Nagkataon O Nakatakda?

1769 Words
Hah.. Hah.. Hah... Hah..." Sunod-sunod ang paghinga niya ng malalim ng sa wakas ay nabuksan na ang sakong kanyang pinagtataguan. "Binibini ayos ka lamang ba?" Basang-basa na siya ng pawis, kumapit narin ang mga dumi sa kanyang buong katawan. "Ahahaha..." Napapatawa si Rosa ng makita nito kung gaano kadumi ang mukha ni Valerie. "Rosa ano ba? Ano'ng nakakatawa?" Bigla itong napatigil at humingi ng paumanhin. "Ipagpaumanhin mo Binibini, kung hindi namin ito ginawa sa'yo marahil ay nahuli kana ng mga guwardiya sibil na iyon." Hindi siya halos makapagsalita dahil habol-habol parin niya ang kanyang paghinga. "Hindi bale at malapit na tayo sa aming tahanan. Makakaligo kana rin at makakapagpalit ng iyong kasuotan." Hindi na lamang siya umimik pa, akala niya talaga katapusan na niya kanina. Nanghihina siyang napasandal muli sa upuan at ipinilig muli ang kanyang ulo. Pinagmasdan niyang mabuti ang kanyang mga braso at kamay—wala ka ng ibang makikita pa doon kundi puro kulay ng uling. Ilang sandali pa tumigil muli ang karwahe. Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid. Isang napakalaking bahay—tama. Isang ancestral house ang kanyang nakikita. "Nandito na tayo sa aming tahanan Binibini. Halika at bumaba na tayo." Nanghihina parin ang kanyang mga tuhod—pinilit niyang kumilos para siya ay makababa na ng karwahe. Nauna ng bumaba si Valentina at siya ay inalalayan nitong makababa. "Valentina, mauuna na ako sa inyo." saad pa ni Rosa sa kanila. "Hindi kana ba papasok sa loob Rosa?" "Hindi na Valentina dahil alam kong hindi din naman ako tanggap sa pamamahay ninyo." Naiiling-iling na lang si Valentina sa tinuran ng kaibigan. "Nasa sa'yo iyan Rosa." "Mamayang gabi dadaanan kita ah. Sabik na sabik na ako sa sayawang bayan—alalahanin mo nakapag- promesa kana kay Lucas," natatawang saad pa ni Rosa bago ito tuluyang naglakad paalis ng kanilang tahanan. Inakay niya si Valerie papasok sa loob ng kanilang tahanan. Iginala ni Valerie ang kanyang paningin sa loob ng bahay. Hindi maitatangging galing sa isang may kayang pamilya si Valentina. Magara ang mga kagamitan. Halos mga antigong mga bagay ang kanyang mga nakikita. May malaking piyano siyang nakita mula sa gilid ng sala— at ang nakaukit sa isang kahoy na palamuti na kasabit sa dingding binasa niya iyon. "Residencia Guevara," iyon ang nakaukit sa kahoy na iyon. Sila ay naglakad muli. Nakasalubong nila ang dalawa nilang utusan at ganoon na lamang ang pagkagulat nila ng makita nila si Valerie. "Señorita—sino ang inyong kasama? Mahabaging Diyos sa langit—siya ba ay biktima ng panghahalay?" Napalunok si Valerie—sino ba naman kasi ang hindi magugulat ngayon sa kanyang hitsura. Bukod sa madungis siyang tingnan, gulong-gulo pa ang mahaba nitong buhok. "Nagkakamali kayo, hindi siya biktima ng panghahalay." sagot pa ni Valentina sa kanila. "Maria—nandiyan naba ang iyong Señorita Valentina?" Narinig pa niyang wika ng isang babae. Isang Ginang ang lumabas mula sa kung saan at lumapit sa kanila. Pinakatitigan niya itong mabuti—isang donya sa kanyang paningin. Magara ang kasuotan nito. May hawak itong abaniko at punong-puno ng hiyas ang kanyang kasuotan. May suot din itong mga alahas na may mga naglalakihang mga bato. "Valentina iha," siya ay napatigil sa kanyang kinatatayuan ng mapansin nitong may ibang kasama ang anak. "Si-sino ang iyong kasama? Ba-bakit ganyan ang kanyang pigura?" Buong pagtatakang tanong ng Ginang. "Mamang—siya si Valerie, ahm. Valerie siya ang aking Ina," pagpapakilala pa niya sa dalawa. "Hello po," tipid na tugon niya saka kumaway ito ng bahagya at yumuko bilang tanda ng kanyang paggalang. Nagtanggal ng salamin ang Ginang at muli siya nitong pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa. "Anak—saan mo ba napulot ang—ang nilalang na ito?" "Mamang, tao po 'yan." "Hi-hin-di! Siya ay kakaiba sa atin. Paalisin mo siya ngayon din Valentina, baka masamang nilalang ito. Tingnan mo nga ang pigura niya—baka may dalang sumpa ang nilalang na ito sa ating pamilya." Dito biglang pumasok sa isipan niya si Misis Salvador ang Ina ng pinakamamahal niyang si Enrico. Walang pinagkaiba ang ugali nito sa Ginang na kaharap niya ngayon. Mapanghusga, matapobre, at may kagaspangan talaga ang pag-uugali. "Kahit saan talaga—may mga taong mapanghusga. Hay.. Akala ko pa naman mababait ang mga tao sa nakaraan—pero mas malala pa pala ang Ginang na ito." Naiinis-inis na bulong niya sa kanyang sarili. "Nauulinigan kita. Ano ang iyong sinasabi?" Pinandilatan siya ng paningin ng Ginang habang prenteng nakapameywang. "Ah—eh, Mamang, maaari bang mamaya ko na lang ipapaliwanag sa inyo ang lahat? Kailangan niyang maligo at makapagpalit ng kasuotan." Hinawakan siya sa kamay ni Valentina at hinila niya ito palayo sa kanyang Ina. "Valentina hindi mo kilala ang taong iyan! Valentina paalisin mo siya ngayon din!" pahabol pa kanyang Ina ngunit hindi na niya ito binigyang pansin pa. "Huwag mong pansinin si Mamang Binibini." Sila ay naglakad at iginiya siya ni Valentina sa isang kwarto. "Pumasok tayo sa loob Valerie," naging sunod-sunuran siya. Nanlalagkit na ang pakiramdam niya. Nangangati narin ang buong katawan niya. "Halika at ng makapaligo kana," muli ay tinawag siya ni Valentina na pumasok sa loob ng banyo. "May tubig diyan sa malaking tapayan Valerie, ayos lang ba sa iyo na maligo ng malamig na tubig?" Tumango-tango naman siya. "Kung ganoon—maligo kana at ako naman ay maghahanap ng iyong susuotin. Pero bago iyan, maaari mo ng tanggalin ang iyong kasuotan para iyan ay malabhan na." Utos pa sa kanya ni Valentina. Tutal pareho naman silang babae siya ay naghubad na nga kanyang suot na dress at tanging ang itinira niya ay ang suot niyang bra at ang manipis niyang shorts. "A-a-no iyan Binibini?" Nagtatakang tanong ni Valentina sabay turo nito sa suot niyang bra. "Ito ba kamo? Bra," "Bra? Iyan ba ang tawag sa bagay na iyan?" "Oo, bra. Bakit ano ba ang tawag nito sa inyo?" nagtatakang tanong niya pabalik kay Valentina. "Ah—heheh... Walang ganyan sa amin Binibini," natatawang saad ni Valentina. "Hah? Ibig sabihin walang harang ang inyong mga dibdib?" Nahihiya man ay pilit na tumawa si Valentina dahil ngayon lamang siya nakakita ng ganoong klase ng pantapal sa hinaharap. Dito hindi maiwasan na pati si Valerie ay natatawa narin. "Ay, oo nga pala. Sorry, nasa sinaunang panahon pala tayo. Hihihih..." Sabay silang napahagikgik ng tawa ni Valentina. Pagkatapos niyang maligo ay lumabas narin siya ng banyo. Pagkalabas niya ay nakita niyang nakahanda na sa kama ni Valentina ang susuotin niyang damit. Siya ay napangiwi pagkakita nito sa damit na inihanda para sa kanya ni Valentina. "May suliranin kaba Binibini?" "Ah—eh, wala bang ibang damit diyan? Kasi ano eh—parang ang init ng damit na ito. Ahm, sorry ah pero hindi ako sanay sa ganito." Itinaas niya ang damit na iyon. Isang ternong blusa na may mahabang manggas at saya na hanggang sakong ang haba. "Lahat ng aming kasuotan pare-pareho Binibini." Siya ay nag-isip ng malalim. "Iyong kagaya ng damit ko—wala ka bang ganoon Valentina? Kahit shorts na lang kung meron—hindi ko yata kakayaning magsuot ng ganito kahabang damit." Muli ay panggigiit pa niya sa dalaga. Natatawa naman si Valentina na makita sa ganoong reaksiyon si Valerie. "Kailangan mong suotin ito Binibini para hindi ka pagkamalang galing sa ibang mundo. Sige na—at ng makakain na tayo." Tila wala na siyang magagawa pa kundi ang isuot ang blusa at saya na iyon. "Whoahh.." huminga siya ng malalim pagkasuot niya sa damit na iyon at saka siya naglakad papunta sa isang tukador para tingnan ang kanyang repleksyon sa salamin. "Ang ganda-ganda mo Valerie. Bagay na bagay sa'yo ang aming kasuotan. Tila ba ay nabibilang kana sa aming mundo," Hindi siya makaimik—nakatulala habang pinagmamasdan ang kanyang sarili sa salamin na iyon. Hanggang sa isang bagay ang pumasok sa isipan niya. Isang salamin ang dahilan kung bakit siya ngayon nandito sa nakaraan. Sinisilip-silip niya ang salamin. Panay ang hawak niya dito at sabay kinakalampag pa niya ito. "Binibini, ano ba ang iyong ginagawa?" Nagtatakang tanong ni Valentina habang patuloy na kinakalampag ni Valerie ang kanyang tukador. "Magbukas ka please, ikaw lang ang tanging paraan para makabalik ako sa amin. Come on! Arrgggg... Nasaan naba kasi ang portal na iyon?" panay ang sabi niya. "Portal? Binibini—ano ang iyong sinasabi?" Ngunit hindi siya sumagot bagkus ay nagpatuloy siya sa pagkalampag sa tukador na iyon. "I know, nandito lang iyon eh. Come on please, open.." pati si Valentina ay nagtataka narin sa kanyang ikinikilos at sa kanyang mga sinasabi. "Alam mo gutom lang siguro iyang nararamdaman mo. Halina't ng makakain na tayo." Muli ay wika ni Valentina. Nanghihina siyang napaupo sa kama ng dalaga. "Wala ng pag-asa. Dito na yata ako nakatakdang mamatay Valentina." Dito hindi niya namamalayan ang paglandas ng kanyang mga luha. "Huwag kang tumangis Binibini. Alam kong may dahilan ang lahat kung bakit ka napadpad sa aming mundo. Kung ano man iyon—sabay nating aalamin. Nandito ako Binibini at hindi ka nag-iisa. Ikaw ay aking tutulungan sa abot ng aking makakaya." Naupo si Valentina sa kanyang tabi para siya ay aluhin. "Sa tingin mo ba, may dahilan ang Diyos kung bakit niya ako dinala sa henerasyon na ito? Naniniwala kaba na nakatadhana talagang mangyari sa akin ito?" Naluluhang sambit niya kay Valentina. "Oo naman. At hindi lang nagkataon na ako ang nakakita sa'yo sa may simbahan kundi talagang itinakda na magtagpo tayong dalawa." Dito wala sa sariling niyakap niya si Valentina. "Tahan na Binibini. Habang ikaw ay nandito sa aming mundo—hindi kita pababayaan. Pangako sa'yo iyan Valerie." "Salamat Valentina. Salamat dahil isang katulad mo ang nakatagpo sa akin. Sana nga—sana nga may rason talaga ang lahat kung bakit nandito ako ngayon sa nakaraan." Ngumiti si Valentina, kahit papaano nakaramdam siya ng kaginhawaan. "Ngayon lang ako muling nakaramdam ng kasiyahan sa aking puso Binibini. Alam mo bang lugmok na lugmok ako nitong nakaraang isang taon. Dahil iyon sa lalakeng labis kong minahal ngunit ako lamang ay kanyang pinagtaksilan. Ako ay kanyang iniwan sa kabila ng pangako namin sa isat-isa na kami ay magsasama hanggang sa kamatayan." Malungkot na nakikinig is Valerie. Napansin niyang nagpahid ng kanyang mga luha si Valentina. Kung kanina siya itong umiiyak—ngayon si Valentina naman. "Siya lang ang tanging lalakeng gusto kong makasama habang buhay Binibini, pero siya ay lumisan ng walang paalam. Nag-aagaw buhay ako sa loob ng bahay pagamutan noong ako ay kanyang lisanin. Hanggang ngayon—wala na akong balita kung nasaan na ang huwad na lalakeng iyon." pagpapatuloy pa niya. "Siya ba ang tinutukoy ni Rosa kanina na nasa Maynila?" Tumango lamang siya bilang pagtugon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD