CHAPTER 2: Proud Daughter.

2436 Words
CHAPTER 2: Proud Daughter. LUMIPAS ANG WALONG TAON... Excited si Zoey na matapos ang drawing niya. Nasa art class sila ngayon at ang sabi ng teacher nila ay iguhit nila ang kanilang pamilya. Nang matapos kulayan ang drawing niya kasama ang mga magulang ay napangiti siya. "Ayy, bakit ang tangkad naman yata ng mama at papa mo riyan sa drawing mo ha, Zoey?" Narinig niyang kinantiyawan siya ng kaklase nilang si Zeke matapos siyang magdrawing. Nakita kasi nito ang gawa niya. Dahil sa sinabi nito ay tinago niya ang drawing sa likuran niya. Bully si Zeke at palagi nitong sinisira ang lahat ng mga drawing na ginagawa niya sa school. Ang drawing niya ngayon ay mahalaga sa kanya dahil drawing niya iyon sa kanilang pamilya. "Oo nga, bakit ang tangkad ng nasa drawing mo, e mga unano naman ang mga magulang mo?" gatong naman ng kaibigan ni Zeke na si Bert na katulad nito ay bully din. "Hoy, Zoey! Akina 'yang drawing mo!" salbaheng sabi ni Zeke sabay kuha ng drawing sa likuran niya. "Ibalik mo sa akin 'yan! Akin 'yan!" sabi niya sa lalaki. "Alam mo, huwag ka nang mangarap na tatangkad pa ang mga magulang mo. Mukha ka lang normal ngayon pero sigurado ako na darating ang araw na magiging unano ka rin katulad nila. Kaparehas ninyo iyong bahay ninyo. Maliliit!" Dahil sa sinabing iyon ni Dennis ay nagtawanan ang mga kaklase niya samantalang siya naman ay naiiyak na. "Ano ka ba naman, Dennis, imposibleng bigla na lang maging unano 'yang si Zoey. Alam mo kung bakit? Kasi ampon lang siya!" Biglang nanlaki ang mga mata niya sa sinabi sa kanya ni Zeke. Galit na nilapitan niya ito. "Bawiin mo ang sinabi mo! Hindi ako ampon!" galit na sabi niya. Parang lalo pang nang-asar si Zeke at nilapit pa ang mukha sa kanya. "Bakit, totoo naman, ah? Kaya hindi ka naging unano katulad ng mga magulang mo ay dahil ampon ka! Pinulot ka lang sa tae ng kalabaw!" Sa sinabing iyon ni Zeke ay hindi na siya nakapagtimpi. Sinapak niya sa mukha ang lalaki dahilan para magdugo ang labi nito. Nang makarinig ng ingay ay doon na nilapitan ng teacher sina Zoey at nakita nito na nasaktan na ng husto si Zeke habang siya ay pinipigilan din ang sarili na maiyak. "Magsorry ka sa kanya, Zoey! Hindi maganda sa isang babae ang nananapak ng mga lalaki! Ano ka ba namang bata ka?!" Nagalit sa kanya ang teacher nila na noon ay magiliw sa kanya dahil ang sabi nito, siya raw ang pinakamagaling magdrawing sa kanila. Pero sa isang iglap, parang nag-iba na ang tingin niya rito. Para na itong mangkukulam sa mga fairy tales na binabasa nito sa kanila. "Hindi! Hindi ako magso-sorry sa kanya! Dapat lang 'yan sa kanya kasi salbahe siya!" Naninindigan na sigaw niya sabay duro pa sa kaklase. Masamang tingin na lang ang ibinigay sa kanya ng teacher niya at napabuntong-hininga pa ito na para bang disappointed sa ginawa niya. Iyon lamang at sinamahan na nito si Zeke sa school clinic. ---- "ANAK, pwede ba tayong mag-usap?" Nagwawalis si Zoey sa maliit na bahay nila nang tawagin siya ng papa niya. "Bakit po, 'pa?" nagtatakang tanong niya. Pinaupo siya ng ama sa kandungan ng ina niya habang ito naman ay hinawakan ang kamay niya. "Kinausap kasi kami ng teacher mo kanina tungkol sa panununtok mo raw sa kaklase mo," sabi ni Raul. "Anak, bakit mo naman ginawa iyon? Hindi ka naman namin pinalaki na basagbulera kahit na mahirap lang tayo," sabi naman ni Amor. Doon na umiyak si Zoey. Bigla namang nabahala ang mag-asawa sa nakitang luha ng anak. "Patawarin ninyo ako, mama, papa! Hindi ko naman po gustong suntukin si Zeke kaso salbahe po kasi siya. Ang sabi niya, hindi ko raw po kayo tunay na mga magulang dahil parehas daw po kayong mga unano. Ang sabi nila, magiging maliit din daw po ako katulad ninyo! Bakit po gano'n papa, mama? Bakit hindi po ninyo ako katulad? Ang sabi nila sa akin ay ampon lang daw ako kaya hindi raw ako naging unano katulad ninyo!" Tuloy- tuloy na ang luha sa mga mata ni Zoey. Nagkatinginan ang mag-asawa habang nakatingin sa iyak nang iyak na anak. Bumuntong-hininga si Raul. "Anak, may gusto kaming sabihin sa 'yo. Matagal na namin itong pinag-uusapan na sabihin pero hindi lang kami makakuha ng tamang tyempo. Isa pa, hindi namin alam kung maiintindihan mo na ba dahil bata ka pa," paumpisa ni Raul. "Totoo po ba ang sinasabi nila na ampon ako?" Matalinong bata si Zoey. Nakuha na agad nito ang pinupunto nilang mag-asawa. Tumago siya. Malungkot... "Ibig pong sabihin, talagang hindi ninyo ako totoong anak? Hindi na po ba ninyo ako mahal dahil hindi ninyo ako anak?" Mas lalong tumulo ang uhog ng bata. Mas dumami ang luha sa mga mata nito. Madiin naman ang pag-iling ni Amor. "Hindi 'yan totoo, anak! Kahit hindi ka man galing sa laman at dugo namin ay higit pa sa isang tunay na anak ang tingin namin sa iyo. Ikaw ang prinsesa namin. Mahal na mahal ka namin!" "Totoo po ba 'yon?" Parang naglubag kahit papaano ang loob ni Zoey. "Hindi importante kung hindi tayo magkakadugo. Ang importante ay isa tayong masayang pamilya kahit pa ano ang sabihin ng mga tao sa paligid natin. Anak ka namin kahit ano pa ang mangyari," muling sabi ni Amor. Saglit na nag-isip ang bata. Para bang tinitimbang kung ano ang sinasabi ni Amor. "Kung hindi po kayo ang tunay kong mga magulang, sino po ang mga magulang ko? May mga kamag-anak pa po ba ako?" Sa kabila ng kalungkutan ay nagawang magtanong ni Zoey. Muli ay nagkatinginan ang mag-asawa. Nag-usap ang kanilang mga mata. "Wala ka nang mga magulang, anak. Pulubi lang sa kalye ang tunay mong ina noon at namatay siya nang dahil sa panganganak sa 'yo. Dahil gusto rin naman namin na magkaroon ng anak ay kami na ang umampon sa 'yo." Si Amor ang unang nagsalita ng pagsisinungaling na iyon. Si Raul naman kasi ay hindi sanay magsinungaling. Naisip nila na kahit sinabi nila ang katotohanan kay Zoey na ampon lang ito, hindi pa rin nila maaaring sabihin dito na baka may kamag-anak pa na naghahanap dito hanggang ngayon. Iyon ay dahil bukod sa alam nilang mangungulila sila kapag nawala ang batang itinuring na nilang anak ay alam din nila na maaaring malagay sa panganib ang buhay ni Zoey kung mapapapunta ito sa mga kamag-anak nito. "Kung ganoon ay kayo na lang po pala talaga ang mayroon ako..." Maya-maya ay biglang sabi ni Zoey saka nag- angat ng ulo sa kanilang dalawa. "Kahit na hindi ko po kayo totoong mga magulang, mamahalin ko kayo ng buong puso! Kayo ang nag-alaga sa akin at nagmalasakit kahit na wala na ang tunay kong mama kaya hinding-hindi ko po kayo ikakahiya. Para sa akin, kayo ang mga magulang ko!" Dahil sa sinabing iyon ni Zoey ay pinaligiran ng luha sa mga mata sina Amor at Raul. Nayakap nila si Zoey ng buong puso. Sino ang mag-aakala na darating pa sa kanila ang biyaya na magkaroon ng isang 'anak' na matatanggap sila kahit ano pa sila? Isa talagang anghel para sa kanila si Zoey. Ito ang kanilang prinsesa at nag-iisang anak... LUMIPAS pa ang mga panahon at nagdalaga na si Zoey. Lumaki itong maganda, magalang, masipag at mapagmahal. Kahit minsan ay hindi nagbago ang tingin nito sa mga magulang kahit pa wala itong natamo kundi ang panlalait at tukso mula sa ibang tao. In fact, nang makagradute sa high school si Zoey bilang valedictorian ay proud na proud pa itong lumuhod para lang maabot ng mga magulang ang kanyang leeg para pagsabitan mga medalya. Ngayon ay first year college na si Zoey at sinuwerte siyang makapasok sa isang sikat na unibersidad bilang scholar. Ang Phoenix University. Libre ang buong pag-aaral niya sa school na iyon pero dahil kailangan pa rin niya ng allowance para makapasok araw-araw sa school at para makatulong na rin sa mga magulang, nagtatrabaho siya ngayon sa isang fastfood chain sa Makati. Hindi na niya inoobliga ang mga magulang na bigyan pa siya ng sustento pagdating sa mga gastusin nila sa school lalo pa at pilay na ngayon ang Itay Raul niya. Nabundol kasi ito ng kotse noon habang pauwi mula sa paglalako ng mga sigarilyo. Sa ngayon, ang Mama Amor naman niya ay nagtitinda na lang sa palengke ng mga gulay. "Zoey! Zoey! Tingnan mo iyong lalaking iyon, oh!" Nagulat siya nang biglang may nangalabit sa kanya mula sa likuran. Pagtingin niya ay si Karen iyon. Ang bestfriend niyang kikay. "Ano ba 'yon?" nagtatakang tanong niya. Mabuti na lamang at wala pang nakapila ngayon sa Jollibee kaya kahit magkwentuhan sila ni Karen ay ayos lang. "Nakikita mo ba iyong lalaking iyon? Si Lucas Recaforte iyon 'di ba? Iyong sikat na model ng close up! Grabe, ang gwapo- gwapo niya pala talaga sa personal!" Kinikilig na sabi ni Karen. Dinungaw niya ang kinaroroonan ng lalaking itinuturo nito sa kabilang bahagi ng dining area. Nakita nga niya roon ang Lucas na tinutukoy nito at napatingin pa ito sa kanila sabay ngumiti ng matamis. "Grabe, girl! Nakita mo ba 'yon?! Nginitian niya ako!!!" Halos mamatay sa kilig si Karen. "Hindi ba siya ganyan sa lahat? Parang playboy naman. Nginingitian tayo kahit na may kasama siyang babae," komento niya. "Ang nega mo, ha! Malay mo naman, kapatid niya lang o pinsan iyang babaeng kasama niya!" sabi ni Karen. "Tingin ko hindi. Masyado nga silang malagkit kung magtinginan sa isa't-isa, e," sabi pa niya ulit. Napatingin tuloy sa kanya si Karen. "Alam mo ikaw, girl, kung magsalita ka, akala mo naman ay nagkaboyfriend ka na. 'Di ba, NBSB ka? Bakit parang kung magsalita ka naman ay sanay na sanay ka na sa lalaki?!" oa na react nito. Natawa lang siya. "Kailangan ba talaga na magkaroon ng experience sa lalaki para lang magbigay ng observation sa kanila? Isa pa, malaki pa ang pangarap ko sa buhay kaya ayaw ko muna ng mga boyfriend-boyfriend na 'yan. Saka na lang kapag nabigyan ko na ng kotse sina mama at papa," natatawang sabi niya. "Ah, ewan! Kailan naman kaya iyon? Kapag matandang dalaga ka na? Hay naku, girl! Dapat ienjoy mo rin ang sarili mo 'no! Kung hindi ka nag-aaral, puro ka naman ot dito. Paano ka magkakaroon ng love life niyan?" Mas nagrereklamo pa si Karen kaysa sa kanya kaya mas natatawa tuloy siya. "Sinabi ko na sa 'yo, wala akong interes sa pakikipagnobyo. Ano ngayon kung tumanda akong dalaga? As long as mabibigyan ko naman ng magandang kinabukasan ang mga magulang ko," sabi pa niya. "Diyan naman ako hanga sa 'yo girl, e. Kahit alam mo na hindi mo sila totoong mga magulang ay talagang nagsusumikap ka talaga para sa kanila. Kahit pa inaasar ka na ng maraming tao kapag nakikita sila ay ayos lang sa 'yo. Kung ako sa 'yo, baka matagal na akong sumuko," komento pa nito. ―Iyon naman ang hindi pwedeng mangyari, Karen. Kahit kailan ay hindi ko ikakahiya ang mga magulang ko dahil lang sa mga unano sila katulad ng sinasabi ng ibang mga tao. Dahil kung wala naman sila ay hindi rin naman ako mabubuhay sa mundong ito. Utang ko sa kanila ang buhay ko," seryosong sabi niya. "Oo na, oo na! Nalilihis na tayo ng topic, e! Ang pinag- uusapan natin ay iyong lalaking pogi pagkatapos napunta naman sa mga magulang mo!" reklamo nito. Natawa lang siya saka na hinubad ang apron niya. "Tapos na ang shift ko kaya ikaw na ang pumalit sa akin dito sa cashier. Tama na 'yang pantasya mo sa mga mayayaman na lalaki dahil ang mga katulad nila, kung hindi babaero ay lalaki rin naman ang gusto!" natatawa na ring sabi niya. "Ewan ko sa 'yo, girl! Kontrabida ka kahit kailan!" Pinagtawanan na lang niya ang kaibigan saka na nagpaalam sa manager nila na aalis na. Palabas na siya ng Jollibee nang mula sa pintuan ay bigla na lamang may pumasok na lalaki at nagkabanggaan pa sila. Mabuti na lamang at nahapit siya nito kaagad kaya hindi siya natumba. Natigilan sila parehas nang magtama ang mga mata nila. Napakagwapo ng lalaking nasa harapan niya ngayon. Maputi ito, matangkad at bagama't may kapayatan ay naramdaman niya na ang braso nito ay may laman pa rin naman. Clean cut ang buhok ng lalaki, singkit, matangos ang ilong at manipis ang mga labi na para bang hinihigop ang natitira pa niyang kamalayan sa katawan. Para bang natutukso siya na tawirin ang distansya sa pagitan nilang dalawa para halikan ito... Sa isang iglap, para bang sa kanilang dalawa na lang umikot ang mundo. Unti-unti ay nararamdaman na rin niya na parang hindi na rin nagiging normal ang pagtibok ng puso niya. Malakas na ang pintig niyon at ang mga kamay nito na nakahawak sa dalawang siko niya ay parang may kuryente na nagpapagulo sa sistema ng katawan niya. "Miss, ayos ka lang ba?" Malumanay na tanong ng lalaki na para bang alang-alala sa kanya. Nanatili siyang nakatulala pa rin sa kagwapuhang taglay ng lalaki. Parang naengkanto na yata siya. Ano ba itong nararamdaman niya? Ito na ba ang sinasabi nila na pag-ibig? Pinilig niya ang ulo saka biglang naitulak ang lalaki sa sobrang pagkabigla niya. "A-ayos lang ako! Huwag mo akong alalahanin!" Pulang- pula ang mukha niya at tila ba hindi siya makatingin ng diretso rito. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nailang ng gano'n kagrabe sa harap ng isang lalaki. Sa sobrang hiya niya ay hindi na niya hinintay pa na magsalita ang lalaki at tumakbo na siya agad paalis sa harapan nito. Nang makalayo na siya sa Jollibee ay naupo siya saglit sa isang bench na naroon at pinakiramdaman ang puso na hanggang ngayon ay parang nagwawala pa rin sa dibdib niya. Hinawakan niya ang dibdib niya. Ano ba iyong naramdaman niya kanina? Bakit bigla na lang siyang nakaramdam ng ganoon sa isang tao na ni hindi man lang niya kilala? Ang lakas pa niyang manermon kay Karen kanina na puro lalaki ang inaatupag pagkatapos, siya rin pala ay parang gaga na bigla na lang matutulala sa isang lalaki na ni hindi naman niya kilala. Hindi na siguro kami magkikita ulit. Tama, saglit lang 'tong kabog ng dibdib ko at hindi na ulit ito mauulit. Hindi na ako ulit mawawala sa focus. Pakiramdam ni Zoey, sa iniisip niyang iyon ay niloloko lang niya ang sarili niya dahil alam niya na gusto ulit niyang makita ang lalaking iyon. Gusto niyang malaman ang pangalan nito at makilala pa ito ng lubos. Lord, please! Ayaw ko munang mainlove! Iyon ang naging dasal ng puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD