"Ganyan ba kababa ang tingin ninyo sa aming mga mahihirap—walang dignidad? Tita, mahal ko po ang anak ninyo—at hindi matutumbasan ng kahit anong halaga ng pera ang pagmamahal ko sa kanya." matapang na sagot niya habang pigil ang kanyang sarili na huwag maiyak.
"Okay, let's close the deal. Twenty million, stay away from my son!" Napapailing na lamang si Valerie, dahil ganoon na lamang kung siya ay hamakin ni Mrs. Salvador.
"Sa inyo na po ang pera niyo Tita. Still, hindi ko po lalayuan ang anak ninyo. Mahal ko siya at mahal niya ako," madiing wika niya sa Ginang.
"Kung sabagay—maliit na halaga ang twenty million kumpara sa makukuha mo kapag mag-asawa na kayo ng anak ko. Multi- billionaire ang mapapangasawa mo, the sole heir of the Salvador Empire, kaya hindi na ako magtataka kung bakit ganoon na lamang katindi ang kapit mo sa anak ko." Napahawak siya ng kanyang dibdib. Ang sakit—sobrang sakit isipin na gano'n na lamang kasama ang tingin sa kanya ng Ina ng lalakeng pinakamamahal niya.
"Hindi porke't mahirap lamang ako ay wala na akong karapatan na tumutuntong sa pedestal na kinatatayuan ninyo. Tita, tandaan ninyo, lahat tayo ay pantay-pantay na ginawa ng Diyos. Nagkataon lamang na kayo ang nasa itaas ngayon at kami ay nasa ibaba! Makakaalis na po kayo Tita," sabi nito kasabay ng pagpahid niya sa mga luhang kusang lumandas sa kanyang pisngi.
Dahil sa nangyayaring komusyon sa pagitan nilang dalawa ni Mrs. Salvador, lumapit narin sa kanila ang dalawa nilang kasambahay. Si Joy na tumabi sa Ginang at si Manang Rosa naman na tinabihan si Valerie.
"At ito rin ang tatandaan mo!" Sabay duro nito sa mukha ni Valerie.
"Hindi ako titigil hangga't hindi mo hinihiwalayan ang anak ko! Ikakasal na si Enrico, at ikaw maiiwan kang luhaan. Kaya kung ako sa'yo, ngayon palang sanayin mo na ang sarili mo na wala ang anak ko!"
"Tanging si kamatayan lamang ang makakapaghiwalay sa aming dalawa Tita. Kaya please lang, umalis na po kayo dahil ayaw ko ng gulo." muli ay wika niya.
"Ahahah.. Ang tapang mong paalisin ako sa mismong pamamahay ko rin! Ang kapal ng mukha mong babae ka, na paalisin ako!" At dito napagtanto ni Valerie ang kanyang mga nasabi. Huli na, hindi niya dapat iyon sinabi sa Ginang.
"Tita, I'm sorry po. Hi-hin-di po iyon ang ibig kong sabihin. Gu-gusto ko lamang po na umiwas sa gulo—iyon lang po 'yun." Hinging paumanhin niya sa Ginang. Sakto namang papalabas noon si Aling Martha ang kanyang Ina.
"Balae, naku, mabuti naman at napasyal ka dito balae." Masayang wika ni Aling Martha saka nilapitan ang Ginang.
Akmang hahawakan niya si Mrs. Salvador ng ikumpas nito ang kanyang kamay para siya ay tumigil.
"Hep! Don't you ever land your dirty hands on me!" Mataray nitong sabi.
"Mama, ahm—sorry po Tita, hindi na po mauulit." Kasabay ng paghila ni Valerie sa kamay ng kanyang Ina palayo kay Mrs. Salvador.
Hindi nakaimik si Aling Martha, nagkatinginan na lamang silang mag-ina.
"Kung hindi ka madala sa magandang pakiusap—pwes, humanda ka dahil talagang pagsisisihan mo ito! Marie, give me the disinfectant. Ang daming germs dito. And you Joy, Manang Rosa linisin niyo nga ng mabuti ang bahay na ito dahil sa dami ng virus na nakakalat dito." Kasabay na pagwisik nito sa paligid sa hawak nitong alcohol.
"Aww.. Anak, ang mata ko." napadaing si Aling Martha sabay hawak nito sa kanyang mga mata ng pumasok sa mata niya ang alcohol na iwinisik ni Mrs. Salvador.
"Sumosobra na po kayo Tita!" Galit na bulalas ni Valerie.
"Hamakin niyo na ako, saktan niyo na ako, huwag lang ang Mama ko!" Nanginginig na wika nito kay Mrs. Salvador.
"At bakit, sasaktan mo ako? Come on you hore, ipakita mo sa akin kung ano ka talaga! Sige, saktan mo ako Valerie!" Nanggagalaiti man, ay pinili niyang huwag ng patulan ang Ginang.
Kahit ganoon pa man kasama ang trato nila sa kanya—hindi niya pwedeng patulan ang Ginang dahil ito parin ang Ina ng lalakeng pinakamamahal niya.
"Marie let's go!" Tawag ni Mrs. Sandoval sa kanyang personal assistant, at kaagad ng pumasok sa loob ng kotse.
"Mama ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Valerie sa Ina.
"Mahapdi lang anak—huwag kang mag-alala. Sige, maghihilamos lang ako." Awang-awa si Valerie na nasundan ng tanaw ang kanyang Ina, hangga't maaari ayaw na ayaw niyang nasasaktan ang Ina, ngunit nangyari na ng dahil iyon sa kanya.
"Ahm, Manang Rosa pwede ba kitang makausap?" sabi nito kay Manang Rosa ng tuluyan ng makapasok ang Ina sa loob ng bahay.
"Sige iha, ano 'yon?"
"Huwag na sanang makakarating ito kay Enrico please. Manang, mangako po kayo sa akin na walang malalaman si Enrico ukol sa nangyari ngayon dito sa bahay," nakikiusap niyang turan sa matanda.
"Ngunit anak—hindi ba mas mainam na malaman niya ang totoo? Kilala ko si Madamé, at kilala ko rin ang alaga ko. Mabait si Enrico iha, at tiyak hindi siya mangingiming pagsabihan ang Mommy niya para sa'yo." muli ay turan ni Manang Rosa.
"Iyon na nga po eh, mag-aaway lamang ang mag-ina. Manang sige na po, ayaw kong bigyan ng dahilan si Enrico para magalit siya sa Mommy niya." Muli ay pakiusap niya sa matanda.
Isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan —kasabay ng pagkibit balikat niya.
"Hmm.. Ano pa nga ba ang magagawa ko."
"Salamat Manang, the best ka talaga." sabay yapos nito ng yakap sa matanda.
"Ang bait mo anak—bakit hindi makita ni Madamé ang kabutihang taglay mo?" Awa ang nararamdaman ng matanda para kay Valerie.
"Basta anak ah, huwag mong susukuan ang alaga ko. Ipakita mo kay Madamé na nagkamali siya ng pagkakakilala sayo." Dahan-dahan siyang tumango bilang pagtugon, saka matamis na ngumiti sa matanda.
"Opo, mahal ko po ang alaga ninyo Manang. Mahal na mahal," sabay yakap nitong muli sa matanda.
Tulad ng kanyang kahilingan, pagkauwi ni Enrico kinahapunan wala itong nalaman. Katulad ni Manang Rosa, kinausap din niya ang kanyang Ina na sana huwag ng makarating pa kay Enrico ang nangyaring panunugod kanina ni Mrs. Salvador sa kanilang pamamahay.
* * *
"Heart, bakit hindi kapa pumasok? May problema kaba?" Pansin ni Valerie na tila wala sa kanyang sarili si Enrico isang umaga ng madatnan niyang tila balisa ito habang ito ay nagkakape.
"Ahm, heart. Kasi ano eh," panay ang kanyang buntong hininga.
"Tell me, baka may maitulong ako."
"I have a business trip on Saturday. I'll be going to Cebu and Palawan. I'll be gone for more than a week heart. May ipapatayo ang company na mga bagong gas stations sa Cebu and I need to see the place. And in Palawan, I need to see the newly constructed warehouse for our cargoes coming from overseas." panimulang sabi ni Enrico.
"Then go, ano'ng problema doon?"
"Ayaw kitang iwan heart. Pero hindi naman kita pwedeng isama dahil mapapagod ka lang sa biyahe, bawal sa kalusugan mo iyon." malungkot na wika ni Enrico.
"Trabaho 'yan, importante 'yan heart. Sige na, huwag kang mag-alala dahil aalagaan ko ang sarili ko habang wala ka."
"Pwede akong magpadala ng tao heart. Kakausapin ko nalang si Daddy, hindi kita pwedeng iwan."
"Ano kaba—ikaw lang ang inaasahan ng pamilya mo. Sige na, pumunta kana at ako, maghihintay ako sa pagbabalik mo." Sabay tapik nito sa balikat ng nobyo.
"Pero, paano kung biglang may tumawag at sabihing may heart donor na? Ayaw kong palampasin ang pagkakataon heart, gusto ko maisagawa kaagad ang operasyon mo."
"Ang lapit lang naman ng Cebu at Palawan hindi ba? Huwag kang mag-alala, dahil ako behave ako habang wala ka."
"I'll be going to miss you,"
"Mamimiss din naman kita, pero one week lang naman hindi ba? May cellphone naman, pwede tayong mag video call." Natatawang saad ni Valerie sa nobyo habang ikinakaway ang cellphone na hawak niya.
Sa totoo lang—mabigat din ang loob niya na umalis ang nobyo pero ito ay kailangan. Ayaw naman niyang siya ang maging dahilan para hindi matuloy ang business trip ng binata.
Dumating ang araw ng Sabado, ito ang araw ng pag-alis ni Enrico mula Maynila patungong Cebu.
"Mag-iingat ka heart ah," sabay yakap at halik nito sa pisngi ng binata.
"Kayo din, mag-iingat kayo dito. Heart 'yong mga gamot mo, make sure maiinom mo iyon ng maayos ah. Manang Rosa kayo na po ang bahala sa mahal ko—ingatan niyo po siya para sa akin," mahigpit na kabilin-bilinan nito na kailangang nasa tamang oras palagi ang pag-inom niya ng kanyang mga gamot.
"Anak—kahit hindi mo sabihin, gagawin ko iyon para sa'yo." Nakangiti namang saad ni Manang Rosa.
"Ahm—one more thing, tawagan niyo kaagad ako kapag may emergency. Pakibantayan ng mabuti si Valerie Manang," muli ay pagbibilin niya.
Natatawa nalang si Valerie—dahil dinaig pa nito ang kanyang Ina kung makabilin.
"Parang ayaw ko na yatang tumuloy ah," tila alanganing saad ni Enrico. Napatingin naman si Valerie sa nobyo dahil sa biglaang pagbabago ng isip niya.
"Heart, listen to me." Hinawakan niya sa mukha si Enrico saka muling nagsalita.
"Maiksi lang ang isang linggo. Huwag mong hahayaan na masira ang lakad mo ng dahil lamang ayaw mo akong iwanan. Heart, sige na. Lalong magagalit sa atin ang pamilya mo," tinitigan niya mata sa mata ang nobyo.
Wala siyang ibang maaninag mula sa mga mata ni Enrico kundi puro lungkot. Bakit ganoon ang pakiramdam niya— bakit ang bigat ng dibdib niya?
"Parang ayaw kong iwan ang magandang mukha na ito. Heart, hayaan mong pakatitigan kita ng mabuti." Sabay haplos nito sa kanyang maamong mukha.
"Smile my love," at ngumiti nga siya ng pagkatamis-tamis.
"Gusto kong sulitin ang pagkakataong ito. Hayaan mong pakatitigan ko ang maamo mong mukha—ang maganda mong mga mata. Ang matamis mong mga ngiti," habang masuyo nitong hinahaplos ang kanyang mukha na tila kinakabisado ang bawat sulok nito.
Dito, tila ay may kung anong pakiramdam ang biglang dumapo sa kanyang kaibuturan. Imbes na kiligin ay takot ang kanyang naramdaman.
Bakit pakiramdam niya, nagsitayuan ang mga balahibo niya sa katawan habang sinasambit ni Enrico ang mga katagang iyon?
"Mahal na mahal kita Valerie. Ingatan mo ang sarili mo para sa akin. Babalik ako mahal ko," muli ay wika niya.
"Ano kaba? Heart, ano ba 'yang mga sinasabi mo? Magkikita pa tayo heart, ipapagamot mo pa ako hindi ba? Ikakasal pa tayo," nahihintakutan man pinili niyang pakalmahin ang kanyang sarili.
Simula noong malaman niyang may business trip si Enrico, hindi na siya mapalagay. Mabigat ang kanyang dibdib, at hindi niya maiwasang hindi mag-alala para sa binata.
"Bye heart, I love you."
"Keep safe mahal ko, mahal din kita." sabay kaway nito kay Enrico na nasa loob na noon ng kanyang kotse.
"Tumawag ka kaagad kapag nasa Cebu kana. Ingat mahal ko, Manong ingat sa pagda- drive."
"I will heart," at tuluyan na nga silang umalis.
Mula sa kanilang gate—matiyagang nakatayo si Valerie habang tanaw nito ang sasakyan na maghahatid kay Enrico patungong paliparan.
"Bakit ganito ang pakiramdam ko? Ama, gabayan mo sana ang mahal ko." panay ang dasal ng kanyang isipan habang hawak nito ang kanyang dibdib.
"Maghihintay ako Enrico. Alam kong hindi mo ako bibiguin. Mahal kita at handa kong ipaglaban ang pagmamahalan natin. Kahit pa sa mga magulang mo, handa akong sumugal para sa'yo." sa kabila ng malaking agwat nila sa buhay, isa lang ang napatunayan niya ngayon.
Love is unconditional. In the name of love we are all equal.