Chapter 1

2204 Words
Nakasimangot ako habang nakatitig sa mala-bundok na labahin ni Aling Marites. Hindi pa ako nagsisimula ay pakiramdam ko pagod na ako dahil sa dami. "Bakit may nakasimangot na reyna?" "Lucas!" Napalingon ako sa asawa kong si Lucas na nakasout ng puting damit at kupas na maong. Puno rin ng semento ang pantalon niya dahil sa kaniyang trabaho bilang isang construction worker. Pero hindi naitago ang angking kakisigan ng asawa ko. Kung minsan nga ay may nag-uuwi siya ng mga pagkain galing sa mga babaeng malapit sa pinagtatrabahuan niya. Tinatanggap niya iyon dahil panglaman tiyan din naming dalawa. Ni minsan ay hindi nagawa ni Lucas na magloko dahil sobrang mahal niya raw ako at ayaw niya ng wasak na pamilya, ngayon pa na nasa apat na buwang buntis na ako. "Bakit nakasimangot ang reyna ko? Baka malungkot si baby." Ngumiwi ako at nginuso ang labahin. "Ang dami." Napakamot lang si Lucas sa batok. "Mahal ko, magbibigay ng bonus ang foreman namin sa sahuran. Kaya 'wag kana muna tanggap ng labada." "Okay lang, Lucas. Kaya ko pa naman—" "Obligasyon ko bilang asawa at magiging ama ni baby natin na 'wag kayo pagurin," anito at lumapit saka hinawakan ang dalawa kong kamay. "Mahal na mahal ko kayo ng magiging anak natin, Tala." Ngumiti ako at yumakap. "Salamat, mahal ko." Tumawa siya at kumindat. "Ibang pasasalamat gusto ko." "Sira!" "Sobrang dami ba ng labahin?" tanong niya sa akin. Hinalikan ko lamang siya sa noo at ngumiti. "Medyo, pero kaya ko na 'yon. Day off mo ngayon at kailangan mo pumunta sa center para ipa-check up ang sugat mo." "Sa susunod na day off ko na lang. Gusto kitang tulungan para hindi ka masyadong mapagod," aniya at hinawi ang nakakalat kong buhok. Pinagmasdan ko ang mukha ni Lucas. Napakagwapo niya talaga at kahit ilang taon na ang lumipas ay hindi nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Malambing, maalalahanin at mapagmahal na asawa. "Mahal ko, okay ka lang ba?" Isang ngiti lamang ang ginawa ko sa kaniya. Pilit ko man iwaglit sa isipan ko ang totoo ay hindi maalis ang takot sa aking puso. Paano na lamang kung dumating ang araw na kinatatakutan ko? Kakayanin ko kaya iyon? "Tala, okay ka lang ba? Kanina ka pa parang wala sa sarili? Nag-aalala ako sa 'yo," malambing na sabi sa akin ni Lucas. "Okay lang ako. 'wag ka mag-alala." "Ako na lang maglalabada ngayon ng labahin ni Aling Marites—" "Ano ka ba?! Okay lang ako mahal ko. Alam kong pagod ka dahil sumama ka pa mag-angkat ng gulay para sa dagdag kita." Napangiti lang si Lucas sa sinabi ko. Titig na titig siya sa mukha ko kaya hindi ko maiwasang mailang. Isang bestida na may punit sa dulo lamang ang sout ko. Ang buhok kong hindi ko nasuklay ay inipit ko gamit ang clam na nabili ko sa tiangge. "Lucas, 'wag mo nga akong titigan." "Napakaganda mo sa paningin ko, Tala. Hindi mo kailangan mailang. At saka yung ganda mo, bonus lang. Kumukupas ang ganda, Tala. Pero ang magmamahal na pinapakita mo akin, hindi. Kaya 'wag ka na mailang." isang halik sa labi ang ginawad niya. ".. at hindi ako mapapagod magtrabaho kung para sa inyo ng magiging anak natin." "Pero Lucas—" Naputol ang mga sasabihin ko nang bigla niya akong kabigin at halikan sa labi. Gumanti ako ng halik para iparamdam sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Nang maghiwalay ang labi namin ay pinaupo niya ako sa upuan. Napakaswerte ko kay Lucas. Hindi man kami mayaman at kung minsan ay kinakapos, ay hindi niya ako pinabayaan. Isa siyang regalo at ang regalo hindi binabalik. Kung minsan ay hindi siya kumakain sa trabaho niya dahil iniipon niya para may makain kami pag-uwi. May pagkakataon din na kapag binibigyan siya ng katrabaho niya ng pagkain ay inuuwi niya sa akin. Minsan din ay suma-sideline siyang kargador, pahinante at taga ayos ng tubo. Nang bbirthday ko ay tinapay, kakaunting pancit canton at tubig ang handa namin pero nang dumating siya galing ng trabaho ay may dala siyang cake at regalo. Kumita siya dahil sa paglalako daw ng gulay na nakuha niya sa may gubat. Gusto ko mang makunsensya pero sa limang taon ay hindi nagkaroon ng problema ang pagsasama naming dalawa. Hindi bumalik ang alaala niya at kahit alam kong mali ay nagpapasalamat ako. Mahirap ang buhay, oo. Pero kung may katuwang ka, kakayanin naman ang lahat. Lalo na kung isang katulad ni Lucas. Umalis siya at ilang minuto pag-balik ay may dala na itong sabon para sa paglalaba. Tatlong sako ng labahin para sa limang daang piso ipambabayad lang din namin ng utang sa tindahan. "Tulungan na kita Lucas—" "'Wag na, mahal ko." Ibinaba nito ang labahin at nagsimula magbukod ng puti sa de-kulay. "Ay siya nga pala! May dala akong pancit. Initin mo at 'yon na lang ang ulamin natin." Tumango ako at tumungo sa kwarto para kunin sa bag niya ang pansit. Nang buksan ko ang bag niya ay nakita ko ang isang kulay black and white na papel. May litrato at detalye iyon ng missing person. Nanlaki ang mata ko nang makita si Lucas ang nasa litrato na kahit malabo ay nasisiguro kong siya 'yon. Limang taon na ang lumipas pero bakit ngayon lang ata siya hinahanap? Mabilis kong nilakumos ang papel at inilagay sa bulsa ng aking bestida. Lumalapit sa amin ang katotohanan at hindi ko hahayaang matapos ang pinaghirapan ko sa limang taon. Hindi ako papayag na iwan ako ni Lucas. Ako ang nag-alaga at nag-aruga sa kaniya. Ako ang nagbigay ng pangalan niya at ako ang ina ng magiging anak niya. Napapitlag ako nang marinig ang malakas na tahol ng aso namin. Kumunot ang noo ko at dali-daling tumakbo papunta sa labas. Awtomatiko akong napahinto nang makita ang mga lalaking magaganda ang bihis na animo'y gwardiya ng presidente. "Lucas!" tawag ko sa asawa ko. Lumingon siya sa 'kin at kitang-kita ko ang naguguluhan niyang reaksiyon. Mabilis akong lumapit at iniharang ang sarili mula sa mga lalaking dayo. "Anong kailangan niyo?" tanong ko. "Mahal ko, itong mga lalaking 'to ay sinasabing hindi Lucas ang pangalan ko." "Miss Tala, tama? Alam kong alam mo ang dahilan bakit kami narito." "Hindi ko alam. Umalis na kayo." Tumalikod ako at akmang papatalikurin si Lucas nang muling magsalita ang lalaki. "Kailangan naming iuwi sa totoo niyang pamilya si Sir Thaddeus—" "Hindi siya si Thaddeus. Siya si Lucas. Asawa ko siya at mag kakaanak kami—" Isang malakas na pag-tulak ang ginawa sa akin dahilan para tumalsik ako at sumalampak sa lupa. Awtomatikong gumalaw ang kamay ko papunta sa aking tiyan para protektahan ang aking anak. Napangiwi ako nang maramdaman ang sugat sa tuhod ko. "Putangina mo ah!" Malakas na suntok ang ginanti ni Lucas sa lalaking gumawa niyon sa akin. Agad niya akong dinaluhan nang tumumba ang lalaki. "Tala? Are you okay?" Nanlaki ang mata ko sa aking narinig. Nagsalita siya ng ingles at napakaperkpekto niyon pakinggan sa kaniya. "Lucas." "Tala, hindi ko kayang makita na may nanakit sa 'yo. Alam mong kaya kong pumatay." Hinaplos ko ang pisngi niya. "Okay lang ako Lucas." "Napakagaling mo namang manlinlang babae." Tumayo si Lucas at lumapit sa kanila. Kitang-kita ko ang nangangalit na mata ng asawa ko. "Umalis na kayo rito sa pamamahay ko habang kaya ko pang magtimpi. Dahil oras na saktan niyo ulit ang pamilya ko, itaga niyo sa bato. Iisa-isahin ko kayo." Kuyom ang kamao na sambit ni Lucas sa kanila. "Pinoprotektahan mo ang taong hindi mo lubusang kilala?" Ang lalaki na animo'y lider ay tumingin sa kasama at hinawakan si Lucas sa magkabilang braso. "Bitawan niyo ako!" "Lucas! " Nahihirapan man ay tumayo ako at akmang lalapit nang harangin ako ng isang lalaki. Sunod-sunod ang pagtulo ng luha ko dahil sa takot na baka ito na ang araw na kinatatakutan ko. Malakas si Lucas pero tatlong tao ang humawak sa kaniya at nang may idikit ito ay bigla na lamang nanginig si Lucas na halos mawalan ng ulirat. Nasasaktan ako sa aking nakikita, hindi nila p'wedeng gawin ito sa amin. "Lucas! Bitawan niyo ang asawa ko! Pakiusap!" Isang lalaki ang pumipigil sa akin. "Isakay na si Sir Thaddeus sa kotse," utos ng lider. Nanlaki ang mata ko at boung lakas na lumusot sa nakaharang sa akin. Mahigpit akong kumapit sa mga lalaki para pigilin silang kunin si Lucas. Ngunit isang malakas na paghatak sa akin palayo ang ginawa ng lider nila dahilan para muli akong matumba. Hindi p'wede! "'Wag! Pakiusap!" lumuhod ako sa harap ng kanilang lider. Nagmamakaawa kahit magmukha akong mababang uri. "You don't have any idea how mad the Madam, miss." Umangat ang ulo ko sa sinabi niya. Nakakaintindi ako ng ingles pero parang hindi ko naintindihan ang sinabi niya. "H-ha?" "You're lucky that you're pregnant. Dahil kung hindi, dapat ay papatayin ka namin dahil sa ginawa mo." "H-hindi ko maintindihan—" "You kidnapped the son of Susana Calientes. At hinding-hindi niya mapapatawad ang ginawa mo." Susana Calientes? "Hindi ko siya kilala—" "At 'wag mo na siyang kilalanin. Forget that the man named Lucas existed in your life. Walang Lucas, wala kang asawa. 'Yan ang dapat mong gawin. And we will spare your life." Natulala ako sa sinabi niya. Pero kahit sila pa ang pinakamakapangyarihang tao sa mundo, hindi ko isusuko si Lucas. "T-tala..." bulong ni Lucas sa nahihirapang boses. Hindi ko mapigilang maiyak dahil sa nangyayari. Sinubukan kong tumayo para bawiin ang asawa ko nang isang malakas na sabunot ang aking natanggap. "Bitawan niyo si Lucas! Asawa ko siya!" sigaw ko habang nakahawak sa kamay na nasa buhok ko. "Napakataas ng pangarap mo, miss. Isa kang mababang-uri ng babae para maging asawa ng isang Calientes." Malakas na sampal at marahas na pagtapon sa akin ang aking natanggap. Si Lucas ay namumula ang mga mata dahil sa galit. Ang kaniyang mga ugat ay nagsisilabasan na para bang gusto niyang kumawala mula sa panghihina na sanhi ng bagay na dinidikit sa kaniya. Tinutukan ako ng lalaki ng isang baril. "Isa kang mababang uri ng babae, Miss—" "'W-wag. P-pakiusap..." sigaw ni Lucas. "Babawiin kita, mahal ko. Pangako, babawiin kita," saad ko sa pagitan ng hikbi. Isang pagod na ngiti ang gumuhit sa labi ni Lucas. Hikbi at iyak ang kaya kong gawin sa ganitong sitwasyon. Hindi ko mapigilan ang sobrang lungkot habang umaalis bitbit ang wala ng malay na si Lucas. Nang makasakay sila ay agad silang umalis. Tumayo ako at hinabol ang sasakyan. "Lucas! Mahal ko!" Masakit ang nangyaring ito at babawiin ko ang asawa ko. Napasalampak ako sa lapag dahil sa sakit at panghihina. Bumalik ako sa pagiisa na lubos kong kinatatakutan. "'Wag ka mag-alala anak. Babawiin natin ang papa mo," bulong ko sa sarili habang hinahaplos ang aking tiyan. Isang malungkot na ngiti ang nasa labi ko ngunit bou ang desisyon ko ilaban si Lucas. Alam kong mahal ako ng asawa ko at kahit bumalik man ang alaala nito ay mananatili ang nararamdaman niya para sa akin. Usok at alikabok ng sasakyan na lamang ang nakikita ko. Wala ng bakas ng kahit ano. Naglakad ako pabalik sa bahay namin. Nang tingnan ko ang mga labahin ay nakakalat iyon, marurumi dahil sa ginawa ng mga lalaki kanina. Ang mga balde ay basag dahil natamaan ko ito nang tabigin ako. "Anak ng?!" Gulat akong napalingon sa sumigaw. "Aling Marites—" "Anong Aling Marites!" isang basang damit ang itinapon nito sa mukha ko. "Tingnan mo ang ginawa mo sa mga damit ng mga dalaga ko?! Kahit kailan talaga Tala napakapalpak mo! Yung mga balde ko binasag mo? May pambayad ka ba? Ni ultimo nga pambili ng pisong chichirya 'di mo magawa! Bwisit!" "Pasensya na po. Lalabhan ko na lang—aray!" Napa-igik ako nang batuhin ako nito ng basag na balde. Napahinto naman siya nang makitang dumugo ang gilid ng aking pisngi. Ngunit agad ding bumalik ang masungit na mukha. "Manang-mana ka sa nanay mo pokpok! Kung hindi lang ako naawa sa 'yo sa tingin mo magpapalaba ako?" Nilagpasan niya ako at napailing. "Ibalik mo sa akin ang mga damit. Papa-laundry ko na lang 'yan sa bayan." Tumango ako at sinimulan magligpit ng kalat-kalat na damit. "Bakit kasi mag-aanak anak ka pa. Alam mong patapon ang buhay mo. Tapos iniwan ka pa ng lalaking pinagyayabang mo dito. Oh, sino ngayon ang magiging tatay niyang bata sa sinapupunan mo? Pwe!" "Hindi niya ako iniwan—" "P'wede ba, Tala. Kalat na kalat ang balita ngayon-ngayon lang. Nakita ko sa gc namin na naghahabol ka pa sa sasakyan. Nakita ng dalawang mata ko na umiiyak ka, at saka sino ba naman kasi papatol sa 'yo." "Tama na ho. Ibabalik ko na lang ang—" "Patapon kang bata ka—" "Tama na! Hindi pa po ba sapat ang mga sinabi niyo!" Umismid ito at umiling. "Kawawa ang anak mo sa 'yo," anito at tumalikod saka nagkalikot ng bulsa. Umalis na ito at naiwan akong nagliligpit. Pinunasan ko ang mga luhang kumawala sa mga mata ko. Parang winawasak ang puso ko at gusto ko na lamang mawala. Bakit kailangan gawin sa akin 'to? Bakit ako? Napadapa ako sa lupa dahil sa pagod. Iniyak ko ang lahat ng sakit. Babawiin kita Lucas. Hintayin mo ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD