Nakapikit siya—nakapilig ang kanyang ulo sa upuan habang naririnig niya ang dalawang magkaibigan na patuloy na nagkukwentuhan.
"Ngunit paano mo ito ipapaliwanag sa iyong Mamang at Papang ang tungkol sa Binibining ito Valentina?" Muli ay tanong ni Rosa.
"Ako ang bahala sa aking mga magulang Rosa. Mabait naman ang Binibining ito hindi ba? Tingnan mo ang mala- anghel nitong mukha. Diba't sadyang kay ganda niyang pagmasdan?" Nakangiting saad ni Valentina habang ang kanyang paningin ay nakatuon sa magandang mukha ni Valerie na noon ay nakapikit lamang.
"Kung hindi man siya isang diwata—marahil nga nanggaling siya sa ibang panig ng mundo. Valentina kay ganda ng kanyang kasuotan—kay ganda ng suot niyang sapin sa paa." muling wika ni Rosa.
"Totoo ang iyong sinabi Rosa. Alam mo ba'ng pakiramdam ko ngayon—tila ba kilala ko ang Binibining ito."
"Paano mo naman nasabi iyan Valentina—gayong ngayon mo lamang siya nakilala?" Huminga si Valentina ng malalim at saka ngumiti sa kaibigan.
"Hindi ko din mawari Rosa. Sadyang kay gaan ng loob ko sa Binibining ito. Sana nga magtagal pa siya dito sa atin at ng makasama ko pa siya ng matagal." Dito nagmulat ng kanyang mga mata si Valerie.
Seryoso? Gusto nilang magtagal pa siya dito sa henerasyon na ito?
"No! Ah—Valentina, hindi ako maaaring magtagal dito. May pamilya akong naghihintay sa akin—paano ang mga estudyante ko, ang pagtuturo ko?" bigla ay saad niya sa mga ito.
"Binibini, matanong nga kitang muli?" Tumango naman siya bilang pagtugon.
"Kung ikaw ay nagmula sa hinaharap—dito din ba sa lugar na ito ang iyong tahanan?" Siya ay umiling-iling.
"Taga Maynila ako Valentina. Doon ako nakatira at ng aking pamilya. Nandoon din ang eskwelahan kung saan ako nagtuturo." Nanlaki ang mga mata ni Valentina ganoon din si Rosa na napatakip ng kanyang bibig.
"Hah?! Hindi ba't nandoon ang pamilya ng iyong kasintahan Valentina? Nandoon si Ra_____." Hindi na naituloy ni Rosa ang kanyang sasabihin ng sawayin siya ni Valentina.
"Rosa—ayaw ko ng marinig ang ukol sa lalakeng iyon, maaari ba?" saway niya sa kaibigan .
"Paumanhin Valentina,"
"Kung ganoon taga Maynila ka pala? Ginawa mo pa kaming manghuhula Binibini—akala namin nagmula ka pa ng Europa." Natatawang saad naman muli ni Rosa.
Dahil sa naguguluhan na siya, hindi na niya naisipan pang sabihin na taga Maynila siya.
"Dito nagmula sa Sinait ang pamilya ng aking Ama. Kaya tuwing kapistahan ay umuuwi ako dito. Nagbabakasyon ako sa aking mga Tito at Tita." Muli ay sagot niya sa mga ito.
"Tito at Tita?"
"Ibig kong sabihin, mga Tiyo at Tiya ko." Sabay namang napapatango ang dalawang magkaibigan.
"Saang poblasyon ba dito nakatira ang iyong mga ninuno Binibini?" Dito lalo siyang kinilabutan.
Pakiwari niya nanlalamig ang buo niyang katawan. Nagsitayuan ang kanyang mga balahibo—dahil sa isiping maaari niyang makita at makilala ang angkan na kanyang pinagmulan.
"My God!" Napatutop siya ng kanyang bibig.
"Bakit ba hindi ko naisip iyon? Tama—baka pwedeng makilala ko ang aking mga ninuno?" Naiiyak siya na hindi niya mawari.
"Ano ang ibig mong iparating sa amin Binibini?" tanong muli ni Valentina.
"Valentina—maaari mo ba akong samahan papunta sa bahay ng aking mga ninuno? May posibilidad kayang makilala ko sila?" Awang ang bibig ni Valentina, si Rosa naman na panay ang tango nito sa kanya.
"Gusto kong makilala ang aking pinagmulan. Wala na ang aking Ama, ang aking mga Lola at Lolo ay hindi ko na din nakagisnan pa." Malungkot na nagkatinginan ang magkaibagan.
"Ikinalulungkot namin ang pagkawala ng iyong mahal na Ama Binibini."
"Ayos lamang iyon Valentina. Sana nga makilala ko sila—habang nandito ako susulitin ko ang pagkakataong ito na makilala pa ng husto ang aking pinagmulan." Kung kanina labis ang kagustuhan niyang makabalik kaagad sa hinaharap ngayon naman tila nagbago na ang isip niya.
Minsan lang mangyari sa buhay niya ang kakatwang pangyayari na ito kaya't habang may pagkakataon pa siya— gugustuhin niyang gugulin ito para makilala ang kanyang pinagmulan.
Habang sila ay nasa daan ay napansin niyang tumigil ang karwaheng kanilang sinasakyan.
"Ano ang nangyayari Ginoong Thiago?" Nag-aalalang tanong ni Valentina sa kanyang hinete.
"May mga guwardiya sibil sa unahan Senorita. Ano ang ating gagawin?"
"Ano pa nga ba kundi ang magpatuloy," sagot naman ni Rosa.
"Hindi maaari. Paano ang Binibining kasama ninyo? Tiyak hahanapan siya ng pagkakakilanlan." Tila nabuhay ang natutulog niyang diwa pagkarinig nito sa sinabing iyon ng hinete.
"Pagkakakilanlan? Ibig sabihin ID? My God!" Wala sa sariling natampal niya ang kanyang noo.
"Saglit lamang at ako ay nag-iisip ng paraan." Tugon pa ni Valentina sa kanila.
"Ah—Valentina ang malaking sako sa iyong likuran. Maaari nating gamitin iyan para tayo ay makalusot sa mga guwardiya sibil." Mabuti na lamang at nakita ni Rosa ang sakong iyon na nakaipit sa upuang kahoy na iyon sa kanilang likuran.
Kinuha ni Valentina ang sako at saka niya tinitigan si Valerie. Tiningnan ni Valerie ang sako—may kalumaan na iyon at kita ang mag dumi sa sakong iyon.
"Teka! Ano'ng gagawin ninyo?" naguguluhang tanong ni Valerie.
"Isasako ka namin Binibini," natatawang saad ni Valentina.
"No! Hindi niyo pwedeng gawin iyan sa akin!" Pagpoprotesta pa niya sa mga ito.
"Pumayag kana Binibini —kung hindi natin ito gagawin, huhulihin ka ng mga guwardiya sibil at ikaw ay itatapon nila sa karsel. Gusto mo ba iyon Binibini?"
"Anong karsel? Bakit ikukulong kaagad? Bakit kailangan ng ID? Diyos ko, kalesa lang naman itong sinasakyan natin—daig pa nila ang highway patrol group?" muli ay wika niya
"Hindi namin mawari ang iyong mga sinasambit Binibini, ngunit ito lamang ang paraan para tayo ay makatawid sa daan na ito. Sige na, pumayag kana at nang makauwi na tayo." Pagpupumilit pa ni Valentina sa kanya.
Tiningnan niyang muli ang sako. Malaki nga ito—hindi basta-basta ordinaryong sako lamang. Hinawakan niya iyon at hinila-hila pa, sinusubukan lang niya kung ito ba ay matibay.
"Makakahinga kaya sa loob nito?" Nag-aalalang tanong pa niya sa mga ito.
"Oo naman Binibini. Tagos ang hangin diyan sa loob at lagayan iyan ng mga uling. Matibay iyan—ngunit ipagpaumanhin mo kung ito man ay madungis tingnan." Siya ay muling napapikit.
"Bilisan mo ang iyong kilos Binibini dahil may paparating na guwardiya sibil." Pati tuloy siya ay natataranta na din.
Pikit ang mga mata. Hawak ni Valentina ang sako at siya nagsuot sa loob ng sako.
"Hindi ako namatay dahil sa sakit ko sa puso, pero dito yata ako mamamatay sa loob ng sako na ito." Panay ang reklamo ng kanyang isipan.
Siya ay kumilos at pumwesto sa gild ng karwahe. Buong higpit namang itinali iyon ng hinete.
Abot-abot ang kanyang kaba sa loob ng sako. Nang maramdaman niyang muling umusad ang sinasakyan nilang karwahe. Ilang sandali pa tumigil muli ito.
"Ang inyong mga pagkakakilanlan, pakilabas lamang!" Narinig niyang wika ng isang boses, marahil ito na nga ang mga guwardiya sibil na tinutukoy nila kanina.
"Maaari ba kayong bumama kahit saglit? Titingnan ko lamang ang laman ng inyong karwahe." Dito narinig niyang nagsalita si Valentina.
"Walang ibang laman ang aming karwahe Ginoo, maliban lang sa isang sako ng uling na aming gagamitin sa kapistahan." buong lakas na turan ni Valentina.
"Diyos ko, ano ba itong napasok ko?" Tagaktak na ang pawis niya sa loob—pakiramdam niya nanlalagkit na ang buo niyang katawan at ngayon ay nababahing na siya sa amoy ng sako na iyon.
"Maaari ko bang makita ang laman ng sako?" muling wika ng guwardiya sibil.
"Mga uling lamang iyan Ginoo. Kapistahan ng ating bayan kaya nag-angkat kami ng mga uling mula sa kabilang nayon para may magamit kami sa kapistahan." Kinakabahan man ay hindi nagpahalata si Valentina, si Rosa na abot-abot ang kaba at siya ay nanginginig na.
"Ha—ha—hatsing..." ang kaninang pinipigilan niyang bahing ay kusang lumabas.
"Diyos ko tulungan mo ako," pigil ang kanyang sarili, mabuti na lamang at kaagad niyang natakpan ang kanyang bibig.
"Ah—totoo po mga Ginoo. Mga uling lamang iyan," sagot pa ni Rosa.
"Diyos ko. Hindi ko na kaya—malalagutan na ako ng hininga sa sako na ito. Lord help me," pinilit niyang tinatagan ang kanyang loob. Bawal siyang gumalaw—pati ang kanyang paghinga ay kontrolado din niya.
Mahirap na baka siya ay mahuli at ipatapon pa siya sa kulungan. Dobleng pasakit na iyon para sa kanya. Lalong hindi na siya makakabalik pa sa mundong kanyang pinanggalingan.
"Sige usad na!" Dito nakaramdam siya ng kaginhawaan, umusad nga ang karwahe at dali-dali namang kumilos sina Valentina at Rosa para pagbuksan ang sako.