"Para po, manong", mabilis na pagpapahinto ni Annaliza sa sinakyang jeep pauwi sa kanilang bahay.
Sa labis na pag-iisip sa mga nangyari, hindi niya namalayan na lumagpas na pala siya sa dapat niyang babaan. Hindi pa rin maalis sa isip niya ang nangyari kanina. Kung tutuusin, dapat nga ay masaya siya sa kaniyang pagka-promote sa trabaho dahil matagal na niya itong inaasam. Ngunit, labis siyang nababahala sa kaniyang mga nakita.
Totoo nga ba iyon? Tanong niya sa kaniyang sarili habang naglalakad at binabaybay ang daan papunta sa kanilang tinitirahan.
Sa kaniyang paglalakad ay bigla siyang napahinto. May isang matandang babae na tila isang pulubi ang kaniyang namataan. Agad niyang nalimutan ang iniisip at humugot ng barya mula sa bulsa ng kaniyang bag. Nakagawian na niya kasi ang tumulong sa tuwing nakakakita siya ng mga taong nangangailangan,. Marahan niya itong inilagay sa lata na nasa harapan ng matanda.
Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang biglang magsalita ang matanda.
"Salamat iha. Mag-iingat ka sa kaniya".
Nilingon ni Annaliza ang matanda na may pagtataka mula sa sinabi nito.
"Po? Ano pong sa kaniya?", tanong niya.
"Alam mo kung sino ang aking tinutukoy".
Lalong kumunot ang noo ni Annaliza mula sa sinabi ng matanda. Sino ba ang matandang ito? Bakit ganun na lamang ito magsalita sa kaniya? Bakit tila kilalang kilala siya nito?
"Ang liwanag mo ang nagsisilbing gabay niya upang makabalik dito", pagpapatuloy ng matanda.
"Teka po, hindi ko po maintindihan, sino po ba--", agad naputol ang kaniyang sasabihin nang marinig ang isang pamilyar na boses.
"Anak, andiyan ka na pala".
Boses iyon ng kaniyang ina na agad naman niyang nilingon.
“Ma, ano pong ginagawa niyo dito sa labas ng ganitong oras?” mabilis na tanong niya sa kaniyang ina.
“Nako, bumili lang ako sa tindahan ng ilang itlog para sa gagawin kong leche flan bukas. Kulang pala ang nabili ko sa palengke kanina, eh bukas na ang deliver nito. Ikaw, bakit ka nakatigil dito?”
“Ah kasi po si lola” sabay lingon ni Annaliza sa kinaroroonan ng matanda ilang saglit bago dumating ang kaniyang ina.
“Lola? Sinong lola anak?”
Hindi na nakasagot pa ang dalaga sapagkat nabalutan ng kilabot ang buo niyang katawan. Ang kaninang matanda na kaniyang kausap ay wala na sa pwesto nito. Tanging mga nakatambak na basura na lamang ang nandito.
“Anak?” sambit ng kaniyang ina sabay hawak sa braso ni Annaliza. Naibalik naman nito ang dalaga mula sa saglit nitong pagkatulala.
“May problema ba?” tanong sa kaniya ng kaniyang ina.
“Ahmm, wala naman po Ma, tara na po sa bahay”, mabilis na tugon ng dalaga at agad inaya ang kaniyang ina pauwi sa kanilang tahanan.
Pagdating sa kanilang bahay ay agad naghain ang kaniyang ina ng kanilang makakain. Samantalang ang dalagang si Annaliza naman ay umupo na sa upuan sa tapat ng mesa. Hindi mawaglit sa kaniyang isipan ang mga nangyari sa buong araw niya ngayon. Pakiramdam niya, tila ito na yata ang pinaka-kakaibang araw niya.
Tahimik niyang binalikan ang lahat ng mga nangyari nang araw na iyon. Mula sa elevator sa kanilang opisina, yung duguang kamay na naaninag niya, at yung matanda kanina sa daan. Biglang kumirot ang ulo ni Annaliza at agad niya itong nasapo. Ilang saglit pa, may pamilyar na tagpo ang naaalala niya tatlong taon na ang nakalipas. Agad naman napuna ng kaniyang ina ang galaw ng dalaga kung kaya’t agad niyang itong nilapitan.
“Anak, kanina ka pa tila balisa. May problema ba?”
“Wala po ‘to Ma, bahagya lang pong sumakit ang ulo ko”
“Baka nagpapalipas ka ng gutom ha? Tara, kumain na muna tayo. Niluto ko ang paborito mong Pork Steak”
“Salamat po Ma”
Ilang sandali pa, hindi na napigilan ni Annaliza ang kaniyang sarili.
“Ahm, Ma, naalala niyo po ba yung naikwento ko sa inyo dati nung nag-apply ako sa trabaho noon?”, panimula niya.
“Alin dun anak?” sagot ng kaniyang ina.
“Yung matanda pong binigyan ko ng tinapay na biglang naglaho”.
Napahinto ang kaniyang ina sa balak na pagsubo at tinuon ang pansin sa kaniyang anak.
“Yung inakala mong multo?” tanong nito sa kaniya.
“Opo Ma. Kasi parang siya rin yung nakita kong matanda kanina sa labas. Nung naabutan mo’ko sa kanto”, paliwanag ni Annaliza.
“May sakit ka ba anak ha? Kung ano-ano na ang mga sinasabi mo”, pabirong sambit ng ina ng dalaga.
“Wala po Ma, sa totoo lang, buong araw yata ako nakaranas nang tila kababalaghan”
Nanlaki naman ang mga mata ng kaniyang ina sa sinambit ng dalaga. Lalo pa nang isa-isahin ni Annaliza ang lahat ng mga nangyari sa kaniya buong araw. Sa pagkakataon na ito, sigurado siyang walang sakit ang kaniyang anak. Sigurado siya na nagsasabi ito ng totoo.
“Anak”, panimula nito.
“Mag-iingat ka palagi ha? Dapat lagi kang may kasama”, sambit nito na halatang may labis na pag-aalala.
“Naniniwala po ba kayo sa lahat ng mga naikwento ko Mama?”, tanong ni Annaliza na sinisigurado kung nauunawaan nga ba siya ng kaniyang ina.
“Ako, higit sa lahat anak ang dapat naniniwala sa iyo. Ako ang ina mo. Kaya alam kong hindi ka magsisinungaling”
“Ibig sabihin po ba nito, naniniwala kayong multo ang mga nakita kong ‘yun?”
Natahimik ang ina ng dalaga at napabuntong hininga. Tinignan nito ang kaniyang anak at marahan na tumango.
“Maaring ganun nga.”
Tila nabuhusan naman ng malamig na tubig ang dalaga nang marinig ang kompirmasyon na iyon mula sa kaniyang ina. Nais niyang may makaunawa sa mga nangyari sa kaniya kanina. Ngunit, hindi niya inaasahan ang kompirmasyon na iyon. Hindi niya tuloy maintindihan ang dapat maramdaman sa pagkakataon na iyon. Dapat ba siyang matuwa na naniniwala ang kaniyang ina? Dapat ba siyang mangamba dahil may kakaiba siyang nakikita?
Humugot naman siya ng lakas ng loob at agad binago ang takbo ng kanilang pag-uusap.
“Siya nga pala, Ma. Sabi ko po sa inyo itigil niyo na yang pagpapa-order niyo. Hindi niyo naman po kailangan yan Ma, lalo’t may trabaho naman ako”
“Hayaan mo nalang ako anak, libangan ko na rin kasi ito. Pakiramdam ko mas manghihina ako ‘pag tinigil ko ‘to”.
Matipid naman na ngiti ang sinagot ng dalaga sa kaniyang ina. Matapos nito ay agad ibinahagi ni Annaliza ang kaniyang promotion sa trabaho na labis ikinatuwa nang kaniyang ina. Mula nang iwan sila ng kaniyang ama, sa kaniyang ina nakakahanap ng lakas ng loob ang dalaga upang labis na magpursige sa buhay.
Sa mga sandaling iyon, napalitan ng tuwa ang kanilang tahanan na kanina’y nababalutan ng pag-aalala.
Nang gabing iyon, pilit kinalimutan ng dalaga ang lahat ng kaniyan naranasan nang araw na iyon.
Samantala, ang kaniyang ina naman ay labis pa ring nababahala sa kabilang silid. Taimtim itong nagdadasal habang hawak ang rosaryo nito.
“Ama, gabayan mo po ang aking anak. Natatakot ako na maulit ang mga nangyari sa kaniya noong bata pa siya. Siya na lamang po ang meron ako. Lagi niyo po siyang iingatan, gaya nang pagkakaligtas niyo sa kaniya nang minsang malagay sa panganib ang kaniyang buhay.”