CHAPTER 7: Ang Pagtatapat.

2353 Words
CHAPTER 7: Ang Pagtatapat. HALOS HINGALIN si Zoey pagdating sa school para lang hanapin kung nasaan si Suzy. Wala kasi ito sa classroom kanina kaya nagpunta siya sa cafeteria, sa oval, sa gym at maging sa labas para tingnan ito pero wala ito. Kaya naman sa bandang huli ay bumalik na lang siya ulit sa loob ng classroom. Para lang makita na naroon na pala ito at nakangisi pa na parang isang aso habang nakikipagtawanan kasama ng mga kaibigan nito. "Mag-usap tayo!" Mariin ang boses niya nang nilapitan niya ito. Masama ang tingin dito na kulang na lang ay kainin ito ng buhay. "Wow, ang taray! Ang akala ko ba anghel 'yan?" Narinig niyang kantyaw ng isa nilang kaklase. "Mukhang hahamunin ka ng sabunutan, Suzy! Ano, papatulan mo ba?" panggagatong naman ng isang kaklase nila. "Tumahimik kayo, ipapakita ko sa kanya kung ano ang hanap niya," mayabang na sabi ni Suzy saka tumayo na rin sa pagkakaupo nito. Nauna na siya palabas ng classroom para sundan siya nito. Mabuti na lamang at wala ang teacher nila sa mga oras na iyon at ang sabi sa text blast kanina ay aabsent daw. Nakarating sila oval kung saan tanaw pa rin sila ng mga kaklase mula roon. Ang sahig sa oval ay puno ng mga green grass at masarap ang simoy ng hangin doon dahil maraming puno roon. Kabaligtaran sa init ng hangin na lumalabas sa loob ng katawan niya nang dahil sa sobrang galit. "Ano'ng problema mo? Ikaw pa naman ang presidente sa classroom pero daig mo pa ang nagtitinda sa palengke kung maghamon ng away!" Nakacross arm pa si Suzy habang nagsasalita ito. Siya raw ang 'naghahamon' ng away pero ito ang mukhang siga kung umasta. Inilabas niya sa bag niya ang poster na nakita niya kanina sa bulletin board at inihagis iyon papunta sa mukha nito. "Paano mo ipapaliwanag ang poster na 'yan sa akin, ha? Kahit na sabihan mo ako ng mga masasakit na salita na wala namang katotohanan lahat at kahit siraan mo pa ako sa mga teachers ay hindi kita pinapatulan! Pero pati ba naman ang mga magulang ko ay idadamay mo pa sa inis mo sa akin?! Sumosobra ka na, Suzy!" galit na sabi niya. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya nagalit ng ganito. Tiningnan naman ni Suzy ang nayuping poster na inihagis niya sa mukha nito at pagkatapos ay napangisi roon. "Ano'ng masama sa nakasulat dito, ha, Zoey? Presidente ng HRM department, anak ng dalawang abnormal na unano at nilalandi pa si Angelo Recaforte para makahaahon sa hirap." Binasa ni Suzy ang nakasulat sa poster. "Hindi ba at totoo naman ang lahat ng nakasulat dito? Hindi nakapagtataka na abnoy ka dahil ang mga magulang mo, abnoy din. At si Angelo? Totoo naman na ginagamit mo lang siya para yumaman ka rin, hindi ba? Kitang-kita pa nga sa mga picture ng poster na ito kung paano siyang mang-abot ng pera sa landlady ng inuupahan ninyong pipitsuging bahay. Kitang-kita na isa kang cinderella wanna be!" Saka tumawa ng malakas si Suzy. Ayaw niyang makaramdam ng galit pero sa mga sandaling iyon ay kumukulo ang dugo niya. Masama ang tingin na ibinibigay niya kay Suzy at wala siyang ibang gustong gawin kundi ang sabunutan lang ito. Pero pinilit niya na magpigil ng damdamin at nagbuntong-hininga na lang siya saka ikinuyom ang kamao para hindi siya sumabog sa galit. "Bibigyan kita ng pagkakataon na bawiin ang mga sinabi mo at magsorry sa mga ginawa mo, Suzy," sabi niya na tinawanan lang nito. "At bakit ko gagawin iyon sa 'yo? Kasalanan ko ba na galing ka sa pamilya ng mga abnormal at kumati ka kay Angelo? Dear, karapat-dapat lang na malaman ng mga tao kung gaano kang kalansang isda!" pagsigaw na ni Suzy. Doon na nagdilim ang paningin niya at sinabunutan na niya si Suzy. Lumaban naman ito pero dahil mas malakas siya, wala itong ibang magawa kundi ang magsisisigaw na lang dahilan para makuha nila ang atensyon ng ibang estudyante roon! "Hindi kita hahayaan na insultuhin ang pamilya ko! Bawiin mo ang mga sinabi mo!" pagsisisigaw niya na ngayon ay nakaibabaw na rito. Nakahiga ito sa damuhan habang sinasabunutan niya ito sa ibabaw. "Tulungan ninyo ako! Nababaliw na siyaaaa!!!" Parang baboy na kinakatay kung umatungal si Suzy. Kanina ay ang tapang-tapang pero ngayon ay nagmamakaawa sa lahat na tulungan ito. Parang tinadhana naman ng pagkakataon na mapadaan doon si Angelo para makita sila na nagsasabunutan. Agad itong umawat sa kanilang dalawa. Hinila siya nito palayo kay Suzy kaya naman napatayo siya. "Zoey, Suzy! Ano bang ginagawa ninyong dalawa?!" Sumisigaw na rin si Angelo para marinig nila ang sinasabi nito. "Angelo, babe! Ang sama-sama talaga ng babaeng iyan! Look at my hair, halos kalbuhin niya na ako!" Agad na tumayo si Suzy at itinulak pa siya palayo kay Angelo. Saka walang pakundangan na kumapit ito sa braso ng lalaki. "Hindi lang 'yan ang gagawin ko sa 'yo sa oras na pagtangkaan mo pa na gawing katatawanan ang mga magulang ko! Subukan mo lang ulitin ang ginawa mo, Suzy!" galit na sigaw niya. "See, Angelo? Pinagbabantaan niya ako! I'm really scared of her! Para siyang isang mamamatay tao!" Mas lalo pang sumiksik si Suzy sa dibdib ni Angelo na ikinairita niyang lalo. Parang gusto na naman niya itong sabunutan para umalis sa tabi ni Angelo. "Ano ba kasi talagang nangyari rito? Ano ang sinasabi ni Zoey na may ginawa ka sa mga magulang niya?" naguguluhan na tanong ni Angelo. Kinuha niya ang nahulog na poster sa sahig at iniabot iyon kay Angelo. Saka siya nagcross arms. "Idinisplay niya 'yan sa bulletin board kanina. Alam mo naman siguro na halos lahat ng estudyante rito ay mahigpit na pinagbibilinan ng mga teachers na tumingin muna sa bulletin board bago pumasok sa loob ng classroom para sa mga mahahalagang announcement. For sure ako na marami nang nakakita niyan kanina," sabi niya na pilit na nagpapakahinahon. Nang malaman ang nangyari ay masamang napatingin din si Angelo kay Suzy. "Bakit mo ginawa ito, Suzy? Alam mo ba na paninirang puri itong ginawa mo? Pati ako ay idinamay mo pa!" galit na sabi ni Angelo. "Ginawa ko lang naman iyon para sa 'yo, Angelo. Hindi mo ba nakikita na pineperahan ka lang ng babaeng iyan? Ginagamit ka lang niya para umahon siya sa hirap!" "Kaya nag-i-istalk ka sa amin, gano'n? Hinahanapan mo ng butas si Zoey para lang siraan sa akin at sa lahat ng tao? I can't believe that you're this kind of person, Suzy! Hindi na kita kilala! Hindi ka naman ganyan noon!" Sumisigaw na rin si Angelo. Sa pagkakataong ito ay parang si Angelo na ang kaaway ni Suzy at hindi na siya. Tuluyan na ring umiyak si Suzy. Masakit para rito na sinisigawan ito ni Angelo. "Ginawa ko lang naman iyon dahil mahal kita, Angelo! Simula pa noon ay mahal na kita pero hindi mo ako palaging nakikita dahil parang kapatid lang ang turing mo sa akin. Halos magkaedad lang naman kami ni Zoey, ah? Pero bakit siya ay nagustuhan mo?!" panunumbat ni