Mayo uno sa taong isang libo’t siyam na daan at isa—ipinagdiriwang ang kapistahan ni Santo Nikolas de Tolentino.
"Ginoong Thiago, maaari mo ba akong samahan papuntang simbahan?" Isang umaga iyon araw ng Lunes. Ngayon ang umpisa ng pagdiriwang nila para sa kapistahan ng kanilang mahal na patron.
"Mabuti naman at naisipan mo pang lumabas Valentina iha, saan ang tungo mo?" Tanong ni Señor Ricardo sa anak ng makita nitong lumabas ng kanyang kwarto at bihis na bihis ang anak.
"Papang, pupunta po ako ng bahay dalanginan." Sagot pa nito sa Ama.
"O, siya, sige na anak humayo na kayo. Thiago ihatid mo na ang señorita mo sa simbahan."
"Masusunod po señor."
"Kayo po ba ni Mamang ay hindi magtutungo ng simbahan Papang?"
"Abala pa ang iyong Mamang iha, kailangan niyang mapaghandaan ang ating kapistahan."
"Sige po Papang—ako po'y hahayo na." Eksaktong nasa tarangkahan sila ng kanilang bahay ng dumating ang kaibigan niyang Rosa.
"Valentina,"
"Rosa, anong ginagawa mo dito?"
"Nais ko sanang imbitahin ka sa sayawang bayan mamayang gabi Valentina. Tiyak maraming dayo at maraming gwapong mga Ginoo mamaya, hihihih.." sabay tawa ni Rosa na tila ay kinikilig pa.
"Ikaw talaga Rosa, baka nais mong sumama din sa akin. Ako'y pupunta ng simbahan ngayon." Paanyaya din nito sa kaibigan.
"Maaari ba? Hindi ba ako pagbabawalan ng iyong Ama at Ina na makasama ka?"
Natawa naman bigla si Valentina, dahil sa antas ng kanilang pamumuhay pati magiging kaibigan niya ay pinipili narin ng kanyang mga magulang.
"Luh! Nakangiti na siya, Valentina ang ganda-ganda mo kapag ganyang ika'y nakangiti. Higit isang taon na din ang lumipas, wala kana bang naging balita kay Ramonsito?" Mapait siyang ngumiti sa kaibigan,
"Hindi ko na nanaisin pang malaman ang tungkol sa manlolokong iyon Rosa." Higit isang taon na din ang lumipas, dumaan muli ang kanyang kaarawan noong Pebrero ngunit wala parin siyang natatanggap na balita kung nasaan na talaga ang pamilya ni Ramonsito.
Sila ay sumakay ng karwahe na maghahatid sa kanila patungong simbahan.
"Huwag mong iisipin na niloko ka niya Valentina. Ano ang malay mo baka may mas malalim na rason kung bakit ka niya iniwan."
"Kung ano man ang rason niya Rosa, hindi ko na nais pang malaman. Hindi ko kailangang sirain ang buhay ng dahil sa isang walang kwentang lalake. Ang katulad niyang manloloko ay marapat lamang na kamuhian!" Hanggang ngayon hirap parin siyang magpatuloy dahil napuno ng galit at pagkapoot ang kanyang puso.
"Huwag mong dibdibin iyan Valentina. Makakakilala kapa ng mas higit pa kay Ramonsito, kaya kung ako sa'yo sumama ka sa amin mamayang gabi sa sayawan. Abah eh kung kaya ka nga niyang ipagpalit sa iba—eh magagawa mo rin 'yan. Ipakita mo na hindi lang siya ang lalake dito sa mundo Valentina." Siya ay napapailing na lamang sa kanyang kaibigan.
"Hindi ko na yata kaya pang magmahal ng iba Rosa. Hindi ko na kaya pang ipagkatiwala ang puso ko sa iba." muli ay turan niya.
"Nasasabi mo lamang iyan dahil nasasaktan ka parin Valentina. Sa nakikita ko sa'yo kaibigan ko, si Ramonsito ay mahal mo parin. Hindi ka magagalit ng ganyan kung hindi mo siya mahal." Tama na, tapos na ang pagiging tanga niya— naniwala siya sa lahat na kailanman ay hindi siya iiwan ni Ramonsito ngunit siya ay nagkamali lamang.
"Pinili ko siya kaysa sa pamilya ko. Iniligtas ko siya mula sa kamay ni Lorenzo—ngunit ng ako ay naghihirap at nag-aagaw buhay nasaan siya? Ako ay nilisan niya ng walang paalam, ako ay nilisan niya Rosa." Dito bumalik ang sakit mula sa nakaraan. Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na maluha.
Oo tama ang kaibigan niya. Mahal parin niya si Ramonsito at nasasaktan parin siya hanggang ngayon.
"Hiyahhh.. Ho, ho," hudyat ng kanilang hinete. Ng tumigil na sa isang tabi ang karwaheng kanilang sinasakyan, sila ay bumaba nang magkaibigan.
"Señorita, dadalhin ko lamang ang karwahe sa bandang iyon." Sabay turo nito sa lilim ng isang puno ng acasia na nasa malapit lang din ng kanilang simbahan.
Sila ay naglakad papasok ng simbahan. Simula ng siya ay nagkulong ng kanyang kwarto—aminado siyang pati ang pagsisimba ay nakaligtaan narin niya.
Wala pang gaanong deboto sa loob ng simbahan. Pinili niyang maupo sa isang gilid, kasama si Rosa.
Habang hindi pa nag-uumpisa ang misa—siya ay lumuhod at siya ay nagdasal.
"Patawarin mo ako Ama naming nasa langit. Ako po ay nakalimot sa iyo, nandito po ako ngayon para humingi ng kapatawaran mo Ama dahil napuno ng galit ang puso ko. Ama, salamat din po sa bagong buhay na ipinagkaloob mo sa akin. Kung kanino man po galing ang pusong isinalin nila sa akin—lubos po ang aking pasasalamat." Taimtim siyang nanalangin, taimtim siyang humingi ng tawad sa Diyos.
Sa kabila ng nararanasan niya ngayon sa buhay—alam niyang may rason ang lahat ng iyon. Kung ano man iyon tanging ang Diyos Ama lamang sa langit ang nakakaalam.
Pipilitin niyang magpatuloy sa buhay, hindi niya dapat sayangin ang pangalawa niyang buhay.
At ng matapos ang misa, masaya siyang lumabas ng simbahan.
"Ang gaan ng pakiramdam ko Rosa, tila ba nabunutan ako ng tinik mula sa aking dibdib." Kasabay ng paghinga niya ng malalim siya ay napapikit at tumingala sa langit.
Kay gandang pagmasdan ang kalangitan, maaliwalas at purong kulay asul ang iyong makikita.
"Ang sarap sa pakiramdam ng ganito Rosa," muli ay sambit niya.
Masaya si Rosa para sa kaibigan. Ngayon nakikita na niyang ngumingiti muli at nagiging positibong muli ang pananaw ni Valentina.
Pagkatapos niyang namnamin ang saya na kanyang nararamdaman siya ay nagmulat ng kanyang mga mata at muling nagpatuloy sa paglalakad.
Sa hindi inaasahan, isang lalakeng nagmamadaling lumabas mula sa simbahan ang nakasagi sa kanya na siyang dahilan para siya ay matumba.
"Naku! Binibini, patawad. Ako ay nagmamadali at hindi ko sinasadyang masagi ka." Kaagad niyang sinaklolohan si Valentina upang tulungang makatayo.
"Ayyy, hihihih.. Ang gwapo," tila nagpaparinig na sabi ni Rosa.
Napaangat ng kanyang mukha si Valentina, isang gwapong nilalang, isang mala Anghel na pigura ang kanyang nasilayan.
"Binibini ayos ka lang ba?" Tanong sa kanya ng Ginoo.
"Ayos lamang ako Ginoo, naiintindihan ko." At ng tuluyan siyang nakatayo, hinawakan siya sa kamay ng Ginoo na iyon.
Masuyo niyang hinagkan ang likuran ng kanyang mga palad.
"Kay gandang pagmasdan ang kalangitan—ngunit wala ng mas gaganda pa sa tanawing aking nakikita ngayon sa aking harapan." Tila may kung ano'ng humaplos sa damdamin niya.
Si Rosa naman noon na halos magtititili na dahil sa sobrang tuwa at kilig niya para sa dalawa.
"Kung iyong mamarapatin, maaari ko bang malaman ang iyong tinatanging ngalan Binibini?" Ngumiti ang Ginoo sa kanya ng pagkatamis-tamis.
"Ah—eh, ako pala si Rosa kaibigan niya." Inunahan na siya ni Rosa dahil siya ay natahimik na, aminado siyang nakakabighani naman talaga ang taglay nitong kagwapuhan.
"Valentina, tinatanong ka ng Ginoo. Ay, heheh.. nasabi ko na, patawad. Hihihih.." humahagikgik na turan ni Rosa. Pati tuloy ang Ginoo ay natatawa narin.
"Ahm—ako pala si Valentina Guevara." Tugon naman niya sa Ginoo,
"Kay gandang pangalan, kasing ganda ng nagtataglay." Wika nitong muli kay Valentina.
"Ako nga pala si Lucas, bago lamang kami dito sa lugar na ito. Isa akong doktor Valentina at ako may munting klinika dito sa bayan." Nakakagaan ng loob sa kung paanong magpakilala at magsalita ang Ginoo sa kanya.
"Ah—ganoon ba?"
"Saan pala kayo nakatira Valentina— maaari ko bang malaman?" Ngunit imbes na sumagot ay si Rosa na ang sumagot para sa kanya.
"Siya ay nabibilang sa pamilyang principalia Ginoo. Ang nag-iisang anak ng mga Guevara dito sa aming bayan." Natahimik ang Ginoo, himas ang kanyang baba na tila nag-iisip ng malalim.
"Rosa," binalingan niya ng tingin ang kaibigan para sawayin.
"Hmm? Ganoon ba?"
"Pasensya kana sa aking kaibigan Ginoo, sadyang matabil ang dila nito." Natatawa naman ang Ginoo at pati narin si Rosa.
"Ahm—Ginoo, mahilig kabang magpunta sa mga sayawan? Kung iyong nanaisin ay maaari kang umatende mamayang gabi. Kung gusto mong masilayan ang ganda ng aking kaibigan maaari kang magpunta—dito lang din sa may plaza gaganapin ang sayawan Ginoo." Nanlaki ang mga mata ni Valentina, hindi niya inaasahan na magiging ganito kaagresibo sa pananalita ang kaibigan.