CELESTINE
2ND DAY OF OJT
Naglalakad na kami sa hallway papuntang Room 211. Kaka-alis lang kasi ng umuukopa no'n at kailangan agad linisin. Marami silang reservations today at 'yong iba ay nasa lobby na at naghihintay para mag-check in. Kasama ko pa rin sina Cheng at Louvel na kanina pang nagbubulungan sa likod ko. Kahit wala silang binabanggit na pangalan ay alam kong ako ang pinag-uusapan nilang dalawa. Hindi ko pinansin sila. Hinayaan ko na lamang ang mga ito.
Naka-sunod lang kami kay Sir Ryan. Malapit na kami sa kwartong lilinisan namin ng biglang tumigil ito sa paglalakad. Napahinto rin kami. Napansin kong parang kinabahan ito at hindi mapakali si Sir Ryan nang makita ang lalaking makakasalubong namin. Napatanaw din agad ako sa lalaking paparating. Nanlaki agad ang mata ko nang makita ko ito.
"Shuta! Girl, ang gwapo!" Narinig kong saad ni Cheng kay Louvel.
"Oo nga, Girl," kinikilig na sang-ayon din ni Louvel.
Potek! Ang pogi nga talaga ng lalaking papalapit sa kinaroroonan namin. Kaso mukhang strikto rin ito base na rin sa itsura nito. Naririnig ko pang may sinasabi ito sa mga nakakasalubong nitong ibang empleyado ng hotel. Parang natataranta ang mga ito dahil dito. At mukhang hindi rin marunong ngumiti ang isang ito. Lahat na lang yata ng poging nakikita ko rito sa hotel ay puro seryoso. Pero siyempre mas pogi pa rin para sa akin si Sir Kim Jason na HR Manager.
"Bumati kayo, ha?" sabi ni Sir Ryan sa amin.
"Yes, Sir," sagot naming tatlo.
Unti-unti nang papalapit ang poging lalaki sa kinaroroonan namin. Saktong tumapat na ito sa amin.
"Good morning, Sir Lorenzo Clyde," bati ni Sir Ryan.
"Good morning, Sir," sabay-sabay at naka-ngiti ring bati naming tatlo.
Tumango lamang ito bilang pag-acknowledge saka tumingin sa amin bago muling bumaling kay Sir Ryan.
"Sila ba ang mga bagong ojt dito sa housekeeping department?" tanong nito kay Sir Ryan.
Hindi ko mapigilan ang manginig ang tuhod ko habang nasa harap ko ito. Gano'n din nang marinig ang boses nito nang magsalita. Natapat kasi ito sa akin. Para itong nakakatakot at mapanuri kong makatingin. Pakiramdam ko ay para akong naka-salang sa isang microscope at pinag-aaralan nito. Napaka-awtorisado rin ang tinig nito. Though gwapo naman talaga ito sa malapitan kaso may kakaibang aura talaga ito na 'di maipaliwanag.
"Y-Yes sir," sagot ni Sir Ryan.
"Alam mo na ang gagawin mo. Turuan mo ng mabuti ang mga 'yan. 'Yong standard at proper procedures. I will also check their works," sabi pa nito.
"Noted, Sir," nasagot na lang ni Sir Ryan.
Tuluyan na itong lumagpas sa amin at naiwan kami nila Sir Ryan. Nakita kong napahawak pa sa dibdib at narinig ko pang napa-buntong hininga ng malalim si Sir Ryan. Para itong naka-hinga ng maluwag nang maka-alis ang lalaki. Hindi ko siya kilala pero base sa suot nito ay mukhang mataas din ang posisyon nito sa hotel.
"Okay lang kayo, Sir?" tanong ko kaagad kay Sir Ryan.
"Ayos lang ako," sagot nito na unti-unting kumakalma.
"Sino ba 'yon, Sir?" curious na tanong ni Cheng.
"Oo nga, Sir. Infairness ang pogi niya, ha?" singit din ni Louvel.
Hindi agad sumagot si Sir Ryan. Sa halip ay nagpatuloy kami na nag-lakad papasok sa kwarto na sadya namin para linisan. Nang makapasok kami ay agad nitong isinara ang pinto.
"Sino ba 'yon, Sir? Bakit parang takot na takot ang lahat sa kanya?" tanong ulit ni Cheng.
"Siya si Sir Lorenzo Clyde," pakilala nito. "Siya ang Housekeeping Manager dito sa hotel. Strikto talaga iyon. Ayaw niyon ng madumi. Ayaw no'n ng magulo. At lalong-lalo ayaw no'n ng pakalat-kalat at tatamad-tamad sa duty. Gusto niya lahat nang nakikita niya dapat ay maayos at gumagalaw."
"Wow bongga! Medyo may pagka-OC pala siya," sabi ni Louvel na manghang-mangha.
"Sobra pa sa pagiging OC. Kaya kayo ayusin n'yo palagi ang mga gawa ninyo. Bigla-bigla na lang kasi 'yong pumapasok para mag-double check if malinis talaga ang mga kwarto. Kaya wina-warningan ko na kayo. Always double check your works pag kayo-kayo na lang. Tandaan niyo 'yan. Hindi biro kung magalit iyon," paliwanag pa ni Sir Ryan.
Sabay-sabay kaming tumangong tatlo.
Kinabahan ako sa kwento ni Sir Ryan. Kaya pala iba ang dating nito sa akin. Maging ako ay naramdaman ko iyon. May kakaiba pala talagang imahe at reputasyon ito pagdating sa mga empleyado. At base sa mga sinabi ni Sir Ryan ay mukhang kinatatakutan at pinangingilagan nga talaga nila ito.
"Nakakatakot pala talaga siya, Sir Rye," nasabi ko na lang.
"Oo, kaya hangga't maaari ay umiwas na kayo kapag nakita niyo na siya at baka masita pa kayo. Always make yourself busy kapag wala na talagang choice," paalala pa nito.
"Noted po, Sir," sagot ko.
"Oh, siya trabaho na at baka biglang pumasok pa iyon at maabutan tayong nagchi-chismisan," sabi ni Sir Ryan.
Nagmadali akong makalapit sa may kama para ako ang ma-assign sa beddings. Samantalang si Cheng naman ang sa sahig. Napakamot at napa-simangot na lang si Louvel dahil ito ang napunta sa banyo para maglinis niyon. Lihim akong natuwa dahil nakabawi rin ako rito.
LUNCH BREAK
Nasa cafeteria kami at sabay-sabay na kumakain. Kasabay ko sina Tonet pati ang iba pa. Nagku-kwentuhan kami tungkol sa mga areas kung saan kami naka-assign at kung anong mga ginagawa namin doon.
Sarap na sarap ako sa pagkain ko ng mula sa pinto ay pumasok ang pinaka-gwapong Hr Manager na nakilala ko --- si Sir Kim Jason.
Parang naging slow-mo ang bawat galaw nito. Napatulala na naman ako. Ngayon ko lang kasi ito ulit nakita. Si Ma'am Michelle na kasi ang nag-briefing sa amin kaninang umaga kaya hindi ko na siya nasilayan pa.
Parang mas pomogi yata ito ngayon. Kaya naman pala, napansin kong bagong gupit na ito. May design pa na guhit ang gilid niyon. Nagning-ning na naman ang mga mata ko dahil dito. Nabuo na agad ang araw ko dahil sa kanya. Kahit na magkikita rin kami mamaya kaso lang mamaya pa iyon pag mag-uwian na. Dahil magre-report pa ako sa kanya. Balak ko sanang batiin siya ng biglang...
"Hi, Sir Kim. Kain po tayo." Narinig kong bati at alok ni Louvel. Naagaw ang atensyon ko dahil do'n. Halatang nagpapa-cute ito.
As if naman papansinin siya!
Napasimangot ako nang marinig ko iyon. Napatingin ako sa gawi nina Louvel. Nagsalubong agad ang tingin namin at pinandilatan niya pa ako ng mata. Ayokong patulan iyon. Ang ganda-ganda ng araw ko tapos sisirain lang nito.
Muli kong itinuon ang paningin ko kay Sir Kim. Nakita kong napatingin ito sa kinaroroonan nina Louvel at tumango ito bilang tugon. Nakita ko pang parang kinikilig ang mga ito dahil do'n. Nagtuloy ito sa may dispatch area at kinakausap ang isang chef. Mas lalo akong napasimangot. Tumigil ako sa pagsubo ng kinakakain ko. Nawalan na akong ganang kumain. At siyempre nagngi-ngitngit ang kalooban ko dahil do'n.
"Ayaw mo na ba?" tanong sa akin ni Tonet nang mapansin nitong hindi na ako kumakain. Nakita ko agad ang mata nito na nakatingin sa natira kong pagkain.
"Ayoko na. Busog na ako," pagsisinungaling ko.
"Akin na lang. Okay lang?" anito.
"Sige ubusin mo na 'yan," wala ganang sabi ko.
"Okay," excited nitong sabi at kinuha agad ang natira kong ulam na halos wala pang kalahati ang bawas. Agad niyang nilantakan iyon.
Dahil sa inis ko ay malakas kong naibagsak ang kutsara ko sa pinggan na dahilan para gumawa iyon ng ingay. Halos lahat ay napatingin sa akin. Maging si Tonet ay napatigil at na-stuck sa bibig nito ang karne. Hindi na kasi nito natuloy ang pagsubo niyon.
"May problema ka ba, Ms. de Castro?" tanong ni Sir Kim sa akin mula sa may dispatch area. Nakatingin pala ito sa akin maging ang chef na kausap nito ay gano'n din. At gano'n din ang iba pang naroon na kumakain. Natigil ang usapan ng mga ito dahil sa agaw eksena kong nagawa.
"Sir, wala po," wala sa mood kong sagot. Ni hindi ko siya tiningnan.
"Pwede ba? Lumabas ka na lang kung tapos ka nang kumain. Nakaka-istorbo ka sa iba," sabi pa nito.
"Pasensya na po," nasabi ko at agad akong nag-walk out paalis ng cafeteria.
4:15 PM
After kong nag-walk out kanina sa cafeteria ay sa locker ako tumambay. Na-badtrip ako dahil sa ginawa ni Louvel. Hindi ko alam kung bakit gano'n ang naging reaksyon ko. Mas lalo pa no'ng pinansin siya ni Sir Kim. Mas lalo akong nawalan ng gana bigla. Maging no'ng naglilinis kami ay wala ako sa sarili ko. Para akong tinatamad. Kaya puro tuloy paglilinis ng banyo ang napunta sa akin. Pinagkakaisahan na naman ako nina Louvel at Cheng.
Ready na akong umuwi. Pagod na pagod ako sa araw na 'to. Hindi ko na mabilang kung ilang kwarto ang nilinisan namin. Sadyang madami lang talaga ang nag-check out ngayong araw gano'n din ang mga nag-check in. So, sigurado ako bukas marami na naman kaming lilinisin.
Nagtuloy na ako sa opisina ni Sir Kim Jason gaya ng utos niya sa akin na kailangan kong mag-report after ng duty ko. Nanghihina akong kumatok bago pumasok sa loob pero wala ito roon. Ni anino nito ay wala akong nakita. Hindi ko alam kung saan ito nagpunta. Napilitan akong lumabas.
Nag-iisip ako kung hihintayin ko ba siya o uuwi na ako. Rush hour na kasi at pahirapan pa namang sumakay pauwi. Masakit pa ang katawan ko at gusto ko na ring magpahinga. Asan na ba kasi ito?
Naghintay pa ako ng mga 10 minutes sa labas ng office nito. Hoping na baka dumating na ito kung saan man ito galing. Palakad-lakad ako sa tapat ng pinto. Uwing-uwi na talaga ako. Ako na lang yata ang natira sa amin. Halos lahat ng kasabay kong ojt ay nakalabas na kanina pa.
"Oh, Tin, ba't hindi ka pa nauwi?" tanong ni Sir Ryan sa akin nang makita niya ako.
"Hinihintay ko pa po si Sir Kim, eh," sagot ko.
"Ah, gano'n ba?"
"Opo. Alam niyo po ba kung nasaan siya?" tanong ko dito.
"Hindi eh. Sige kapag nakita ko siya sabihin ko sa kanya."
"Okay po. Salamat, Sir Rye." At tuluyan na itong umalis.
Mag-a-alas singko na ang oras sa relo ko pero wala pa rin ito. Nakasalampak na ako sa sahig kakahintay sa wala. Hindi ko alam kung babalik pa ba ito. Wala na talaga. Hirap na akong makasakay nito. Sure akong ma-stuck na ako nito sa traffic. Hindi ko na siya mahihinitay pa. Napilitan akong tumayo at nagpagpag ng pwet. Bahala na nga ito. Naglakad na ako papuntang exit. Nakaka-ilang hakbang palang ako ng...
"Oops! At saan ka pupunta?" anang boses na iyon.