VALERIE'S POV:
Si Mrs. Salvador na patuloy sa pag-iyak, humahagulgol at sobra ang galit nito sa akin.
"Tita, hi-hin-di ko po kayo maintindihan. A-a-nong puso?" muli ay tanong ko. Base sa aking narinig ibalik ko daw ang puso ng anak niya.
"Tama ang narinig mong hampas-lupa ka! Ikaw lang naman ang maswerteng nakatanggap sa puso ng anak ko, huhuhuh..." Umiiyak niyang sabi sa akin, naninikip ang aking dibdib ng mga sandaling iyon.
Paanong napunta sa akin ang puso ni Enrico? Paano?
"Nung bawian ng buhay ang anak ko, napagpasyahan kong ibigay sa nangangailangan ang puso ni Enrico, ngunit sa kasamaang palad sayo pa napunta ang puso niya. Sayo pa na babaeng kumitil sa buhay ng anak ko. Kaya ngayon papatayin din kita!" Idiniin niya sa pagkakahawak ang batok ko, hinayaan ko lang iyon habang patuloy kaming dalawa sa pag-iyak.
"Madamé tama na po," hanggang sa dalawang guwardiya ang lumapit sa amin, kasama ang kanyang driver bodyguard.
Pilit nila akong inilalayo kay Tita, ngunit sadyang ayaw bitawan ni Tita ang pagkakahawak nito sa aking mahabang buhok.
"Huwag kayong makikialam kung ayaw ninyong pare-pareho kayong malilintikan sa akin!"
"Madamé tama na po," patuloy sila pag-awat kay Tita. Hanggang sa tuluyan na nilang natanggal ang kamay ni Tita mula sa aking ulo.
"Sino'ng nagpapasok sa inyo sa babaeng ito?! Hindi ba't kabilin-bilinan kong bawal dito ang mamamatay taong iyan?!" Galit na galit nitong tanong sa mga guwardiya.
"Wala pong nagpapasok sa akin dito Tita, pumuslit lamang po ako dahil gustong-gusto ko ng makita si Enrico. Tita—patawarin niyo po ako." Patuloy akong umiiyak at nagsusumamo na ako ay kanyang patawarin.
Nagpunas siya ng kanyang luhaang mukha, kinuha ang kanyang bag at may inilabas siya mula doon.
Natigilan ako. Pati ang mga guwardiya ay natigilan din. Isang kumikinang na bagay iyon, isang nakamamatay na sandata. Isang baril.
"Para patas ang laban, kailangan mo ng mabura sa mundong ibabaw na ito. Isa kang manggagamit, mamamatay tao kaya marapat lamang sayo na mamatay din!" Itinutok niya ang baril na iyon sa akin.
"Madamé huwag po! Huminahon kayo Madamé," ang kanyang driver bodyguard ay pilit niyang pinapababa sa kanya ang hawak niyang baril.
"Mrs. Salvador, tama na po! Baka pumutok po iyan Madamé, tama na!" Ngunit nanatiling nakatutok sa akin ang hawak niyang baril.
"Enricooo," tawag ko kay Enrico ng mga oras na iyon.
"Hindi ko po alam na galing kay Enrico ang pusong isinalin nila sa akin. Wala po akong alam. Tita—kung ako po ang papipiliin gugustuhin ko ng mawala na din sa mundong ito para makasama ko na sa kabilang buhay ang mahal ko. Kaya sige na po Tita—magpapaubaya na po ako sa inyo. Patayin niyo na lamang ako at ng makasama ko na si Enrico." Ng mga sandaling iyon handa na ako sa posibilidad na ito na ang huling araw ko dito sa mundo.
Inihanda ko na ang aking sarili na anumang oras ay pwede na akong mamaalam sa mundong ibabaw.
"Sige na po Tita, iputok niyo na yan at ng makasama ko na ang anak ninyo." Malugod kong tatanggapin ang aking kapalaran. Malugod kong tatanggapin ang aking kamatayan kung ang kapalit naman nito ay ang buhay na walang hanggan kasama ng aking mahal na si Enrico.
Nakapikit ako, patuloy akong nagdarasal na sana huwag niyang pababayaan ang aking mga mahal sa buhay.
"Enrico mahal ko, magsasama na tayo." Mariin akong pumikit, at hinihintay ang aking katapusan.
Hanggang sa lumipas pa ang ilang sandali ngunit walang putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid.
Nanatili akong nakapikit, ninanamnam ko ang bawat sandali. Ninanamnam ko ang mga huling sandali ko dito sa mundo.
Hanggang sa,
"Ma'am, tumayo na po kayo diyan." Nagmulat ako ng aking mga mata, ang dalawang guwardiya ang aking nabungaran.
Namayani ang katahimikan at ng tingnan ko ang direksyon kung nasaan si Tita, laking gulat ko ng makita kong wala na siya doon at pati ang kanyang driver bodyguard ay wala narin.
Umiiyak akong tumayo habang todo alalay sa akin ang dalawang guwardiya.
"Wala na si Madamé, naku kawawa ka naman." Naaawang tugon nila sa akin, hindi ko na alintana ang aking hitsura. Magulo ang aking buhok, may mga galos sa pisngi ko, sa aking braso at pati narin sa aking mga tuhod.
"Saan kaba nakatira, ihahatid na kita Ma'am?" Saad pa nung isa sa akin.
"Malapit lang naman ang bahay namin Kuya, dalawang sakayan lang mula dito." saad ko pa sa kanila dahil ayaw ko namang magambala pa ang kanilang trabaho.
"Hindi po Ma'am, tiyak masakit ang katawan mo. Hindi po ba kayo nahihilo?" sa totoo lang sobrang sakit ng katawan ko, ang anit ko na sobrang hapdi dahil pakiramdam ko makakalbo na ako ni Tita dahil sa dami ng buhok ko na nabunot niya.
Oo nandoon ang sakit dahil sa ginawa ni Tita, ngunit may mas masakit pa doon. Isinakripisyo ni Enrico ang buhay niya para mailigtas ako sa rumaragasang sasakyan na iyon—at ngayon muli niyang iniligtas ang buhay ko sa pamamagitan ng puso niya.
Ang sakit—sobrang sakit na hindi ko kayang ipaliwanag. Para akong pinapatay, para akong sinasaksak ng paulit-ulit sa aking dibdib.
Bakit? Bakit? Bakit nangyayari sa akin ito? May nagawa ba akong kasalanan sa kapwa ko at sa Diyos para parusahan ako ng ganito?
Naging mabuti akong tao. Naging mabuti ako sa kapwa ko at higit sa lahat naging mabuti akong anak ng Diyos.
"Tara na Ma'am, pare alalayan mo siya at kukunin ko lamang tricycle ko." muli ay sambit ni Manong guard.
Wala na akong nagawa noong nagpumilit itong ihatid niya ako pauwi ng aming bahay.
Laking pasasalamat ko kay Manong guard, at pagkaalis nito ay pumasok narin ako ng aming tahanan.
Pagkapasok ko sa loob, hindi ko nadatnan sina Nanay at Dave, marahil ay lumabas ang mga ito para mamili o may pinuntahan lamang sila.
Dumeretso ako ng aking silid at pabagsak akong nahiga sa aking kama.
Dito ay muling bumuhos ang aking mga luha—sino ang mag-aakala na ang pusong isinalin sa akin ay ang mismong puso ng taong mahal ko.
Buong puso kong hinawakan ang aking dibdib. Hinawi ko ng kaunti ang suot kong damit para malayang mapagmasdan ang pilat ko doon.
Ang pilat na nagsisilbing paalala sa akin kung gaano ako kamahal ni Enrico.
"Enrico, mahal ko. Hindi parin ako makapaniwala na nasa akin na ang puso mo. Sadyang tunay at wagas ang pag-ibig mo para sa akin, salamat mahal ko at makakaasa kang aalagaan ko ng mabuti ang pusong ito—ang pusong ito na nagbigay sa akin ng bagong buhay at bagong pag-asa. Salamat mahal ko," patuloy lamang ang pag-agos ng aking mga luha.
Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako dahil sa bagong buhay na ito o malulungkot ako dahil alam kong ako ang dahilan kung bakit nawala sa akin si Enrico.
Nakahiga sa aking kama habang wala akong humpay sa aking pag-iyak. Mugtong-mugto narin ang aking mga mata at hindi ko alam kung hanggang kailan mauubos ang mga luhang ito.
Hanggang sa hindi ko namamalayan ay nakaidlip na pala ako, marahil dahil narin siguro sa kapaguran ko sa aking pag-iyak.
"Valerie apo," naalimpungatan ako ng may marinig akong isang pamilyar na boses, naniningkit ang aking mga mata, kilala ko ang boses na iyon.
Kinapa ko ang aking sarili—gising na gising naman ako.
"Bumangon ka Valerie apo, at ipapakita ko sa'yo ang tunay na ganda ng mundo."
"Diyos ko!" Napahawak ako ng aking dibdib.
"Huwag mong sasayangin ang bagong buhay na ipinagkaloob sa'yo ng Panginoon. Tumayo ka apo at pagmasdan ang iyong paligid—imulat mo ang iyong mga mata ng makita mo kung gaano kaganda ang buhay." Ngayon maliwanag na sa akin ang lahat, hindi lang basta ilusyon ang nangyayari sa akin—hindi lang basta panaginip kundi ito ay isang reyalidad.
Kung papaano nangyayari ang mga kababalaghang ito sa akin—iyon ay hindi ko rin alam.
Bumangon ako mula sa aking pagkakahiga—tumayo ako ng tuwid at inayos ang aking sarili. Hindi ako dapat matakot, hindi ako dapat magpakita ng kahinaan.
"Sino ka, at bakit mo ako kilala?" Nagpaikot-ikot ako ng lakad sa aking kwarto para hanapin kung saan nagmumula ang boses na iyon.
"Yakapin mo ang iyong bagong buhay—yakapin mo ang iyong kapalaran. Valerie, ikaw ay nakalaan para sa iba. Ang buhay mo ay nakalaan para sa'yong kapwa." Ng biglang may nagsalita muli sa aking tabi—maliwanag ko iyong naririnig, lumingon ako sa aking tabi at wala akong ibang makita kundi ang lumang tukador na pamana mula sa aming mga ninuno.
"Teka! Lumang tukador ito ah, bakit tila nagbago ang pigura nito?" Gulat na gulat talaga ako dahil ang lumang tukador namin ay nagningning at naging bago.
"Ano'ng nangyayari?!" Saad ko sa aking sarili ng makita kong biglang lumiwanag ang tukador na iyon—may kung anong liwanag na nagmumula sa salamin na nasa sentro ng tukador namin.
Dahil sa kuryosidad tiningnan ko ito—biglang lumiwanag ang salamin, liwanag na nakakasilaw—liwanag na mas matindi pa sa liwanag na nagmumula sa sikat ng araw.
Napatakip ako ng aking mata dahil sa nakakasilaw na liwanag.
"Valerie tingnan mo ako," muli ko itong narinig. Dahan-dahan kong tinanggal ang aking kamay mula sa pagkakatakip sa aking mga mata.
Dahan-dahan akong nagmulat, at ganoon na lamang ang aking pagkamangha ng makita ko ang isang kaaya-ayang tanawin na ngayon ko lamang nakita sa buong buhay ko.
Ang salamin sa tokador biglang naglaho at napalitan ito ng tila isang portal. Base sa aking nakikita, isang hardin na punong-puno ng maraming bulaklak.
Maraming iba't ibang klase ng paru-paro, at mula sa aking kinatatayuan ay naririnig ko ang malamyos na pag-awit ng mga ibon.
"Kay ganda! Kay gandang paraiso," namamanghang sambit ko, hanggang sa hindi ko namamalayan ang aking sarili na ako ay unti-unti ng lumalapit sa portal na iyon.
Isang napakagandang paru-paro ang biglang dumapo sa aking mga kamay. Ganoon na lamang ang aking saya ng mga sandaling iyon.
Lalo pa akong lumapit ng tila may kung anong enerhiya ang nagmumula sa portal iyon, tila hinihila niya ako palapit sa kanya.
Walang anu-ano'y biglang lumiwanag, at dito naramdaman kong pilit akong hinihila ng liwanag na iyon.
"Ano'ng nangyayari sa akin?" hinihigop ng enerhiya na iyon ang aking katawan papasok sa portal na iyon.
"Agggggg... Aggggg..." sigaw ako ng sigaw.
"Ma-ma... Tulongggg.. Agggg.. Tulongggg..." kahit anong sigaw ang gawin ko—kahit anong paghingi ko ng saklolo walang nakakarinig sa akin.
Hanggang sa tuluyan na akong nahigop ng enerhiyang iyon. Panay ang aking pagsigaw. Labis-labis ang aking pagdarasal, sana magising na ako mula sa bangungot na ito.