Tuluyan nang umalis si Delsin sa bahay nina Alexis. Malungkot siyang tinitigan nina Boyong at Alexis, habang si Oryang naman ay hindi na nag-abala pang lumabas dahil gustong-gusto naman niya na umalis si Delsin kaya wala siyang paki.
“Bantayan mo ‘yong pinsan mo, Boyong. Baka mapaano sa daan ‘yan eh,” pag-aalala ni Alexis kay Delsin.
“Ah, kaya naman niya ‘yan. Kilala ko si Delsin, madiskarte naman siya na tao. Sigurado ako, naisip na niya kung saan siya maglalagi simula ngayon,” sabi ni Boyong.
“Saan naman kaya siya pupunta? Eh di ba, sabi mo ay wala naman siyang kilala sa Maynila?” pagtataka ni Alexis.
“H-hindi ko rin alam pero sana naman ay hindi sa lansangan kasi kawawa naman siya kung doon siya matulog. Delikado pati ngayon at sobrang gabi na,” sagot naman ni Boyong na labis na nag-aalala.
Pagsapit ng gabi ay natulog na sina Oryang at Alexis. Magbabantay pa sana si Alexis sa pagbalik ni Delsin pero pinagalitan na siya ni Oryang kaya wala na siyang nagawa pa.
“Pasensya ka na kay Oryang, ang taray talaga nito. Sabihan mo na lang ako bukas, pare kung umuwi si Delsin ha? Sana okay siya at sana bumalik na siya,” sabi ni Alexis.
“Sige, matulog na kayo ni Oryang. Ako na ang bahalang maghintay sa pinsan ko. Maraming salamat,” tumango si Boyong at umalis na si Alexis, pumasok na sa loob ng bahay nila.
Sinubukan naman ni Boyong na matulog pero hindi niya talaga kaya. Iniisip niya kung saan pumunta si Delsin. Naiisip niya rin na mali ang kanyang ginawa kanina, hindi siya dapat nagalit kay Delsin, mas maayos sana kung inintindi na lang niya ito.
Kung iyon sana ang ginawa niya, hindi sana umalis si Delsin. Nag-usap na lang sana sila o di kaya ay sumama na lang sana siya kay Delsin para kahit anong mangyari doon sa pinsan niya ay alam pa rin ni Boyong.
Haynaku, Delsin. Bakit ba kasi ang dali mong sumuko? Kung alam ko lang na ganyan ka, hindi na kita pinilit pa na mag-trabaho dito sa Maynila. Siguro, bago ka pa nga talaga sa ganitong mundo kaya ganyan ang pag-iisip mo. Nasaan ka na ba? Hindi ko naman alam kung saan ka hahanapin.
Dahil hindi nga siya makatulog sa kakaisip niya kay Delsin ay wala na siyang nagawa kundi ang bumangon para hanapin ang kanyang pinsan. Todo dasal na lang siya n asana eh makita niya si Delsin sa daan habang naglalakad.
Nag-ayos siya ng kanyang sarili at saka lumabas na ng bahay. Noong naglalakad siya ay hindi niya talaga alam ang kanyang ginagawa. Iniisip niya, paano kung sa ibang daan dumaan si Delsin? Paano kung hindi niya na mahanap ito kahit kalian? Alam niyang mapapagalitan siya ni Nanay Ising kapag nagkataon.
Kahit kasi labing-walong taong gulang na sila ni Delsin ay pinapagalitan pa rin sila ng kanilang mga nanay. Sabi ni Nanay Ising dati, hangga’t wala pa silang asawa ni Delsin ay hindi pa sila pwedeng mag-desisyong mag-isa. Kailangan pa rin na may patnubay ng mga magulang.
Pagkaraan ng ilang minuto ay nakita niya si Delsin habang siya ay naglalakad. Naka-upo ito sa karton habang naglilinis noon. Tila ba siya ay doon hihiga. Tinawag ni Boyong si Delsin, sobra siyang nag-aalala para sa kanyang pinsan.
“Delsin! Ano ka ba naman? Tumayo ka nga dyan, umuwi na lang tayo doon kina Alexis, tingnan mo nga ang itsura mo dyan! Sobrang hirap ka naman. Akala ko ay ikaw na ang didiskarte kung saan ka matutulog? Bakit naman dito ang naisipan mo ha?” inis na sabi ni Boyong.
“Eh dito ko naisipan eh, ito ang diskarte ko. Hayaan mo na nga ako. Bakit ka ba kasi nandito? Akala ko ba, ay hindi ka naman sasama sa akin? Bakit ka nandito?” inis rin na sagot ni Delsin sa kanyang pinsan.
“Eh matitiis ba naman kita? Alam mo namang hindi eh. Alam mo ba, sobra ang pag-iisip naming dalawa ni Alexis sa iyo? Ako nga, hindi na makatulog, tapos makikita ko pa na dyan ka nakahiga ngayon? Tumayo ka dyan, babalik na tayo sa bahay, sa ayaw o sa gusto mo,” sabi ni Boyong.
Kaya naman ganoon magsalita si Boyong kay Delsin ay dahil mas matanda siya ng ilang buwan rito. Isa pa, simula kasi noong mawala na ang Ate Diana ni Delsin ay si Boyong na ang parang naging kapatid niya.
“Umalis ka na dito, baka mamaya maka-away mo pa ‘yong mga bata na nasa lansangan. Hayaan mo na ako, kaya ko naman eh. Kaya ko na mabuhay dito nang walang gabay mula sa iyo,” sabi naman ni Delsin nang sobrang tapang.
Sasagot pa sana si Boyong kay Delsin kaya lang ay umulan nang malakas. Nabasa sila pareho, lalo na ang mga gamit na dala ni Delsin.
“iyan na nga ba ang sinasabi ko eh, umuwi na tayo. Tara na!” yaya ni Boyong kay Delsin nang pasigaw.
“Bumalik ka na roon, hayaan mo na ako!” sigaw naman ni Delsin.
Wala nang nagawa si Boyong kundi ang hakutin ang gamit ni Delsin para siya ay tuluyan nang sumama pabalik sa bahay nina Alexis.
“Ano ba?! Akin na nga ‘yang gamit ko! Sige na, umuwi ka na roon1” sigaw pa ulit ni Delsin pero hinala na siya ni Boyong kasama ng mga ilang gamit niya.
Inis na sumama si Delsin, wala na rin siyang nagawa, Pagbalik sa bahay nina Alexis ay parehas silang basang-basa. Agad na kinuhanan ni Boyong ng tuwalya si Delsin, isa rin para sa kanya.
“P-Paano mo ba nalaman na nandoon ako? May inutusan ka ba para maghanap sa akin?” tanong ni Delsin, inis na inis pa rin sa ginawa ni Boyong sa kanya.
“Wala, hindi naman ako ganoon kalakas dito sa Maynila para may utusan pa akong hanapin ka. Sadyang hinanap kita sa daan dahil nga nag-aalala ako sa iyo. Isa pa, lagot ako kay Tiya Ising kapag hindi kita kasama dito. Kung hindi kita hiananap ngayon, sa tingin mo ba ay makikita pa kita? Hindi ka pwedeng mag-desisyon mag-isa, Delsin.”
Noong mga oras na iyon, alam na ni Boyong kung ano ang kailangan ng pinsan niya. Pinangako niya sa sarili na habang sila ay magkasama, hindi niya ito iiwan sa ere. Lalo na at nagsisimula pa lang si Delsin sa kanyang buhay dito sa Maynila. Kailangan niya talaga ng matinding gabay.