“Niemals unterschreiben! (Don’t ever sign it!)” Ang mga naroon sa loob ng study room ay napalingon sa akin lalo na ang kapatid kong nagulat nang makita ako. Nagulat din ang pamilya ni Tito Mateo saka ako lumapit sa kanilang direksiyon. Kahit si Zoey na hindi rin mailarawan ang mukha sa labis na pagkadismaya nang bigla na lang akong sumulpot doon bago pa man pirmahan ni Kuya Wigo ang transition ng rights ng pamilya. “Kendall Linn Erin Zurich,” sambit ni Atty. Pfister. “Uhm, you’re here. Oh, thanks, god!” Tila natuwa ang attorney nang makita ako. “Erin,” sambit ng aking ina na naluluha nang makita ako. “Mom…” Nilapitan ko siya saka niyakap nang mahigpit. “Sorry,” sambit ko at kumalas din ako sa pagkakayakap sa kaniya. Hinarap ko naman ang kapatid kong hindi na inalis ang tingin sa akin.

