CHAPTER 8: Nathan’s Birthday.
"ANO? Ipapakilala mo naman agad ako sa mga magulang mo?" Hindi makapaniwala si Zoey nang sinabi sa kanya ni Angelo na gusto siya nitong imbitahan sa isang pagdiriwang kasama ang mga magulang nito.
"Birthday kasi ni Nathan at hindi malabo na ipakilala ako ni papa sa kung sino-sino'ng babae na anak ng mga kabusiness partner niya. Gusto ko sana na hanggang maaga ay itigil na niya ang karereto sa akin sa mga babae. Gusto kong malaman niya na may girlfriend na ako," sabi ni Angelo.
Bumuntong-hininga siya. Tumingin na lang sa ibaba ng rooftop kung saan sila naroroon.
"Ayaw mo ba, Zoey?" worried na tanong ni Angelo na niyakap siya mula sa likod.
"E, dalawang araw pa nga lang tayo na magboyfriend tapos ipapakilala mo na agad ako sa kanila? Hindi ba parang mabilis?" sabi niya na medyo kinakabahan.
"Bakit pa natin patatagalin kung pwede naman nating sabihin agad sa kanila? Gusto ko ng makilala ka ni papa. Isa pa, busy na tao kasi iyon at hindi siya palaging nasa Pilipinas. Hangga't maaari sana ay gusto ko na makilala ka muna niya habang narito pa siya. Sana naman ay hindi ka tumanggi, Zoey," sabi naman ni Angelo.
Humarap siya rito. "Paano kung hindi nila ako magustuhan dahil mahirap lang ako?" nangangambang tanong niya.
Natigilan si Angelo. May pagkamatapobre nga ang mga magulang niya kaya hindi malayong mangyari na hindi nga magustuhan ng mga ito si Zoey.
"Hindi naman natin malalaman kung hindi natin susubukan, hindi ba? Atleast, habang maaga ay makikilala ka na nila," pagpipilit pa rin ni Angelo.
Bumuntong-hininga ulit si Zoey. "Sige na nga. Kahit na natatakot ako na baka maging katulad sa eksena ng mga teleserye ang magiging pakikipagkita ko sa kanila ay lalakasan ko na lang ang loob ko para sa 'yo."
Ngumiti na si Angelo. "Maraming salamat, Zoey! The best ka talaga!" Nayakap pa siya ni Angelo.
Sana lang talaga ay maging maayos naman ang pakitungo sa kanya ng pamilya ni Angelo. Ngayon pa lang ay hindi na niya maiwasang hindi kabahan!
------
DUMATING ang araw ng birthday party ni Nathan. Ginanap iyon sa isa sa pinakamalaking hotel sa Makati. Nang ganap silang makapasok ni Angelo sa loob ay talaga namang nalula siya sa ganda ng hotel. Bihirang-bihira siyang makapasok sa mga hotels kaya naman medyo naninibago talaga siya. Napakataas ng kisame at punong-puno ng iba‘t-ibang dekorasyon partikular na ang iba‘t-ibang klase ng bituin. Sa tingin niya, kung madilim lang ay talagang magliliwanag ang mga iyon na para bang totoong mga bituin. Punong-puno ng malalaking lamesa ang paligid at bumabaha rin ng alak at iba‘t-ibang klase ng pagkain. Maraming mga waiter at waitress ang nagsisilbi sa mga bisita na nag-uusap tungkol sa iba‘t-ibang klase ng bagay.
Mabuti na lamang at binilhan siya ng masusuot na dress ni Angelo at pinaayusan pa sa boutique. Sa totoo lang ay medyo naiilang nga siya sa suot niyang itim na vneck sleeveless at mataas na takong pero pinilit pa rin niya na magmukhang confident sa paglalakad. Sayang naman na pinakulot pa ni Angelo ang buhok niya para lang sa okasyon na iyon kung mag-iinarte siya. Isa pa, halatang puro mayayaman ang mga nakita niyang bisita. May ilan pa ngang mga artista, singers and politician siyang nakita kaya ayaw naman niyang mapahiya si Angelo.
Nararamdaman naman niya na parang nagbubunga ang effort niya na magmukhang confident kahit papaano, lalo pa at sunod-sunod na puri ang mga naririnig niya sa paligid.
“Wow, she’s so beautiful!” “She looks like a princess!”
“Is she a celebrity, model or a beauty queen?”
“It looks like that she is Angelo’s girlfriend. He really knows how to pick a very fine young woman!”
Nahihiya man ay hindi niya maiwasang hindi maflattered dahil wala siyang naririnig na panlalait mula sa kapaligiran. Iyon ay dahil hindi pa naman siya kilala ng mga ito. Hindi pa alam ng mga ito kung ano‘ng klaseng buhay ang mayroon siya. Sana lang ay hindi magbago ang positibong opinyon ng mga ito tungkol sa kanya kapag nalaman ng mga ito kung ano siya.
Nararamdaman na siguro ng mga magulang niya na puro mga sosyal na tao ang mayroon sa birthday party na ito kaya hindi na lang sumama ang dalawa.
"'Ma, 'Pa, this is Zoey, my girlfriend." Inagaw ni Angelo ang atensyon ng may edad na babae at lalaking nakaupo sa isang table na nilapitan nila.
Medyo nailang naman siya dahil sobra kung makapagbigay ng titig ang mga magulang ni Angelo. Para ba siyang lulununin ng buhay.
"'Ma, 'pa, ayos lang ba kayo?" Kinalabit na ni Angelo ang dalawang matanda dahil medyo natagalan nang nakatitig ang mga ito sa kanya kanina pa.
"Ah, pasensya ka na, anak. Nagulat lang kami dahil kamukhang-kamukha niya ang Ate Mabel mo noong kabataan niya," sabi ng papa ni Angelo.
"Tama. Para silang pinagbiyak na bunga. Pakiramdam ko ay nabuhay ulit ang anak ko at nakatayo ngayon sa harapan ko!" Mangiyak-ngiyak naman na sabi ng matandang babae na hindi nakapagpigil na tumayo at niyakap pa siya!
Nagulat man ay gumanti na lang siya ng yakap. Hindi niya maintindihan kung bakit pero parang magaan ang loob niya sa magandang matanda na nasa harapan niya ngayon.
"Girlfriend mo kamo siya, anak? Saan mo siya nakilala?" Habang yakap naman siya ng mama ni Angelo ay tinatanong naman ito ng papa nito.
"Sa school po, 'pa. First year college pa lang siya at scholar sa Phoenix University. Napakatalino niya, 'pa, sobra.
Masipag pa. Nagtatrabaho pa siya habang nagtatrabaho," proud na sabi ni Angelo tungkol sa kanya.
"Nagtatrabaho? You mean to say, kailangan niya pang magtrabaho para lang makapag-aral?" Hindi makapaniwalang tanong ng papa nito na napatingin muli sa kanya.
Naghiwalay naman sila ng yakap ng matandang babae at gumanti rin siya ng tingin sa matandang lalaki. Saka ito nginitian ng tipid. Medyo kinakabahan siya sa komento nito. Baka hindi nito gusto na mahirap ang maging girlfriend ng anak nito.
"Kahit po scholar ako sa school ay kailangan ko pa rin pong kumita ng pera para may maipang-allowance at mapanggastos sa mga school projects. Maliit lang din po ang kita ng mama ko sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke kaya nag- aabot pa rin po ako kahit na papaano sa bahay. Ang papa ko naman po ay hindi na nakakalakad dahil naputulan siya ng paa. Nasagasaan po kasi siya ng tren noon pero sinuwerte namang nabuhay pa rin. Iyon nga lang, sa bahay na lang po siya dahil delikado na rin po para sa kanya ang kumilos masyado." Sinabi na niya ang katotohanan sa dalawa. Bahala na kung hindi man siya magustuhan ng mga ito dahil lang mahirap siya pero mas lalo namang ayaw niyang magsinungaling.
Nagkatinginan ang dalawa at para bang saglit na nag- usap ang mga mata. Saka bigla na lamang siyang hinawakan ng matandang babae sa dalawang kamay.
"I admire you for telling us the truth, hija. Kung ibang babae ka lang ay siguradong magsisinungaling ka pa para lang magpaimpress pero ikaw, sinabi mo lahat kahit hindi ka pa namin tinatanong. Wala kaming pakialam kung mahirap ka lang o kung ano mang klase ng pamilya ang mayroon ka, ang mahalaga, nakikita namin ang sincerity sa mga mata mo. Besides, magaan ang loob ko sa 'yo kaya welcome to the family, hija!" Bigla siyang niyakap ulit ng matandang babae.
Napakasaya niya no'ng mga sandaling iyon na tila ba parang gusto niyang maiyak. Hindi niya alam kung bakit pero ang alam lang niya, parang isang tunay na pamilya ang mga ito sa kanya. Para bang may kakaiba siyang pakiramdam na hindi niya mapaliwanag kung ano. Para siyang may natagpuang isang bagay na hindi niya alam kung para saan.
"You can just call me, Tito Vertugo, Zoey. I‘m Angelo's father and that amazing woman who is hugging you right now is my wife, Catarina. You can just call her Tita Catarina," nakangiting sabi ng ama ni Angelo.
"Mas gusto kong tawagin mo akong mama," mabait na sabi ng matandang babae matapos siyang yakapin. Hinaplos pa nito ang mukha niya na para talaga siya nitong tunay na anak.
"Stop it, Catarina. She's not our dead daughter, remember?" natatawa na lang na sabi ni Vertugo.
"Masisisi mo ba ako? She really looks like Mabel! I can't believe that I will see someone who really looks like her. Para silang pinagbiyak na bunga!" Hindi pa rin makapaniwala na sabi ni Donya Catarina.
Nang dahil sa mga narinig mula sa dalawa ay nakucurious tuloy siya kung sino si Mabel. Ano kaya ang hitsura nito?
-----
SAMANTALA...
"'MA, ayos ka lang ba?" Kinalabit ni Nathan ang mama niya na tila natutulala habang nakatingin sa gawi nina Angelo. Papalapit na sana sila sa table na kinaroroonan ng mga ito pero napahinto pa sa paglalakad ang ina niya nang mapansin na may kasamang babae si Angelo.
Napaigtad ang mama niya. "A-Ayos lang ako, anak. Nagulat lang ako dahil ang akala ko ay nakita kong muli mula sa hukay ang kapatid kong si Mabel. Kamukhang-kamukha niya iyong babaeng kasama ngayon ni Angelo."
Nang dahil sa sinabing iyon ni Cindy ay napatingin si Nathan sa tinutukoy na babae ng ina. Pakiramdam niya ay para bang saglit na tumigil ang pagtibok ng puso niya nang mapatingin siya sa gawi ng babae.
Napakaganda ng babaeng kasama ni Angelo! Kahit na sino yatang mapatingin dito ay malabong hindi magbigay ng second look dahil sa kakaibang gandang taglay niyon.
May katangkaran ang babae, maputi ito, may perpektong kurba ng katawan at magandang buhok na kulot. At ang mukha naman nito na bagama‘t hindi niya makita ng malapitan ay nakikita pa rin niya. Mahaba ang pilik mata ng babae, may matangos na ilong na parang nililok ng pintor, mapupulang labi at magagandang pares ng mga mata.
"Sino ba 'yan?" Kunware ay walang interes na tanong niya.
"I don't know. I think, she is Angelo's girlfriend. Ngayon
lang siya nagdala ng babae na ipapakilala kina mama at papa. Sa tingin ko ay seryoso siya sa babaeng iyon," komento ng mama niya.
"Ano naman ang pakialam ko sa buhay ni Angelo, 'ma? Wala akong pakialam kahit na sino pang babae ang dalhin niya sa harap nina lolo at lola," sabi pa niya na walang emosyon ang mga mata.
"Hindi siya maaaring maunang mag-asawa kaysa sa 'yo! Mahirap na, baka maisip pa bigla ng dalawang matandang iyon na ibigay ang lahat ng kayamanan agad-agad kay Angelo dahil lang magkakaroon na siya ng pamilya. Dapat na unahan mo siyang mag-asawa. Bakit ba kasi hindi mo pinapunta sa birthday party mo si Regine? Siya ang girlfriend mo pero wala siya rito!" asik ni Cindy sa kanya.
"She‘s no longer my girlfriend, ‗ma. We‘re done and besides, she‘s too busy to even notice me. Also, I don't really care about her. Ni hindi ko nga siya niligawan but because of you, she assumed that we're already in a relationship. Hinahayaan ko lang siya na mag-isip ng kung ano‘ng gusto niyang isipin dahil gusto ninyo siya para sa akin."
"Hindi ko siya gusto para sa 'yo pero siya ang gusto ng lolo at lola mo para sa 'yo. Hanggang maaari ay ayaw ko na sinusuway mo sila dahil habang nabubuhay pa sila, dapat lang na sinusunod mo ang lahat ng gusto nila para pagkatiwalaan ka nila!" pagmamando pa ni Cindy.
"'Ma, pwede ba? It's my birthday today, okey? Hayaan n'yo muna nga ako." Sa inis niya ay iniwan na niya ang mama niya.
---------
KAY ZOEY...
Sobra ang pag-aasikaso sa kanya ni Angelo nang makaupo na sila. Halos hindi na nga ito kumakain, pinapanood lang siya kanina pa.
"Huwag mo nga akong bantayan kumain, ito naman, oh," natatawang sabi niya. Titig na titig kasi ito sa kanya. Silang dalawa na lang sa table dahil ang mama at papa nito ay naroon na sa stage.
"Bakit ba? Masaya lang ako dahil sa wakas, wala na akong pinoproblema. Nakuha na kita at legal na tayo parehas sa mga magulang natin. Wala nang mas sasasaya pa sa akin, Zoey, kung alam mo lang…" nakangiting sabi nito.
"Oo na po, alam ko na 'yan! Isa na lang ang hindi ko namemeet, e. Iyong sinasabi mong pamangkin mo na may birthday. Nasaan ba siya?" nagtatakang tanong niya.
"Mahirap talagang hagilapin iyon. Medyo may pagkaloner kasi si Nathan. Wait, iyon na pala siya. Nasa stage!"
Sa sinabi ni Angelo ay napabaling ang tingin niya sa lalaking nasa stage na tinawag na rin ng emcee para batiin sa birthday nito. Napangiwi siya nang makita na hindi pala bata ang pamangkin na tinutukoy ni Angelo kundi isa ng ganap na lalaki na sa tingin niya ay mas matanda pa kaysa sa boyfriend niya!
"Nagtaka ka siguro, ano? Hindi kami iisa ng mommy ni Ate Cindy. Anak ako ni papa sa ibang babae at hindi kay Tita Catarina. Anak lang ako sa labas, e. Iyon ang dahilan kaya mas matanda pa sa akin ang nag-iisang anak ni Ate Cindy," pag- explain na ni Angelo.
Doon na nagliwanag sa kanya ang lahat. Kaya pala hindi tinatawag na 'anak' ni Donya Catarina si Angelo kanina.
Hinawakan niya ang kamay ni Angelo na nakapatong sa table.
"I don't care kung anak ka pa sa labas. Tinanggap mo nga
ang mga magulang ko, e. Handa rin akong tanggapin kung ano ang pinanggalingan mo," nakangiting sabi niya kay Angelo.
"Kaya mahal na mahal kita, e." Pinisil naman nito ang pisngi niya. Humagikhik siya ng tawa. Para silang mga bata.
----------
MAYA-MAYA...
Patapos na ang party kaya naman nakaramdam na ng pagkaihi si Zoey. Nagpaalam siya kay Angelo na iihi muna siya kaya umalis na muna siya sa lugar kung saan ginaganap ang party.
Hindi niya inakala na sa sobrang laki ng hotel na kinaroroonan niya ay maliligaw pa siya! Kanina pa siyang halos paikot-ikot pero pakiramdam niya ay parang pabalik-balik na lang siya. Halos magkakamukha ang mga lugar sa hotel na iyon!
Hanggang sa napunta siya sa isang veranda na tila halos walang napapagawing tao kaya naman natuwa siya nang sa wakas ay may natanaw na siyang dalawang taong nag-uusap.
Lalapit na sana siya para magtanong kung nasaan ang CR pero bigla siyang natigilan nang makita na ang pagtatanungan sana niya ay walang iba kundi si Nathan at isang may edad na babaeng napakaganda.
Parang seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa pero wala siyang choice kundi ang lapitan ang mga ito dahil kung hindi, lalabas na ang ihi sa pantog niya!
"HABANG ikaw pa ang pinagkakatiwalaan nila sa main business natin ay kunin mo na nang paunti-unti ang pera ng kumpanya at itransfer sa dummy account natin, Nathan. Nang sa gano'n ay mapunta sa atin kahit paunti-unti lang ang kayamanan ng mga Recaforte na tayo rin naman ang naghirap."
Habang nagsasalita si Cindy ay nagtatanggal lang ng tutuli sa tenga niya si Nathan. Tila ba hindi interesado sa sinasabi ng ina.
"Alam mo, 'ma, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sobra kayong interesado sa pera nina lolo at lola. Kung tutuusin, may sarili namang yaman si papa. Bakit kailangan pa nating nakawin ang pera ng mga tao na itunuturing naman tayong outcast sa pamilya nila?" walang gana na komento ni Nathan.
"Pinalaki kitang matalino kaya hindi ko akalain na tatanungin mo pa ang ganyang kaobvious na bagay, Nathan! Ang pera ng mga Recaforte ay ako ang naghirap, Nathan. Kung hindi dahil sa akin ay matagal na sanang bumagsak ang mga negosyo nila kaya naman hindi ako papayag na sa iba iyon mapunta, naiintindihan mo? Hindi lang basta pera ang pinag-uusapan natin dito kundi ang pride at dignidad ko! Pagmamay-ari natin ang mga pera nila!" pagsigaw na ni Cindy.
"Kaya ba ako ang inuutusan mo na magnakaw, mama? Dahil alam mo na hindi ka pamamanahan nina lolo at lola kahit na ikaw pa ang nangungunang naging karamay nila noon sa negosyo? Dahil ikaw ay ampon lang at ako naman ay wala ni katiting na dugo na nananalaytay mula sa dugo nila? Dahil si Angelo ang tunay nilang kadugo na kahit wala ni katiting na naitutulong pa sa negosyo at anak sa labas ay siguradong pamamanahan nila ng lahat-lahat ng mayroon sila? Baka naman gusto mo na patayin ko na lang ng diretso si Angelo para wala ka nang makaagaw sa kayamanan? Katulad ng ginawa mo noon kay Tita Mabel?" mariin na pag-uuyam ni Nathan sa ina.
Sasampalin na sana siya ni Cindy nang bigla silang makarinig ng kaluskos mula sa gilid ng pader. Kasabay niyon ay natamaan pa ng kung sinumang nagtatago sa gilid ng pader ang paso ng halaman na naroon malapit sa kanila. Nanlaki parehas ang mga mata nila ni Cindy nang makita kung sino ang naroon. Walang iba kundi ang girlfriend ni Angelo na parang nagulantang din ng mapatingin sila rito!
"Pasensya na po kayo, hindi ko sinasadya na maistorbo ang pag-uusap ninyo. Naghahanap lang po kasi ako ng mapagtanungan kung nasaan ang banyo. Mauuna na po ako. Sorry po sa abala!" Iyon lamang at tumakbo pa palayo sa kanila ang girlfriend ni Angelo.
Nagkatinginan sila ng ina. "Habulin mo ang babaeng iyon, Nathan! Alamin mo kung may mga narinig siya sa mga pinag- uusapan natin!" kinakabahan na utos ng mommy niya.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at tumakbo na nga siya palayo sa ina para habulin ang tampalasang babae.
Nang mapansin na bumababa ito ng fire exit ay sinundan niya ito agad doon. Hanggang sa wakas ay mahuli niya ang kamay nito. Isinandal niya ito sa gilid ng pader.
"At saan ka pupunta, babae?!" galit na pagsigaw niya.
Napaigtad naman ang babae. "K-Kuwan, m-maghahanap ng CR..." Hindi makatingin ng diretso sa kanya ang babae. Halata niya na takot na takot ito sa kanya. Dahil ba may narinig ito sa mga pinag-uusapan nila ng ina?
"Sabihin mo sa akin, babae, ano ang mga narinig mo sa mga pinag-uusapan namin?!" galit na tanong niya.
"Wala akong narinig, maniwala ka! Hindi ko naman sinasadya na istorbohin kayo ng girlfriend mo!" Biglang sabi nito.
"G-Girlfriend?!" Inulit pa niya ang sinabi nito dahil baka nagkamali lang siya ng dinig. Marami nga yatang tutuli ang tenga niya kaya siya nabibingi, e!
"Alam ko ang dahilan kung bakit ninyo tinatago ang pagkikita ninyo. Dahil ang pag-ibig na mayroon kayo ay isang may-december romance at hindi lahat ng tao ay maiintindihan iyon. Kaya naman huwag kang mag-alala, hindi ko sasabihin kahit na kanino ang relasyon ninyo ng babaeng iyon na kasama mo sa veranda. Mananatiling lihim ang mga nakita ko—"
"Baliw ka ba?!" Pinigilan na niya sa sinasabi nito ang babae dahil para itong machine g*n kung magsalita.
"H-Ha?"
"Ang sabi ko ay baliw ka ba?! Sabihin mo nga sa akin, mukha ba akong pumapatol sa mga may edad na babae?"
Napakamot sa ulo ang babae. "'E, kung hindi mo siya girlfriend, e ano mo siya?" nagtatakang tanong ng babae. Hindi tuloy niya malaman kung matatawa ba siya o ano sa kainosentehan ng babaeng nasa harapan niya ngayon.
"Hindi ko akalain na kumukuha pala ng engot na girlfriend si Angelo," komento niya.
"Ay, grabe ka naman sa engot! Hindi ako engot, 'no—" "Iyong sinasabi mong babaeng girlfriend ko ay ang aking
ina. Iyong babae rin na iyon ang nag-iisang kapatid ni Angelo," pagputol niya ulit sa sinasabi nito.
"Eh?! Ang ibig sabihin, siya si Ate Cindy?!" Hindi makapaniwalang tanong nito.
"Kapatid ng boyfriend mo, hindi mo kilala? Ngayon mo sabihin na hindi ka engot ng lagay na 'yan," pagsusungit niya.
Napakamot ulit ito sa ulo nito. Doon na siya tumalikod. Mukhang wala naman talagang narinig na hindi dapat ang babaeng ito kaya wala na ring saysay kung pag-aksayahan niya pa ito ng oras.
"Sandali!" Hinabol siya ng babae. Napaharap siya ulit
"I'm sorry sa nagawa ko. Tama ka nga, engot nga ako!" sabi pa nito.
Napangisi siya. Ngayon lang may taong umako sa mga panlalait niya.
"Hindi pa tayo pormal na nagkakilala dahil bigla kayong nawala pagkatapos kang interview-hin sa stage kanina. Pero ako, kilala na kita dahil ikaw si Nathan, hindi ba?" muling tanong nito.
Nag-iwas siya ng tingin at hindi ito pinansin. Ayaw talaga niya sa lahat ay iyong mga madadaldal na babae. Pakiramdam niya ay sumasakit ang ulo niya.
Sa gulat niya ay bigla na lamang kinuha ng babae ang kamay niya para makipagshake hands!
"Ako si Zoey. Simula ngayon ay ituturing na rin kitang pamangkin dahil pamangkin ka ng lalaking pinakamamahal ko. Simula ngayon ay pamilya ka na para sa akin, Nathan!" nakangiting sabi nito.
Nang marinig ang sinabi nito, hindi niya alam kung bakit pero para bang bigla na lang nagkaroon ng magic at sa isang iglap ay bigla na lang nagbago ang tingin niya sa babaeng kaharap niya ngayon. Pakiramdam niya ay nagbukas ang pintuan ng langit nang masilayan niya ang inosenteng ngiti sa mukha ni Zoey. Lumakas ang t***k ng puso niya at ang kamay niya na hawak nito ay para bang kinukuryente. Hindi siya makahinga dahil sa sobrang kaba niya. Ngayon lamang nangyari ang ganito sa kanya!
"Hindi ka na sumagot. Ayaw mo ba sa akin?" malungkot na tanong nito.
"A-Ah, e-eh..." Sa kauna-unahang pagkakataon ay parang nawalan siya ng dila. Sa buong buhay niya ay hindi pa siya naintimidate sa harap ng ibang tao. Palagi siyang confident sa sarili pero ngayon ay parang hindi siya makakuha ng sasabihin. Basta ang alam lang niya ay nag-iinit ang mukha niya at hindi siya makahinga!
Nang hindi siya makapagsalita ng maayos ay may inilabas si Zoey mula sa bulsa nito. Isang kwintas na may palamuti ng teddy bear bilang disenyo.
"Teddy bear ang pinili kong design dahil ang akala ko ay isang bata lang ang pamangkin ni Angelo. Hindi ko akalain na mas matanda pa pala kaysa sa kanya ang pamangkin niya. Pinag- iisipan ko nga kanina kung iaabot ko pa ba ito sa 'yo dahil baka hindi mo magustuhan. Pero naisip ko naman na mas pangit naman kung hindi ko iaabot ang regalo ko kaya gusto ko sanang kunin mo ito. Ayos lang ba sa 'yo kung isuot ko sa 'yo?" tanong na nito.
Tumango na siya pero nakasimangot pa rin. Ayaw man niyang aminin pero gusto niyang makatanggap ng kahit ano'ng regalo mula kay Zoey.
Isinuot na sa kanya ni Zoey ang kwintas kaya naman bahagya pa itong napalapit sa kanya na mas lalo lang nagpatambol ng mas malakas sa puso niya. Amoy na amoy niya ang natural na bango ng babae.
"Grabe, hindi ko akalain na babagay sa 'yo kahit pambata ang design! Siguradong marami kang mga kwintas pero sana, kahit ngayong gabi lang ay masuot mo ang ibinigay ko sa 'yo. Happy birthday, Nathan!" nakangiting sabi nito.
Nathan... Tinatawag siya nito sa pangalan niya. Bakit ba parang ang sarap sa pandinig kapag ito ang bumibigkas sa pangalan niya? Teka nga, nababaliw na ba siya? Ano ba itong mga kabaklaan na pumapasok sa isipan niya?!
"Pasensya ka na talaga sa katangahan ko kanina. Sige, Nathan, mauuna na ako. Ihing-ihi na kasi talaga ako, baka lumabas na. Happy birthday ulit!" natatawang sabi nito.
Iyon lamang at nakangiting umalis na si Zoey sa harapan niya habang siya ay natutulala pa rin.
Napahawak siya sa dibdib niya na naglilikot pa rin hanggang ngayon. Bakit ba sa isang iglap ay naging abnormal ang t***k niyon? Ang babaeng iyon, sino ba ito para magulo nito ang sistema ng katawan niya?!