Agad na pumasok si Delsin sa kanilang kwarto para ayusin ang kanyang mga gamit. Sa loob-loob niya ay wala na rin siyang paki-alam kung sumama o hindi si Boyong sa kanya. Ang importante lang sa kanya sa ngayon ay ang maka-alis siay sa bahay na iyon. Ayaw na niyang makasama pa si Oryang doon dahil kung anu-ano lang naman ang sinasabi noon sa kanya.
Pagpasok ni Boyong sa kwarto ay nilapitan agad niya ang kanyang pinsan. Nag-aalala ito para kay Delsin pero may halo rin siyang pagkainis sa kanyang pinsan dahil hindi ito nakikinig sa kanya.
“Pinsan, makinig ka sa akin. Alam mob a, dito sa Maynila hindi uubra ‘yang ginagawa mo? Sa totoo lang, kailangan mong maging makapal ang mukha dito. Hindi pwede na mahina ka. Kung gusto mo talaga na kumita ng pera, lahat ng pride ay kakainin mo na. Hindi naman pwedeng isang aray lang, eh susuko ka na,” sabi ni Boyong kay Delsin.
“Pinsan naman, alam mo naman na hindi ‘yan ang ugali natin sa probinsya hindi ba? Ayaw natin na inaapakan tayo ng ibang tao,” paliwanag ni Delsin.
“Oo, nandoon na ako, pinsan. Pero sana, maintindihan mo naman na iba ang pamumuhay dito kaysa sa probinsya. Kung sa tingin mo ay maayos doon sa probinsya, bakit ka pa pumunta dito?” sabi ni Boyong na kina-inis ni Delsin.
Ganito ba talaga ang mga tao dito? Ito na ba ang buhay na mapayapa para sa kanila? Kung alam ko lang, hindi na ako nakipagsapalaran pa. Wala rin naman pala akong mapapala, aalipustahin ka pa ng iba.
“Kung sasama ka sa akin, sumama ka. Kung hindi naman ay bahala ka,” mariin na sinabi ni Delsin sa kanyang pinsan.
“Kung sasama ako sa iyo, saan ka naman pupunta? Wala ka namang kakilala dito ah,” sagot naman ni Boyong.
“Wala akong paki-alam, basta kailangan ko na umalis dito. Iyon lang ang gusto kong mangyari, Boyong.”
Dahil ayaw na ngang mangulit pa ni Boyong kay Delsin ay hinayaan na lang niya itong maglinis at maghakot ng mga gamit niya. Lumabas na lang siya ng kanilang kwarto at sumuko na.
Ang hindi alam ni Boyong eh nakabantay pala si Alexis sa may pintuan para alamin kung aalis na ba talaga si Delsin o hindi pa.
“Ano, pare? Napaki-usapan mo naman ba si Delsin na huwag munang umalis dito? Kasi pwede ko naman kayong tulungan kung gusto talaga niyang umalis at kung hindi na niya talaga kaya ang ugali ng asawa ko,” sabi ni Alexis.
“Naku, pare pasensya na kayo sa abala na dinulot naming dalawa ni Delsin ah. Nag-away pa tuloy kayong mag-asawa dahil lang sa simpleng bagay, hayaan mo na at naka-usap ko naman na si Delsin tungkol sa nangyari kanina,” sabi ni Boyong.
“Eh ano? Aalis pa ba kayo o hindi na?” tanong ulit ni Alexis, naniniwala na hindi pa aalis si Delsin sa bahay nila.
“Aalis na, pero siya lang. Hindi ako kasali. Siya lang naman ang gustong umalis eh. Pinaliwanag ko na sa kanya na hindi dapat ganoon ang ugali na ipakita niya dito sa Maynila pero nilaban pa rin niya sa akin,” sabi ni Boyong, may inis na sa kanyang boses.
“Pwede kaya na ako naman ang makipag-usap sa kanya? Baka sakali, mapaki-usapan ko naman siya kahit paano,” sabi ni Alexis, para bang nagpapaalam pa kay Boyong kung pwede niya ba talaga itong gawin.
“Ikaw ang bahala, pare. Basta ako, hindi ako sang-ayon sa desisyon ng pinsan ko. Kahit sabihin pa natin na pinsan ko siya. Ilang taon na rin akong namumuhay dito sa Maynila at aaminin ko na mahirap talaga. Pero, para sa pamilya ko ay kumapal na rin ang mukha ko dahil kailangan kong buhayin ang mga iyon,” sabi pa ni Boyong.
Tumango si Alexis bilang tugon at pumasok na sa kwarto kung nasaan si Delsin. Pagpasok naman niya sa loob ay nakita niyang nagliligpit nan g gamit at mga damit si Delsin. Agad niya itong nilapitan para mahinahong kausapin.
“Pareng Delsin, pasensya ka na talaga sa sinabi ng asawa ko kanina ah? Pagod lang ‘yon sa pag-aalaga ng anak namin kaya ganoon na ang mga sinasabi niya kanina,” sabi ni Alexis.
“Alexis, hindi mo naman na kailangan na pagtakpan pa kung ano talaga ang ibigsabihin ng asawa mo. Kahapon pa lang naman ay alam ko na ang naging usapan niyo sa loob ng kwarto di ba?” matapang na sagot ni Delsin.
“Narinig mo ang sinabi ni Oryang?” nahihiyang tanong ni Alexis.
“Oo, alam kong masama ang tingin sa akin ng asawa mo. Totoo rin naman ang sinasabi niya sa iyo kahapon eh. Sino ba naman ako para papasukin niyo sa pamamahay niyo? Hindi niyo naman ako kilala, di ba?” lalong matapang na sagot ni Delsin.
“Ano ka ba naman, Delsin? Alam ko naman na hindi ka ganoong klaseng tao. Kaya nga kita pinapasok sa bahay namin eh. Pero kung hindi ko na talaga mababago pa ang desisyon mo, pwede bang tulungan na lang kita sa paghahanap ng bahay na lilipatan mo?” alok naman ni Alexis sa kanya.
“Naku, huwag ka na mag-abala pa. Baka mamaya niyan, masamain na naman ni Oryang. Hayaan mo na lang ako kung saan ako titira. Diskarte ko naman na iyon eh,” sagot ni Delsin.
“A-Ah, ganoon ba? “S-sige, pero kung may maitutulong pa ako sa iyo ay huwag kang mahihiya na humingi ng tulong, ha? Kahit kalian, bukas naman ang pinto ko para sa iyo at kay Boyong. Pasensya ka na ulit sa asawa ko, ah?” sabi ni Alexis, sumuko na rink ay Delsin.
Muli pang tumingin si Alexis kay Delsin sa huling pagkakataon. Pagkatapos noon ay lumabas na siya mula sa kwarto. Paglabas niya ay nakahintay naman sa kanya si Boyong at tinanong siya nito kung napilit ba niya na huwag nang umalis si Delsin.
“Hindi rin ba pumayag sa iyo, pare?” tanong ni Boyong, pabulong lang dahil baka marinig sila ni Delsin.
“Hindi eh, siya na raw ang bahalang didiskarte kung saan siya makikitira. Ang inaalala ko lang, ‘yong tutulugan niya ngayong gabi. Wala naman siyang kakilala dito eh,” sagot naman ni Alexis, pabulong lang rin.
Ang plano ni Delsin ay sa kalsada siya matutulog ngayong gabi. Wala na siyang pakialam kung ano pa ang mangyari sa kanya sa daan. Ang importante para sa kanya ngayon ay ang makaalis na kung nasaan man siya ngayon.