Suzy. "Hindi mo madidiktahan ang puso ko kung sino ang mamahalin and yes, tama ka! I'm already in love with Zoey at kahit ano pa ang gawin mo ay siya pa rin ang pipiliin ko. Isa pa, kung anuman ang tulong na ibinigay ko sa kanila ay desisyon ko iyon at hindi niya hiningi! Hindi ka na nahiya, may kapansanan na nga ang mga magulang ni Zoey, pagkatapos ay pinagtatawanan mo pa!" patuloy na panenermon ni Angelo. Lahat ng sinasabi nito ay naririnig na ng lahat ng mga taong nanonood at nakapaligid na ngayon sa kanila. Nagsilapitan na pala ang mga ito sa kanila nang hindi nila namamalayan. Sa kabilang banda, sumaya ang puso niya dahil harap- harapan na siya kung ipagtanggol ni Angelo at pinagsisigawan pa nito na mahal siya nito. "I'm sorry, Angelo, okay? Huwag ka namang magalit sa akin!" Halatang natataranta na rin si Suzy. Ayaw nitong mawala rito si Angelo. "Hindi ka sa akin dapat nagsosorry kung hindi kay Zoey. Siya ang ginawan mo ng masama, hindi ba?" pamimilosopo ni Angelo. Tuluyan nang nawalan ng gana kay Suzy. Napatingin tuloy sa kanya si Suzy. "I'm sorry, Zoey." Halatang napipilitan lang si Suzy pero para kay Angelo ay nilulunok nito ang pride nito. Hindi siya nagsalita kaya naman nilapitan na lang siya ni Angelo at hinawakan sa kamay. "Sa oras na ulitin mo pa ang ginawa mo, Suzy ay hindi na talaga kita mapapatawad pa. Tandaan mo sana 'yan," babala pa ni Angelo. Wala nang nagawa si Suzy nang hilahin na siya ni Angelo paalis sa lugar na iyon. --- HUMANTONG sila sa rooftop kung saan nagdala na rin si Angelo ng first aid kit para gamutin ang kaunting kalmot na ibinigay ni Suzy sa kanya sa kamay niya. ―Hindi ko akalain na napakabasagbulera mo rin pala, Zoey. Kung nakita mo lang ang sarili mo kanina, matatakot ka rin!‖ Iyon ang komento ni Angelo habang ginagamot siya. Pinupunasan nito ng bulak na may betadine ang sugat niya. "Nakakatakot ako? Iyon pala, e. Bakit ako ang ginagamot mo e, kaunti lang naman ang nakalmot sa akin ni Suzy? Si Suzy ang dapat mong pinupuntahan kasi hindi siya nakakatakot tingnan at mas napuruhan siya kaysa sa akin. Hindi yata mabubuhay iyong babaeng iyon kapag wala ka, e. Sobrang higpit kung yumakap sa ‗yo kanina, kaya for sure, kapag nasa tabi ka niya, gagaling siya agad," nakangusong sabi niya habang pinapanood si Angelo na nilalagyan ng betadine ang sugat niya. Ngumisi naman si Angelo nang marinig ang sinabi niya. Mula sa pagkayuko ay nag-angat ito ng ulo sa kanya. "Teka nga, nagseselos ka ba kay Suzy?" panunudyo nito na inangat ang ulo para makita ang mukha niya. Nanlaki naman ang mga mata niya sabay ang pagpula ng mukha. "Ako? Bakit naman ako magseselos?! Hindi, 'no!" pagtanggi niya. "Iba ang sinasabi ng reaksyon ng mukha mo ngayon kaysa sa sinasabi ng bibig mo, Zoey. Alam ko, nagseselos ka kay Suzy kaya ka ganyan," sabi pa nito. "'E, bakit nga naman kasi ako magseselos?" ulit niya sa tanong kanina. "Dahil mahal mo ako," nakangiting sabi nito na muling tumingin sa kamay niya. Parang medyo nahiya pa sa sinabi na mahal niya ito. "Ano?! Kapal mo, ha!" nambabara na sabi niya sabay hila sa kamay niya mula rito. Ang lakas din ng bilib ni Angelo sa sarili nito. Muli namang hinila ni Angelo pabalik ang kamay niya at tinitigan na siya ngayon ng mariin sa mga mata. "Alam ko naman na kaya mo lang ako hindi sinasagot ay dahil sa mga magulang mo. Iniisip mo na makakasagabal lang sa pag-aaral natin kapag nagkaroon tayo ng relasyon kaagad. Naiintindihan ko iyon pero hindi mo naman kailangang itago ang feelings mo para sa akin dahil kahit naman mahal kita, magkaibigan pa rin tayo. Pwede mo akong mapagsabihan ng kahit ano," malumanay na sabi nito. Doon na siya nagseryoso. Saka bumuntong-hininga. "Kanina, excited akong makita ka kaagad dahil may aaminin sana ako sa 'yo. Pero noong makita ko iyong poster na nilagay ni Suzy kanina sa bulletin board at no'ng marinig ko na pinagtawanan ng mga schoolmates natin ang mga magulang ko, pati na rin ang sinasabi nilang panghihingi ko ng pera sa 'yo? Doon ko narealize na malayo talaga tayo sa isa't-isa..." malungkot na sabi niya. "Ano ka ba naman, Zoey? Bakit ka ba nagpapadala sa mga sinasabi nila? Ano naman ngayon kung malayo tayo sa isa't- isa? Ibig bang sabihin no'n ay hindi na tayo pwedeng magmahalan?" muling tanong nito. Muli siyang natigilan sa narinig mula rito. "Hindi natin mapipigilan ang sarili natin kung sino ang mamahalin natin, Zoey. At kahit ano ka pa o ang mga magulang mo, kahit na kayo pa ang pinakamahirap na pamilya rito sa mundo ay tatanggapin ko pa rin kayo para maging pamilya ko rin dahil alam ko na mabubuti kayong tao. At ikaw? Kahit ano pa ang sabihin nilang masasama tungkol sa 'yo ay mamahalin pa rin kita—" Isang dampi ng halik ang iginawad niya sa labi nito na ipinanlaki ng mga mata nito. "Tama na ang mga narinig ko para maniwala ako sa 'yo, Angelo. Mahal na mahal din kita..." nakangiting sabi niya. Para bang walang narinig si Angelo sa sinabi niya. Nakatulala pa rin ito at nanlalaki ang mga mata. "Huy!" Pinalo na niya ito sa braso ng mahina dahil para na itong namaligno. Napaigtad naman ito at tila bumalik na sa kasalukuyan. "Ano'ng sinabi mo sa akin kanina? Mahal mo ako? Totoo ba ang narinig ko o nananaginip lang ako?!" Parang natutuliro hanggang ngayon si Angelo. Isang halik na naman ulit ang isinagot niya rito para lang maniwala na ito. At sa pagkakataong iyon, ang halik na iyon ay mas matagal pa kaysa kanina. "Naniniwala ka na ba? Totoo ang narinig mo, mahal na mahal kita, Mr. Angelo Y. Recaforte," muling sabi niya. Natulala na naman si Angelo pero maya-maya ay para na itong tanga na nagtatatalon sa tuwa. "Mahal din ako ni Zoey! Mahal niya rin akoooo! Yahooooo!!!" Masayang-masaya na nagsisisigaw si Angelo. Mabuti na lamang at nasa rooftop sila kaya walang nakakarinig sa ingay nito. "Huy, ano ka ba?! Baka may makarinig sa atin dito!" natatawang sabi niya. Nagpapigil na si Angelo at lumapit na ulit sa kanya. "Totoo ba iyong sinabi mo? Mahal mo talaga ako?" Hindi pa rin makapaniwalang tanong nito. "Uulitin ko ba ulit? Gusto mo lang yata ng kiss, e!" natatawang sabi niya. "Ang ibig bang sabihin nito, Zoey ay tayo na?" Naniguro na si Angelo. Nakangiting tumango naman siya. "Pinag-isipan kong maigi ito at kinonsulta ko rin sina inay at itay. Ayos naman sa kanila kaya siguro naman, hindi na masama kung pagbibigyan ko ang sarili ko," nakangiting sabi niya. Sa pagkakataong ito ay si Angelo naman ang humalik sa kanya. "Mahal na mahal kita, Zoey! Hinding-hindi mo pagsisisihan na sinagot mo ako. Aalagaan kita, mamahalin ko maging ang mga magulang mo at hinding-hindi ko kayo pababayaan!" pangangako ni Angelo. Yumakap naman siya kay Angelo. Siguro nga ay ito na ang umpisa ng mga maliligayang araw niya kasama ang lalaking pinakamamahal niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD