Chapter 5

1369 Words
20 years ago…   “Mrs. Carmelita Del Mundo?”, pagtawag ng isang babae  na lumabas mula sa isang silid.   “Ako po ‘yun Ma’am”, sagot naman ng ginang na tinawag.   “Pasok na po kayo sabi ni Dok”, tugon ng babae at inihatid ang ginang sa loob ng silid.   Pagkapasok nito ay pinaupo ang ginang sa upuan na nasa harap ng doktor. Agad naman siyang umupo at halatang may pilit hinahanap ang kaniyang mga mata.   “Magadang araw po Dok”, pagbasag ng ginang sa katahimikan.   “Magandang araw din po Misis”, pagbati ng Doktor habang binabasa ang ilang mga papeles sa ibabaw ng mesa nito. Ilang saglit pa ay tinanggal nito ang kaniyang salamin at nagpakawala ng isang buntong hininga habang binababa ang mga binabasa na papel.   “Tatapatin kita Misis ah”, panimula ng Doktor. “ Wala akong nakikitang mali sa anak mo. Ngunit, marami siyang mga iginuguhit na hindi ko maipaliwanag.”   “Dok, ano po ibig niyong sabihin?”, tanong ng ginang na may labis na pag-aalala.   “Bilang isang Doktor, dapat ay bumabase ako sa clinical investigation ng pasyente. Ngunit, hindi ko kayang magkibit balikat matapos ko makita ang mga iginuhit ng anak mo”, patuloy na pagpapaliwanag ng doktor.   “Dok, ano po ba iyon?”   “Misis, mas madali sa akin kung sasabihin kong na malakas lang ang imahinasyon ng anak mo. Kaya lang, sa tingin ko, hindi doktor ang kailangan niyo”.   “Ano po?”   “Mas kailangan niyo po ng tamang gabay sa ganitong klase ng bagay”, pagkatapos sabihin iyon ng doktor ay may iniabot ito sa ginang at ipinagpatuloy ang pagpapaliwanag.   “Maaari niyo pong puntahan ang taong iyan. Siya na po bahala magpaliwanag ng lahat sa inyo. Ipadadala ko rin po ang lahat ng naiguhit ng anak niyo”.   “Ano po ba ito Dok?”, labis nang naguguluhan ang ginang sa mga sinambit ng doktor ng kaniyang anak.   “Siya po ang minsang nakatulong sa anak ko. Malakas po ang pakiramdam ko na ang nangyari sa anak ko noon ay dinadanas din ng anak niyo ngayon”, patapos na wika sa kaniya nito at agad na tumayo upang kunin ang batang nakaupo sa ‘children’s playroom’.   Napatayo ang ginang upang salubungin ang kaniyang anak na noo’y walang kamuang muang sa kanilang napag-usapan.   “Mag-ingat po kayo”, wika ng doktor matapos ihatid ang mag-ina sa pinto palabas ng kaniyang silid.   Nangingilid ang luha ng ginang na si Carmelita habang akay ang anak palayo sa ospital. Akala niya ay may maitutulong ang mga dalubhasa sa kasalukuyang sitwasyon ng anak. Naaawa siya sa kaniyang nag-iisang anak sapagkat napakaliit pa nito para mahusgahan ng mga tao at maging tampulan ng tukso. Tuwing naaalala niya kung paano pinagtatawanan ang kaniyang anak ng mga kalaro nito ay labis ang nararamdaman niyang kurot sa kaniyang puso.   Walang sinayang na sandali ang ginang at agad na pinuntahan ang address na nakasulat sa papel na binigay sa kaniya ng doktor. Labis mang naguguluhan sa mga sinabi ng doktor ay mas nananaig sa kaniya ang determinasyon na magkaroon ng kagalingan ang kaniyang nag-iisang anak. Hindi niya batid kung ano ang kaniyang matutuklasan. Ngunit, kung ano man ito, sigurado siyang hindi niya susukuan ang kaniyang anak hanggang sa gumaling ito.   Isang Faith Healer.   Dito sila pinapapunta ng doktor na tumingin sa kaniyang anak.   Mula sa labas ay naaninag na niya ang maraming bilang ng mga tao na matyagang nag-aantay habang nakaupo. Sa tantya niya, hindi bababa sa dalawangpung katao ang naririto ngayon. Sa unahan ng mga taong nakaupo, ay isang babae na may mahabang buhok. Nakaputi ito at hawak-hawak ang likod ng isang batang lalaki. Nakapikit ito ngunit panay ang galaw ng bibig na tila may ibinubulong. Sa paligid naman ay kapansin pansin ang mga larawan ng inang birhen at ang napakalaking rebulto nito malapit sa kinaroroonan ng babaeng nakaputi.   Napahawak ang ginang ng mahigpit sa kaniyang anak matapos niyang masiyasat ang paligid. Hindi niya maunawaan kung bakit nakaramdam siya ng takot sa mga sandaling iyon. Nasaan nga ba sila?   “Tuloy po kayo.” paanyaya sa kanila ng isang lalaking nakaputing pang-itaas.   “Salamat po”, mahina niyang tugon sa lalaki.   Paupo na sana silang mag-ina sa bakanteng upuan sa likod ng mga taong nakaupo nang biglang… “Dito po kayo Misis”, pagtawag ng babaeng nakaputi.   Agad na napalingon ang ginang na may halong pagtataka. Bahagya rin siyang nakaramdam ng hiya gayong pakiramdam niya ay dapat silang pumila. Sa kabila nito, parang may sariling isip ang kaniyang mga paa at sinunod ang  paanyaya ng babae. Hindi tulad ng nasaksihan niya sa kaniyang pagdating, agad silang pinapasok nito sa isang silid na nasa likod ng malaking rebulto ng Birheng Maria. Litong lito nang mga sandaling  iyon ang ginang, ngunit tanging pagsunod lamang ang kaniyang nagawa.   “Upo ho kayo”, panimula ng babae na agad naman sinunod ng mag ina.   “Napansin ko po agad ang inyong pagdating. Napakaliwanag ng inyong anak. Kaya naman naanyayahan niya ang mga kaluluwang lumapit sa kaniya.”   “Ano po?” labis na pagtataka ng ginang.   “May taglay na kakayahan ang iyong anak na makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga normal na tao. Ito ay maituturing na biyaya. Ngunit, kung ito ay hindi niya makokontrol, maaari itong maging sumpa para sa kaniya.”, pagpapatuloy na paliwanag ng babae.   “Ano po ang dapat kong gawin?”   “Nais niyo bang tanggalin sa kaniya ang kakayahan na ito?”   “Opo, gusto ko pong mabuhay nang normal ang anak ko. Parang awa niyo na po, tulungan niyo kami.”, pagmamakaawa ng ginang.   “Kung gayon, pahigain niyo po siya at hawakan ang kaniyang mga kamay.”   Kahit maraming tanong ang naglalaro sa isipan niya sa lahat ng kaniyang mga narinig, hindi na siya nagdalawang isip at sinunod ang sinabi ng babae. Pinahiga niya ang kaniyang anak sa sofa at hinawakan niya ang mga kamay nito. Ilang saglit pa, ay inilapat ng babae ang kaniyang kanang palad sa noo ng bata at nagsimula ang pag-galaw ng bibig nito na tila may binubulong habang nakapikit. Pinilit niyang intindihin ang mga sinasabi ng babae, ngunit kahit anong gawin niya,  animo’y ibang lenggwahe ang sinasambit nito.   Ilang saglit pa, napansin niya ang unti-unting pagpikit ng kaniyang anak. Labis siyang nabahala kaya binalak niyang magsalita. Ngunit, natigilan siya nang unti-unting lumakas ang kanina’y bulong lamang na binibigkas ng babae. Paulit ulit ito at isang lengwahe na hindi niya maintindihan.   Nakalapat pa rin ang kanang palad ng babae sa noo ng kaniyang anak habang paulit ulit na nagsasalita. Sa pagkakataon na iyon, nararamdaman niya ang tila kuryenteng dumaloy mula sa kamay at katawan ng kaniyang anak. Natakot siya at napaluha sa kaniyang mga nasasaksihan.   “Tapos na”, sambit ng babae.   “Magaling na po ba siya?”, tanong ng ginang na noo’y hawak parin ang kamay ng kaniyang anak.   “Panandalian kong pinutol ang nagdudugtong sa kaniya sa mundong ito at sa kabilang mundo para makapamuhay siya ng normal.”   “Maraming salamat po, makakapamuhay na rin ng maayos ang anak ko”, hindi na napigilan ng ginang ang kaniyang saya para sa anak at bigla na itong napahagulgol habang yakap ang anak. Sa mga sandaling iyon, mahimbing ang pagkakatulog ng bata na walang kamalay-malay sa mga nagaganap.   “Tandaan niyo po”, muling nagwika ang babae.   “Hindi ko kayang alisin ang taglay niyang kakayahan. Ang nagawa ko lang ay piringan panandalian ang kaniyang mga mata. Sa oras na may mangyari upang muli siyang maging tulay nang dalawang mundo, hindi ko na muling magagawang ipikit pa ang mga mata niya para rito.”   Ang huling salita na iyon ng babae ang labis na ikinabahala ng ginang. Patuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha habang tinatanong ang sarili kung bakit dinadanas ito ng kaniyang anak. Sa muli niyang paghikbi, natigilan siya nang marinig ang tinig ng tinatanging anak.   “Mama, nauuhaw po ako”, sambit nito.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD