Chapter 3

1003 Words
Isang pagsabog ang narinig ni Annaliza kasunod nang pagliwanag ng mga ilaw. Kasabay nito ay ang tuluyang pagbagsak ng kaniyang mga luha habang pinagmamasdan ang kaniyang paligid.   "Surprise!!!"   Sabay-sabay na tinig ang bumungad sa kaniya. Dito na niya napuna na ang kaniyang mga katrabaho ay nakapalibot na sa kaniya.   "Oh my God! Nasobrahan yata tayo Boss!", puna ng isa sa kanila.   "Hala nako sissy! Sorry mukhang natakot ka ng sobra", pagpapakalma naman sa kaniya ng matalik niyang kaibigan na si Faith.   Agad nagpunas ng luha si Annaliza. Magkahalong kaba, takot at hiya ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Ni hindi niya alam kung paano o ano ang unang salita na dapat niyang bigkasin. Mabuti nalang at binasag ng kanilang Boss ang bumabalot na tensyon sa buong silid.    "Ms. Annaliza Del Mundo, we would like to congratulate you for being the new Senior Marketing Manager of Lincoln Properties. I hope this surprise was not too much", wika ni Mr. Mike Delgado ang Director ng Marketing Department.   "A bit sir, but thank you for the effort. I just didn't expect this", matipid na tugon ng dalaga.    "Nako girl, sorry talaga mukhang natakot ka nang bongga sa pasabog namin. Gusto ka lang naman namin i-surprise", pagpapaliwanag ni Faith na may halong pang pag-aalala para sa dalaga.   "Hindi, ano ka ba wala yun. Sobra kong na-appreciate yung effort niyo. Maraming salamat po talaga. Lalo na sa inyo Sir".   "Don't thank me Anna –we thank you for your hard work and dedication. You really deserve the position. So, shall we?"   Matapos bigkasin ni Mr. Mike ang kaniyang pagpapasalamat sa sipag ng dalaga ay itinuro nito ang mga nakahandang pagkain sa mesa. Ipinasok ito ng kaniyang mga katrabaho ilang sandali matapos siyang sorpresahin.    "Tara kainan na!" udyok ng isa niyang katrabaho na si Brent.    "Sige, tara kain na. Teka, salary deduction ba to?" pabirong tugon ni Annaliza sa kaniyang mga kasamahan habang sumasandok ng pagkain na inihanda para sa kaniya.   Matapos ang ilang pagsandok ay bigla niyang nabitiwan ang serving spoon nang may mapuna siyang kakaiba.   Isang duguang kamay ang nakita niyang may hawak ng baso na nasa kaniyang harapan.    Bumilis ang t***k ng kaniyang puso tulad nang naramdaman niya ilang minuto lang ang nakakalipas. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita kung kaya't marahan niyang iniangat ang kaniyang tingin upang kumpirmahin ito.    Mabilis namang napuna ng kaniyang kaharap ang kakaiba niyang ikinikilos kung kaya't agad siya nitong tinanong.    "May problema ba Anna?" tanong sa kaniya ni Brent.     Ang tanong na iyon ang tila tumapik sa takot na nararamdaman ni Anna. Matapos niyang makita na ang katrabahong si Brent ang nasa kaniyang harapan at may hawak ng baso, agad niyang sinuri ang mga kamay nito.   “Uy Anna, bakit?” muling inulit ni Brent ang tanong sa dalaga.   “Ah, hindi. Wala namang problema. Namalikmata lang siguro ako” sagot niya rito.   “Hmm, okay, kain na,” pag-alok muli ni Brent na binaliwala na ang naging sagot ng dalaga.   Ipinagpatuloy naman ni Annaliza ang pagsandok ng pagkain at naupo sa tabi ng kaibigang si Faith.   “Uy, sissy, congrats ulit ah..deserve mo talaga yan!”,   “Nako salamat ah, pero next time, ‘wag niyo na ‘ko takutin ah!”   “Sorry talaga sissy, akala ko kasi hindi ka matatakutin.”   “Hindi naman talaga. Noon.”   Hindi na muling inusisa pa ni Faith ang naging tugon ng dalaga. Tila nauunawaan niya ang ibig sabihin nito at agad hinimas ang likod nito bilang sagot sa huli nitong sinabi bago nagpatuloy sa kaniyang pagkain.   Tatlong taon.   Tatlong taon na ang nakakalipas simula nang matanggap si Anna sa kompanyang ito. Isa lang naman ang pinangarap niya matapos siyang makapagtapos ng kolehiyo, ito ay walang iba kung hindi ang agad makakuha ng magandang trabaho upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang ina. Unti-unti naman niya itong natupad at tila labis-labis pa nga ang biyayang dumating sa kanilang dalawa.   Para kay mama.   Ito ang lagi niyang naiisip lalo na sa mga panahon na gusto na niyang sumuko. Ang ina niya ang naging dahilan upang siya ay magpursige sa buhay at mangarap. Kaya naman, hindi na siya makapaghintay na makauwi ng bahay upang personal na ibahagi sa ina ang kaniyang promotion sa trabaho.   Sa gitna ng pagkain at pag-alaala sa kaniyang nasimulan sa kompanya, nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang puso. Kasabay kasi ng mga magagandang alaala ay may kasama rin itong lungkot. Sa mahabang panahon na natili siya rito, may mga taong naging bahagi na nang kaniyang buhay na hindi na niya kasama ngayon. Marahil isa siya sa mga na-promote gaya niya kung hindi lang siya nawala sa kompanya.   Dahil sa mga nanumbalik na alaala, hindi napigilan ni Annaliza na maging emosyonal at mangilid ang mga luha habang kumakain. Mabuti na lamang at walang nakapansin dito maging ang kaibigan niyang si Faith.   Ilang buwan na ang nakakalipas ngunit sariwa pa rin ang lahat sa kaniyang puso’t isipan. Akala niya noon, sabay nilang mararating ang lahat nang ito, ang lahat ng kanilang pangarap. Ngunit, heto’t nag-iisa siyang umabot ng pangarap nilang dalawa.   Pinilit niyang ibaling ang atensyon sa ibang bagay at i-focus ang atensyon sa magandang pangyayari. Ganoon naman talaga, hindi patas ang mundo. May nasa taas at nasa baba. May saya at may lungkot. At nakadepende nalang sa mga tao kung ano ang pipiliin sa mga ito. O kung ano man ang itatakda sa iyo ng tadhana.   “Sis, may tanong ako”, panimula ni Annaliza sa kaibigang si Faith.   “Ano yun?” sagot sa kaniya nito habang umiinom ng juice.   “Sa tingin mo, masaya kaya siya ngayon para sa’kin?”, tanong ni Annaliza.   Biglang natigilan sa pag-inom si Faith at muntik pang masamid sa tanong na iyon. Hindi niya ito inaasahang marinig mula sa kaibigan. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa direksyon ni Annaliza. Bakas sa kaniyang mabibilog na mga mata ang labis na pagkabigla. Kahit hindi kasi sabihin ng kaibigan kung sino ang tinutukoy nito, sa tono pa lang ng boses ni Annaliza ay agad niyang naintindihan kung sino ang binabanggit ng dalaga.   Hindi siya nakasagot sa tanong ng dalaga. Ang tanging nagawa na lamang niya ay hawakan ang kamay nito.   Wala ring naging imik ang dalagang si Annaliza kundi isang matipid na ngiti.   Labing may ngiti, ngunit ang mga mata nito’y lungkot ang tanging iginuguhit. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD