VALERIE'S POV:
"Valerie?" Isang umaga nagising ako dahil sa isang boses na iyon. Boses ng isang lalake, kung hindi ako nagkakamali boses iyon ng matandang lalake.
Nanatili pa akong nakahiga, muli kong pinakiramdaman ang aking sarili. Tinapik-tapik ko ang aking mukha, dahil baka nananaginip lamang ako.
Pumikit akong muli—hanggang sa marinig kong muli ang boses na iyon.
"Valerie apo," dito ako nagulat, gising na gising ako. Hindi ako pwedeng magkamali sa aking narinig, tinawag akong apo ng boses na iyon.
Dahil sa labis na pagkagulat, napabalikwas ako ng bangon. Abot-abot ang kaba sa aking dibdib.
"Si-sinong nandiyan?!" Bigkas ko, dahil wala namang ibang tao sa aking silid.
"Diyos ko, sino ba iyon?" Tanong ko sa aking sarili. Nanatili akong nakaupo sa aking kama, tila wala akong lakas ng katawan para tumayo.
Napabuga ako sa hangin—inhaled exhaled ang aking ginawa. Pilit kong pinapakalma ang aking sarili kahit pa ng sandaling iyon binalot na ng takot ang aking pagkatao.
"Valerie, guni-guni mo lang iyon. Relax, inhale, exhale." Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili.
Pinilit kong tumayo, ngunit sa aking pagtayo muli kong narinig ang boses na iyon.
"Apo, gumising ka at bumangon ka." Kinikilabutan ako ng mga sandaling iyon, gustuhin ko mang lumingon hindi ko magawa. Parang naestatwa na ako ng oras na iyon.
"Si-sinong nandiyan?!" Muli ay wika ko, ang boses na iyon na aking narinig ay tila nanggaling mula sa aking likuran.
"Diyos ko, parang-awa niyo na. Takot po ako sa multo!" Nanginginig na ako at halos hindi na ako makagalaw.
Matinding kilabot at kaba, tila nagsitayuan ang lahat ng balahibo sa aking katawan. Pati ang aking buhok pakiramdam ko, nakalutang lahat iyon sa hangin.
"Valerie," muli ay tawag nito sa akin, dito pakiramdam ko umakyat lahat ng dugo ko sa aking ulo.
"Ku-kung sino ka man, hindi mo ako matatakot! Kung isa kang masamang espirito, lumayas ka sa pamamahay namin! Sa ngalan ng Diyos Ama sa langit —lumayo ka sa akin." Nakapikit ako habang taimtim akong nagdarasal.
Pinilit kong nilabanan ang aking takot, pinilit kong igalaw ang aking sarili. Pakiramdam ko talaga nasa aking likuran lamang ang nagmamay-ari ng boses na iyon.
Dahan-dahan akong lumingon, nakapikit at abot-abot ang aking pagdarasal.
"Sa ngalan ni Hesus Kristo, ikaw ay maglalaho." Muli ay sabi ko habang naka-cross sign ang aking dalawang hintuturo.
At sa aking paglingon—ganoon na lang ang pagkagulat ko ng mapatapat ako sa lumang tukador namin at nakita ko ang aking sariling repleksyon sa salamin nasa gitna ng tukador na iyon.
Nagtataka ako dahil simula nagkulong ako ng aking kwarto, tinakpan ko iyon ng puting tela. Dahil simula nawala sa akin si Enerico, ayaw ko naring makita pa ang repleksyon sa salamin.
Dahil sa tuwing nakikita ko ang aking sarili sa salamin, bumabalik ang lahat ng sakit mula sa pagkawala ng lalakeng kaisa-isang minahal ko.
Teka! Nasaan ang puting tela? Dahil sa pagkakatanda ko, nakatakip pa iyon.
"Agggg.." sumigaw ako, malakas na sigaw iyon na siyang kumuha sa atensyon nina Mama at Dave.
Nagbukas ang pintuan ng aking silid, nag-aalalang boses ni Mama ang aking narinig.
"Anak, Diyos ko ano ba'ng nangyayari sayo?" Nahihintakutang tanong niya sa akin.
Nanginginig ako, nakita ko ang aking sarili sa salamin na iyon, ang labis kong ipinagtataka, iba ang aking kasuotan. Tila ba isang kasuotan mula sa sinaunang panahon.
"A-nak, ano bang nangyayari sayo?" Panay ang pagyugyog sa akin ni Mama,
"Ate? Ate," si Dave naman na hindi malaman ang gagawin.
Hanggang sa tila ba biglang bumalik sa normal ang lahat. Pumikit-pikit ako, huminga ako ng malalim, at nakita kong nakahiga parin ako ng aking kama habang nasa aking tabi sina Mama at Dave.
"Ma-ma," umaalon ang dibdib ko, habol-habol ko ang aking paghinga.
"Hay salamat gising ka na, nananaginip kana naman anak." Bigkas sa akin ni Mama.
Luminga ako sa paligid, kanina nakatayo ako sumisigaw habang nakaharap sa lumang tukador namin. Nilingon ko ang tukador at ganoon na lamang ang gulat ko—dahil nakatakip parin iyon ng puting tela.
"May iba po bang tao sa bahay Mama?" wala sa sariling nasambit ko.
"Anak tayo lang ang nandito. Wala ang Tito Oliver mo dahil pumasok sa trabaho." Wika pa ni Mama sa akin.
Siguro nga panaginip lamang ang lahat ng iyon, isang bangungot kung maituturing.
"Anak, pinagpapawisan ka. Ito ang bimpo, halika pupunasan muna kita." Nagpaubaya ako kay Mama at hinayaan kong punasan niya ang buo kong katawan dahil narin basang-basa na ako ng pawis ng oras na iyon.
"Mama, saan po pala nanggaling ang tukador na iyan?" Matagal na ang tokador na iyon sa aking silid, bata pa lamang ako nasa amin na iyon.
"Ang sabi ng Papa mo nung nabubuhay pa siya, galing pa daw ang tukador na iyan mula sa kanyang kanunununuan. Purong antigo na 'yan anak, bakit mo natanong?"
"Ah-eh, wala po Mama." Kung ganoon lumang aparador na pala ito, lalo akong kinalabutan noong maalala ko minsan sa isang palabas na maaari daw mamahay ang mga espirito sa mga lumang kagamitan.
Hindi kaya totoo ang nangyari sa akin kanina? Posible kayang may namamahay na espirito sa lumang tukador namin?
"Anak malapit na ang pista sa Sinait, ayaw mo bang umuwi muna ng Ilocos? Doon ka kaya muna sa mga Tito at Tita mo doon?" Pagkarinig ko ng sinabi sa akin ni Mama tila na-excite ako.
"Matagal-tagal na din nung huling uwi mo ng Ilocos anak, hindi mo ba namimiss ang mga pinsan mo doon?" Siguro nga kailangan kong mag-unwid, tama si Mama hindi ako dapat magmukmok na lamang dito sa aking kwarto.
"Sige po Mama, gusto ko iyan." Masayang bulalas ko, medyo matagal narin mula nung huling bakasyon ko ng Ilocos, at dahil pista doon at naka-leaved pa naman ako sa trabaho susubukan kong umuwi.
Panahon narin siguro para ayusin ko ang aking sarili, tama sina Mama at Ella, hindi ako dapat magmukmok, hindi dapat dito matatapos ang buhay ko.
Napagpasyahan ko rin na alamin kung sino ang nagbigay ng bagong buhay sa akin, kailangan kong magpasalamat sa pamilyang iyon na tumulong sa akin.
Noong araw na iyon—buo na ang desisyon kong umuwi ng Ilocos. Pero bago iyon, kailangan ko munang magpunta ng sementeryo para makapagpaalam sa mahal kong si Enrico.
"Kayo na naman Ma'am?" Bungad sa akin ng guwardiya ng tanghaling iyon.
"Manong papasukin mo na ako please," malambing kong sabi saka ako buong pusong ngumiti kay Manong guard.
"Manong aalis po kasi ako, magpapaalam lang po ako sa mahal ko sige na po." Nanlalambing kong sabi, mabuti na lamang at mabait si Manong guard.
"Naku, sige na nga. Mabuti naman at nakangiti kana ngayon Ma'am, hayan ang ganda-ganda mo, sayang ang ganda mo kung palagi kang nakasimangot at umiiyak." Nakakagaan ng loob na may mga taong kagaya ni Manong guard na marunong mag- appreciate sa mga simpleng bagay na kanyang nakikita.
"Totoo—maganda po ako?" sabay ngiti ko ng pagkatamis-tamis dito.
"Sige na pumasok na kayo Ma'am, heheh..." Natatawang saad sa akin ni Manong guard, halos takbuhin ko na musileo kung nasaan ang aking mahal na si Enrico.
Kagaya ng dati, naka locked pa din ito. Ayon kay Manong guard dati—nasa mga Salvador ang susi nitong puntod ng mahal ko.
Dumikit ako sa wall glass—inilapat ko ang aking dalawang palad doon at saka ako nagsalita.
"Heart, how are you? Miss na miss na kita mahal ko," hindi ko parin mapigilan ang aking sarili na maluha habang kinakausap ko ito.
Alam kong naririnig at nakikita niya ako ngayon. Kahit anong pilit ko sa aking sarili na sumaya ay hindi ko parin pala kaya.
Sa ibang tao, nakangiti ako—pero sa loob loob ko durog na durog parin ako.
Pilit kong ikinukibli ang sakit na aking nararamdaman sa pamamagitan ng aking mga matatamis na ngiti.
Masayahin akong tao, positibo, matapang ngunit sa likod niyon ay may mga kahinaan din ako.
"Magpapaalam lang ako heart, uuwi muna ako ng Ilocos ah, sana gabayan mo ako palagi—at gabayan mo din palagi ang pamilyang iniwan mo. Alam ko kung gaano kita namimiss ngayon ganoon din ang Daddy at Mommy mo." Nakaharap ako sa wall glass na iyon at pilit na inaaninag ang mukha ng aking mahal sa malaking portrait na iyon mula sa loob.
"Hinding-hindi kita makakalimutan heart, mananatili ka dito sa puso ko habang-buhay. Mahal na mahal kita Enrico," at muling bumuhos ang masasaganang luha mula sa aking mga mata.
"Ikaw dapat ang nasa loob at hindi ang anak ko!" Tila isang kulog sa aking pandinig ang boses na iyon ni Misis Salvador, lumingon ako at____
"Pak!" Isang malakas na sampal ang dumapo sa aking kaliwang pisngi,
"Pak!" Isa ulit na malakas na sampal ang dumapo sa aking kanang pisngi.
"Tita?" Hawak ang aking nasaktang mukha, naluluha akong humarap kay Tita.
"Huwag mo akong tatawagin na Tita, hayop kang babae ka!" mag-asawang sampal muli ang aking natikman.
"Tita I'm sorry, hindi ko po sinasadya ang lahat. Hindi ko po ginustong mawala si Enrico sorry po," patuloy akong umiiyak at humihingi ng tawad.
"Pero ginusto mo! Ginawa mo! Ikaw ang dahilan kaya namatay ang anak ko! Kaya papatayin din kita hayop ka!" Galit na galit ito sa akin—namumula na ang mga mata niya pisngi niya dahil sa matinding galit nito sa akin.
Hindi ko masisisi si Tita, maging ako man ay aminado sa aking nagawa, maging ako man ay sinisisi ko din ang aking sarili sa pagkawala ng lalakeng pinakamamahal ko.
"Sige po Tita, saktan niyo po ako, hindi po ako lalaban dahil alam kong may kasalanan din ako." Umiiyak na turan ko,
Lumapit itong muli sa akin at hinila ang aking mahabang buhok.
"Papatayin din kita kagaya ng pagpatay mo sa anak ko! Walang hiya kang babae ka kriminal! Ikaw ang dahilan ng paghihirap ng kalooban naming mag-asawa ngayon, ikaw ang dahilan kung bakit kami nawalan ng anak!" Habang patuloy niya akong sinasabunutan, hawak niya ng mahigpit ang aking buhok at hinayaan ko lamang iyon kahit pa nasasaktan na ako.
Malaki ang naging kasalanan ko kaya tama lamang ito sa akin.
"Buhay mo kapalit ng buhay ng anak ko! Ibalik mo sa akin ang puso ng anak hayop ka! Mamatay kana!" Pilit niyang iningungudngod sa magaspang na semento ang aking mukha.
"Wala kang karapatang mabuhay babae ka! Ibalik mo—ibalik mo ang puso ng anak ko, dahil hindi ko pinangarap na mapunta sayo 'yan!" Dito natigilan ako. Gulong-gulo ang isipan ko ng mga sandaling iyon. Ano ang ibig sabihin ni Misis Salvador?