Sa kabilang kwarto naman ay nag-usap sina Boyong at Delsin tungkol sa sinabi ni Boyong noong nasa hapagkainan silang dalawa. Ayaw kasi ni Delsin kung ano ang narinig niya kanina galing sa kanyang pinsan.
“Boyong, bakit mo naman sinabi iyon kay Oryang? Alam mo naman na kaya kong bayaran iyon, kailangan niya lang maghintay na sumweldo ako ulit,” sabi ni Delsin.
“Alam ko naman, kaso lang ay ayaw ko lang na sinasabihan ka niya ng ganoon kaya ko sinabi iyon. Pinsan kita, hindi ko hahayaan na sabihan ka ng ganoon basta-basta lang,” sabi ni Boyong, seryoso siya sa kanyang sinasabi.
“Kilala naman na natin si Oryang. Sanay na ako na sinasabihan niya ako ng ganoon,” sabi ni Delsin.
“Hindi ka dapat masanay. Hayaan mo at ako na ang bahala doon sa dalawang libo na utang mo sa kanya,” sagot naman ni Boyong.
“Eh di may utang naman ako sa iyo?” sabi ni Delsin.
“Hindi utang iyon. Tulong ko na iyon sa iyo para matapos lang ang problema na iyan kay Oryang. Masyado ka na niya hinihigpitan. Ayaw ko sa mga ganoong tao,” sagot naman ni Boyong.
Kahit paano ay napangiti si Delsin dahil alam niya na naka-suporta sa kanya ang kanyang pinsan. Minsan kasi, hindi naman ganoon ang ibang kamag-anak, minsan ay sila pa ang nagpapabagsak sa isa’t isa.
“S-Salamat, babayaran na lang kita sa ibang paraan. Hayaan mo, hindi ko makakalimutan na tinulungan mo ako kay Oryang,” nakangiting sagot ni Delsin sa kanyang pinsan.
“Naku, ayos lang naman kung hindi. Hindi na importante sa akin kung mabayaran mo pa ako o hindi. Hindi naman ako katulad ni Oryang,” sabi ni Boyong.
Tumango na lang si Delsin at humiga sa kanyang kama para makapagpahinga na. Maaga pa siya para bukas, ayaw kasi niya na male-late na sa trabaho.Isa pa, kaka-sweldo lang niya kaya dapat ay magpakitang gilas siya kay Beverly.
Maaga namang nagising si Delsin, nakita niya agad si Oryang sa kusina. Kahit ayaw niya ay nasira na agad ang araw niya dahil sa bungad nito na bati kay Delsin.
“Oh, akala ko ba babayaran mo na ako? Nasaan na? Tulog ka agad kagabi, hindi ko na nakuha ‘yong tatlong libo na utang mo sa akin,” mataray na sabi ni Oryang.
“Ah, oo nga pala. Pasensya ka na sa akin at pagod lang talaga ako sa trabaho ko kagabi,” mahinahon na sagot ni Delsin.
“Delsin, ilang araw na akong nagpapasensya sa inyo ni Boyong. Sige na, bayaran mo na ako. Wala akong oras para makipag-kwentuhan sa iyo,” mataray na saad pa niya.
Hindi na nagsalita si Delsin, pero sa loob-loob niya ay gusto na niyang sagutin si Oryang. Hindi na lang niya ginagawa dahil naiisip niya si Alexis. Asawa ito ng taong tumutulong sa kanya kaya wala siyang karapatan na bastusin ito. Isa pa, babae pa rin naman si Oryang kahit sabihin na ganoon siya makipag-usap sa kanila ni Boyong.
Pumasok na sa kwarto si Delsin at kinuha ang kanyang pitaka. Kinuha niya ang tatlong libo at binigay iyon kay Oryang. Ngumiti pa nga siya rito.
“Oryang, ito na ‘yong tatlong libo na sinabi ko sa iyo kagabi. Maraming salamat,” nakangiting sabi ni Delsin.
“Sige, eh nasaan si Boyong? Kukunin ko na rin ‘yong dalawang libo niya,” nakakainis pang sagot ni Oryang.
“A-Ah, eh tulog pa siya. Hayaan mo, bago kami pumasok sa trabaho ay ipapabigay ko na sa iyo ‘yong dalawang libo. Ipapaalala ko sa kanya iyon,” sabi ni Delsin, seryoso na siya dahil sa totoo lang ay umiinit na rin ang ulo niya dahil kay Oryang.
“Ano ba iyan, kulang pa ito sa pamamalenge ko. Pero sige, hihintayin ko na lang ang bayad ni Boyong mamaya. Mama-malengke muna ako. Siguraduhin niyo lang na magbabayad kayo mamaya pagbalik ko.”
Tumango na lang si Delsin bilang tugon. Wala naman na siyang magagawa pa at saka umagang-umaga pa. Ayaw niyang ubusin ang enerhiya niya sa mga ganitong klase ng tao.
Para maiba ang mood niya ay nagluto na lang siya ng ulam nila ni Boyong. Nag-aayos siya ng lulutuin nang bigla niyang maalala na kailangan niya nga palang pagkasyahin ang dalawang libong sweldo niya sa mga susunod na araw. Isa pa, balak niya nga rin pala na makahanap ng bagong titirhan para makaiwas na sa awayan nila Oryang.
Paano naman niya gagawin iyon kung ganito na lang ang natira sa sweldo niya? Uutang na naman siya sa tao para lang makagawa niya iyon.
Totoo ngang mahirap ang buhay kapag ang gusto mo na eh tumulong sa pamilya. Wala naman akong magagawa eh, kailangan kong tapangan ang loob ko dahil alam ko sa sarili kong ginagawa ko ito para kay Nanay Ising at hindi na para sa akin. Saka ko na aasikasuhin ang sarili ko kapag ayos na sina Nanay Ising sa probinsya.
Ilang minuto na ang nakalipas, nagising na rin si Boyong sa wakas. Niyaya ni Delsin na kumain si boyong pati na rin si alexis. Buti naman kahit paano ay nanahimik ang paligid nila dahil wala si Oryang. Maayos naman silang nakakain at nakapag-kwentuhan pa nga.
“Ano? Nayakap mo ang amo mo dahil sa sobrang say among makuha ang sweldo mo kahapon? Aba, kakaiba ka rin Delsin ha. Hindi ba at gusto mo ‘yong si Ma’am Beverly mo?” sabi ni Alexis, natatawa sa kwento ni Boyong sa kanya.
“Hindi naman sa gusto ko si Ma’am Beverly, nagagandahan lang ako sa kanya. Inspirasyon ko lang siya sa pagpasok sa trabaho ko,” nahihiayng sabi ni Delsin.
“Eh hindi mo naman sinasadya na yakapin siya dahil crush mo siya, di ba?” tanong ni Alexis.
“Naku, sinadya niya talaga ‘yon pero kunwari na lang eh hindi niya intensyon para talaga mayakap niya ang crush niya,” pang-asar naman ni Boyong kay Delsin.
“Hala, hindi ah. Kilala mo naman ako Boyong, hindi naman ako ganoong tao. Buti na lang nga at hindi siya nagalit sa akin eh. Akala ko nga, mawawalan na ako ng trabaho dahil sa labis na katangahan ko,” sagot naman ni Delsin.
Nagtawanan pa silang tatlo bago tuluyang matapos sa kanilang pagkain. Pagkatapos noon, naglinis na sila ng kanilang mga sarili. Bago umalis ay pinatong ni Delsin at Boyong ang dalawang libo na utang nila kay Oryang.
“Oh pare, pakisabi na lang sa asawa mo na pinatong ko sa may telebisyon ‘yong dalawang libo ah. Pakisabi, maraming salamat sa kanya,” sabi ni Boyong.
“Oo ba, sasabihin ko na lang mamaya pag-uwi ko galing sa trabaho. Pero makikita din naman niya iyan mamaya. Alam mo naman ‘yon, malinaw ang mata pagdating sap era. Tiyak ko na liliwanag ang mata niya dahil dyan. Maraming salamat din sa inyo sa pag-unawa sa asawa ko,” sagot ni Alexis sa kanila.
Nagtawanan silang tatlo bago tuluyang umalis ng bahay.