Hindi Maipaliwanag Na Pakiramdam ❗

1576 Words
"Ramdam ko ang iyong pinagdadaanan Valentina. Pareho lang tayo ngayon," Maang si Valentina pagkakasabi ni Valerie ng katagang iyon. "Kung ganoon —dinanas mo din ang aking mga dinanas Binibini?" Buong pagtatakang tanong niya dito. "Oo Valentina, ang ipinagkaiba lang natin—ikaw ay iniwan niya ng walang paalam, ako naman ay nilisan niya dahil siya ay sumakabilang—buhay." Dito ay muling nanumbalik na naman sa kanya ang sakit—lahat ng sakit noong nawala ang tanging lalakeng pinakamamahal niya. "Hindi ka nag-iisa Valentina. Ang sakit na iyong nadarama ay katumbas din ng sakit na aking nadarama ngayon. Nangako kami sa isa't -isa na kami na habang buhay, ngunit malupit ang tadhana para sa aming dalawa Enrico." Malungkot na wika niya sa dalaga. "Kung iyong mamarapatin—maaari ko bang malaman kung ano ang kanyang ikinasawi Binibini?" Dahil sa kuryosidad minabuti niyang tanungin ito. "Ahm—iniligtas niya ako Valentina. Mula sa isang rumaragasang sasakyan, itinulak niya ako palayo. Ibinigay niya ang sarili niyang buhay para sa akin." Naluluhang sambit niya sa dalaga. Huminga siya ng malalim, nandoon na naman iyong sakit sa dibdib niya. Parang tinutusok ng paulit-ulit ang puso niya. "Pareho pala tayong sawi sa pag-ibig Binibini. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit tayo pinagtagpo ng tadhana." "Hah?" Napaangat siya ng mukha at napatigil siya sa kanyang pag-iyak at buong pagtatakang tinitigan si Valentina. Dalawang babaeng parehong sawi sa pag-ibig ang pinaglapit ng kapalaran. Ito ang nais ipahiwatig sa kanya ni Valentina. Ito nga ba ang rason kung bakit siya ay nandito sa nakaraan? Ito ba ang rason kung bakit sila nagkatagpo ni Valentina? Ngunit bakit? "Masaya ako na nakilala kita Binibini. Unang kita ko pa lamang sa iyo, nahulog na kaagad ang loob ko. Magaan ang kalooban ko sa'yo Valerie. Hindi ko man mawari kung bakit—ngunit sadyang may kung ano'ng mayroon sa'yo." Siya naman ay napangiti dito. "Kay gandang pagmasdan ang iyong mga ngiti Binibini. Nakakagaan ng damdamin at tila ba ikaw ang lunas sa aking pag-iisa." Kay sarap sa tainga ang mga sinasabi ngayon ni Valentina sa kanya. "Ganoon din ako para sa'yo Valentina. Ngayon lamang tayo nagkakilala ngunit nakuha mo na kaagad ang loob ko. Bakit pakiramdam ko—matagal na kitang kilala?" Lalong napangiti si Valentina sa kanya. "Hayan, ang ganda-ganda mo rin Valentina. Ganyan nga smile lang, huwag mong sayangin ang luha mo sa isang lalakeng walang kwenta at manloloko. Kung kaya ka niyang ipagpalit—pwes lumaban ka. Ipakita mo na hindi lang siya ang may kakayahan na maghanap ng iba." Natatawang saad niya. Lalong lumawak ang pagkakangiti ni Valentina. "Hihihih... Ano pala ibig sabihin ng smile?" Dito ay hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili na matawa. "Hahahah... Sorry, ang hirap kasi ng mga pananalita ninyo. Masyadong malalim—masyadong matalinhaga. Smile, it means ngiti. Ngumiti ka Valentina." Natatawang bigkas niya dito, "Talaga? Sige na Binibini —smile kana diyan at tayo ay kakain na. Hehehe.." sabay tawa nito ng pagak. Sabay silang tumayo at kapwa naglakad palabas ng kanyang silid. Sila ay nagtuloy-tuloy hanggang sa may kusina at naabutan nilang nakahanda na sa hapag ang kanilang mga kakainin. "Wow.. Ang daming pagkain Valentina. Mga kakanin—ito, ito ang gusto ko ang suman at bibingka." Namimilog ang kanyang mga mata at siya ay napahawak ng kanyang tiyan. "Nakakagutom naman ang mga ito Valentina," dahil sino ba naman ang hindi gugutumin gayong halos wala siyang kain sa kanilang bahay bago pa siya napadpad sa panahon na ito. "Siya! Siya ang tinutukoy ko Ricardo. Ang babaeng iyan na kasama ng iyong anak na umuwi ng mansion." Nanginginig ang boses ng Ginang ng makita niya ang dalawa na nasa harapan na ng hapagkainan. "Papang —Mamang, si Valerie ay aking panauhin. Maaari po bang igalang ninyo ang aking panauhin?" Biglang nakaramdam ng takot si Valerie ng makita nito ang mag-asawang Guevara na tila galit na galit. Panay naman ang kumpas ng Ginang sa hawak nitong abaniko habang matalim ang ipinupukol na mga tingin sa kanya. "Saang lupalop mo ba siya nakilala anak? Hindi ka dapat nagpapapasok ng kung sinu-sino lamang sa ating pamamahay! Alalahanin mo, hindi tayo basta-basta ordinaryong mga tao lamang!" Malakas na sigaw ng Ama nito sa kanya. "Papang, hindi siya kung sinu-sino lamang. Siya ay aking kaibigan." Panggigiit pa ni Valentina sa Ama. "Kung kaibigan mo siya—bakit ngayon lamang namin siya nakilala? Sabihin mo bababe kung sino ka talaga at kung ano ang iyong pakay sa aming pamilya?!" Nahintakutan si Valerie ng marinig nitong sumigaw ang Ginoo. Wala sa sariling napahawak siya sa braso ni Valentina. "Papang—mauulit na naman ba ang nangyari mula sa nakaraan? Noong pilit ninyo kaming pinaghihiwalay ni Ramonsito, ano ang nangyari?" Natahimik ang dalawang magkatipan. "Dahil sa pakikialam ninyo sa amin ng mahal ko, ako ay muntik ng mapahamak. Mamang—Papang, si Valerie lamang po iyan na kaibigan ko ipagkakait niyo paba sa akin? Wala na ba kayong awa at pati pakikipag- kaibigan ko ay ipinagbabawal ninyo na din?" Hindi makaimik ang mag-asawang Guevara. "Mamang naman—mabait na tao si Valerie. At si Rosa, na tanging nag-iisa kong kaibigan dito sa nayon ipinagkakait niyo pa sa akin. Hindi basehan ang estado natin sa buhay Mamang, Papang." Dito muling bumuhos ang kanyang emosyon habang hawak niya ng mahigpit ang palad ni Valerie. Ayaw man niyang gawin ito na sumbatan ang kanyang mga magulang ngunit hindi na niya makayanan pa. "Aalis na lamang ako Valentina. Señor, Señora, pasensya na po kayo kung nag-aaway po kayo ng dahil sa akin." Malungkot na wika ni Valerie. Paano na lamang siya? Saan siya pupunta? Hindi naman kakayanin ng konsensya niya na may nag-aaway ng dahil sa kanya. Malalim siyang nag-iisip. "Hindi po kayo dapat magkagulo na pamilya ng dahil lamang sa akin. Valentina —naiintindihan ko, aalis na lamang ako." Sabi nito habang hawak parin ni Valentina ang kanyang kamay.a "Hindi ka aalis Valerie. Dito ka lamang sa aming tahana dahil dito sa amin Ikaw ay ligtas." Mariing wika ni Valentina sa kanya. "Ngunit Valentina," "Kapag sinabi kong hindi ka aalis—hindi ka aalis. At kapag iyong ipagpipilitan na ikaw ay aalis—sasama ako sa'yo Valerie. Isama mo na ako, dahil hindi na ako masaya sa buhay kong ito." Puno ng sakit ang bawat salitang kanyang sinasambit. Ramdam na ramdam iyon ni Valerie. Nagkatinginan ang dalawang mag-asawa, dito muling nagwika si Señor Ricardo. "Pinapahintulutan na kitang tumira sa pamamahay namin Binibini. Siya— dumito ka muna hanggang gusto mo, para naman may makasama ang anak namin at ng hindi na siya lamunin pa ng matinding kalungkutan niya." Awang ang bibig ni Valentina, pasimple siyang nagpunas ng kanyang mga luha. "Oo Binibini, tama ang iyong narinig. Dumito kana muna sa aming residencia hangga't gusto mo, mainam na din ito ng may makasama ang nag-iisang anak namin." Tugon naman ng Ginang sa kanya. Dito nabuhayan siya ng loob. "Talaga Mamang—Papang?" Hindi halos makapaniwala na tanong ni Valentina. Tumango-tango naman ang mag-asawa. Ngayon nakangiti na ang mga ito sa kanya. Lubos ang kanyang kasiyahan. Sa wakas ay hindi na siya mag-iisa. Lubos ang kanyang pasasalamat dahil nakilala niya ang isang katulad ni Valerie. "Naku, maraming salamat Señor, Señora. Tatanawin kong malaking utang na loob itong pagpapatira ninyo sa akin dito." Lubos siyang nagpapasalamat sa mag-asawa. Buong puso namang lumapit si Valentina sa mga magulang para sila ay pasalamatan. "Mamang—Papang, salamat at naliwanagan na din kayo sa wakas. Masaya ako Mamang na nakilala ko si Valerie. Gracias Papang, gracias." "No hay nada. O siya sige, tayo na at ng makakain na. Pero bago iyon, hintayin lamang natin panandalian ang aking mga panauhin." Sambit pa ni Señor Ricardo sa kanila. "Señor, Señora, nandito na po ang inaasahan ninyong mga panauhin." Lumapit ang isa sa kanilang mga utusan para sabihing dumating na ang kanilang mga bisita. "Papasukin ninyo Maria. Mainam lamang dahil nakahanda na ang hapag." Pagkaraan ng ilang sandali bumalik ang utusan ng may kasama ng dalawang pares. "Buen día camarada. Ikinagagalak kong kayo ay nakadalo sa aming kapistahan." Pagsalubong ni Señor Ricardo sa mga panauhin. "Buenos días para ustedes también, camaradas. Salamat sa imbitasyon kumpadre." Wika pa ng isang Ginoo kay Señor Ricardo. Malapit sa hapag nakatayo sina Valentina at Valerie. Abala naman ang mga mata ni Valerie na pinagmamasdan ang mga bagong dating na panauhin. "Spanish, ang galing." Namamanghang saad ng kanyang isipan habang nakikinig sa usapan ng mag-asawang Guevara at ng mag-asawang kanilang panauhin. "Nasaan ang iyong anak kumpadre? Ang balita ko ay dumating na ang anak mong dalubhasa na nanggaling pa sa Europa." Tanong kaagad ni Señor Ricardo ng hindi niya makita ang isa sa mga inaasahan niyang panauhin. "Nasa labas lamang siya kumpadre." Hanggang sa isang lalake ang dumating, nakangiti ito ng ubod ng tamis na lumapit sa kanila. "Nandito na pala ang anak namin kumpadre," wika pa ng Ginang kay Señor Ricardo. "Buenos dias Señor y Señora," siya ay nagbigay galang sa mag-asawang Guevara. Yumuko siya, at lumapit sa Ginang para halikan ito sa likuran ng kanyang palad. "Tu hijo es un camarada guapo. Valentina hija lumapit ka dito." Tawag pa ni Señor Ricardo sa anak. Ganoon na lamang rumehistro ang pagkagulat sa mukha ni Valentina ng makilala niya ang lalakeng bagong dating. Sila ay nagkatinginan. Nagtama ang kanilang mga paningin. Mga mata nilang tila kapwa nangungusap sa isa't -isa. "Lucas?!" Gulat na gulat na wika niya. "Valentina, ikaw nga. Ang bituing marilag na aking nakilala." Sabay ngiti nito sa dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD