Chapter 1

1317 Words
Point of view - Ailana Martinez -   Malamig na hangin ang dumadampi sa aking mukha. Sabay sa pagtakbo ng bangka na sinasakyan ko ang paghampas ng alon sa kahoy nito.   Kasalukuyan kaming nangingisda ng aking ama sa paligid ng Palawan upang may makain para sa hapunan.   Tinawag ang isla na ito na Isla De Escondido dahil isa itong tagong isla na halos wala pang nakakadiskubre. Ang salitang Escondido ay hango sa salitang espansyol na "Hidden"   Sa loob ng dalawampu't anim na taong paninirahan namin dito, bawat sulok ng magandang isla na ito ay kabisadong-kabisado ko na.   Ang masagana nitong coral reefs. Ang asul na dagat na animo'y salamin dahil halos makikita mo kung ano ang nasa ilalim. Ang puting buhangin na walang bakas ng maruming polusyon galing sa mga dayuhang dumadalaw.   Kung iisipin, napakaswerte ng aking mga magulang dahil dito sila pinanganak at mapalad din ako dahil dito ako nagka-isip.   Nang matapos kaming mangisda, pinarada na ni tatay ang sinasakyan naming bangka.   "Yana, pakidala mo nga ito sa nanay mo," sigaw ni tatay habang inaayos ang pagkakatali ng bangka.   "Opo, tatay. Ako na rin ang magluluto para wala nang iisipin si nanay."   Mabilis kong kinuha ang mga isdang nahuli ni tatay, saka masayang dumiretso sa aming bahay na hindi kalayuan sa dalampasigan.   "Nay, nandito na po kami."   "Mabuti naman at mas maaga kayo nakauwi ngayon." Sabay kuha sa akin ni nanay ng isda.   "Nay, ako na po ang magluluto nito."   "Naku, Yana. Ako na, ibili mo na lang ako ng pansigang para rito sa bangus na nahuli ng tatay mo."   "Sige po, nay."   Nagmadali akong mag-ayos at nagpalit ng aking suot. Nakasuot kasi ako ng panligo ko sa dagat dahil kadalasan, sa tuwing nangingisda si tatay, tumatalon ako sa dagat upang maligo at sumisid dito.   Namamangha pa rin kasi ako sa kagandahan nito kaya simula bata, madalas na akong lumangoy.   Hindi tuloy maipagkakaila ang morena kong kutis dahil na rin sa dalas na pagbilad ko sa ilalim ng araw.   Matapos akong mag-ayos ng sarili, nagsuot ako ng short at T-shirt saka tumingin sa salamin.   Marahan kong sinuklay ang aking buhok at inipitan ito. Sa tuwing ako ay nananalamin nakikita ko ang mukha ni nanay sa aking hitsura. Matangos na ilong, makintab at maitim na buhok na may hanggang balikat na haba. Hugis puso na mukha. At ang aking labi at mata naman ay nakuha ko sa aking ama.   Ang sabi ng aking mga magulang, ang pangalan kong Ailana Martinez o Yana ay galing sa isang Hawaiian term na "Island"   Nang matapos akong mag-ayos, mabilis akong tumakbo at sumakay ng tricycle patungo sa palengke. Medyo malaki rin ang isla na ito kaya kailangan kong sumakay para makapunta sa bayan.   At nang mabili ko na ang mga lahok na kailangan ni nanay, agad akong umuwi sa bahay. Pero naabutan ko roon sa tabi ng dalampasigan ang aming mga kapitbahay na tila nagpupulong at nagkukuwentuhan. Nasulyapan ko rin doon si tatay na siryosong nakikipagusap sa mga ito, kaya naman lumapit ako sa kanila.   "Nabalitaan nyo na ba? may isang negosyante raw ang gustong bumili ng isla na 'to."   "Hindi naman yata tama 'yon, sana nagtanong man lang sila sa ating mga residente rito."   "Oo nga, sisirain lang nila ang magandang islang 'to e."   Ilan lang ito sa mga bagay na naririnig ko,   Kung ganoon, may gusto pa lang bumili ng isla. Pero paano kami?   "Oh, anak, kanina ka pa ba diyan?" saad ni tatay nang mapansin niya akong nakatayo sa 'di kalayuan.   "Hindi naman po, tay. Ngayon ngayon lang po," tugon ko.   Matapos magpaalam ni tatay sa mga kausap niya, agad siyang naglakad palapit sa akin saka ako niyayang umuwi.   Pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang narinig ko mula sa mga kapit bahay.   ***   Isang masarap na hapunan ang kinain ng aming pamilya. Kahit araw-araw na ganito kami ay solve na solve na ako. Kahit hindi kami mayaman at mangingisda lamang ang aking ama at isang mapagmahal na may bahay lang ang aking ina, masasabi kong sagana kami sa pagmamahal at busog ako sa alaga.   Mahal ko ang aking mga magulang at ganoon din sila sa akin. Kahit na hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral at high school lang ang natapos ko, hindi naman sila nagkulang sa akin. Ako rin naman ang nagnais na huminto sa pag-aaral at tumulong na lang sa pangingisda. Bente sais anyos na rin naman ako at kaya ko nang tumulong sa pagtatrabaho.   Isa-isa kong niligpit ang pinagkainan namin at saka dumiretso sa lababo. Mayamaya lang naramdaman ko ang isang kamay na humawak sa aking balikat.   "Ikaw na muna ang bahala sa hugasan, anak. Ha?" saad ni nanay habang nakahawak sa akin.   Nagbigay ako ng malaking ngiti bago tumugon.   "Opo, nay. Magpahinga na muna kayo."   Tumugon naman siya ng ngiti sa akin. Napansin ko ang kanyang pagsulyap sa maliit na bintana na nasa aming harapan.   "Walang bituin ngayon, ah. Mukang may malakas na namang ulan ang parating," saad ni nanay.   Napatingin naman ako sa direksyon na kanyang tinitingnan at nakita ko ang makapal na ulap. Pati ang buwan ay wala rin, nakakatakot din ang pagsipol ng hangin na animo'y may kung anong paparating.   Satingin ko nga ay may bagyo na naman.   Hindi namin alam kung ano ang mayroon dahil wala naman kaming telebisyon. Pa minsan ay nakikinig lang kami ng radyo mula sa kapitbahay kaya madalas, wala kaming balita sa kung anong nangyayari sa syudad at sa bansa. Umaasa na lang kami sa mga pahiwatig ng kalikasan para malaman kung may unos na parating. At noong gabing iyon, hindi nga kami nagkamali ni nanay. Isang napakalakas na bagyo ang tumama sa Isla De Escondido.   Ang yero naming bubong ay tila matatanggal na anong oras. Maninipis na plywood lang rin ang haligi ng aming bahay. At buong gabi kaming nagdarasal na sana ay humupa na ang bagyong ito.   Natatanaw ko rin sa maliliit na bintana ang malalakas na alon na humahampas sa buhangin. Mabuti na lang at hindi kami naaabot nito dahil baka kung saan kami pulutin kung magkataon.   At sa buong gabing iyon, halos hindi kami nakatulog nila nanay. Na-idlip lang kami noong humina na ang ulan at medyo tumahimik na ang hangin. Bandang alas kwatro na rin siguro iyon.   Kinaumagahan, kahit na halos wala kaming tulog, maaga pa rin akong nagising upang tingnan kung may mga isda bang naiwan sa dalampasigan nang humagupit ang bagyo.   Kinuha ko ang basket na lambat ni tatay at marahang naglakad palabas ng bahay upang hindi ko maistorbo ang natutulog kong magulang. Marahan ko ring sinara ang dahon naming pinto saka tahimik na hinakbang ang mga paa ko sa buhangin.   Kitang-kita ng aking mga mata ang mga nakayukong puno ng buko at iba't ibang sanga na naputol dahil sa bagyo kagabi. Napakalaking linisin na naman nito para sa amin.   Nagsimula akong maglakad patungo sa tabing dagat. Tahimik na ito na akala mo'y walang nangyari kagabi. Sumilip na rin ang haring araw at sininagan ang ganda ng asul na dagat.   Huminga ako nang malalim upang malanghap ang sariwang hangin, saka ako nagsimulang maglakad.   At noong nasa tabing dagat na ako, nakita ko ang ibang isda sa gilid ng dagat. Nilagay ko na ito sa lalagyan na dala ko, nakayuko ako habang dinadampot at sinusundan ang hilera ng mga isda. Hanggang sa isang kamay na may relos ang aking nakita.   Halos tumalon mula sa ribcage ko ang aking puso nang makita ko ang kabuuan ng bagay na ito. Napahakbang pa ako pabalik saka ko napagtanto na isa itong tao. Isang lalaking nakadapa sa buhangin sa gilid ng dalampasigan ang nakahandusay rito.   Halos ayaw bumukas ng aking bibig, nais ko sanang sumigaw pero walang tinig ang lumalabas. Gulat na gulat ako sa aking nakikita ngayon.   P-Patay na ba siya?   Hanggang sa isang alon ang bumagsak sa kanyang katawan, at doon lang bumalik sa katinuan ang aking isip. Nagawa kong ibukas ang aking bibig at sumigaw nang malakas.   "Nay, Tay. May bangkay!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD