR para kunin ang red card. Maingat na tinago ko ‘yon sa ilalim ng suot kong bra at patay-malisyang lumabas. Kakaiba ang ginagawang paninitig ni Grasya sa akin nang pasakay na kami sa sasakyan. Sinamaan ko siya ng tingin at patay-malisyang binaling ang tingin sa labas ng bintana. Kinabisado ko ang bawat establishments na nadadaanan namin at ang ilan pang mga lugar na pwede kong pag taguan. Pamilyar sa akin ang lugar kung saan kami huminto. Ito ang hotel kung saan kami tumuloy ni Tita Sonia. Hindi ko alam kung dito na magaganap ang “show” kaya tahimik na nakiramdam lang ako. “‘Wag kayong lalabas dito hangga’t hindi ko kayo pinapatawag!” mariing bilin ni Dyosa nang ihatid kami sa isang hotel room. Parehong pareho ang kwarto sa tinuluyan namin ni Tita Sonia kaya iniisip ko na baka hindi pa dito ang venue ng show dahil sumakay pa ulit kami mula dito bago nakarating doon. Ilang sandali lang ay isa-isang tumayo at lumapit sa akin ang mga kasama ko. Si Grasya ay nakatingin lang sa amin kaya kunot ang noo na binalingan ko ang mga kasama namin na nagsilapit sa akin. “Anong kailangan n’yo?” tanong ko. “Hubaran n’yo ‘yan!” mariin at malakas na utos ni Grasya sa ibang kasama namin. “Malakas ang kutob ko na tinatago niya lang sa katawan niya ang red card!” pagpapatuloy niya. Napamura ako at mabilis na tumayo para lumayo sa kanila pero hinabol nila ako. Pito silang humahabol sa akin kaya madali lang para sa kanila na kornerin ako. Tumayo si Grasya at saka nakangising naglakad palapit sa gawin namin. Napapaligiran nila ako kaya hindi ko alam kung saan pa ako tatakbo. Balcony na ang nasa likuran ko at wala na akong matatakbuhan pang iba! “Ilabas mo na ang red card bago ka pa masaktan,” nakapamewang at nakangisi ng nakakaloko si Grasya habang nakatingin sa akin. Hindi ko pinahalata na kabado ako kaya agad na umilin ako sa kanya. “Sinabi ko na sayo na wala sa akin dahil ninakaw n’yo na!” mariing bintang ko. Kumunot ang noo ni Grasya at saka napatingin sa mga kasama namin. “‘Wag kang maniwala sa kanya, Grasya! Sinungaling ang babaeng ‘yan!” “Oo nga, Grasya! Nililinlang ka lang ng babaeng ‘yan! Ang isa sa mga kasama namin ay sumugod na sa akin pero dahil mas matangkad ako sa kanya ay nagawa ko siyang hawiin at itulak. Sumunod pang sumugod ang ilan pa naming kasama kaya napamura ako at wala nang nagawa kung hindi ang umatras at tumakbo sa gawi ng balcony. Nasa ika pitong palapag kami kaya mataas din at nakakalula! Mabuti na lang at hindi ako takot sa matataas na lugar. “Ano pang hinihintay n’yo? Lapitan n’yo at kapkapan!” mariing utos ni Grasya sa mga kasama namin na agad namang sumunod sa utos niya. Pito silang lahat kaya alam kong wala akong laban sa kanila kaya hindi na ako nagdalawang isip na humakbang sa railing para takutin sila. “Sige, lumapit kayo! Tatalon ako dito at siguradong lahat kayo ay magiging suspect sa pagkamatay ko!” pananakot ko. Kung hindi sila takot na gumawa ng masama sa hideout namin ay siguradong dito ay matatakot sila dahil maraming tao dito sa hotel. Nagkatinginan silang lahat at sabay-sabay umatras. “Putang ina! Mga duwag ba kayo?!” gigil na sita ni Grasya sa kanila. “Maraming tao dito, Grasya. Hindi lang tayo ang mapapahamak kundi pati na rin sina Dyosa at Matilda,” paliwanag ng isa pero minura lang ni Grasya at saka matapang na sumugod sa akin. “Kung nagawa mo silang takutin, pwes, ako ay hindi mo kakayaning takutin!” gigil na bulalas niya habang lumalapit sa akin. Nagawa niyang hilahin ang buhok ko pero hindi ako nagpatalo. Hinila ko rin ang buhok niya kaya nagsabunutan kami sa gilid ng balcony. “Halt!” Natigil lang kami nang nakarinig ng malakas na sipol at saka nagsalita ang lalaki na nasa balcony ng katabing kwarto. “Halt! Ich werde die Polizei rufen!” sigaw ng lalaki na pareho naming hindi maintindihan. Nang sumenyas pa siya na tatawag ng kung sino ay doon na kami naalarma. “Putang ina! Ang daming pakialamero sa mundo!” gigil na bulalas ni Grasya bago bumalik sa loob ng kwarto. Tahimik na sumunod ako sa loob pero nadatnan kong sinasakal na ni Grasya ang kasama naming isa at mukhang doon nilabas ang gigil. “T-tama… n-na…” “Kung duwag ka ay wala ka nang karapatang mabuhay pa!” Gigil na sambit ni Grasya at mas lalo pang sinakal ang babae hanggang sa tuluyan itong naubusan ng hininga at binawian ng buhay. Nang bumalik si Dyosa ay mabilis itong nakaisip ng paraan para malusutan ang ginawang krimen ni Grasya. Tinalian nila ng bedsheet sa leeg ang babae at saka sinabit sa balcony para isipin ng mga tao na nagpakamatay ito. Sa pagkakataong ito ay mas lalo ko lang na gustong makawala sa poder nila lalo na at parang libangan lang sa mga taong ito ang pumatay ng tao. Nang bumaling si Grasya sa akin ay tinaasan niya ako ng kilay na para bang sinasabi niya na kayang-kaya niyang gawin ang kahit na anong gusto niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD