CHAPTER 5: Meet The Parents.

2364 Words
CHAPTER 5: Meet The Parents. ISANG HINDI inaasahang bisita ang bumulaga kay Zoey no‘ng araw na iyon, umagang-umaga nang lumabas siya mula sa bahay nila para mag-inat ng katawan, ang nakangiting mukha na agad ni Angelo ang bumungad sa mga mata niya! "May naghahanap sa 'yo, Zoey! Naku, kanina pa paikot-ikot ‗to si pogi sa lugar natin. Bakit hindi mo man lang ibinigay ang cellphone number mo para tinawagan ka na lang niya?" Nagsalita ang katabi nitong si Aling Tessa. Hindi pa man nagsasalita ang matanda ay alam na niyang ito ang nagturo ng bahay niya kay Angelo. Napatingin siya ulit kay Angelo na ngiting-ngiti. Kumakaway pa ito at itinaas ang hawak nitong supot na parang may laman na maraming pagkain. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya rito nang malapitan niya ito. "May naiwan ka kasing notebook sa library. Naisip ko na baka kailangan mo 'yon kaya ihahatid ko lang sana sa 'yo. Mabuti na lang at may address kaya nahanap kita agad," nakangiting sabi nito. Iniabot na sa kanya ni Angelo ang notebook na kinuha nito mula sa bag nito. "Salamat. Sige, alis ka na," sabi niya. "Alis agad? Hindi mo man lang ba ako papapasukin?" nakangiting tanong ni Angelo. Sasagot pa sana siya nang bigla na lang siyang nakarinig ng nagsalita mula sa likuran niya. "Nasaan na ang bayad mo sa upa ng bahay, ha, Zoey? Kayo, kung hindi ninyo kayang magbayad ay magsilayas na lang kayo!" Si Aling Gelay iyon. Ang landlady ng tinitirhan nila. "Ibinigay ko na po kay mama ang bayad namin para sa upa ng bahay, hindi pa po ba niya naibibigay sa inyo?" nagtatakang tanong niya na napaharap dito. "Walang ibinibigay ni singkong duling ang nanay mong unano!" Ibinuka pa ni Aling Gelay ang abaniko nitong pamaypay saka nagpahangin. Para bang ipinaparamdam nito na iritang-irita ito sa kanya. Doon na dumating si Aling Amor. Mukhang kagagaling lang sa palengke. "O, ayan na pala ang nanay mo, bakit hindi mo sa kanya itanong?" Isinara ni Aling Gelay ang pamaypay at nagcross arms pa sabay itinaas ang isang kilay habang tinitingnan ang ina niya. ----- NANLAKI ang mga mata ni Angelo nang makita kung sino ang itinutukoy na ina ni Zoey. Ang akala niya kanina ay batang babae ang papalapit sa kanila pero nang makita niyang maigi ang mukha ng isang unano ay napatunayan niya na isa iyong may edad na babae! "Mama, totoo po ba ang sinabi ni Aling Gelay na hindi pa po tayo bayad sa upa rito sa bahay?" nagtatakang tanong ni Zoey na bahagyang umupo pa para maabot ng tingin ang ina nito. "Anak, pasensya ka na, kinailangan ko kasing ipacheck up ang papa mo sa clinic no'ng nakaraang araw para malaman kung parehas pa rin ba iyong mga gamot na dapat niyang inumin. Kung may improvement ba sa sakit niya. E, biglang nagtaas ang singil ni doktora, e. Kaya ayun, napunta sa kanya iyong pambayad sana sa bahay," sabi ng maliit na babae na parang hiyang-hiya sa anak nito dahil hindi makatingin ng diretso. "Bakit hindi po ninyo sinabi sa akin agad, mama? Para sana nagawan ko ng paraan," nag-aalalang tanong ni Zoey. "Para mag-ot ka na naman at pagurin mo na naman ang sarili mo? Kapag puro ka trabaho, kahit na nag-aaral ka pa ay baka ikaw naman ang magkasakit, anak. Isa pa, mas marami pa akong kinuhang labada ngayong week kaya sigurado ako na makakabayad din ako sa kanya. Ako na lang ang bahala," sabi ng babae. "Ma—" "Aling Gelay, pasensya na po pero