Irish
Nag-inat ako pagkatapos kong maipasa sa huling company dito sa Hillas ang resume ko. Nag-alangan pa akong i-send ang huling resume dahil sa Royal Palace iyon ipapadala. Nagbabakasakali lang naman ako dahil malaki ring opportunity iyon, ang inaalala ko lang ay baka makalkal nila ang past ko.
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi nang maalala ang sagutan namin ni Enzo nang mag-resign ako sa company nila as Nutritionist.
"I'm not gonna approve your resignation letter. You were good here, what's the point of leaving?" Nakakunot ang noo ni Enzo at pulang-pula ang kanyang mukha.
"Please, it's not personal. Sa tingin ko kasi ay hindi ako nag-go-grow dito. I want seek more opportunities. Naisip ko na dalawang taon na rin naman ako rito kaya sa tingin ko, bayad na ako sa utang na loob ko sa iyo," sabi ko at pinulot ang resignation letter na hinagis niya kanina.
"Bayad? That's not enough. Noong umalis kayo ng mama mo nang walang pasabi at pumunta sa lugar na hindi ko alam kung saan. Tapos, noong bumalik kayo rito na mukhang mga pulubi at nagmakaawa sa harap ko. Tinulungan ko kayo! Ako ang dahilan kung bakit ka nakabangon! Tapos ngayon, iiwanan mo na ako dahil nakuha mo na ang gusto mo?! I will not let you go!"
Binalibag niya ang isang paso kaya napapikit ako.
"You will let me go, Enzo. Whether you like it or not, I will leave this place. Akala ko pa naman ay bukal sa loob ang pagtulong sa amin noon, iyon pala ay isusumbat mo lang sa akin iyon lahat ngayon. Sana ay hindi mo na lang ako tinulungan."
Tumalim ang tingin niya sa akin at hinila ako papalapit sa kanya. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin kaya hindi ako makawala.
"Isa lang naman ang gusto ko, sobrang tagal na panahon na kitang hinihintay. Ikaw, ang gusto ko. Bakit hindi mo na lang ako pakasalan? Ibibigay ko lahat ng gusto mo," sabi niya habang inilalapit ang mukha sa akin.
"Enzo, ano ba?! Bitiwan mo ako!"
Ginamit ko lahat ng pwersa ko para makawala sa kanya.
"Ano? Ayaw mo? Mapili ka pa?!" galit niyang tanong.
"Ayoko! Hindi ako papakasal sa kagaya mong baliw!"
Tinalikuran ko na siya at mabilis na tinungo ang pinto palabas ng kanyang opisina.
"Babalik ka rin sa akin, Muriel. Hindi ako titigil hangga't hindi ka napupunta sa akin."
Muli akong nangilabot sa sinabi niya. Baliw talaga ang isang iyon! Ayaw akong tigilan. Kung hindi lang talaga ako nag-alanganin noon ay hinding-hindi ko tatanggapin ang tulong galing sa kanya. Kung hindi lang sana nangyari iyon...
Sinara ko ang laptop ko at inayos ang aking hinihigaan. Unang gabi na hindi ko siya katabi sa loob ng tatlong taon. Nakaka-miss rin pala siya.
Bukas ay pupuntahan ako dito ni Mama para tignan ang nakuha kong apartment dito sa Centro. Ang tanda-tanda ko na ay ginagawa pa rin akong baby.
Sasamahan din daw niya ako sa paghahanap ng trabaho dito at malamang ay baka dito rin daw siya tumira. Napakamot na lang ako sa ulo ko nang sinabi niya iyon. Kaya nga ako bumukod, eh. Para sanayin ang sarili kong mag-isa. Hindi naman kasi habang-buhay ay kasama ko siya.
Sinubukan kong matulog pero hindi ko kaagad nakuha ang tulog ko dahil parang may kulang sa akin. Inisip ko na lang na kailangan ko na talagang matulog dahil maghahanap pa ako ng trabaho bukas. Hindi ako pwede makampante kahit pa nag-send na ako ng resume sa kanila through online.
Nagising ako dahil sa tunog ng doorbell ng aking apartment. Tumingin ako sa orasan at nakitang ala-sais pa lang ng umaga. Sino naman kaya itong hinayupak na ito?!
Pagbukas ko ng pinto ay nakagat ko ang dila ko. Nanlaki ang mga mata ko.
"Mama! Ang aga niyo naman!" sabi ko at napasimangot.
"Aba't tanghali na kaya. Hindi ka hihintayin ng mga kompanya kaya dapat agahan mo!"
Tinulak niya ako para makapasok nang tuluyan sa aking apartment. Napangiti ako nang makita kung sino ang kasama niya.
"Ang aga-aga niyo namang masyado. Alas-otso nagbubukas ang industriya dito sa Centro," sabi ko at inayos ang aking higaan para makahiga pa sila.
"Kahit na! Mas mabuting maaga ka at tumambay ka na sa harap ng building nila. Paano ka matatanggap kung tatamad-tamad ka? Nutritionist na Chef ka nga, wala ka namang trabaho."
Napa-ismid ako at napabuntong-hininga. Ganito lagi ang isyu namin, simula noong hindi siya siputin ng mapapangasawa sana niya. Pinagkagastusan niya iyong sobra, halos lahat ng ipon niya ay naubos para lang sa kasal na iyon. Kaya simula noon ay hindi na siya naghanap pa ng lalake at iba na lang ang pinagkaabalahan.
Inayos ko ang pagkakahiga niya at hinalikan sa noo. Nakita kong napangiti ang aking mama.
"Miss mo?" tanong niya.
"Opo, hindi na ako sanay na hindi siya katabi. Na-miss ko kaagad yung amoy niya. Nakakagigil," sabi ko at hinalikan ang pisngi niya.
"Hay, naku! Bilisan mo at maligo ka na," sabi ni mama at tinulak ako papunta sa banyo.
Pagkatapos kong naligo ay mabilis akong nagbihis para hindi na ako mabungangaan ni mama. Nakarinig ako ng hagikgik kaya dumiretso ako ng kusina.
"Ako na dapat diyan, ma. Magpahinga na kayo. Sasama pa talaga kayo? Kawawa naman siya, mapapagod lang kayo," sabi ko at pinalitan siya sa pagpapakain.
"Ayos lang, para naman makapasyal kami dito sa Centro. Tsaka, gustong-gusto rin naman niyang lumibot, hindi ba?" Bumaling siya rito.
Ang sarap talaga sa tenga ang tawa niya. Parang nakalimutan ko ang mga dapat kong gawin at tumabi na lang sa kanya buong araw.
"Alam mo, anak. Na-realize ko na hindi nga kami pwedeng tumira rito. Napakaliit naman kasi nitong kinuha mong apartment! Wala naman bang mas malaki rito?"
Tumingin ako sa kanya kaya napahinto ako sa pagpapakain. "Ma, we are running out of money. Kailangan nating magtipid kaya maliit lang na apartment ang kinuha ko para maliit lang din ang bayad. Ganun rin sana kayo, nauubos na ang huling sahod ko at pagkatapos ay wala na tayong kakainin kung magiging magastos pa tayo."
Tinignan niya ako nang masama. "Eh, kung hindi ka na lang umalis kay Enzo. Sana ay may kinikita ka pa ngayon. Bakit ka ba kasi umalis doon?!"
Napapikit ako nang mariin. "Ma, pag-aawayan naman ba natin ito. Ayoko nga doon. Hindi mo alam ang ugali ni Enzo, minamanyak niya ako roon sa kompanya nila. Ginagawa niya kung ano ang gusto niyang gawin sa akin doon kasi alam niyang teritoryo niya iyon. Kaya umalis ako, baliw ang lalaking iyon!"
Nagulat siya sa sinabi ko kaya natahimik siya.
"Sige, kasalanan ko kung bakit tayo walang pera ngayon. Pero gumagawa naman ako ng paraan para sa atin. Alam kong nahihirapan kayo pero nahihirapan din ako. Hirap silang pagkatiwalaan ang mga kagaya ko dahil maselan ang trabaho namin. Kahit pa nakatapos ako nang may magandang marka ay kulang naman ako sa experience kaya hirap silang tanggapin ako. Kaya, ma! Konting tiis lang. Sana maintindihan niyo ako," sabi ko at huminga nang malalim.
Yumuko si Mama. "Pasensya ka na. Hindi ko naman alam na ganoon pala ang ginagawa ng Enzo na iyon sa iyo. Akala ko, mabuti siyang tao dahil tinulungan niya tayo noon. Pasensya ka na rin kung ganito ang buhay natin, kung hindi lang sana tayo iniwan ng papa mo ay maayos sana tayo ngayon," sabi niya at umiyak.
Niyakap ko siya. Sampung taong gulang ako nang iwan kami ng aking papa. Basta na lang siyang nawala at hindi na nagpakita kahit kailan. Kaya tinuring na lang namin siyang patay.
"Ma, ayos lang ako. Huwag niyo akong alalahanin. Kaya natin ito, ako dapat ang humingi ng pasensya sa inyo dahil padalos-dalos ako. Wala na akong ginawang tama kaya nahihirapan tayo ngayon."
Pinalo niya ang balikat ko. "Ano ka ba? 'Wag mong sabihin iyan. Tumingin ka roon sa munting kayamanan natin, dahil iyan sa padalos-dalos mong gawa. Kung hindi ka nagkamali noon ay wala iyan ngayon. Mula nang dumating siya ay hindi na tayo nabubuhay para sa sarili natin, para sa kanya na."
Tumango ako at ngumiti. Ang munting kayamanan ko.
"Mahal na mahal ko kayo. Pagbubutihan ko pang maghanap ng trabaho. Malay niyo ay matanggap ako sa Royal Palace, kapag nangyari iyon ay mabibili ko na lahat ng gusto niyo."
"Salamat, anak. Mabuti na lang at napalaki kita nang maayos. At pareho tayong ma-drama. Mag-ayos ka na at nang makapaghanap ka na ng trabaho." sabi niya.
Una naming pinuntahan ang magkakatabing restaurant sa Centro. Pinasok ko talaga ang bawat restaurant kahit hindi sila hiring. Nagbakasakali ako sa lahat.
"We will call you. Thank you," sabi ng manager ng huling restaurant na pinasukan ko.
"Thank you," sabi ko at umalis na.
Bumuntong-hininga ako at bumaling sa mama ko na naghihintay sa labas ng restaurant.
"Anong sabi?" Nilapitan niya ako.
"Tatawagan na lang daw ako. Siguro naman ay matatanggap ako ng kahit isa lang sa kanila. Sa dami ba naman ng pinag-apply-an ko ay imposibleng walang makapansin sa akin," sabi ko at ngumiti kahit pagod na ako.
"Ganyan dapat. Huwag kang susuko, meron ding para sa iyo. May nakita akong malaking simbahan dito, tara at magdasal tayo," sabi ni Mama at hinila ako.
Namangha ako sa laki ng simbahan. Ang sarap sigurong ikasal rito. Tahimik ang buong paligid kaya tahimik lang din kami.
Sa sobrang busy ko sa buhay ko ay nakalimutan ko na ring magdasal. Ang dami kong hiling sa buhay pero nakakalimutan ko namang magpasalamat kapag nakuha ko na iyon. Nakalimutan ko ring magpasalamat sa binigay niyang kasiyahan sa akin. Nakuha ko man iyon sa maling paraan pero kahit kailan ay hindi ko pinagsisihang binigay siya sa akin.
Simula nang dumating siya sa buhay ko ay nagbago lahat ng pananaw ko sa kung mabuhay. Tama nga si Mama, magbabago talaga lahat sa akin. Hindi permanente ang gusto kong mangyari noong nag-aaral pa lang ako, nagulo lahat iyon. Kung susundin ko ang ginawa kong listahan noon tungkol sa goals ay malamang nasa New York na ako ngayon at isang mahusay na chef doon.
Pero, hindi iyon ang plano ng Diyos sa akin. Ibang-iba ang ginawa niya, hindi ko iyon inasahan at kailanman ay na-imagine.
Binigay ko ang piraso ng biscuit na paborito niya. Ngumiti siya nang matamis sa akin bago kinuha iyon. Tumingin ako sa harap sa altar ng simbahan at pumikit.
Lord, thank You for everything. Hindi ko man nagagawa palagi ang pagpapasalamat sa Inyo pero kahit kailan ay hindi ko naman po pinagsisihan na binigay Ninyo siya sa akin. Akala ko, wala ng mas sasaya pa noong nakapagtapos ako noong ng Culinary at pagiging isang ganap na Nutritionist pero pinatunayan Niyo na maling ibase ang kaligayahan sa panandaliang saya. You gave me a permanent happiness, thank You so much.
Dumilat ako at tumingin sa kanya. Nakatitig din siya sa akin. Tinuro niya ang hawak kong biscuit.
"You want more, honey?" tanong ko.
"Es!" bulol na sabi niya.
Lumabas kami ng simbahan para hindi maabala si Mama at ang ibang mga nagdadasal.
"You are eating too much, honey," sabi ko habang pinupunasan ang bibig niya.
"Dwink, pwis! (Drink, please!)"
Tumawa ako at kinuha ang inumin niya. Hinawakan niya ang kanyang drinking bottle gamit ang kanyang maliliit na kamay.
"Done!" sabi niya at inabot sa akin ang bottle habang umiiling-iling.
"Okay, let me clean you."
Kumuha ako ng wet wipes at pinunasan ang bibig at kamay niya. Saktong natapos kami ay ang paglabas ni Mama sa simbahan.
"Nagugutom na ako. Kanina patingin-tingin lang ako sa mga restaurant na pinuntahan natin. Mabuti pa ang isang ito ay tapos nang kumain," sabi ni Mama at pinanggigilan ang pisngi.
Tinitigan ko si Mama at pinagmasdan ang kanyang mukha. Dito kasi dapat sila ikakasal nang lalaking pinagkagastusan niya nang sobra na hindi naman sumipot sa kasal.
"Ano nang nararamdaman mo sa lugar na ito, Ma? Hindi ka na ba bitter?"
Tumingin siya sa akin. Bumuntong-hininga siya bago ako sinagot.
"Kaninang nagdadasal ako ay may tumama sa aking realization." Tumingin siya sa akin at ngumiti.
Nagtaas ako ng kilay. "Ano naman iyon?"
"Baka hindi rin magiging maganda ang pagsasama namin kung magiging mag-asawa nga kami. Sa sobrang busy ko sa paghahanap ng magiging tatay mo, nakalimutan kong malaki ka na pala. Ginulat mo pa ako nang mag-uwi ka ng balita na hindi ko inaasahan."
Sumampa sa hita ko si Irish at sinandal ang ulo sa aking dibdib.
"Siguro ay panahon na ngayon para maging mabuting ina ako sa iyo at isang mabuting abuela (grandmother)."
"Mama, sleep," sabi ni Irish.
"Hindi ko naman akalaing tototohanin mo ang sinabi ko sa iyo four years ago," sabi niya at hinaplos ang natutulog ko na ngayong anak.