PINAGPAPAWISAN at kinakabahan na sumubo ng adobo si Adelentada dahil sa sinabing iyon ni Ruperto. Halos hindi siya makatingin dito dahil sa pag-aalala na baka bumalik na ang alaala nito. Dapat pala ay itinago niya kanina ang toyo at suka para hindi ito nakapagluto ng adobo! Ngayon na yata magtatapos ang maliligayang araw niya.
“Naalala ko na…” Pabitin na sabi ni Ruperto.
“Naalala na ano?” Magkakasabay na naman silang tatlo.
“Naalala ko na… baka ipinagluluto kita palagi ng adobo!” anito.
Sabay-sabay na huminga nang maluwag silang tatlo habang tila nahimasmasan na napasandal sa upuan.
“O, bakit ganiyan ang reaksyon niyo?” Nagtatakang puna ni Ruperto sa kanila.
Palihim na pinandilatan niya ng mata sina Maxima at Odessa. Ang ibig sabihin niya doon ay umayos ang dalawa. Saka niya muling hinarap si Ruperto. “Wala naman, asawa ko. Ang ibig sabihin namin ay… congratulations!” At pumalakpak pa siya nang walang humpay.
“Congratulations? Bakit?”
“Dahil tama ka sa naalala mo. Madalas mo nga akong ipagluto ng adobo dahil favorite ko ito. Haay… Nakakatuwa ka naman, asawa ko. Kahit may amnesia ka ay naaalala mo pa rin ang ating nakaraan!” Sa tuwa niya dahil hindi pa rin pala ito nakakaalala ay pinisil niya ang magkabilang pisngi ni Ruperto.
Natutuwang tinanggal ni Ruperto ang dalawa niyang kamay sa pisngi nito at magkasunod na hinalikan iyon. Napasinghap naman si Adelentada sa ginawa nito.
“Hayaan mo, simula ngayon ay palagi na kitang ipagluluto ng adobo!”
“Ah, `wag naman palaging adobo, asawa ko. Pwede namang menudo, afritada o kaya ay sinigang. Maraming Pinoy foods, try mo din iyong iba!” Nakangiti ngunit nakangiwing sabi niya.
Kailangan kasing pigilan niya ito sa pagluluto ng adobo dahil baka tuluyang bumalik ang memorya nito.
“Asawa ko, salamat talaga, ha. Sana palagi kang `andiyan para ipaalala sa akin lahat ng nakalimutan ko.” Madamdaming sabi ni Ruperto sa kanya.
“Oo naman, asawa ko…”
“`Wag kang mag-alala. Kung nakalimutan ka man ng isip ko, hindi naman nakalimutan ng puso ko kung gaano kita kamahal!” At isang mabilis na halik sa labi niya ang ibinigay nito. “Kain na tayo?” anito pagkatapos.
Padabog na inilapag nina Odessa at Maxima at kutsara’t tinidor sa lamesa sabay tayo. “Wala na! Uwian na! May nanalo na!” sigaw pa ni Maxima.
Well, mamatay kayo sa inggit! Aniya sa kanyang utak sabay belat sa dalawang bakla.
“LOLO… Lolo… Lolooo!!!” Napabalikwas ng bangon si Adelentada mula sa isang panaginip. Napapitlag siya nang maramdaman niya ang isang kamay na dumampi sa kanyang likuran. At nakit niya ang nag-aalalang mukha ni Ruperto nang lumingon siya sa kanyang tabi.
“Bakit, asawa ko? Nanaginip ka ba?” tanong nito.
Tumango siya. “Si Lolo Vicente… Humihingi siya ng tulong sa panaginip ko…”
“Lolo Vicente? Parang pamilyar ang pangalan niya…”
“Ah, eh… Pamilyar talaga siya sa’yo, asawa ko. Kasi nga lolo ko siya. Naikukwento ko na siya noon sa’yo. Matagal ko na kasi siyang hindi nakikita. Lampas sampung taon na rin siguro. Miss na miss ko na siya, asawa ko…” Malungkot na sabi niya.
“Gusto mo bang bumisita sa kanya? Gusto mo bang samahan kita?”
Agad ang pag-iling ni Adelentada. “Naku, hindi na! Ako na lang ang pupunta. Isa pa, hindi makakabuti sa iyo ang mahabang biyahe. Dito ka lang sa bahay, asawa ko!” Pagtutol niya.
Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Ruperto. “Ang sweet-sweet naman talaga ng asawa ko! Palagi na lang akong inaalala!”
Kinikilig naman na ginantihan niya ang yakap nito. “Siyempre naman, asawa ko! Mahal na mahal kaya kita!”
“Mahal na mahal din kita, asawa ko!”
Siya na ang unang kumalas sa pagkakayakap. “Tulog na tayo ulit, asawa ko?”
“Sige, asawa ko!” At magkasabay silang humiga. “Humawak ka lang sa akin para hindi ka na managinip ng masama, asawa ko…”
“Saan ba ako hahawak? Dito ba?” At pabiro niyang hinawakan ang ibabaw ng p*********i nito.
“Pwede rin naman!” Natatawang sagot nito. “Pero hindi diyan… Dito dapat.” Kinuha ni Ruperto ang kamay niya at itinapat iyon sa puso nito. Halos tumirik naman ang mata ni Adelentada sa sobrang kilig na nararamdaman.
Kung papatayin man siya ni Ruperto ay hindi sa pamamagitan ng kutsilyo o kung ano pa man kundi sa kilig! Grabe ito kasi sa kanya!
NAGING maayos naman ang mga sumunod na araw para kay Adelentada. Isinasama na rin niya si Ruperto sa laundry shop at minsan ay nanghuhuli ito ng ipis at daga dahil ang alam nito ay iyon ang trabaho nito. Naging maingat na rin siya sa mga sinasabi niya kay Ruperto upang maiwasan nitong maalala ang tunay nitong nakaraan. Alam niyang pagsisinungaling at pananamantala sa kalagayan ni Ruperto ang ginagawa niya pero iniisip na lang niya na ginagawa niya iyon dahil mahal niya ito, nais niya itong makasama. Isa pa, nakasalalay din dito ang kanyang kaligtasan.
“Asawa ko, naubos ko na yata ang mga daga dito sa shop. Halos wala na akong makita, e!” Nagmamalaking sabi ni Ruperto sa kanya isang gabi habang nasa laundry shop sila.
Kinikwenta na niya ang kinita nila para sa araw na iyon. Magsasara na rin kasi sila dahil medyo malalim na ang gabi. Sina Odessa at Maxima naman ay nasa tabi niya at may hawak na mga brochure na hindi niya malaman kung ano at para saan. Basta busy ang dalawang bakla.
Sandaling inihinto ni Adelentada ang ginagawa niya para bigyang pansin si Ruperto. “Ang galing naman talaga ng asawa ko… Pero tama na ang panghuhuli mo ng mga ipis at daga. Tulungan mo na lang ako dito sa pagbibilang ng kinita natin.” Nakangiti niyang turan dito.
Pumasok naman ito sa counter at tinulungan siya.
“Oo nga pala, bakit nga pala wala akong makitang picture nating dalawa sa bahay? Lalo na no’ng kinasal tayo?”
Biglang natigilan si Adelentada sa tanong na iyon ni Ruperto. Nagkatinginan sila nina Maxima at Odessa. Nagpapasaklolo siya sa dalawa pero tila wala ring maisip na sagot ang mga ito sa tanong na iyon ni Ruperto.
Pinagpawisan tuloy siya. Hanggang sa makaisip siya ng palusot. “Ah, ganito kasi iyan, asawa ko…” aniya at humawak pa siya sa braso ni Ruperto. “Last month kasi ay bumagyo ng napakalakas tapos ang taas ng baha! Abot hanggang bubong natin. Na-wash out lahat ng gamit natin at nakasama doon mga pictures natin. No’ng pumunta tayo ng Baguio, Enchanted Kingdom at kung saan-saan pa! `Yong wedding picture naman natin ay dini-develop pa. Hayaan mo, kapag hindi na ako busy ay kukunin ko iyong mga pictures.” Pagsisinungaling na naman niya.
“Sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno. Sinungaling…” bulong ni Maxima.
Sa gigil niya kay Maxima ay binatukan niya ito. “Anong sabi mo?!”
“W-wala, ate!” anito.
“Teka nga, ano bang ginagawa niyong dalawa diyan? Ano ba `yang hawak niyo, ha?”
Si Odessa ang sumagot. “Ah, sideline namin ito, ate. Si Maxima ay dealer ng Avon habang ako naman ay sa Natasha!” Pagmamalaki nito.
“Good! Mabuti iyan na may sideline kayo. Pa-order ako diyan sa Avon at Natasha niyo bukas!”
“Natasha?” Napatingin silang lahat kay Ruperto nang biglang banggitin nito ang salitang iyon. Nalilitong napahawak ito sa ulo nito habang nakayuko. “Natasha…” ulit nito.
Patay na! Nakalimutan niya na kilala nga pala nito ang Ate Natasha niya!
“NATASHA… Natasha… Natasha…” Paulit-ulit na sambit ni Ruperto.
Marahan siyang tumayo at nakaramdam siya ng pananakit sa kanyang ulo kaya napahawak siya doon. Maagap naman siyang dinaluhan ni Adelentada nang makita nito na para bang nahihilo siya. Hinawakan siya nito sa kanyang braso.
“Asawa ko, o-okay ka lang ba?” Nag-aalalang tanong nito.
“Natasha? S-sino si Natasha?”
“Wala iyon, asawa ko! Ayos ka lang ba? Namumutla ka! G-gusto mo ba ng tubig?”
Nang tignan niya si Adelentada ay malabo ang mukha nito. Parang umiikot ang kanyang paligid. Umaalingawngaw sa kanyang pandinig ang pangalang ‘Natasha’ sa hindi niya malamang dahilan.
Ipinikit niya ang kanyang mata at isang imahe ng babae ang kanyang nakita. Hindi kagandahan ang babae at may kahabaan ang mukha.
“Natasha…” Ulit niya.
Pilit niyang inaalala kung sino ang may-ari ng pangalan na iyon at sino ito sa buhay niya.
“Kumuha kayo ng tubig! Bilisan niyo!” utos ni Adelentada kina Maxima at Odessa.
Pagkatapos niyon ay wala nang makita si Ruperto. Kadiliman na lang ang kanyang nakikita. Hanggang sa unti-unti siyang nanghina. Nanginig ang kanyang tuhod at natumba siya. Ang huli niyang natatandaan ay ang paghampas ng kanyang noo sa isang matigas na bagay at kasunod niyon ay pagyakap sa kanya ng kadiliman.
HINDI mapakali si Adelentada. Kanina pa siya palakad-lakad sa loob ng hospital room kung saan nila dinala si Ruperto pagkatapos nitong mawalan ng malay at humampas ang noo nito sa kantuhan ng lamesa. Kasama niya rin doon sina Maxima at Odessa na abala pa rin sa pagbubuklat ng brochure ng Avon at Natasha. Habang si Ruperto naman ay nakahiga pa rin at walang malay.
Kinakabahan siya dahil baka sa pagkakabanggit ng pangalan ng kapatid niya ay bumalik na ang alaala nito. Tapos naumpog pa ang ulo nito. Sa mga pelikula at soap opera, kapag nauuntog o nababagok ang isang taong may amnesia ay bumabalik ang memorya nito. Baka ganoon ang mangyari kay Ruperto.
“Ang ganda nitong T-back, o… Bagay kaya ito sa akin?” Narinig niyang tanong ni Odessa kay Maxima.
“Bagay naman. Pero iyong pink ang piliin mo…”
“Talaga? Sige, bibilhin ko na ito. Tamang-tama dahil malapit na ang--”
Mabilis na hinablot ni Adelentada ang mga brochure na hawak ng dalawa at akala mo ay galit na dragon na pinagpupunit iyon at tinapak-tapakan!
“`Yan! `Yan ang nararapat diyaaan!!!” Kulang na lang ay bumuga ng apoy si Adelentada ng oras na iyon.
“Ateee!!! Bakit mo siniraaa?!” Mangiyak-ngiyak at naghihisterikal na pinulot nina Maxima at Odessa ang mga punit-punit na papel sa sahig. Pilit na pinagdidikit ng dalawa ang mga iyon.
“Nang dahil diyan ay baka bumalik na ang alaala ni Ruperto! Leche!” Humihingal na sagot niya.
“Pero, ate, iyan ang sideline namin! Bakit mo sinira?” Umiiyak na si Maxima.
“Wala akong pake! Mag-iba na lang kayo ng sideline! Bakit kasi Avon at Natasha pa?! Magtinda na lang kayo ng balut o kaya ay gumawa kayo ng graham balls!”
“Hindi naman kasi namin alam na Natasha pala ang pangalan ng--”
Halos busalsalin na ni Adelentada ang bunganga ni Odessa nang banggitin nito ang pangalan ng kapatid niya. “Sige, banggitin mo pa! Banggitin mo pa!” gigil na turan niya.
Sinaklit na rin niya sa leeg si Maxima dahil para sa kanya ay may kasalanan din ito. Nangigigil na ni-wrestling niya ang dalawang bakla.
Lahat sila ay napatingin kay Ruperto nang marinig nila na mahina itong umungol. Iyon pala ay nagising na ito. Dilat na ang mata at nakatingin sa kisame.
Binalot ng kaba at takot si Adelentada.
Bumalik na nga ba ang alaala ni Ruperto? Natatandaan na naman ba nito na kailangan siya nitong patayin? Diyos ko! `Wag naman sana! Piping panalangin niya.
Parang natuklaw ng ahas silang tatlo nang mapagawi ang tingin ni Ruperto sa kanila at kumunot ang noo nito.
“H-hello…” Nag-aalangan na sabi niya. “G-gising k-ka na pala…” At kinakabahang tumawa siya.
“Adelentada…”
“N-natatandaan mo na ako?”
Tila tumigil ang pagtibok ng puso niya nang sandaling matigilan si Ruperto na para bang nag-iisip ito. Matagal itong nakatingin sa kanya habang hinihintay niya itong magsalita.
“Oo naman. Ikaw ang… aking asawa.” Nakahinga siya nang maluwag nang malaman na hindi pa rin pala bumabalik ang alaala nito. “Anong ginagawa niyo diyan? Nag-aaway ba kayo?”
“Ah, eh… Hindi! Naglalaro kami. Oo, naglalaro!” Pangiti-ngiting palusot niya.
“Naglalaro? E, bakit parang sinasaktan mo sina Maxima at Odessa?”
“Sinasaktan? Hindi!” Kuntodo iling pa siya. “Naglalaro kami ng Doktor Kwak Kwak! Tignan mo!” aniya sabay pilipit sa braso nina Maxima at Odessa.
Malakas na napa-aray ang dalawa sa sakit. Nakangiwi ang mga ito na parang hindi maipinta ang mga mukha. Akala mo ay pinainom ng isang bote ng suka. Nang makuntento na siya sa pananakit sa dalawang bakla ay marahas niya itong binitiwan at natumba ang dalawa sa sahig.
Nagmamadali na nilapitan niya si Ruperto at hinaplos ang gwapong mukha nito. Tuwang-tuwa siya. Hindi siya makapaniwala na hindi pa rin bumabalik ang memorya nito. Ibig sabihin lang nito ay patuloy pa rin siya sa pagpapanggap bilang asawa nito.
Maluha-luha niya itong niyakap at hinagkan sa noo.
“O, bakit naman ganiyan ka makayakap sa akin, asawa ko?” tanong ni Ruperto sa kanya.
Biglang sumingit si Odessa. “Nagpapasalamat lang iyan kasi hindi bumalik ang--” Hindi na nito naituloy ang sasabihin dahil tinakpan agad ni Maxima ang bibig nito.
“Nagpapasalamat si ate kasi hindi na bumalik iyong naniningil ng kuryente sa bahay!” pagsalo ni Maxima.
Kumunot ang noo ni Ruperto. “Totoo ba iyon, asawa ko?”
Mabilis siyang tumango sabay pahid ng luha. “Oo, asawa ko. At bukod pa doon, nagpapasalamat din ako kasi ligtas ka na, nagising ka na!” aniya.
“Ikaw naman… Maliit na bagay lang ito kumpara sa aksidenteng nangyari sa akin. Saka, hinding-hindi kita iiwan. Tandaan mo `yan. Mahal na mahal kita, Adelentada… asawa ko!” anito.
Damang-dama ni Adelentada ang sensiridad sa bawat katagang binitiwan nito. Sana nga lang ay sinasabi nito iyon hindi dahil may amnesia ito at ang alam nito ay mag-asawa sila kundi dahil iyon talaga ang nasa puso nito.
“Mahal na mahal din kita, Ruperto!” sagot niya at muli niya itong niyakap. Sana ay mapatawad mo ako oras na bumalik na iyong alaala. Ginawa ko lang naman ito dahil sa pagmamahal ko sa’yo… dugtong niya sa kanyang utak.
Nang araw din na iyon ay nakalabas na ng ospital si Ruperto. Wala naman itong grabeng pinsala na nakuha bukod sa sugat nito sa noo.
BAGO matulog ng gabing iyon ay nilinis muna ni Adelentada ang sugat ni Ruperto sa ulo. Kapwa sila nakaupo sa gilid ng kama at magkaharap. Natutuwa siya dahil pagaling na ang sugat na nakuha nito mula sa aksidente. Iyon nga lang, may panibago na naman itong sugat sa noo. “`Ayan… Gagaling na iyang sugat mo!” aniya pagkalagay niya ng benda. Hinalikan pa niya ang benda ni Ruperto.
“Sa galing mo ba namang mag-alaga, e, talagang gagaling agad ako, asawa ko!”
“Alam mo, binobola mo na naman ako!” sabi niya sabay tayo.
Bigla siyang hinila ni Ruperto kaya naman napaupo siya sa kandungan nito. “Dito ka lang!” anito sabay ngisi.
Medyo kinabahan siya sa uri ng pagkakangisi nito. Parang may kasama iyong… pagnanasa! “R-ruperto, a-anong binabalak mo?” Pabebeng tanong niya.