CHAPTER 6: Magandang Balita.
"HAYYY..." Isang malalim na buntong-hininga ang lumabas sa bibig ni Zoey.
"Hoy, Zoey!" Bigla siyang tinapik ni Karen kaya naman napapitlag siya.
"Ano bang nangyayari sa 'yo, friend? Kanina ka pa hinahanapan ng spaghetti ni Aaron do'n sa counter, ah? Bakit parang natutulala ka yata?" sabi ni Karen na kasalukuyang nakabreak pero pinuntahan pa siya sa lutuan ng spaghetti sa likod ng counter para lang pitikin siya. Paano ba naman kasi, kanina pa palang naghahantay ng spaghetti iyong mga nasa counter pero wala pa rin siyang nailalagay sa tray.
Nang marinig ang sinabi nito ay agad na niyang nilagyan ng sauce ang pasta sa plato na kanina pa pala niya tinititigan lang. Pagkalagay ng cheese ay ipinasa na niya iyon sa lagayan ng mga spaghetti para makuha na ng nakaassign na counter sa harap.
"Mabuti na lang at walang masyadong tao kaya ayos lang kahit medyo matulala ka riyan. Ano ba talaga ang nangyayari sa 'yo, ha?" nagtatakang tanong muli ni Karen.
Bumuntong-hininga siya. "Karen, may tanong ako sa 'yo.
Naranasan mo na bang... m-mainlove?" seryosong tanong niya.
Bumunghalit ito ng tawa. "Totoo ba itong naririnig ko sa 'yo o nananaginip lang ako? Ikaw ba talaga ang nagtatanong sa akin tungkol sa pag-ibig? Si Zoey na kahit kailan ay never pang nagkacrush sa isang lalaki?!" pang-aasar pa nito na napapahawak pa sa tiyan habang tumatawa.
"Seryoso ako, Karen. Nainlove ka na ba?" ulit niya sa tanong niya kanina na hinawakan pa ito at tinitigan ng maigi sa mga mata.
Tumigil na ito sa pagtawa. "Maraming beses na. Kaso palagi lang naman akong nasasaktan dahil palagi nila akong pinagpapalit sa ibang babae. Gano'n na yata talaga ang lahat ng lalaki ngayon. Lahat na lang sila, tingin sa ating mga babae ay laruan lang." Nalungkot ang mukha ni Karen saka napabaling ulit sa kanya. "Teka nga, talaga bang inlove ka na? Sino naman iyong maswerteng lalaki na nakabihag sa 'yo? Ang akala ko noon ay tomboy ka, friend. Never ka pang may ikinuwentong lalaki sa akin at ang sabi mo noon, wala kang boyfriend at ni ang magkacrush ay wala kang interes!"
"Ano ka ba, Karen, nagkakacrush din naman ako noon sa mga lalaki pero hindi ko lang ineentertain dahil nga priority ko ang pag-aaral ko. Pero ewan ko ba ngayon, parang iba, e."
Bumuntong-hininga na naman siya. Hindi na talaga niya maintindihan ang sarili. Maya-maya na lang niya naiisip kung ano kaya ang nararamdaman niya para kay Angelo. Lalo pa at parang nahihirapan siyang huminga kapag tumatakbo ito sa isip niya. Napupuno rin ng excitement ang dibdib niya kapag nakikita ito.
"Iba, dahil nga kasi inlove ka na! Alam mo, sa tagal na nating magkaibigan ay ngayon lang kita nakitang nagkaganyan. Ano ba kasing problema kung mainlove ka? Bakit ba parang pinipigilan mo pa ang sarili mo?" hindi maintindihan na tanong ni Karen.
"Alam mo naman na priority ko nga na makapagtapos para maiahon sa kahirapan sina inay at itay—"
"Sino ba kasing nagbigay sa 'yo ng idea na pababayaan mo na sila kung magbo-boyfriend ka?"
Natigilan siya.
"Sabihin mo nga sa akin, Zoey, ayaw ba ng lalaking gusto mo sa mga magulang mo?"
Umiling siya. "Kasundo ni Angelo sina Inay at Itay. Sinabi niya pa nga sa akin na para sa kanya ay parang tunay na magulang na ang tingin niya kina Inay at Itay, e."
"'Yun naman pala, e, ano pang pinoproblema mo? Bakit ka natatakot sa isang bagay na ikaw lang ang may gawa? You know what, friend. Kilala kita. Alam ko na responsable ka kaya kahit magboyfriend ka ay hindi mo pa rin pababayaan ang pag-aaral mo, ang trabaho mo at higit sa lahat ay ang mga magulang mo. Bakit kasi hindi ka na lang magtiwala sa sarili mo na hindi ka magiging katulad ng ibang kabataan diyan na puro landi at bulakbol lang ang alam? Base rin sa mga pagkekwento mo sa akin tungkol kay Angelo ay nakikita ko rin na parang mabait naman siya. Hindi ka nga niya pinuwersa sa isang relasyon na hindi ka pa handa kahit halata naman na may gusto ka rin sa kanya. Matagal ka nang nagsusumikap para sa pamilya mo. Hindi kaya oras na para maging masaya ka naman kahit kaunti?"
Dahil sa tanong na iyon ni Karen ay napaisip siya. Tama si Karen. Bakit ba ang tagal niyang pinahirapan ang sarili niya?
"Bahala ka, kung hindi ka makikinig sa akin, baka dumating ang araw na magsisi ka. Kapag 'yan si Angelo ay nakahanap ng mas higit na babae kaysa sa 'yo, ikaw din ang kawawa—"
Hindi na naituloy pa ni Karen ang sasabihin pa sana nito dahil niyakap na niya ito. Nang maghiwalay sila ay ikinulong niya ang dalawang kamay nito sa sarili niyang mga kamay.
"Maraming salamat, Karen. Kung hindi dahil sa 'yo ay hindi pa ako magigising. Tama ka, hindi ko na dapat tanggihan pa ang binigay sa aking biyaya ng Diyos. Ibinigay niya si Angelo sa akin kaya simula ngayon ay tatanggapin ko na siya ng buong puso. Maraming salamat! Isa ka talagang tunay na kaibigan!" Iyon lamang at niyakap na niya ulit si Karen.
Ngayon ay nakapagdesisyon na siya. Sasagutin na niya si Angelo!
---
AFTER SHIFT...
Na-excite si Karen nang makareceive ng text mula kay Lucas.
Niyayaya siya nito sa isang date!
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Nagpunta na agad siya sa mamahaling restaurant na sinabi nito kanina sa text. Para lang mapanganga nang marinig ang sinabi nito nang matapos silang kumain.
"I guess, I'm ready to court her now," nakangiting sabi nito. "A-Ano?!" Muntikan pa siyang mapasigaw doon.
"Bakit parang nagugulat ka pa? Halos tatlong buwan na rin naman tayong lumalabas-labas para lang mapag-usapan si Zoey. Para malaman ko kung ano ba ang mga gusto niya o ayaw niya, kung ano ba ang kalagayan ng pamilya nila. Sa tingin ko, panahon na para makilala niya ako," sabi nito.
Nawalan siya ng gana nang marinig ang sinabi ni Lucas. Akala pa naman niya ay nahuhulog na ang loob nito sa kanya habang palagi silang magkasama. Dahil galing ito sa states at doon na tumira noon, halos nakalimutan na nito ang mga pasikot-sikot sa Manila. Siya ang nagsilbing alalay s***h tour guide nito pagkatapos ay si Zoey pa rin pala ang trip nito?
"Bakit parang hindi ka yata natutuwa sa sinabi ko sa 'yo?" nagtatakang tanong ni Lucas.
"Ako? Hindi natutuwa? Hindi 'no! Syempre, magkaibigan na rin naman tayo kaya gusto sana kitang suportahan kaso mukhang malabo ka nang mapansin ng kaibigan ko. Bakit naman kasi pinatagal mo pa. Nagbibigay ka nga ng mga bulaklak at cholocolates sa kanya noon sa pamamagitan ko pero hindi mo naman gustong ipasabi na sa 'yo galing. ‗Yan tuloy, may nakita ng shoshotain ang kaibigan ko," dire-diretsong sabi niya habang kumakain. Walang paki kung masaktan ito.
"May boyfriend na si Zoey?!" Hindi maipinta ang mukha ni
Lucas.
"Hindi pa sila pero plano na niyang sagutin iyong lalaki.
Ikaw naman kasi ang bagal mo, akala ko pa naman noon e, playboy ka, iyon naman pala ay ubod ka ng torpe! Akalain mong pinaabot mo ng tatlong buwan na tinitingnan lang palagi sa malayo si Zoey, e, malamang hindi talaga maghihintay iyon sa 'yo. Alam mo naman na maganda ang kaibigan ko, marami talagang nagkakagusto ro'n."
"Ang sabi mo kasi ay hindi siya katulad ng ibang babae. Ang sabi mo ay hindi siya interesado sa pakikipagboyfriend kaya pinag- isipan ko talagang maigi kung paano ko siyang lalapitan pagkatapos ngayon, may nagugustuhan pala siya," nakasimangot na sabi nito.
"Aba at ako pa talaga ang sinisi mo, ha? Grabe ka naman kasi mag-isip, talagang tatlong buwan? Saka isa pa, hindi rin naman basta-basta lalaki lang ang nagustuhan ng kaibigan ko, 'no. Sobrang nagtiyaga talaga ang lalaking iyon sa kanya kaya nahulog din ang loob niya. Hindi easy to get ang kaibigan ko," pagtatanggol niya kay Zoey.
Huminga ng malalim si Lucas saka naisabunot pa ang sariling kamay sa buhok nito. Saka muling bumaling sa kanya na para bang pasan nito ang buong daigdig.
"'E, paano ngayon 'yan? Paano ko pa liligawan ngayon si Zoey kung may gusto na pala siyang iba?"
"Huwag mo na siyang ligawan. Kalimutan mo na siya at magmahal ka na lang ng ibang babae. Maraming babae riyan, minsan nga ay nasa harapan mo lang pero hindi mo pa napapansin," pasimpleng pagpaparinig niya na nakangiti.
Ngayong magkakaboyfriend na si Zoey ay sa kanya na si Lucas. Solo na niya ito.
Tumitig ito saglit sa kanya pero agad ding nag-iwas ng tingin.
"Hindi. Hindi ako susuko. Hindi pa naman sila kaya may pag-asa pa akong makasingit. Aagawin ko ang pagmamahal ni Zoey mula sa lalaking iyon!" determinadong sabi ni Lucas.
Umasim ulit ang mukha niya. Hindi man lang nakaramdam si Lucas sa parinig niya. Manhid ba talaga ito?
"Bahala ka pero sinasabi ko sa 'yo ngayon pa lang na kalimutan mo na siya dahil unang beses pa lang na nagmahal ang kaibigan kong 'yon at sa tingin ko ay malakas talaga ang tama niya sa lalaking iyon kaya kung ako sa 'yo, huwag ka nang mag-aksaya ng panahon dahil masasaktan ka lang," walang gana ng sabi niya.
"Habang may buhay ay may pag-asa, Karen. Hindi ba 'yan tinuro sa 'yo ng nanay mo?" pamimilosopo ni Lucas.
"Hindi. Ang itinuro lang niya sa akin ay ang pansinin at pahalagahan ko kung ano ang mga bagay na nasa harapan ko. Tinuruan niya ako kung paano ang makuntento at huwag maghanap ng wala. Kaya kung ako sa 'yo, pagtiyagaan mo na lang ako— este, mahalin mo na lang ang mga tao na nagmamahal sa 'yo at magiging masaya ka pa." Humirit ulit siya ng parinig. Baka sakali na makaramdam na ito.
"Salamat na lang, Karen pero hindi ko isusuko si Zoey. Lalo pa at hindi pa nga niya ako nakikilala. Oras na para gumawa ng move." Pinal na ang sinabi nito.
Wala na siyang nagawa kundi ang manahimik na lang. Ang layo talaga ni Lucas sa playboy na inaakala niya rito dati. Torpe na nga ito ay manhid pa!
SAMANTALA...
"'Ma? Bakit hanggang ngayon ay naglalaba pa rin kayo riyan?" nagtatakang tanong ni Zoey nang makapasok na siya sa loob ng bakuran nila mula sa trabaho.
"Ay, ikaw pala, Zoey, anak. Malapit na rin akong matapos dito, kumain ka na sa loob, may itlog at kanin na roon." Nilingon lang siya saglit ng Inay Amor niya at nagpatuloy na naman ito sa paglalaba.
"Tutulungan ko na po kayo—" Akmang uupo na siya sa tabi nito at ilulublob ang kamay sa bula ng tubig nang mahuli ng mama niya ang kamay niya.
"Ako na ang bahala, anak. Hayaan mo na lang ako. Kailangan kong magdoble sipag para mabayaran natin si Angelo. Nakakahiya naman sa batang iyon at ilang linggo na ang utang natin sa kanya sa ipinangbayad dito sa bahay e, hindi pa rin natin nababayaran," sabi pa nito.
"'Nay, alam naman ninyo na hindi kayo minamadali ni Angelo na magbayad. Isa pa, ako na lang ang bahalang magbayad sa kanya—"
"Hindi, anak. Utang ko ang binayaran niya kay Aling Gelay kaya ako ang magbabayad no'n. 'Di ba, sinabi ko naman sa 'yo? Iyong sinasahod mo ay gawin mo na lang pang allowance sa school o ipunin mo para kapag may project ka ay sigurado ka na may ipanggagastos ka. Kung tutuusin, nagbibigay ka na nga ng panggastos dito sa bahay kaya kaunti na lang ang natitira sa 'yo, kukunin ko pa ba naman sa 'yo 'yun?" sabi ni Amor.
"Sorry, 'nay, ha? Kung hindi sana ako nag-aaral ay hindi sana ako magiging pabigat sa inyo."
"Ikaw lang ang nag-iisang anak namin kaya ibubuhos namin ang lahat ng kaya naming gawin para sa 'yo, anak. Pero hindi na rin kami bumabata, sana naman ay habang maaga, makita na namin na may makakatuwang ka sa buhay," pagpaparinig ng mama niya.
"Mama, ibinubugaw n'yo na naman ba ako kay Angelo?" Natawa bigla ang nanay niya.
"Bugaw talaga ang term, anak? Grabe ka, ha! Masama ba na makita ko naman na magkaroon ka ng boyfriend kahit na isa lang? Aba, 17 years old ka na pero hanggang ngayon, kahit isang boyfriend e, wala ka pang ipinapakilala sa amin. Isa pa, gusto namin ng papa mo si Angelo para sa 'yo. Mabait iyong batang iyon at hindi matapobre kahit na mukhang mayaman. Halata naman na gusto ka niya at gusto mo rin siya kaya bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo nagliligawan?"
Nang marinig ang sinabing iyon ng ina ay natigilan siya.
Saka bumuntong-hininga.
"Ayos lang po ba talaga sa inyo, 'nay kung magiging boyfriend ko si Angelo?" Biglang tanong niya.
Nabitawan tuloy ni Amor ang hawak nitong panty ng kapitbahay at agad na hinugasan ang kamay saka pinusan para damhin ang noo niya.
"Totoo ba talaga ang sinabi mo, anak? Wala ka bang lagnat? Talaga bang tinatanong mo ako kung ayos lang sa akin na si Angelo ang maging boyfriend mo?!" Ang laki ng ngiti ng mama niya. Parang naexcite nang dahil sa sinabi niya kaya napangiti na rin siya.
"Sa tingin ko po kasi, mama ay mahal ko na si Angelo, pero syempre, kayo po ang iniisip ko—"
"Gustong-gusto ko, anak! Wala kaming ibang hiniling ng Itay Raul mo kundi ang magkagustuhan kayong dalawa ni Angelo kaya please lang, sagutin mo na siya!" Halos maiyak sa tuwa ang mama niya.
"Talagang nagmakaawa pa kayo sa akin, 'nay, ah?" natatawang sabi niya.
"Raul! Raul! May himala! Ang anak mo, sasagutin na raw si Angelo!" Tumayo na si Amor sa kinauupuan nito at iniwan ang labada nito na kanina lang ay inaagaw pa nito sa kanya kanina. Saka ito pumasok sa loob ng bahay nila para sabihin ang magandang balita sa ama niya.
"Ang anak namin, magkakaboyfriend na! Magkakaapo na kami!" masayang sabi naman ni Raul na nasa future na ang isip. Nagyakapan pa ang dalawang magulang sa harapan niya na akala mo ay may himala talagang nangyari o kaya naman ay tumama sila sa lotto.
Tawa na lang siya nang tawa sa dalawa. Wala na nga yatang mas supportive na magulang kaysa sa mga ito...
Hay, Angelo. Hindi na sila makapaghintay na maging parte ka ng pamilya... Iyon ang sabi ng isipan niya.
Kahit siya ay bigla nang naexcite na makita si Angelo. Bukas na bukas din ay sasabihin na niya rito na gusto niya ito at wala nang makakapigil pa sa kanila...