sana ay mabigyan pa po ninyo ako ng palugit kahit na isang linggo lang. Pangako, mababayaran ko na kayo next week." Bumaling na sa bungangerang landlady si Amor. "Next week, next week, puro na lang next week! Kung hindi ninyo kayang magbayad ngayong araw ay magsialis na lang kayo sa bahay ko! Aba, ang daming ibang tao riyan na naghahanap ng murang mauupahan, hindi ko kailangang magtiyaga sa inyo, 'no!" patuloy na pagtatalak ng babae na palipat-lipat ang tingin sa mag-ina habang nagbubunganga na kulang na lang ay tumilamsik ang laway nito sa kanila. Doon na siya nangialam. "Ako na po ang bahalang magbayad ng utang nila. Magkano po ba ang utang nila sa bahay?" tanong niya. "Angelo!" Halatang tutol si Zoey sa pangingialam niya. Napatayo pa ito para hawakan siya sa braso. "Don't worry, I insist. Ako na ang bahala, Zoey," nakangiting sabi niya na hinawakan ang kamay nito na nakahawak naman sa balikat niya. "Tatlong buwan na ang utang ng mga 'yan kaya maglalagay na ako ng tubo! Bayaran mo ako ng 12,000!" Isinahod pa ni Aling Gelay ang palad nito. "Aling Gelay, bakit naman po tatlong libo ang itinubo ninyo? Isang libo, isang buwan na tubo? Grabe naman po ‗yon. Wala po kaming perang maipambabayad—" "Ito na po ang bayad." Hindi na naituloy ni Zoey ang sasabihin pa sana nito dahil bigla na niyang ibinigay ang pera na kinuha niya sa bulsa sa babaeng landlady. "'Iyon naman pala, may maipambabayad na kayo!" Bigla nang napangiti si Aling Gelay nang makuha nito ang pera mula sa kanya. Binilang pa nito iyon para makasiguro na walang kulang. "Hindi mo naman sinabi sa akin agad, Zoey na may boyfriend ka palang mayaman. Kung ganito ba naman palagi e, 'di magkakasundo tayo." Sa sobrang luwag ng ngiti ni Aling Gelay, makakalusot na ang tatlong bangaw sa bibig nito. Iyon lamang at umalis na sa harapan nila ang matanda. Bigla namang umulan ng malakas kaya naman napilitan na rin si Zoey na papasukin siya sa loob ng bahay ng mga ito. "Sino siya? Boyfriend mo ba, anak?" Pagdating sa loob ng bahay ay isa na namang unano ang nakita niya. Isang lalaking nakaupo sa napakaliit na wheelchair. Putol pa ang dalawang paa ng may edad na lalaki kaya sa tingin niya ay hindi na rin ito nakakagalaw ng maayos. "Hindi po, 'tay, kaibigan ko lang po, si Angelo," pagtanggi ni Zoey. "Hindi pa namin lubos na naipapakilala ang sarili namin sa 'yo, hijo. Alam ko na nagugulat ka at marahil ay nagtataka kung sino kami. Ako si Amor, ang mama ni Zoey at ito naman ang papa niya, ang asawa kong si Raul." pakilala ni Amor sa kanya. Nagugulat man at nagtataka kung bakit parehas na unano ang mga magulang ni Zoey ay nakipagkamay at mano na rin siya sa mga magulang ng babae. "Kinagagalak ko po kayong makilala, ako po si Angelo," magalang na sabi niya. Kahit pa ano ang hitsura ng mga magulang ni Zoey ay ang mga ito pa rin ang nagbigay ng buhay sa babaeng pinakamamahal niya kaya dapat lang na galangin niya ang dalawa. "Kinagagalak ka rin naming makilala, hijo," nakangiting sabi ni Raul. "Pasensya ka na, hijo, kanina. Nadamay ka pa tuloy sa utang namin," sabi ni Amor. "Wala pong anuman iyon," nakangiti ring sabi niya. "Oo nga, Angelo. Huwag kang mag-alala, pangako, babayaran ko rin ang utang namin sa 'yo—" "Kahit na hindi na, Zoey. Tulong ko 'yon sa inyo. Saka tama ang sinabi ng mama mo kanina, kung talagang gugustuhin mong makabayad sa akin kaagad, siguradong mag-oot ka pa sa trabaho para lang do'n. Hindi mo na kailangang gawin iyon, saka mo na lang ako bayaran kapag nakaluwag ka na," nakangiting sabi niya. "Pasensya ka na talaga, Angelo. Nahihiya tuloy ako sa 'yo," kiming sabi ni Zoey. Grabe, napakacute talaga nito. Sino ba ang hindi maglalabas ng 12,000 kung ang kapalit naman niyon ay ang makita ang sobrang cute na mukha ni Zoey at ang walang hanggang pasasalamat nito? "Siguro, para makabawi ka, ipaghanda mo na lang sa atin itong dinala kong pagkain. Ilagay mo sa mga plato itong pancit, liempo at cake na dala ko para makakakain naman tayo," sabi na lang niya. "Ah, tama! Oo nga pala! Pasensya ka na, ha? Pati pagkain sa bisitang katulad mo ay ikaw pa ang bumili," sabi pa nito. Umiling siya. "Hindi mo naman alam na darating ako. Huwag mo akong alalahananin," sabi pa niya. Iyon lamang at tumayo na si Zoey para ipaghanda na ang mga dinala niya. Pumunta ito sa maliit na kusina na kitang-kita rin naman niya mula sa sala. "Maliit lang ang bahay namin pero feel at home, hijo," nakangiting sabi ni Raul. Nginitian lang din niya ng tipid ang matandang lalaki saka na nito itinuon ang paningin sa binabasa sa diyaryo. Dahil nanonood ng Darna si Aling Amor ay hindi siya nito kinakausap. Tawa pa nga ito nang tawa sa pinapanood nito. Hindi tuloy niya maiwasang hindi maobserbahan ang paligid. Napakababaw ng kisame roon at kahit ang pintuan kanina, kinailangan pa niyang yumuko para lang makapasok. Sa sobrang liit ng bahay nina Zoey, masasabi niya na mas malaki pa nga yata ng tatlong beses ang palikuran sa loob ng kwarto niya. Ang dingding, sahig at bubong sa bahay na iyon ay halatang marurupok na. Para bang sa isang iglap ay bigla na ring guguho dahil may nakikita rin siyang mga c***k. Mainit din doon sa loob kahit pa umuulan na sa labas kaya naman kinailangan pa niyang tanggalin ang jacket niya. Bigla siyang napatingin sa itaas ng bubong nang mapansin na may tumutulo mula sa kinauupuan niyang monoblock chair. May butas ang bubong ng mga ito! "Zoey, dalian mo, magdala ka nga ng balde dito! Sobrang lakas ng tulo ng bubong!" Biglang napansin ni Aling Amor na bigla siyang napatayo sa kinatatayuan niya kaya naman napatingin din ito sa bubong. "Ah, sige po, mama!" Iniwan saglit ni Zoey ang mga pagkain sa lamesa at kinuha ang balde na naroon at inilagay sa parte kung saan tumutulo ang ulan mula sa ilabas. Habang tinitingnan kung paanong tila nakikipaglabanan si Zoey sa lakas ng ulan kahit pa nasa loob lang naman ito ng bahay ay hindi niya maiwasang hindi mahabag sa babaeng pinakamamahal. Sa buong buhay niya, hindi pa niya naranasan ang ganitong klase ng buhay. Iyong init na init ka kahit umuulan naman ng malakas sa labas. Iyong mag-alaga ng isang amang may kapansanan at hindi magkadaugaga sa trabaho para lang may maipangkain o may maipangbayad sa renta ng bahay. Ngayon na niya lubos na naiintindihan kung bakit walang oras sa pakikipagnobyo si Zoey. At iyon ay dahil gusto na nitong makaahon sa ganitong klase ng buhay... Nakaramdam yata si Zoey na parang tinititigan na niya ito kaya naman napalingon din ito sa kanya na para bang nahihiya ito. "Pasensya ka na, Angelo. Nasira kasi ang bubong namin no'ng nagkaroon ng malakas na bagyo no'ng nakaraang buwan kaya iyan, marami tuloy sira at tumutulo na rito. Pinapaayos ko naman ng paunti-unti kaso hindi ko magawang pagsabayin lahat dahil kulang pa ang pera ko. Mas mabuti na nga ang ganito at kaunting tulo na lang, noong nakaraang buwan, literal na binaha kami rito sa loob ng bahay!" Pinilit na lang nito na ipakita ang ngiti nito sa kanya kahit alam niya na hirap na hirap na ito sa mga pinagdaraanan nito. Hindi na lang siya nagkomento tungkol sa bagay na iyon. Gusto niyang tulungan si Zoey pero sigurado naman siya na tatanggihan lang nito. Isa pa, baka mainsulto pa ito kung aalukan niya ito ng tulong. Mas maigi pa siguro kung manahimik na lang muna siya at maghintay ng tamang pagkakataon na tumulong. Mahirap na, baka may masabi lang siyang maaaring makaooffend sa mga ito. Hindi niya alam kung paanong mabuhay sa hirap kaya hindi rin niya alam kung insulto ba o hindi na tulungan niya ang mga ito ng ganoon kaaga. Iyon lamang at kumain na sila sa hapagkainan. Kahit ang lamesa nina Zoey ay maliit lang din pero ang ikipinagtataka niya, parang mas nakaramdam pa siya ng saya habang kasamang kumakain ang mga ito. Habang kumakain kasi ay hindi pinagbabawal ng mga ito ang mag-usap. Hindi katulad sa pamilya nila na kapag nagsalita ka sa harap ng pagkain ay sasabihan ka ng bastos. Pero sa pamilya nina Zoey, nagtatawanan pa ang mga ito habang kumakain ng nakakamay! Kahit nga ang pagkain o tira ng bawat isa ay kinukuha pa sa plato ng isa. Malabong mangyari ang ganoon sa pamilya nila dahil mahigpit pagdating sa etiquette si Donya Catarina. Kaiba man sa nakasanayan ay masasabi niya na talagang naenjoy niya ang unang umagahan kasama si Zoey. Hindi siya nagsisisi na hindi siya kumain ng umagahan kanina bago siya nagpunta rito! ----- LUMIPAS pa ang mga ilang linggo na halos araw-araw ay laman na si Angelo ng bahay nina Zoey. Masyado na yata siyang nawili at nilubos ang sinabi ng mga magulang nito na mag'feel at home' daw siya roon. Habang patuloy niyang nakikilala si Zoey at ang pamilya nito ay may narealize siyang isang bagay. Kung minsan pala, ang malaking bahay, malaking lamesa at karangyaan sa buhay ay nagiging hadlang pa para magkaroon ng bonding ang isang pamilya. Kina Zoey, kahit ano pa ang pagkain na mayroon sa hapagkainan ng mga ito ay naaappreciate ng mga ito. Hindi katulad sa pamilya nila na kahit ang daming masasarap na pagkain ay nagtitira pa sila. Kina Zoey, kapag may naiwan kang pagkain sa plato mo ay sermon ang aabutin mo kay Aling Amor. Kina Zoey, bawat pagkain na kinakain ng mga ito ay pinaghihirapan ng mga ito at ang mga ito pa ang mismong nagluluto. Samantalang sila, ultimo kinakain nila, paglalaba, paghuhugas ng pinggan o paglilinis sa bahay ay inaasa pa nilang lahat sa mga katulong. Naisip ni Angelo, hindi rin naman pala masama ang maging mahirap. Lalo na kung katulad naman nina Zoey ang magiging pamilya mo na kahit salat kayo sa pera ay mayaman naman kayo sa pagmamahal at masaya pa rin. Bagay na hindi na niya makita sa sarili niyang pamilya. Doon din niya napagtanto ang isang bagay. Hinding- hindi na niya pakakawalan pa si Zoey. Handa siyang hintayin ito kahit pa gaano katagal. Handa rin siyang magpatakwil o hindi pamanahan kung sakali mang tututol ang mga Recaforte para rito. Handa siyang isakripisyo ang lahat ng mayroon siya para lang kay Zoey. Nababaliw na nga yata siya pero siguradong-sigurado na siya sa sarili na mahal na mahal na nga niya si Zoey at walang ibang makakapigil sa kagustuhan niya na makasama ito. Kahit ano pa man ang maging kapalit...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD